MAINGAY na paligid. Maraming sumasayaw. Bukod doon ay marami ring manginginom. Naghalo ang amoy ng alak at usok. Tipikal na eksenang nabungaran ni Whartoner habang akbay si Hiroshi.
"Sa taas tayo!" malakas na pagkakasabi sa kanya ng babae.
Alam na niya ang patutunguhan kapag narating nila iyon. Papagurin siya nito nang husto sa kama.
"Umorder muna tayo ng inumin," balik niyang sigaw. Iyon ang naiisip niyang palusot. Wala rin kasi siya sa mood.
Kung si Valeria ka lang sana, kanina pa kita hinatak doon.
Muling sumikip ang dibdib niya. Kailangan niya talagang magpakalango sa alak.
"Hey, easy lang. Mahaba pa ang gabi at marami pa tayong gagawin," awat sa kanya ni Hiroshi matapos nang tatlong magkakasunud-sunod na tungga.
"Huwag kang mag-alala, ibibigay ko ang gusto mo pagkatapos nito," kumindat pang sabi niya.
Isang oras pa ang lumipas hindi na siya makatayo sa sobrang kalasingan kaya inis na inis man si Hiroshi ay nagtawag na ng mga tao para tulungan siyang i-akyat ang binata.
"Sandali!" harang ng isang lalaking may suot na headphone na wala naman talagang pinapakinggan, props lang iyon minsan.
Masamang tingin ang ipinukol ni Hiroshi nang makilala ito.
"Bakit ka naman narito, Wang Ai?"
"Whoa! Kaibigan niya ako. Sige na, ako nang maghahatid sa kanya."
"Mabuti pa nga dahil mukhang problemado ang lalaking 'yan," pagpayag ni Hiroshi.
Walang reklamong binuhat ni Wang Ai na parang sako ng bigas ang katawan ni Whartoner dahil sa tantiya niya, hindi ito ganoon kabigat at tama nga siya.
"Hay, saan ba kita ihahatid? Ang lakas kasi ng loob kong magpresinta. Tsk!"
Nahinto ang pagsasalita niya nang gumalaw si Whartoner.
"Ibaba mo ako. Kaya kong umuwing mag-isa."
"Hoy! Huwag kang malikot. Malapit na tayo sa kotse."
Hilik ang naging tugon nito kaya mahina siyang natawa. Marahan niya pa itong isinakay sa malapit sa driver's seat saka siya umibis ng takbo sa kabilang bahagi at nag-umpisang magmaneho.
MAHAPDI na ang tiyan, masakit pa ang ulo nang magising siya kinabukasan. Nang hindi makilala ang paligid at mapansing nakahubo siya ay mabilis na bumangon.
"What's up!"
Noon niya tinapunan ng tingin ang lalaking may dalang pagkain na nasa tray.
"Paanong--- hindi naman tayo, alam mo 'yong ano? Shit!"
Inilapag muna ni Wang Ai sa side table ang dala-dala saka tumawa nang pagkalakas-lakas.
"Paano kung ginawa nga natin?"
Napangiwi siya pero hindi maitago ang hiya pagkuwa'y muling sinilip ang sarili---ang sandata niyang tayong-tayo na tila handa na naman makipaglaban.
Bakit ka naman pumatol sa kapwa lalaki nang wala akong kamalay-malay?
"Biro lang. Ikaw itong naghubad kagabi kaya hinayaan ko na lang. Isa pa, bakit naman kita papatulan?"
Biglang rumehistro sa isip niya ang sinabi ng magandang kaklaseng si Janine.
"Ibig sabihin, hindi ka totoong bakla?" Muntik na niyang masapok ang sarili dahil sa nasabi niya.
"Sipain kita, gusto mo? Ganoon lang ang ipinapakalat nila dahil hindi ako nagpakita ng interes sa mga babae pero ang totoo niyan engaged na ako," seryosong paliwanag nito.
"Pasensiya na, pre."
"Wala iyon. Mag-almusal ka na dahil may pasok pa tayo. Huwag ka nang mag-cutting classes next time at saka uminom lang nang kaunti para kaya pa ring umuwi," anito pa habang hinahalo-halo ang kape sa tasa.
"O, heto pala. Mas kailangan mo 'to dahil mas active ang sex life mo kaysa sa akin," dugtong pa bago hinagis sa kanya ang isang silver na pakete.
Natatawa siyang kinuha iyon.
"Condom?"
"O, bakit? Hindi ka ba gumagamit niyan?" nangunot na ang noong tanong ni Wang Ai.
