Chereads / THE THIRDS (Mini-Series) / Chapter 22 - KABANATA 22

Chapter 22 - KABANATA 22

GINAGAP ni JV ang palad ni Vinnie matapos marinig ang kwento nito. Pagkatapos ay maingat niyang kinabig ang nobya saka mahigpit na niyakap. Nasa loob sila noon ng Guildhall sa kagustuhan nilang magkaroon ng privacy.

"Hindi ko niligawan si Cassandra, believe me. At hindi rin naging kami, sana maniwala ka" aniya habang masuyong hinahagod ang likuran ng umiiyak niyang nobya.

"First year ako nang ipakilala siya sakin ng kaklase ko na kapitbahay nila. Mas matanda siya sakin ng apat na taon at kahit noon pa man hindi ko talaga prefer ang mga babaeng mas matanda sa akin bukod pa roon ang naririnig kong may boyfriend siya. Hindi ko siya tinanong tungkol sa lovelife niya, pero siya ang madalas mag-open noon sa mga time na nagkakasabay kami sa canteen or sa library. Ako ang madalas na umiwas sa kanya, well tactically kasi hindi ko naman gustong ipahiya siya. Lalake ako at nararamdaman ko kapag gusto ako ng isang babae. Pero iyong kagaya niyang may boyfriend at nagagawa pang makipag-flirt sa iba? Iyon ang pinaka-ayaw ko sa lahat. Hindi ko lang naisip na kuya mo pala ang lalaking iniwan niya noon na sinasabi niya sa akin. I never was given the chance to meet your brother personally then. Ngayon lang talaga."

Hindi nagsalita si Vinnie at sa halip ay nagpatuloy lang sa tahimik nitong pag-iyak kaya nagsalita ulit siya. "Parang ngayon ko gustong pagsisihan ang lahat ng ginawa ko noon. Siguro kung hindi ako naging playboy hindi mangyayari ang ganito, hindi ako aayawan ng kuya mo. At higit sa lahat hindi mo na kailangang pagdaanan ang lahat ng ito" totoo ang sinabi niya. Pero sa kabilang banda wala sa plano niya ang pakawalan ang dalaga.

"H-Hindi mo a-ako i-iiwan diba?" ang umiiyak na isinatinig ni Vinnie nang tingalain siya ng nobya mula sa pagkakasubsob nito sa dibdib niya.

Para siyang sinakal sa nakitang anyo nito. "Hush" aniya. "I will never leave you, hindi mo alam kung gaano kita kamahal. Kahit ako hindi ko maintindihan kung anong ginawa mo sa puso ko, kung bakit ganito ang nararamdaman ko para sayo, pero isa lang ang sigurado ako. Ito, kung anong mayroon tayo ngayon is something that is worth fighting for."

Sa sinabi niyang iyon ay muli nanamang binukalan ng luha ang mga mata ni Vinnie. "Ikaw ang babaeng gusto kong pakasalan, ang gusto kong makasama habang buhay. Wala na akong planong pakawalan ka, kasi ang totoo ikaw lang ang meron ako. At kung mawawala ka, wala ng matitira sakin, masasaktan ako, mababasag ako, kaya wala ng dahilan para mabuhay ako" ramdam niya ang pananakit ng kanyang lalamunan pero pinigil niya ang maiyak.

Ang isipin palang ang mga sinabi niyang iyon ay hindi na matawaran ang sakit na nararamdaman niya, paano pa kaya kapag nangyari na? Pilit niyang iwinala sa isip ang alalahaning iyon pagkatapos. Alam niyang sa kanilang dalawa dapat siya ang maging mas matatag at sa kanya dapat humugot ng lakas ng loob si Vinnie.

"Kakausapin ko ang kuya mo okay? Kung iyon ang tanging paraan para maayos ito gagawin ko. Alam kong mahal ka niya at hindi niya gusto ang ginagawa niya, napipilitan lang iyon kasi natatakot siya para sayo. Alam ko iyon kasi kuya rin ako, hahanap lang ako ng perfect timing. Okay?" pagpapatuloy niya.

Nakahinga siya ng maluwag nang makita niyang ngumiti ng matamis ang nobya. Nabasa rin niya sa mga mata nito ang contentment sa sinabi niya, at iyon lang ay sapat ng dahilan para yukuin niya ang dalaga para sa isang maalab na halik.

TATLONG araw ang nakalipas pero nanatili paring malamig ang pakikitungo sa kanya ni Lloyd. Hindi siya nito kinakausap maliban nalang kung siya ang unang babati rito.

