Chereads / Case Book of Detective Kaeden (TAGLISH) / Chapter 33 - Curious Case of the Kind Professor: File 3

Chapter 33 - Curious Case of the Kind Professor: File 3

MANSION FUEGO DE LUNA, DEL CARMEN RESIDENCE

Naghanda ang lahat maliban sa salarin. Nang marinig nila ang doorbell niya, agad siyang pinapasok ng kasambahay nina Amara.

"Oh, Ma'am Amara, pinatawag niyo daw ako?" tanong ng pamilyar na boses. Nakatingin lamang sa kanya ang lahat hanggang nagsalita si Kaeden, na kasama sa mga naroon sa sala ng mansion.

"Napaka-talino ng ginawa mo para patayin si Sir Osman. Hindi ko inaakalang napakasimple nito, pero nakalusot sa mata ng mga pulis, dahil sa galing ng pagkakagawa mo," pauna ng binata dito. Ikinabigla ito ng salarin. Parang hindi niya inaasahang iyon ang sasabihin ng binata sa kanya.

"A-anong ibig mong sabihin, Kaeden?"

"Dahil din sa iyo kaya ko nalaman ang balak mo kay Sir Osman. Binalak mo noong una na patayin siya gamit ang isang napakasimpleng bagay, pero hindi mo ito nagawa. Kaya nagisip ka ng mas mabilis na paraan. Pumunta ka sa hardin nina Ma'am Amara at inilagay ang Aconitum sa gitna ng mga lavender. Hindi ito napansin ng hardinero, kaya't nang mailagay ito sa inumin ni Sir Osman, unti-unti mo siyang pinatay."

Nagulat ang lahat sa narinig. Unti-unting napatingin ang kanilang mga mata sa kamay ng binata nang maituro ang salarin. Walang iba kundi si Edgardo.

"K-Kaeden, ginugulat mo naman ako! Anong pinatay? Namatay si Sir Osman dahil na rin sa katandaan. Walang pumatay sa kanya," paliwanag ni Edgardo.

"Alam ko ang ginawa ninyo para magmukhang namatay siya sa katandaan. Sa una ninyong balak, hindi gumana ang ginawa niyong paraan. Nagtataka siguro kayo, Ma'am Amara, sa ibig kong sabihin," baling ni Kaeden sa may bahay.

Binuksan ni Kaeden ang kanyang cellphone at hinanap ang litrato na nakuha niya sa zoo. Ipinakita niya ito isa-isa sa mga naroon, sa kasambahay, kay Edel, Amara, Berto at Tommy. Litrato ito ng mga tigre na wala ang kanilang mga balbas.

"A-ano yan?" tanong ni Berto. Hindi niya maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng litrato.

"Failed plan, Mang Berto. Sigurado akong narinig niyo na ang tungkol sa mga naipost sa internet na sinasabi nilang nakakamatay daw ang pagkain ng mga balbas ng tigre. Pero sa katotohanan, hindi ito epektibo at wala pang siyentipikong patunay na talagang nakakamatay nga ang mga ito. Pero nagtataka siguro kayo, kung bakit si Edgardo ang may gawa nito, at hindi si Chef Edel. Sa pagkakaalam ko, lumalabas si Sir Osman noon. Maaaring nagkikita sila ni Edgardo, at sinasalisihan niya ang pagkain ni Sir Osman, ngunit gaya nga ng nasabi ko, hindi epektibo ang paraang iyon. Naging desperado na siya – hanggang sa ginawa niya ang mas mabilis na paraan. Kung wala si Mang Tommy, pupunta si Edgardo sa hardin at maglalagay ng iisang Aconitum sa gitna ng mga lavender. Kung sasakahin na ito, halos hindi mo mapapansin dahil na rin sa kulay, at siguradong madali na itong maihahalo sa mga nakuhang lavender," patuloy ni Kaeden.

"Pero, paano nakakasigurado si Edgardo na si Sir Osman ang makakainom ng tsaa? Sa dami ng ginagawa ko, hindi ko man lang mapapansin na ang iseserve namin ay may halong aconitum?" tanong ni Edel. Nagtaka ito, dahil nasa isip nito na maaaring maging siya ay nakainom din ng lason.

"It's a clever trick indeed. Pero sinigurado niya ang oras at araw na si Sir Osman lang ang iinom. Ang alam ko, tatlo lang ang umiinom ng Lavender tea. Ikaw, si Ma'am Amara at si Sir Osman. Kaya tsinambahan niya ang oras na nang gawing tsaa ang may halong aconitum, siya lang ang iinom."

Natawa si Edgardo sa narinig. Hindi niya aakalaing siya ang mapagbibintangang pumatay sa guro. Ipinagwalang bahala niya lamang ito at hinarap ang nasabi ng binata.

