Chereads / Case Book of Detective Kaeden (TAGLISH) / Chapter 24 - Curse of Almira Murder Case: File 1

Chapter 24 - Curse of Almira Murder Case: File 1

Sampung taon ang nakakaraan nang isang malagim na trahedya ang bumawi sa buhay ng isang pamilya. Nasunog ang bahay ng mga Monteverde at hindi nailigtas ng mga bumbero ang mga tao sa loob. Masakit para sa buong bayan ang nangyari dahil ang mga Monteverde ay isang napakabait at matulunging pamilya. Sa kasamaang palad, hindi lang ito ang trahedyang magaganap sa bayang iyon.

---

Malalim na ang gabi ngunit halos wala paring tulog sina Inspector Basil at SPO2 Alfred Santiago. Balak na sana nilang umuwi nang tumawag ang provincial police station na sakop nila tungkol sa isang insidente. Mabilis namang inaksyunan ito ng dalawa.

"Hindi kaya sinumpa talaga ang probinsiyang iyon?" tanong ni Alfred sa Inspector, habang binabasa ang destino nila. Kilala ang probinsiyang iyon sa mga hindi pa naipapaliwanag na kababalaghan, gaya ng mga pinapaniwalaang multo, engkanto at kung anu-ano pa.

"Naniniwala ka talagang sumpa ang dahilan kung bakit nangyayari 'yon?" natatawang wika ni Basil sa kaniyang partner, habang minamaneho ang police car papunta sa kanilang destino. Kapo-promote lamang nito at siya ang napiling magiging kasama ni Basil sa kanilang kaso.

"Inspector naman, siyempre hindi. Pero hindi mawawala sa isip mo kung paanong nangyayari ang mga bagay na iyon," sagot ni Alfred.

"Santiago, may dahilan ang lahat. Siguradong nasakto lang ang mga nangyari. Minsan ang mga tao, kapag hindi nila maipaliwanag ang isang bagay, naghahanap sila ng mapagsasandalan ng kanilang paliwanag. Hence, superstitions are made," paliwanag ni Basil.

Tumango si Alfred sa narinig na paliwanag. Ang misyon nila ay puntahan ang probinsiya ng Vicente Cruz, kung saan natagpuan ang bangkay ng isang manager ng bangko, si Carlos Sembrano. Ayon sa initial report, isa itong case of suicide. Ang unang taong nakakita sa bangkay ay ang kasambahay ng mga Sembrano na si Miranda Segovia. Alas siyete ng gabi nang matagpuan nang mangyari ang lahat. Kinakatok ni Miranda ang pintuan ng kwarto ng amo para ipaalam na nakahanda na ang hapunan ngunit walang sumasagot. Sinubukang buksan ni Miranda ang pintuan ngunit naka-lock ito. Nagalala ang asawa ni Carlos tungkol dito kaya't minabuti nilang buksan ang kwarto gamit ang spare key. Dito na tumambad ang katawan ni Carlos, nakabigti at wala nang buhay.

Kasalukuyang binabasa ni Alfred ang report. Detalyado ito ngunit para sa kaniya, wala paring tatalo sa on the scene investigation. Mas gusto nito ang nakikita niya mismo ang pinangyarihan ng krimen kaysa sa mga scene reports at mga case photos mula sa Forensics.

Nakailang liko ng sasakyan si Basil bago tuluyang huminto at tinapik si Alfred. Nginala ng pulis ang kaniyang mata at nakita ang ilang tao sa malapit na mansion. Namukhaan agad ni Alfred kung sino ang mga ito. Ang kasambahay na si Miranda, dalawampu't tatlong taong gulang (23), ang asawa ng biktima na si Karina Sembrano, apatnapu't limang taong gulang (45), at ang kanilang dalawang anak na sina Marco, labing siyam taong gulang (19) at si Crisanto, dalawampu't limang taong gulang (25). Agad na bumaba sina Alfred at binate ang mga ito.

"Misis, mula kami sa malapit na siyudad. Sakop parin ito ng aming jurisdiction kaya kami ang pumunta," paliwanag ni Basil kay Karina.

"Salamat, Inspector. Tuloy kayo sa loob. Sinabihan na din kami ng mga tanod na hindi galawin ang bangkay hangga't di kayo dumarating," sagot nito at pinaunlakan sa loob ng mansion.

Dumiretso sina Inspector sa mismong kwarto ni Carlos kung saan naroon ang kaniyang bangkay. Ibinaba na ito ng mga tanod at nilagyan ng kumot. Dahan-dahan niyang inalis ito para tignan ang estado ng katawan.

