Isa sa mga bisita ni Ronwaldo ay si Bonnie Guevarra. Isang mayamang may-ari ng GUEVARRA FOODS, isang frozen foods manufacturer. Kagaya ng ilang mga malalaking frozen food manufacturers, isa ang kumpanya ni Bonnie sa mga kinikilala hindi lang sa Cebu kundi sa buong bansa. Dating security guard si Bonnie pero sa hindi malamang dahilan ay nagkaroon ito ng kapital para magsimula ng maliit na frozen foods factory, hanggang sa sumikat at ito na ang naging staple ng mga restaurant at mga store sa bayan. Tinawag siyang "magic man" dahil sa maliit na kapital ay nakapagpalago siya ng ngayon ay napakalaking kumpanya.
Isang text ang natanggap ni Bonnie na nagbigay sa kaniya ng pagtataka. Nasa gallery room ito at kinailangan niyang lumabas para lamang sa nagtext sa kaniya.
"Sir Bonnie, punta po kayo ng swimming pool ng mansion mamayang alas onse. May gusto lang po akong sabihin na importante tungkol doon po sa reklamo ng ilang kumpanya tungkol sa natanggap nilang hotdog at tocino. Baka po kasi ma-TV pa tayo."
Hindi niya alam kung sino ang sender, pero concerned parin siya dahil ito ang isa sa mga kinakaharap niyang problema sa kasalukuyan. Marami kasing mga franchise owners ang nagreklamo sa kanila dahil ilan daw sa kanilang mga dineliver na hotdog at tocino ay expired na. Marami sa mga nakakain ay na-ospital. Kinailangan nilang bayaran ang damage na nasa isang milyon.
Tinignan ni Bonnie ang kaniyang wristwatch. Nasa alas dies y media na. Halos naguwian na rin ang mga tao. Ang natitira na lamang na nakita niya ay ang mga artistang bisita ni Ronwaldo at ang ilang mga kabataan na hinihintay ang kanilang mga magulang.
"Tama na rin to, walang masyadong makakarinig sa sasabihin kong paraan para di na kami gumastos ng malaki sa arrangements ng mga walang hiya!" ito ang nasa isip ni Bonnie habang hinihintay ang taong nagtext sa kaniya.
Sa hindi kalayuan, nakatayo sa madilim na banda ng swimming pool ang serial killer. Hinihintay niyang walang makakita sa kaniya sa kaniyang gagawing krimen. Nang nakatayo na si Bonnie sa mismong bench ng swimming pool, naisipan niyang manigarilyo muna. Madilim ang banda ng swimming pool dahil hindi pinayagan ni Ronwaldo ang mga anak ng guests na mag-night swimming, maging si Chelsea, dahil naiisip niyang kapag mga ganitong party ay marami sa kanila ang nalalasing at tsaka lumalangoy pa.
Unti-unting binunot ng lalake ang kaniyang baril na itinago niya sa kaniyang bag. Naisahan niya ang mga guardia at naitago nito ang kaniyang gamit. Isang Silenced 9MM. Kapag pinaputok ito, hindi maririnig ang baril dahil sa silencer nito sa mismong bunganga ng 9MM. Nang makita niyang sinindihan na ni Bonnie ang kaniyang sigarilyo, agad niyang pinaputukan ito. Bumulagta sa pool ang matanda na ni isa ay walang nakarinig sa pagbaril sa kaniya. Hindi nagtagal ay narinig ng lalake ang huni ng Police Siren mula sa kararating lang na sina Senior Inspector Phillip. Napangiti ito bago nawala sa kadiliman. Natanggap ni Phillip ang kaniyang "love letter".
---
Hindi maipinta sa mukha ng nasa mansion nang makita nila ang bangkay ni Bonnie sa swimming pool, na ngayon ay isang crime scene location na. Kanina lang ay napakasaya niyang tumingin sa mga painting nang biglang nakitang wala na itong buhay.
"Just like I said, there's something bad that will happen," mahinang wika ni Johann kay Hilda habang nakaupo silang lahat sa salas. Sinikuhan siya ni Hilda na tumahimik, lalo na't walang natutuwa sa sinasabi niya.
Maging sina Kaeden, Hailey at Josephine ay hindi makapaniwalang sa ganitong party ay mayroon paring mangyayaring hindi maganda. Ang nais kasi nila, makapagrelax sa mga nangyari sa kanila sa mga nagdaang araw, pero parang sinusundan sila ng kamatayan.
"Gaya ng sabi mo? Alam mong may mangyayaring hindi maganda dito sa mansion? Baka naman may koneksyon ka?" agad na tanong ni Phillip kay Johann. Kilala ng buong Cebu ang ugali ni Phillip, hindi ito basta-bastang nagbibiro at kung seryoso ito, huwag mong bibiruin. Mas lalong dinilatan ni Hilda si Johann nang marinig mula sa Senior Inspector ang sagot sa biro nito.
"I was just joking sir. Pero, sa totoo lang I had this feeling, you know," sunod ni Johann. Hindi parin niya makita at mabasa ang hangin na hindi nakikipaglokohan sa kaniya ang kausap.
