"Murders can happen anywhere. By land, air or sea."
---
"Saan ka naman magbabakasyon?" tanong ni Kaeden kay Josephine na masayang ibinalita sa kaniya ang pagbabakasyunan niya ngayong semestral break.
"Sa beach, saan pa nga ba!? Pero kailangan ko ng kasama...at alam mong ikaw lang ang wala pang pagbabakasyunan hindi ba...?" masayang sagot ng kaibigan. Ang kaniyang pagsusumamo ay tila nakakapagpagaan ng loob, maging si Kaeden a gusto sanang matulog lang sa bahay ay hindi mahihindian ang maamong mukha at pakiusap ng kaibigan. Napakamot na lamang siya ng ulo at pumayag sa bakasyon na iyon.
Matagal-tagal din sila nung nakapagbakasyon siya sa school camp na iyon, ngunit tila hindi naging maganda dahil nagkaroon ng di inaasahang pangyayari. Inaasahan niyang sa beach naman na pupuntahan nila ay maging tahimik na ang kaniyang bakasyon. Napapansin kasi nitong tuwing magkakaroon siya ng pupuntahang lugar ay laging may mangyayari.
---
Matapos ang ilang oras na biyahe, narating nila ang West Leaf Beach, ang kanilang vacation site. Kasama nila sa bakasyon ay ang dalawang kaibigan at kapamilya ni Josephine. Matagal nang magkaibigan ang kanilang pamilya kaya't hindi na bago sa kanila si Kaeden. Nakakapagtaka lamang na siya lagi ang isinasama ni Josephine, kaya't nagtaka ang mga ito kung may relasyon ba silang dalawa. Namumula ang mukha ng dalaga at sinagot silang magkaibigan lamang ang mga ito.
Sa rest house nilang pinuntahan ay nakasalubong nila ang apat na tao. Nang tinanong nila kung sino sila ay agad silang nagpakilalang bakasyonista at kasama nilang maninirahan sa malawak na rest house. Sila ay sina Amera De Varga, Simeon Arcanghel, Drigo Dela Cruz, at Arianne Santa Fe. Mula sa kanilang pananalita ay agad na napansin ni Kaeden ang kanilang propesyon. Tama nga lamang na magkaroon sila ng bakasyon dahil masyadong nakaka-stress ang puro na lamang trabaho sa buong buhay.
Una nilang pinuntahan ang kweba malapit sa beach. Napansin ni Kaeden na may mga mangingisda sa kabilang baryo na napadaan kanina sa rest house. Narinig niyang pinag-uusapan nila ang tungkol sa mga nakukuha nilang blowfish mula sa karagatan. Inaasahan nilang magandang huli ang makukuha nila ngunit ilan sa mga ito ay hindi karaniwang mga isda.
"Ang ganda pala dito sa loob!" wika ni Josephine habang pinagmamasdan at kinukunan ng litrato ang looban ng kweba. Kasama na rin nila ang apat na bisita doon. Naging maayos ang lahat at walang naging aberya. Sunod nilang pinuntahan ang sinasabing Mountain Shrine sa itaas naman ng kwebang yaon. Naging masaya ang araw ni Kaeden, mukha ngang hindi siya magkakaroon ng abala sa ngayon. Napapansin niyang laging may namamatay sa kaniyang pinupuntahan. Nakakatakot mang isipin, hindi niya dapat bigyang kahulugan iyon. He should enjoy the place, that's it.
"Swimming time!" wika ni Josephine, habang kinakatok ang pintuan ng kwarto ni Kaeden.
"Saan?" sagot ng binata, na hindi pa binubuksan ang pintuan.
"Sa pool! Bukas daw, let's go underwater! Mag-aalas-sais na eh...!"
"Ano to, night swimming?"
"Ganun na nga!"
Napabuntong hininga na lamang si Kaeden at binuksan ang pinto. Nabigla siya sa nakita. Naka-swimming suit lang si Josephine hawak ang isang towel. Ngayon niya lang napansin na sexy pala ang kaibigan. Lagi kasi niya itong inaasar na matakaw at taba noong bata sila. Namula ang kaniyang pisngi at inilihis ang tingin sa dalaga. Ayaw niyang ipahalata na namangha siya sa nakita.
"B-bakit...? Pangit ba ang swimming suit ko?"
"H-hindi...b-bagay nga sa iyo eh..."
Ngumiti naman ng matamis ang dalaga. Hinawakan nito ang kamay ni Kaeden at dinala sa swimming pool.
"Kung gayon tara na...! na-miss ko ang swimming pool!" wika nito habang kinaladkad ang binata patungong swimming pool. Wala na siyang magagawa kundi ang sumama dito at mag-enjoy sa paliligo sa pool. Naroon din sa ibang swimming pool ang mga bisita, halatang nagkakasayahan sila at nagkakantahan pa.
"Nasaan kaya ang isa sa kanila...? Tila nawawala yung isang babae..." bulong ni Kaeden kay Josephine.
"Alam mo, huwag mo nang alalahanin ang iba...mag-enjoy nalang tayo...oh hetong lemonade..." sagot ng dalaga sabay abot sa kaniya ng isang basong lemonade.
Sa madilim na parte ng resort ay ngumit ang isang hindi kilalang tao. Sa kaniyang pag-ngiti ay umalis siya mula sa kinatatayuan at sa kaniyang mga tingin ay tila mayroon siyang tagumpay na makakamtan.
