Chereads / THE THIRDS (Mini-Series) / Chapter 14 - KABANATA 14

Chapter 14 - KABANATA 14

"TARA, papakilala kita sa nanay at tatay ko" aniya habang kinakalas ng binata ang suot niyang seatbelt. Dahil medyo ginabi ay napilit siya ni JV na ihatid sa kanila.

Nakangiti siyang tinitigan ng binata dahil sa sinabi niyang iyon. At dahil ilang pulgada lang ang layo ng mukha nito sa kanya ay para siyang naestatwa nang malanghap ang napakabango nitong hininga.

Sanay na siyang nalalanghap ang hininga ni JV. Pero ang masarap na pakiramdam na hatid niyon sa kanya ay hindi nagbabago. Parang laging iyon ang una.

Magkakasunod ang pinakawalan niyang buntong hininga habang nanatiling nakatitig lang sila sa isa't-isa. Parang may magnet ang mga mata nila kaya hindi niya magawang bawiin ang mga titig niya mula rito.

"Do you have any idea kung gaano ako kasaya ngayon? At alam mo rin bang isa iyan sa mga pinapangarap kong marinig mula sayo?" halos pabulong na tanong ni JV.

Matinding kilabot ang gumapang sa katawan niya. Hindi siya nakapagsalita at sa halip ay nanatiling nakatitig lang sa binata. At nang kumilos ito ay marahas siyang napasinghap.

Para pa siyang naparalisa at awtomatikong napapikit nang maramdaman ang mainit nitong labi sa kanyang mga mata na parehong hinalikan ng binata habang ang mga kamay nito ay maingat namang hawak ang kanyang mukha.

Nang mga sandaling iyon, parang magic na nagkaroon bigla ng linaw ang totoong nararamdaman niya para sa binata. Hindi lang iyon simpleng crush, dahil sa loob ng tatlong linggo nilang pagkakaibigan ay nauwi na iyon sa isang mas malalim na damdamin.

Mahal niya si JV. Kaya siya nasasaktan kapag kinukwento nito sa kanya ang tungkol sa babaeng nililigawan nito. Kaya binibigyan niya ng mas malalim na dahilan ang lahat ng kabutihan nito. At iyon din ang dahilan kung bakit pakiramdam niya ngayon kaya niyang suwayin ang kasunduan nila ng kuya niya makasama lang niya ang binata.

Nag-init ang mga mata niya nang muling magtama ang paningin nila. May damdamin sa mga mata ni JV na hindi niya kayang ipaliwanag kaya naguguluhan siya.

"Halika na, para hindi ka masyadong gabihin pabalik," naisip niyang sabihin sa kabila ng kakaibang atmosphere sa paligid nila.

LUNES ng hapon, kulang isang oras na siyang nakatambay sa loob ng Guildhall pero hindi parin dumarating si JV. Medyo gutom na siya dahil hindi pa siya nagmemeryenda. Dumiretsong uwi kasi si Hara nang maghiwalay sila kanina sa kagustuhang makapagpahinga agad.

Ilang sandali pa nang mapagpasiyahan niyang mauna na sa binata. Itetext nalang niya itong sa canteen na sila magkita.

Malayo pa ay namataan na niyang nakatayo si Irene sa may entrada ng canteen. Nakatingin ito sa kanya at himala, maganda ang pagkakangiti.

"Hi," anito pa nang makalapit siya.

Takang pinakatitigan niya ang dalaga, at nang marahil mahulaan nito ang mensahe ng mga titig niya ay saka ito nagpaliwanag.

"P-Pwede ba tayong mag-usap?"

Pinagmasdan niya si Irene. "Para saan?" pormal niyang sagot.

"K-Kahit sandali lang?" paakiusap nito sa isang mababang tinig.

Noon nahati ang puso niya kung pauunlakan ba ito o hindi."S-Sa susunod nalang Irene" iyon ang sa halip ay isinagot niya saka umakma nang papasok sa loob ng kainan pero natigilan siya nang maramdaman ang kamay ng dalaga sa braso niya.