"This is just a hunch, pero pakinggan mo ko, sir. Taga-Violent Crimes din kasi ang kapatid ko back in South Korea. Sabi niya, if serial murders happen, hindi nakakapagtakang dire-diretsong papatay ang killer na yun. No matter where," patuloy ni Johann.
"Johann, ano ba!? The senior inspector isn't joking with you!" saway ni Hilda.
May naisip si Stephen na nagbigay sa kaniya ng pagtataka at pagdududa sa bagong kaibigang si Dustan. Alam niyang hindi basta-basta sasama ang mga ito sa isang party na hindi naman sila gaanong interesado.
"Teka nga lang, hindi kaya andito kayo hindi dahil sa party kundi…" hindi tinuloy ni Stephen ang salita niya kay Dustan para hintayin kung totoo ang hinala nito sa kaniya.
"Oops, seems like you got us!" sagot ni Dustan at may kinuha ito sa bulsa ng suot niyang coat.
"We got this before meeting you. Love letter from someone who calls himself Ace of Spades," patuloy nito. ipinakita niya ang sulat kay Phillip at walang duda, parehas na sulat sa natanggap niya. Nang makita ito ni Enrico, agad siyang nagulat at ipinagtaka kung bakit maging ang mga artistang ito ay may natanggap na sulat.
"Sir…" tawag ni Enrico, at hinawakan ang sulat, bago muling tumingin kay Phillip.
"Mukhang pinaglalaruan tayo ng serial killer. Kung nabigyan niya kayo ng mga sulat na ganyan, ibig sabihin, talagang gusto niyang malaman na may papatayin siya sa araw na ito. Sumusobra na ang serial killer na ito!"
"Pero pinagtataka namin, bakit naman kami niya bibigyan? Kilala ba namin siya? Of all the people in our circle, iilan lang ang kakilala namin at lahat sila, karamihan malinis ang record…" tanong naman ni Dustan, na siyang unang nakatanggap ng sulat bago ang iba. Tanging si Johann lamang ang hindi nakatanggap at walang ideya sa mangyayaring krimen.
"I think, I know the reason for that – " sabat ni Hailey, na kanina pa nakikinig sa usapan ng lahat. Tumingin sa kaniya sina Enrico at Phillip, na para bang hinihintay ang paliwanag niya.
"Nung nasa Germany ako, may isang serial killer doon na gustong gusto niya na nakikita ng tao ang mga ginagawa niya. Para bang naghahanap siya ng recognition o pinapansin siya ng mga tao. This is the same case doon sa kilalang killer sa Canada. Gusto niyang mapansin siya ng mga tao, ng media o kaya naman ng buong mundo. This killer wants the attention and the eyes of the people on him…or her."
Hindi nagsalita si Phillip sa paliwanag ni Hailey, imbes ay tinignan niya ito na para bang kinakaliskisan kung dapat ba siyang paniwalaan o hindi.
"Ah, teka, parang pamilyar ka sa akin. Ikaw ba yung nasa internet? Yung nagmamake-up?" tanong nito. Tila hindi malaman ang mukha ni Enrico dahil papaano alam ng boss niya ang tungkol sa ganoong klase ng bagay.
"Ikaw kasi yung pinapanood ng asawa at anak ko eh. Ah, oo. Hailey Mallari. Nabasa ko na ang pangalan mo sa pahayagan dati. Ikaw ang tinatawag nilang "Female Mycroft", tama?"
Hindi makapaniwala si Hailey na ang isang pulis na katulad ni Phillip ay kilala siya. Hindi dahil sa asawa at anak nito o dahil sa career na ginagawa nito sa Youtube, kundi dahil alam niya ang tawag sa kaniya ng German Police Force.
"Paano niyo – "
"Basurero sa Germany ang kapatid ng asawa ko. Saktong malapit sa kung saan ka nakatira dati. Nakwento niya na may isang babaeng Filipina na tumutulong sa kapulisan ng Germany para lutasin ang mga malalaking kaso nila. Hindi ko aakalaing dito pa kita makikita sa jurisdiction ko."
Tumalikod si Phillip sa dalaga at tumingin sa labas ng salas mula sa transparent borders ng mansion. Naalala niya ang isang text message mula sa kaniyang kasamahan sa academy noon na si Basil Del Valle. Sabi niya ay nasa Cebu ang anak ng dating kilalang detective na si Red Boa Vista, gayon din ang talentado nitong pamangkin na si Hailey Mallari. Maaari silang makatulong sa nangyayaring serial murders sa kaniyang lugar. Parang tumutulong ang kapalaran sa kaniya at ngayon ay kaharap niya ang isa sa mga tinutukoy ng kaniyang kaibigan.
"Well then, siguro kailangan na ninyong lahat na magpahinga. Kami na muna ang bahala sa crime scene, iimbestigahan namin ang buong pangyayari. Sigurado akong hindi ito ang huling gagawin ng serial killer."