SALUBONG ang kilay na nagtaas ng ulo si Dave. Nakita niya ang isang babaeng nakatalikod, mamula-mula ang buhok nitong alon-alon na hanggang baywang ang haba. Naka-Indian seat ito sa damuhan paharap sa lapida ng yumaong kinakausap di-kalayuan sa kinaroroonan niya.
Natawa siya ng mahina sa narinig na tinuran ng babae. Pagkatapos ay sinindihan ang dalawang puting kandila saka itinabi sa isang pumpon ng puting rosas na dala niya.
"I miss you so much Ate, kayo ni Kuya" mulungkot niyang saad.
Nang mag-angat siya ng tingin ay nakita niyang naroon parin ang babaeng may mamula-mulang buhok. Man hater.
Nangingiti pa niyang naisip.
Her scent is sweet, I kind of like it.
Iyon ay nang umihip ang hangin at inihatid sa kanya ang scent ng cologne nito. Napangiti pa siya nang makitang tinangay ng hangin ang magandang buhok ng babae. Ilang sandali pagkatapos ay naramdaman niyang parang gusto niya itong lapitan, pero kinabahan siyang bigla kaya nagdalawang isip siya.
So unlike you.
Hindi niya maintindihan kung saan nanggaling ang pakiramdam na iyon kaya minabuti niyang tumalikod nalang at maglakad palayo ng walang lingon-likod.
FIRST DAY OF SCHOOL; SECOND SEMESTRE
"MAGANDA ba?" si Raphael nang ikwento niya sa tatlo ang babaeng nakasabay niya sa sementeryo kahapon ng hapon.
Nagkibit siya ng balikat. "Hindi ko nilapitan eh," pagsasabi niya ng totoo. "pero sa totoo lang kahit nakatalikod attractive siya, lalo na ang buhok niya" nakita niyang nagpalitan ng tingin ang tatlo.
"Bakit hindi mo nilapitan? Chance mo na iyon pinalampas mo pa?" nasorpresang tanong ni JV.
Noon siya nag-isip kung aaminin ba sa mga ito ang totoo. "Alam ko na" si Lemuel na ngumiti. "kinabahan ka!"
"Sa madaling salita, tinorpe!" si Raphael.
Tinawanan lang niya iyon saka natigilan nang mamataan ang napakagandang crew ng canteen na kasalukuyang naglilinis ng mesa. Kagaya ng ibang crew, suot nito ang uniform ng SJU Canteen. Naka-hair net rin ito na pinatungan ng sumbrero pero hindi iyon nakabawas sa pagiging attractive nito sa paningin niya.
"Dave, simplehan mo naman ng konti pare, masyado kang obvious," puna sa kaniya ni Raphael nang makita ang kanyang ginagawa.
Pinandilatan niya ng mata ang kaibigan na tumawa naman ng mahina. Iyon ang unang pagkakataong nakita niya ito sa dinning area. Kaya malamang sa kitchen ito naka-assign. Hindi niya alintana ang mahihinang tawanan ng tatlong kasama.
Kapag lumingon ka, you will be mine. Ang isang bahagi ng isip niya.
Parang sinadya, dahil nang marahil naramdaman nito ang mga titig niya, tumingin ito sa kanya. Agad ang sikdo ng hindi maipaliwanag na damdamin sa dibdib niya. Kasama niyon ang isang strange sensation na hindi niya kayang pangalanan. Pero taliwas sa nakasanayan niya, hindi ito ngumiti sa kanya. At sa halip ay mailap ang mga matang umiwas ng tingin saka ipinagpatuloy ang paglilinis ng mesa.
TWO DAYS LATER
KASABAY niyang pumasok sa malaking gate ng SJU ang isang bago at kulay pulang Ducati motorbike. Karamihan kasi sa mga estudyante roon ay may sariling kotse kundi naman ay hatid-sundo with family driver, o kaya naman ay motorbike na kagaya ng isang iyon. Habang siya ay nilalakad lang iyon araw-araw. Nasa dulong bahagi ng San Jose ang inuuwian niya. Tatlong kilometro ang layo niyon mula SJU. Pero dahil sanay na, nagiging malapit narin iyon para sa kanya.
Sigurado akong masaya kana ngayon para sakin. Sa totoo lang miss na miss na kita.
Mahigit isang taon na mula nang mamatay sa sakit na Cervical Cancer si Thelma pero ramdam parin niya ang lungkot ng pagkawala nito. Bukod kasi rito at kay Lerma na nakatatandang kapatid ng yumaong ina niya ay wala na siyang ibang pamilya.