"Nagsimula na ang rigor mortis. Ayon sa post mortem lividity ng katawan, nasa isang oras na ang nakalipas nang mamatay siya," paliwanag ni Alfred habang ininspeksyon ang katawan. Tinignan ni Basil ang itaas na bahagi ng leeg ng bangkay. Mayroon itong mariing mga marka na galing sa tali.

"Misis, alam niyo po ba kung ano ang dahilan kung bakit nagpakamatay ang asawa niyo?" baling ni Basil kay Karina na nakatayo sa pintuan ng kwarto kasama ang kaniyang mga anak at kasambahay; nagaabang kung ano ang masasabi nila tungkol sa nangyari.

"Nothing that I know of, sir. Tsaka, hindi naman suicidal na tipo ng tao si Carlos. Wala sa ugali niya ang gumagawa ng mga ganitong bagay," sagot niya.

"Wala ba siyang mga kaaway? Both business or personal?"

"Wala din sir. Isa ang asawa ko sa mga gumagawa ng donation drive. Mahal siya ng mga tao dito. Hindi ko maiisip na may magagalit sa kaniya."

"Inspector, check this out," tawag ni Alfred kay Basil. Nasa harap ito ng lamesa at tinitignan ang laman ng drawer. Kinuha nito ang apat na ticket mula sa drawer at ibinigay ito sa Inspector.

"Seaside Aquatic Ocean Park. Apat na tickets."

"Nangako si Carlos na magbabakasyon kami. Bumili siya ng ticket para sa amin," wika ni Karina nang makita ang kinuha ni Alfred mula sa drawer.

"Inspector, hindi ba nakakapagtakang nagplano siya ng bakasyon at bumili ng ticket tapos biglang gagawin ito?" tanong ni Alfred.

Tahimik si Basil na tumingin sa partner at saglit na ibinaling ang kaniyang mata sa bangkay. Iginala niya pagkatapos ang tingin sa kwarto. Malinis ito at tila walang signs of struggle. Hindi rin siya makakita ng kahit na anong marka na may ibang taong nakapasok sa kwarto ni Carlos. Nakasarado ang mga bintana at naka-lock din ang mga ito.

"You have a point. Bakit pa siya gagawa ng mga ganitong bagay kung may plano siya. Pero Santiago, there's no signs of struggle. Clearly, this is a case of suicide," paliwanag niya sa partner.

"Sir, hindi ito konektado sa kaso pero..." hindi naituloy ni Crisanto ang sasabihin, na hinihintay ang atensyon ng dalawang pulis sa kaniyang sasabihin.

"Ano iyon?" sagot ni Alfred.

"Sir, nakatanggap kasi si Papa ng isang mail last week. Walang address yung sender. Basta nakalagay sa mailbox naming tapos nakalagay lang ito sa maitim na envelope," patuloy ni Crisanto.

"Mail? Maaari ba naming makita ito?"

Tumingin si Crisanto sa ina. Nang tumango ito, mabilis na kinuha ni Crisanto sa kabilang kwarto ang liham. Iniabot niya ito kay Alfred.

"Itinapon yan ni Papa pero kinuha ko. Hindi ko alam pero hindi ako naniniwalang isang prankista lang ang naglagay niyan sa mailbox. Sabi kasi niya, baka nananakot lang ang naglagay o di kaya mga naghahanda para sa Halloween. Pero hindi ako naniniwalang gagawin iyan ng mga taga-dito," paliwanag ni Crisanto.

Binuksan agad ni Alfred ang envelope at kinuha ang papel sa loob. Inilapit niya it okay Basil para mabasa nila kung ano ang laman niyon.

"BILANG NA ANG MGA ORAS MO. MAGBABAYAD KA NA SA KASALANAN MO."

Ito ang nakasulat sa papel. Nagkatinginan ang dalawa sa nabasa. Nang mabasa ito ni Basil, hindi siya kumbinsidong biro lang ang nakasulat.

"Kukunin namin ito. Maaaring may makukuha kaming leads. Hindi pa ako makakapagsalita sa ngayon pero hindi namin ito iru-rule out as suicide. Kailangan naming ilagay sa autopsy ang bangkay. I hope you're settled with that," wika nito sa pamilya.

"Please, Sir. Hindi ako naniniwalang magpapakamatay si Carlos! Parang awa niyo na, gusto kong malaman kung bakit niya ginawa ito," patuloy ni Karina. Hindi na nito napigilan ang pag-iyak sa dinanas ng asawa.

