KINABUKASAN dahil parehong maaga ang labas, napagkasunduan nila ni JV na manood ng sine. Excited pa siyang lumabas sa huling klase nila dahil alam niyang nasa parking lot na ang nobyo at naghihintay sa kanya. Pero iyon nalang ang pagkadismayang naramdaman niya nang mamataang naglalakad sa mismong corridor ng building nila si Lloyd.
"Oh, bakit parang nakakita ka ng multo?"
"Anong ginagawa mo dito kuya?" inis niyang tanong kahit obvious naman ang dahilan kung bakit pinuntahan siya nito.
"Bakit parang naiinis ka? Hindi mo ba gustong nandito ako? Bakit, kasi may kakatagpuin kang iba?" walang gatol nitong magkakasunod na tanong.
"H-Ha?" hintakot niyang sambit.
"Halika na umuwi na tayo, hindi ko gustong lumalapit sayo ang JV na iyon. Saka di ba may usapan tayong bawal ang boyfriend? Bakit ka niya nilalapitan, anong meron sa inyong dalawa?" seryoso ang tinig ni Lloyd kaya lalo siyang kinilabutan sa takot.
"K-Kaibigan ko lang si JV, kuya" giit niya.
"Iyon naman pala eh, di ibig sabihin wala kang obligasyon sa kanya. Halika na" pagkasabi niyon ay saka siya nito tinapunan ng isang nagbabantang tingin.
Nagpupuyos ang damdamin siyang napasunod. Mula sa nilalakaran nilang corridor sa second floor ng gusaling iyon ay natanaw niya ang parking lot. At nakita niyang nakatayo doon ang nobyo at naghihintay sa kanya. Parang gusto niyang umiyak nang mga sandaling iyon. Gusto niya itong lapitan at sabihing hindi na matutuloy ang date nila pero alam niyang magagalit lang si Lloyd.
Noon niya kinuha ang kanyang cellphone. Pero bago pa man niya nasimulan ang paggawa ng mensahe ay maanghang na salita nanaman ng kuya niya ang narinig niya.
"Akala ko ba kaibigan mo lang? Bakit kailangan mo pang itext na uuwi ka na?"
Napapikit siya saka isinandal ang ulo sa head rest ng jeep. Napipikon na siya pero hangga't kaya niya, kailangan niyang magpasensiya. Hindi niya pinansin ang sinabing iyon ni Lloyd saka itinuloy ang paggawa ng mensahe.
Habang daan ay nanatili siyang walang imik. Hindi niya maikakaila ang pag-asam na sana ay hindi nalang umuwi ng Pilipinas ang kuya niya. Ayaw niyang mamuhi rito pero hindi niya maiwasan lalo at nararamdaman niyang bukod sa usapan nila ay parang may personal itong galit kay JV na hindi niya maunawaan.
"ANONG ginagawa mo dito Kuya?" kunot-noo niyang tanong kay Lloyd nang matapos niyang maghugas ng plato kinagabihan at napasukan niya ang kapatid sa loob ng kanyang kwarto.
Nagulat itong pilit na ngumiti. "H-Ha? W-wala naman, tinitingnan ko lang kung anong magandang paint ang pwede dito sa kwarto mo" anito.
Hindi kumbinsido siyang nagtuloy sa loob saka naupo sa gilid ng kanyang kama. "Alam mo namang green ang favorite color ko di ba?" saka niya ito sinulyapan. Masama parin kasi ang loob niya rito kaya medyo wala siya sa mood na kausapin ito.
Nakita niyang ngumiti ulit si Lloyd saka siya tinabihan at inakbayan. "Galit ka ba sakin ha?" sa dating mabait na nitong tinig kaya hindi niya naiwasan ang mapangiti.
"Bakit ba hindi mo gusto si JV kuya? Mabait naman iyong tao, kahit sina nanay at tatay nga ganoon ang tingin sa kanya eh" naisatinig niya. Gusto kasi niyang maging maayos sina JV at ang kapatid niya, lalo na at parehong matimbang ang mga ito sa kanya.
Sa sinabi niyang iyon ay agad na tumayo ang kapatid niya saka namaywang pang nagpakawala ng malalim na hininga. "Kailangan ko pa bang sabihin sayo ang dahilan?" madilim ang mukha siya nitong sinulyapan.