Mexicano raw ang tatay niyang nakilala ni Thelma sa Gabi ng Barangay sa Sta. Philomena. Turista raw ito noon at walang kakilala sa naturang baryo kaya ang nanay niya ang nagsilbing tour guide nito. At doon na nga nagsimula ang love story ng dalawa.
Magdadalawang buwan nang buntis sa kanya si Thelma nang magpaalam itong uuwi ng Mexico para asikasuhin ang ilang negosyo roon, saka pagkatapos ay babalik ng Pilipinas para pakasalan ang kanyang ina. Pero ni anino nito ay hindi na muling nagpakita.
Sa kabilang banda'y nabuhay parin sila ng masaya at maayos. Ang pagkakarinderya nina Thelma at Lerma ang kabuhayang kinamulatan niya. Doon nila kinukuha ang lahat ng pantustos sa pang-araw-araw nilang gastusin at maging sa kanyang pag-aaral. Hindi lang talaga nila inasahan ang pagkakasakit nitong naging dahilan ng pagkawala nito sa kanila.
Ang pagkakasakit ring iyon ni Thelma ang dahilan kung bakit siya nahinto ng pag-aaral nang magtapos siya ng high school. Wala kasing ibang mag-aalaga rito at bukod pa roon ay talagang nagipit sila ng sobra sa pera dahil lahat ng naipon nila ay napuntang lahat sa pagpapagamot rito. Sa kasalukuyan ay isang buwan na siyang kitchen crew sa SJU Canteen. Kahit paano naman kasi ay may alam siya sa pagluluto kaya doon siya ini-assign.
Iyon ang ikatlong araw niya sa SJU bilang Electronics and Communications Engineering student. Actually, second choice niya ang kursong iyon. Masyado kasing magastos ang Culinary na first choice niya.
Sa ngayon, irregular student siya dahil working student siya, pero kung papalarin kapag nakapasa ang application niya as Full-Scholar ay hindi na niya kakailanganin ang part time job. Kasama kasi sa privilages ng naturang program ang libreng uniform, libro, at malaking allowance. Ang kailangan lang niyang gawin ay i-maintain ang matataas na marka hanggang sa magtapos siya.
Sa concrete bench siya naghintay ng oras. Mula sa kinauupuan niya ay abot-tanaw ang napakalawak na parking space ng university. Doon niya nakitang ipina-park ng lalaking nakasabay niyang pumasok sa gate ang motorbike nito.
Sa tindig, pangangatawan at height, malaki ang chance na gwapo ito. Kaya out of curiosity ay hindi niya ito hiniwalayan ng tingin. At nang hubarin nito ang suot na helmet ay kamuntik na siyang mapatili. Sa isang iglap ay mabilis na naglaho sa gunita niya ang mukha ng pinakagwapong lalaking nakilala niya, si Alfred.
Para siyang nanonood ng music video ng What Makes a Man ng Westlife. At iyon ay sa scene, nang hubarin ni Nicky Byrne ang suot nitong helmet. Pero hindi tisoy na lalaki ang tumambad sa kaniya. Kundi isang lalaking naka-shades, na halatang may lahing Latino. Obvious iyon sa kulay nitong hindi maitim at hindi rin maputi, sobrang ganda ng ilong at pula ng labi.
At ang buhok nitong medyo kulot na may kahabaan ay parang itim na damong gumapang pababa sa batok nito. Sa unang tingin mukha itong suplado. Notorious playboy type, gayun pa man ay relax ang aura ng mukha nito. At siguro kung ganito kagwapo ang boyfriend niya, ready siyang umiiyak ng kahit ilang beses pa!
Ay, siya yung sa canteen!
Nang mamukhaan niya ang lalaki. Iba ang dating nito sa kanya noon pa mang unang beses niya itong nakitang nakatingin sa kanya sa canteen. Bagay na bagay rito ang suot na two-piece leather suit. At talagang napakalakas ng magnet nito kaya hindi niya magawang hiwalayan ito ng tingin ngayon.
Pretty Boy! Kapag sinuswerte nga naman!
Naisip pa niya saka ngiting-ngiting pinagsawa ang paningin sa napakagwapong tanawin na kanyang tinatanaw. May ilang sandali rin niyang pinagmasdan ang binata nang mula sa kung saan ay sumulpot ang isang napakagandang babaeng humalik pa sa lips nito. Napalabi siya. Girlfriend, pero sa totoo lang bagay ang mga ito.