"Don't worry Mrs. Sembrano, we will do all we can," sagot ni Basil.

"Inspector, kung hindi suicide ang nangyari, are you saying..." Bulong ni Alfred.

"Yes, Santiago. Kung tama ang hinala ko, isa itong kaso ng locked room murder."

"Sir, kailangan natin ng background checking sa pamilya. Anong kasalanan yung sinasabi ng nakasulat at kung may mga naka-alitan dati ang biktima."

Tumango si Inspector sa nasabi ng partner. Tama siya, hindi ito basta-bastang kaso lamang. Kailangan nilang malaman kung ano talaga ang nangyari.

---

Madilim ang kaniyang kwarto at tanging ang liwanag mula sa screen ng kaniyang laptop ang nangibabaw sa oras na iyon. Mariin niyang binasa ang mga nakalagay sa isang PDF. Nang mabasa niya lahat ang nakalagay dito, agad niyang idinial ang isang numero sa kaniyang cellphone. Mabilis na sumagot ang tao sa kabilang linya.

"Nabasa mo na ba ang lahat ng gagawin mo ayon sa planong binigay ko sa iyo?" tanong ng taong tinawagan niya. Baritono ang boses nito.

"Sigurado ka bang hindi ako mahuhuli ng mga pulis?" tanong niya dito. Mahinang tumawa ang lalake bago sumagot.

"Huwag kang mag-alala. Gaya ng naunang planong ibinigay ko sa iyo, siguradong magiging perpekto ang lahat. Ikaw ang maghahatid ng hustisya sa kanila," sagot ng lalake bago tuluyang pinutol ang tawag. Ang lalakeng iyon ang nagbigay sa kaniya ng isang 'murder plan' na siya ang gagawa. Sa katotohanan, nagbigay ito sa kaniya ng pag-asang makakamit niya ang hustisyang ipinagkait sa kaniya. Napatingin siya sa larawang nakalagay sa kaniyang lamesa na nasisinagan ng mahinang liwanag.

---

Nakadalawang tasa na ng kape si Basil ngunit wala paring lumalabas sa kaniyang paghahanap ng koneksyon sa kung mayroong naka-alitan ang suicide victim na si Carlos. Malinis ang record nito at ni walang kahit isang law offenses. Kilala din ito sa mga pagbibigay ng relief goods kung may sakuna, nangunguna sa pagbibigay ng pera bilang pondo sa provincial projects at iba pa. isang napakabuting tao, sa isang salita.

Binuhat niya ang huling kahon mula sa old records ng kanilang opisina at inilagay sa kaniyang lamesa. Laman nito ay lahat ng mga naging kaso sa probinsiya ng Vicente Cruz. Karamihan sa mga ito ay listahan ng petty crimes at solved cases. Habang bikulat niya ang ilan sa mga ito ay napansin niya ang naka-ipit na dyaryo sa isang folder. Kinuha niya ito at agad na binasa ang headline. Tungkol ito sa isang fire accident ilang taon na ang nakakalipas.

FIRE ACCIDENT KILLS A WHOLE FAMILY OF FIVE IN VICENTE CRUZ .

Natatandaan niyang nangyari ito nang isa pa lamang siyang SPO2. Inimbestigahan nila ito noon kung may nangyaring foul play, ngunit lumalabas na dahil ito sa isang faulty wiring kaya nangyari ang aksidente. Hindi na nailigtas ng mga bombero ang pamilya dahil sa lakas at bilis ng apoy na tumupok sa lugar na iyon. Kilala din sa probinsya ang namatay na pamilya, ang pamilya Monteverde. Kagaya ni Carlos, tumutulong din sila sa mga iba't ibang medical drive. Ang haligi ng tahanan na si Antonio Monteverde ay isang doktor, ang kaniyang asawa naman ay isang guro sa mababang paaralan ng Vicente Cruz. Ang kanilang anak na sina Janica at Tristan ay nasa murang edad pa lamang nang mangyari ang aksidenteng iyon.

"Sa pagkakaalam ko, ito lamang ang kaso ng sunog na faulty wiring ang dahilan. Nakakapagtaka kasi kakaunti pa lamang ang de kuryente sa panahong iyon, hindi katulad ngayon."

Akmang ibababa na niya sana ang hawak na dyaryo nang makita ang pangalan ni Carlos bilang isa sa mga kaibigan ng namatay na pamilya at umasikaso sa pagpapalibing sa kanila. May kung anong tinig na bumulong sa kaniya na may koneksyon ito sa nangyari kay Carlos ngayon.