"Please?" nagsusumamo ang tinig nitong turan.

At nang magtama ang kanilang mga mata ay naramdaman niya ang kurot sa kanyang budhi dahilan kaya pumayag narin siya.

"Okay lang ba ikaw na ang pumila? Ako nalang ang kukuha ng table natin?" anito nang makapasok sila sa loob.

Wala namang kaso sa kanya iyon kaya pumayag siya.

Hindi naman nagtagal at nakabili na siya ng pagkain at inumin para sa kanilang dalawa. Nakita niyang nasa mesang malapit sa may entrance ito nakapwesto pero hindi ito nag-iisa.

May kasama na itong tatlo pa na sa tingin niya'y mga kaibigan ng dalaga. At isa pa, wala ng bakanteng pwesto para sa kanya, sa isiping iyon ay mabilis siyang kinabahan pero minabuti niyang huwag iyong pagtuunan ng pansin.

Tumayo si Irene nang makalapit siya.

"Upo ka," sumunod naman siya kahit pa nagtataka sa ikinikilos nito. "hinihintay mo ba si JV?" tanong nito saka dinampot ang baso ng iced tea nito sa tray.

Nilingon niya ang dalagang kasalukuyang umiinom saka nginitian.

"Oo" maikli pa niyang sagot.

"Hindi ba malabo iyang mga mata mo, bakit wala ka ng suot na glasses? Ayaw ni JV?"

Hindi niya sinagot ang tanong na iyon at sa halip sinimulan ang pagkain kahit hindi siya kumportable sa mga titig sa kanya ng mga kaibigan ni Irene. Pakiramdam niya para siyang kamatis na kinikilatis ng mga ito.

"Ano na nga pala ang pag-uusapan natin?" muli niyang nilingon si Irene habang hinahalo niya ang inorder na pansit.

Tumaas ang isang kilay ng dalaga. "Pag-uusapan ba kamo?"

Tumango siya saka ibinalik ang paningin sa hinahalong pagkain.

"Eto ang sinasabi kong pag-uusapan natin," kasabay ng sinabing iyon ni Irene ay naramdaman niya ang malamig na likido sa kanyang ulo pababa sa kanyang likuran.

Napatili siya sabay tayo, habang ang mga kasama sa mesa at maging ang dalaga ay malakas at sabay-sabay na nagtawanan.

"Vinnie!" nang marinig ang pamilyar na tinig na iyon ay mabilis na nag-init ang kanyang mga mata.

At bago pa siya nakahuma ay malalaki ang mga hakbang na siyang nilapitan ni JV.

"J-JV," basag ang tinig niyang sambit saka mahigpit na yumakap sa binata.

"Are you okay?" nang itaas ni JV ang mukha niya saka tinuyo ang luhaan niyang mukha.

Tumango siya bagaman hindi parin maampat ang pagkawala ng kanyang mga luha dahil sa tindi ng kahihiyang nararamdaman.

"Ano sa tingin mo ang ginawa mo?" galit na hinarap ni JV si Irene ilang sandali pagkatapos.

"Tara na, hayaan mo na siya," aniyang hinawakan ang braso ng binata.

Ang mukha ni Irene nang mga sandaling iyon ay parang binuhusan ng suka sa sobrang putla.

"JV, sandali lang pare," si Joey na kapapasok lang.

"Tumahimik ka muna sandali Joey," ang galit paring sinabi ni JV.

"I'm sorry, hindi ko naman talaga gustong gawin iyan," helpless na turan ng dalaga.

"Ikaw ang gumawa nito kay Vinnie?" ang hindi makapaniwalang bulalas ni Joey sa nobya nang mapagmasdan ang ayos niya.

Noon hinawakan ng mahigpit ni JV kamay niya.

"I'm very disappointed in you! Lalo mo lang pinatunayan sakin na wala akong dapat panghinayangan sayo!" pagkasabi niyon ay saka na siya hinila ng binata palayo sa lugar na iyon.