"Hindi, e. I mean, hindi ko pa nasubukan," pag-amin niyang ikinahagalpak nito ng tawa.
"Kaya pala---ano kasi," naglikot ang mga matang sabi bago dinugtungan ng isa pa, "basta gamitin mo 'yan para hindi ka magkalat ng lahi," at sunud-sunod na itong humigop ng kape.
At siya nakahubong tumayo bago nahihiyang nagtanong, "Saan ang banyo mo?"
Walang imik na itinuro iyon ni Wang Ai.
SABAY silang pumunta sa eskuwela nang araw ring iyon sakay ng bisikleta at paminsan-minsan ay nagtatawanan.
"Close na kayo?" hindi makapaniwalang tanong ng mga kaklase nilang babae nang sabay silang pumasok ng classroom.
"Siguro," nakatawang sagot nilang pareho at nagpaunahang tumakbo sa bukas na bintana.
"Ako ang nauna," parang batang sabi ni Whartoner na umupo agad doon.
"Ang daya naman! Sabi ko, kapag absent lang ako puwede kang umupo sa teritoryo ko. Sa akin na 'yan, e!" nagdadabog na sabi ni Wang Ai.
"Ako kaya ang nauna rito," ayaw magpatalong sabi niya.
"Sa rooftop na nga lang ako," nakasimangot na pagsuko ni Wang Ai at mabilis humakbang paalis.
"Ai, sandali!" habol ni Whartoner na muntik pang mapatid dahil sa pagmamadali.
Nagkatinginan na lang ang mga naiwang saksi at sabay-sabay na nagsalita.
"Close na nga sila."
HABOL ang hininga nang marating ni Whartoner ang rooftop habang pinagmamasdan ang likod ng nakadipang si Wang Ai.
"Alam mo bang maliban sa sariwang hangin, gusto ko rin ng tahimik na lugar? May musika man o wala basta laging nakatanaw sa bintana," sabi nitong nilingon siyang nakangisi.
"Huwag ka ngang ngumisi ng ganyan. Nakakaasar, e!" saway niya bago umupo sa sementadong sahig.
"Bakit ikaw? Ang hilig mo nga ring ngumisi, naasar ba sila? Nagtilian, oo," tudyo ni Wang Ai at saka ginaya ang pagkakaupo niya.
"Matanong nga kita, iyong tungkol sa fiancee mo, nasaan siya ngayon?" paglihis niya ng usapan.
"Hindi ko pa siya na-meet. Baka next week. Pinag-uusapan pa kasi."
"Ano? Puwede ba 'yon?" hindi kumbinsidong usisa niya.
"Oo naman. Ganoon ang mayayaman at negosyante. Ipagkakasundo ang mga anak nila at walang magagawa. Suwertehan na lang kung magka-inlove-an. Sana."
"Kung ako 'yon, hindi ako papayag," aniyang humilata at ginawang unan ang braso.
"Hindi rin. Ipapahanap ka kasi nila kahit saang lupalop. Teka nga, di ba Chinese ka rin? Dapat alam mo 'yon," susog ni Wang Ai.
"Half lang. Ang tatay ko lang ang Chinese, si nanay hindi."
Mahina siyang sinuntok ni Wang Ai sa tugon niyang iyon.
"Gago! Chinese ka pa rin 'no?"
"Mahirap na Chinese," matabang na sabi niyang tumingin sa maulap na langit.
"Sorry about that," guilty namang sabi ni Wang Ai at ginaya na ang pagkakahilatang iyon. Tumingin din kung saan nakatingin ang katabi.
"Tama lang ang panahon, ano? Kalmado," parang sarili lang ang kausap na sabi ni Whartoner.
"Sa likod ng kalmadong ulap na iyan ay naroon ang nagbabadyang ulan. Tignan mo, mamaya," parang siguradong sabi ni Wang Ai na nagpipigil ng tawa.
"Hay, huwag naman ganoon. Ang puti kaya ng ulap kapag naging kulay abo 'yan saka lang ako aalma," kontra niya.
Natatawang bumangon si Wang Ai. Hindi kasi siya mananalo kay Whartoner dahil marami rin itong alam.
"Ang ibig kong sabihin, bell na kaya tumakbo na tayo pababa dahil ayokong mag-guidance sa kakatambay natin dito," sabi na lang niyang tinulungan bumangon si Whartoner.
Tamad na tamad pa nga ito pero napilit din niya sa huli.