Nagyuko siya ng ulo saka malungkot na nagsalita. "K-Kaibigan ko kasi si JV kuya, kaya hindi ko gustong nakikitang galit ka sa kanya" totoo iyon maliban nalang sa salitang kaibigan na ginamit niya.
"Sige kung gusto mong malaman ang totoo sasabihin ko sayo" mayamaya ay malamig ang tinig na sagot ni Lloyd. "alam mong kilalang playboy ang lalaking iyon, at wala siyang sineseryosong babae. Lahat binobola niya at iniiwan kapag nakuha na niya ang gusto rito. Ngayon, wala ba akong dahilan para utusan kang layuan siya?"
"Hindi siya ganoon sakin�� pagtatanggol niya sa binata na siya naman talagang totoo. "alam ko ang sinasabi mo, pero mabait siya sakin. Nirerespeto ako at iniingatan. At kaya alam kong mabait siya kasi pinaparamdam niya sakin, sa totoo lang kuya, magkapareho kayo" mababa ang tono ng boses niya niyang para maiparamdam niya kay Lloyd na totoo ang sinasabi niya.
"Hindi! Malaki ang pinagkaiba namin! Basta ayoko sa kanya, layuan mo siya kundi magkakaproblema tayong dalawa!" iyon lang at mabilis na itong tumalikod saka lumabas ng kanyang silid.
Nag-init ang mga mata niya pero sinikap niyang huwag umiyak at nagtagumpay siya doon. Alam niyang hindi lang iyon ang dahilan ni Lloyd, dahil ramdam niyang may personal itong galit kay JV. Dahil doon ay naramdaman niya ang tila kutsilyong humihiwa sa puso niya.
"I'M sorry, hindi ako nakapunta kahapon, si Kuya kasi eh" aniya kinabukasan nang sabay silang kumain ng lunch ng binata.
"Okay lang, naiintindihan ko naman ang kuya mo."
"Huh? Ako kasi kahit kapatid ko siya hindi ko siya maintindihan. Masyado na siyang OA" totoo iyon lalo nang maalala niyang napasukan niya ang kapatid kagabi sa loob ng kwarto niya na animo'y may kung anong hinahanap.
Sigurado ako iyong diary ko ang pinupuntirya ni kuya kagabi.
"Di ba ang sabi niya kilala niya ako? Meaning alam niya ang background ko, iyon ang dahilan kung bakit ka niya pinaghihigpitan" paliwanag sa kanya ni JV.
"Ibig sabihin iniisip niyang lolokohin mo lang ako?" aniya kahit sinabi naman na ni Lloyd iyon sa kanyang kagabi.
Tumango si JV bilang pagsang-ayon. "Hayaan mo darating ang araw makikita rin niya ang totoo, at mapapaniwala ko rin siyang seryoso ako sayo" puno ng pag-asa ang tinig ni JV. Nang hindi siya magsalita ay muling nagpatuloy ang binata. "magiging maayos din ang lahat, maniwala ka lang" anito saka marahang pinisil ang kamay niya pagkuwan.
"Sana nga, pero kung ako ang tatanungin mo sana hindi nalang siya umuwi kasi kung umasta siya daig pa niya ang tatay namin. Nakakapikon, kahapon gusto ko talagang lapitan ka, ayoko kasi na nagmumukha kang tanga at napapahiya ka. Pero iyon parin ang nangyari kasi pinaghintay lang kita sa wala. Kaya naiinis talaga ako sa kanya" amin niya.
"Hey, huwag ganoon. Kapatid mo siya, alam mo nararamdaman kong may malalim siyang dahilan kung bakit niya nagagawa ang ganito. Hayaan mo minsan kakausapin ko siya" may katiyakang turan ng binata.
Hindi siya nagsalita at sa halip ay niyuko ang pagkain sa kanyang plato.
"Smile, namiss kaya kita. Tapos sisimangot ka lang?" at tuluyan na nga siyang napangiti.
"There, sige ganito nalang. Mamaya kapag hindi ka sinundo ng kuya mo manood tayo ng sine. Tutal maaga naman ang labas nating pareho di ba?" sa totoo lang parang gusto niyang maiyak sa sobrang pagkamaunawain nito.
Tumango siya, at sa kabila ng pagnanais niyang yakapin ng mahigpit ang binata ay nagpigil siya. May mga bagay na makapaghihintay naman siguro, gaya ng ginawa niyang paghihitay sa lalaking ngayon ay masayang nakangiti habang pinanonood siya sa kanyang pagkain.