"Hindi ako makapaniwalang lahat kayo naniniwala sa sinasabi niya. Kahit ikaw pa ang anak ng dating magaling na detective, hindi totoo ang mga sinasabi mo. At pwede kita idemanda sa mga sinasabi mo!" depensa ni Edgardo.

"Tsaka, ang alam ko, hindi siya sinaktan ng asawa ko, Kaeden," dagdag ni Amara. Hindi nagpadaig dito si Kaeden. Naging matatag siyang hinarap ang lahat. Hinintay niya ang pagdating nina Inspector sa mansion. Ilang minuto lamang ay nag-doorbell ito at nakapasok agad sa mansion nang mabuksan ng kasambahay ang pintuan.

"Inembistigahan naming ang bota na gamit mo sa trabaho. Hindi ko lubos maisip na para sa isang zookeeper, may matatagpuan kaming aconitum fragments sa mga gamit mo. Hindi ka naman naghahardin," wika ni Inspector, at ipinakita sa lahat ang resulta ng pagcheck nila sa mga gamit ni Edgardo.

"Ibig sabihin, pumunta ka sa hardin at inilagay ang wolfsbane doon. Madali naming naalis si Mang Tommy sa listahan ng mga pumatay, dahil naroon siya bilang hardinero. Maaring isipin ng kahit sino na maging siya ay isang suspek. Pero tinignan ko ito sa ibang anggulo. Isa sa lahat ng mga may motibo ang naiiba sa lahat. One of them had something in them na wala sa working grounds nila. Ikaw iyon, Edgardo. Maging ang lupa na nasa hardin lang ay nasa bota mo. Hindi mo pwedeng ikaila na ikaw ang naglagay ng halaman doon," patuloy ni Kaeden.

Nang makita ni Edgardo ang mga ebidensya laban sa kanya, ipinikit niya ang mga mata at sumandal sa pader.

"The detective who finds the true angle in the pit of distractions, makes him not only better, but opens the chains of doubts," wika ni Edgardo, at tumingin kay Kaeden. Naalala ng binata ang nasabing ito ng zookeeper. Ito ang nasa notebook ng kanyang ama.

"Isang beses ko nang nakita ang iyong ama noong buhay pa siya. Yan ang sabi niya sa akin nang nakilala ko siya sa isang café. Napakabait ngunit may talim ang kanyang isip. Oo, ako nga ang pumatay kay Osman. Akala ko wala nang makakapansin sa bota ko. Hindi ko na inalalang nilinis pa, leche."

Nagulat ang lahat sa pag-amin ni Edgardo. Unang tinanong ni Amara si Edgardo kung bakit niya ito nagawa.

"Siguro naman naalala niyo ang dahilan kaya ako natanggal sa trabaho. Dahil sa sumbong ni Osman, nawalan ako ng trabaho. Pero hindi lang iyon ang laman ng galit ko sa kanya. Dahil nawalan ako ng trabaho, hindi ko naipagamot ang nanay ko. Dahil pinairal lang niya ang kagustuhang ma-promote, sinumbong niya ako sa mga nakakataas sa posisyon. Nang matanggal ako, siya na ang naging head ng mga propesor matapos ang ilang buwan," patuloy ni Edgardo.

"A-akala ko, nahanapan mo parin ng solusyon ang pinang-opera mo?" tanong ni Edel.

"Sana nga totoo ang kasinungalingan kong iyan. Ayaw kong malaman ito ng karamihan, kaya tinago ko ang lahat hanggang sa mabaon na sa limot ng mga tao ang nangyari sa nanay ko. Si Osman mismo, naniwalang napagamot ko ang aking ina pero hindi lang talaga siya nagtagal. Hanggang sa naisip ko ang planong maghiganti. Namatay ang aking ina dahil wala akong perang pangpagamot sa kanya. Ang naisip ko lang na paraan ay ang tumanggap ng pera sa mga estudyante ko kapalit na pumasa sila. Noon, 'yun lang ang naisip kong paraan – na sisirain lang ni Osman."

"Napakabobong dahilan, Mr. Edgardo," sabat ni Inspector.

"Siguro nga, sir. Pero para sa akin, doon ko natagpuan ang kaligayahan. Nagawa ko na ang dapat para maipaghiganti ko ang aking ina."

Napailing na lamang si Kaeden sa narinig mula kay Edgardo. Mabilis na pinosasan ng Inspector si Edgardo at dinala sa presinto. Nabalot ng katahimikan ang buong mansion sa nasaksihan at nalaman tungkol kay Osman. Bawat isa sa kanila ay hindi malaman kung masisiyahan ba't napatay si Osman ng isang taong napagmalupitan niya, o maaawa kay Edgardo sa nangyari sa kanyang ina.