Isang umaga, nagulat pa siya nang marinig ang ugog ng isang sasakyang pumarada sa tapat ng bahay nila. Kasalukuyan siya noong naghahanda para sa pagpasok niya sa eskwela. Kabisado niya ang ugog ng sasakyan ni JV kaya malamang hindi ang nobyo niya iyon, pero nang maisip na baka ibang sasakyan ang gamit ng binata ay nagmamadali niyang tinungo ang pinto. Para lang magulat nang makita kung sino ang nakatayo sa may labas ng gate.

"I-Irene?"

Isang alanganing ngiti ang pumunit sa mga labi ng dalaga. Napansin niyang hindi ito naka-uniform. Hindi pa nga pala tapos ang suspension niya. Naisip pa niya.

"H-Hello, I hope you don't mind" mabait nitong sabi na lihim niyang ipinagtaka.

Tumango siya saka ito pinatuloy.

"Alam ko nagtataka ka kung bakit ako nandito" anitong nakayuko sa tasa ng kape na nasa harapan nito.

Wala siyang makapang pwedeng sabihin kaya nagpatuloy si Irene.

"Kinausap ako ng Tita Carmela alam mo ba? Sa harapan mismo ng parents ko, sinabi niya ang ginawa ko sayo. Alam mo Vinnie noon ko lang narealized ang kamalian ng lahat ng ginawa ko" pagtatapat nito.

"Lumaki kasi akong spoiled, lahat ng gusto ko nakukuha ko. Walang kaagaw, kaya nang makita kong mas napapangiti mo si JV. Na nakuha mo ang respeto niya at higit sa lahat nagbago siya para sayo, nilamon ng matinding selos ang puso ko" anito sa isang basag at mababang tinig.

"Maganda ka Irene, marami ka pang makikilala" iyon naman talaga ang totoo at sigurado siya doon. Bukod pa roon ay hindi rin niya maiwasang hangaan ito sa nakikitang tapang sa ginawa nitong pagpapakumbaba at pag-amin sa sarili nitong kamalian. Hindi naman kasi lahat ng spoiled ay kayang gawin ang ganoon.

Tumango si Irene. "Alam mo bang gustong-gusto ka ni Tita Carmela? Mabait ka raw at kahit simple, napakaganda. Nakikita rin daw niya sayong mahal na mahal mo ang anak niya at hindi ka raw mahirap magustuhan. Sana naging kagaya mo nalang ako Vinnie, sana may makilala pa akong isang kagaya ni JV na pwedeng magmahal sakin ng totoo" noon na tuluyang napaiyak ang kaharap.

Pinagmasdan niya ito ng matagal. Ang napakaganda nitong mukha kahit sabihin pang hindi sila naging okay noon ay totoong hindi niya pinagsasawaang titigan. Pagkatapos noon ay naramdaman nalang niya ang kakaibang haplos ng kaligayahan sa puso niya. Ang swerte niya kung iisipin dahil siya ang pinili ni JV sa halip na si Irene. At ang isiping siya pa ngayon ang kinaiingitan ng babaeng ito ay parang hindi niya magawang paniwalaan.

"I'm sorry Vinnie, sa lahat ng ginawa ko. Alam ko hindi madaling kalimutan ang lahat pero sana kahit papaano, kahit unti-unti lang magka-ayos tayo" anito sa pagitan ng pag-iyak.

Hindi niya tiyak kung dahil lang iyon sa likas na kalambutan ng puso niya at maging sa pagiging maawain niya pero natagpuan nalang niya ang sariling gagap ang palad ni Irene saka iyon marahang pinisil. "Si JV ang pinakamagandang dahilan na mayroon ako para kalimutan na ang lahat ng nangyari, alam mo ba kung bakit? Dahil ang lahat ng ginawa mo, ang lahat ng iyon ang naglapit sa amin ng husto. Mahirap intindihin pero ganoon talaga siguro, kagaya nalang ng madalas sabihin ni JV. Ang lahat daw ng nangyayari ay may magandang dahilan. At sa akin, siya iyon" madamdamin niyang hayag pagkatapos ay matamis itong nginitian.

Natawa ng mahina si Irene sa sinabi niya. "Ang lagay pala eh ako ang naging tulay ninyo?" anitong nangingislap ang mga matang tumitig sa kanya.

Tumango-tango siya. "Salamat sayo" totoo iyon sa loob niya at kahit paano ang pagkakaayos nilang dalawa ni Irene ay nakabawas sa pamimigat ng dibdib niya.

Ang kuya nalang talaga ang kulang.