Naglakad sina Kaeden sa resort at nilampasan naman ang swimming pool malapit sa resort ng kasama nila. Napansin ni Josephine ng tila salbabidang nakalutang sa swimming pool.
"Tita, mayron palang hindi marunong lumangoy sa kanila..." natatawang wika ni Josephine sa kaniyang kapamilya habang tinitignan ang lumulutang na iyon sa swimming pool ng kabilang resort. Liningon ni Kaeden iyon at tila hindi natawa sa nakita. Hindi lang salbabida ang nakita niya...kundi may taong nakalutang doon!
"H-hindi, may tao doon!" agad niyang sabi at pinuntahan ang kabilang resort. Sumama ang lahat kay Kaeden at tinawag ang ibang tao ng resort. Lahat ay nakatulog na at tila inaantok pang lumabas sa kanilang kwarto. Nang makita ang isa sa mga kasama nilang naroon sa swimming pool, doon lamang sila nahimasmasan at nagulat.
"S-si Simeon!" sbai ni Drigo, habang minasdan ang walang buhay na kasama sa swimming pool.
Ang iba sa kanila ay hindi na tinignan ang kasama dala ng kanilang takot. Ipinikit na lamang nila ang kanilang mata para maiwasan ang imahe ni Simeon sa kanilang isipan.
"Josephine...tawagan mo na ang pulis..." pakiusap ni Kaeden. Nagmadali naman ang kaibigan para tawagan ang mga may kapangyarihan. Inisip ni Kaeden na huwag nang hintayin ang pulis kaya't inuna niyang gumawa ng pre-investigation sa kaso.
Sa kaniyang pag-iimbestiga, napansin ni Kaeden sa katawan ng biktima na nalunod siya sa tubig sanhi ng kaniyang pagkamatay. Nagtaka nga lamang siya sa edad niyang iyon ay hindi siya marunong lumangoy at kinailangan niyang gumamit ng salbabida.
"Ah...hindi po ba alam ni Ginoong Simeon ang lumangoy?"
"Marunong siyang lumangoy. Sa katunayan lagi siyang sumasali noon sa mga swimming contest. Imposibleng malulunod nga lamang siya ng ganito..." si Amera ang sumagot. Sinang-ayunan naman ito nina Drigo at Ariane.
"Kung ganun, bakit may salbabida dito?" tanong ni Kaeden sa kanila.
"Hindi kailanman gumagamit ng salbabida si Simeon. Natatandaan ko pa noon na isang lifeguard si Simeon, he tried that once, nang magkasama kami sa isang swimming teaching club..." sagot ni Drigo.
"Hindi kaya lasing lang siya kaya't naisipang gumamit ng salbabida para alalayan ang sarili?" balik ni Ariane.
"Imposible din po iyon. Bakit ka pupunta sa swimming pool kung lasing ka na? mapapansin natin sa mga bote ng gin sa case box malapit sa swimming pool na kakaunti palang ang nainom ni ginoong Simeon. Ibig sabihin, kaya niyang lumangoy..."
"K-kung ganon..."
Tumango si Kaeden. Dinukot niya sa bulsa ang kaniyang prepared na surgical gloves at isinuot iyon. Ginalaw niya ang ulo ng bangkay pagkatapos at ipinakita sa kanila ang sugat doon.
"Makikita niyo sa biktima na mayroon siyang blunt force trauma. Maaaring pinukpok ang biktima ng isang matigas na bagay, itinago niya ito at tumakas matapos mapatay ang biktima..."
Gulat ang lahat sa narinig. Hindi lamang sa katotohanang patay na ang kanilang kasamahan ngunit ang maalamang hindi lamang aksidente ang lahat. Bumalik mula sa kinaroroonan nila si Josephine dala ang balitang papunta na sina Inspector Basil sa lugar. Matatagalan nga lamang sila dahil sa traffic mula sa siyudad.
"Kaya mo pala ipinatawag ang mga pulis sa akin..." turan ni Josephine.
"Oo. Napansin ko rin na tila paralyzed ang biktima. Tila mayroong hindi magandang nangyari sa biktima. Maaari sanang nakapanlaban ang biktima sa pumukpok sa kaniya o nakahingi man lang ng tulong. Ngunit parang hindi niya iyon nagawa..."
"Josephine, siya ba ang lagi mong kinukuwento sa amin ng tito Hernan mo?" tanong ng tita ni Josephine sa inaanak.
"Opo Tita Melanie...lagi siyang nakakasama ni Inspector Basil sa kaniyang mga kaso eh..."
"Ah...kamukha mo pala ang iyong ama..." wika ni Melanie kay Kaeden. Magkakilala sina Melanie at Red nang nabubuhay palang ang huli. Isang kaso ang involved noon si Melanie at Hernan, dahil sa ginawa ni Red ay napatunayang hindi sila ang may kasalanan.
"Hintayin nalang po natin sina Inspector, habang wala pa sila ay sama-sama tayo doon sa loob, dahil siguradong mayroong interrogation na magaganap..." paanyaya ni Kaeden sa kanilang lahat. Nauna sina Hernan at Melanie sa loob, sumama naman ang mga bisita. Bago pumasok sa resort ay lumingon pa si Kaeden sa bangkay sa crime scene. Napansin niya ang tila dilaw sa katawan ng biktima, ngunit ipinagpaliban niya muna ang bagay na iyon at hinintay ang mga pulis.