IYON ang unang araw ng U-Fair kaya mas marami kaysa karaniwan ang mga tao sa quadrangle. Pagkatapos ng duty, lumabas siya ng canteen. May mahigit isang oras pa bago ang klase niya kaya ang next destination niya ay library. Nagulat pa siya nang bigla siyang lapitan ng dalawang lalaking parehong nakasuot ng ternong itim na pants at shirt.
"Sumama ka sa amin Miss" anang isa sa mga ito.
Mabilis siyang kinabahan. "B-Bakit?"
"Katuwaan lang ito miss, halika na" anitong hinawakan ang kamay niya saka nilagyan ng posas kaya siya nag-panic.
"Sandali bakit ninyo ako pinosasan?" walang sumagot sa dalawa. Natagpuan nalang niya ang sarili sa loob ng isang booth ilang sandali pagkatapos. "teka lang, bakit ninyo ako ikukulong dito?" naguguluhan niyang tanong nang tanggalin ng isa sa dalawang bantay ng booth ang pagkakaposas niya.
"Pick-A-Date Booth ang tawag dito Miss, kailangan kang tubusin ng kahit sinong lalaki para makalabas ka" mabait nitong paliwanag sa kanya saka isinara ang pintuan ng booth.
"Ano?"
Tumango ang lalaki. "Someone with red hair po ang theme. And obviously mamula-mula po ang kulay ng buhok ninyo."
Napabuntong-hininga siya. Ilang sandali pagkatapos ay nakita niyang palapit sa kinaroroonan niya ang isang lalaki. "Hi" anito nang makalapit. Sandali lang niya itong tiningnan. "mataray ka ah, sabagay maganda ka naman" anito "at sexy." saka malisyoso siyang sinuyod ng tingin mula ulo hanggang paa."tutubusin ko siya then she will be my date for how long?" anitong binalingan ang bantay.
"Depende po sa usapan ninyo" anito.
"Sige, isang linggo. Mag-date tayo ng isang linggo" anito sa kanya.
"Kuya pwede bang ako nalang ang mamili ng tutubos sa akin?" aniyang sa halip ay ang bantay ang binalingan. Hindi tamang manghusga, pero sa gawi ng titig nito sa kanya. Kinikilabutan talaga siya.
"Aba at choosy ka pa!" anitong nakakalokong ngumisi.
"Sarili ko ito kaya may karapatan akong mamimili kung kanino ko gustong sumama!" napikon niyang sagot.
"Huwag ka ng umarte, mamaya kapag natikman mo ako ikaw na ang maghabol sakin."
"Randy, pare" nang marinig ang tinig na iyon mula sa likuran ng lalaki ay nakahinga ng maluwag si Audace. "hindi naman yata tamang kausapin mo ng ganyan ang babae" anitong hinawakan pa ang balikat ng lalaking tinawag nito sa pangalang Randy.
"D-Dave!" nginitian siya ng binata saka muling hinarap si Randy.
"Huwag kang makealam dito Dave" anito sa halatang inis na tinig saka tinapunan ng matalim na sulyap si Dave.
"Mukhang ayaw sa iyo ni Audace" anitong binigyang diin ang sinabi "siguro mas maganda ako nalang ang tumubos sa kanya. Ano sa tingin mo Audace?"
Magbubuka sana siya ng bibig para magsalita pero naunahan siya ni Randy. "Wala namang bastusan pare, alam kong apo ka ng may-ari nitong university pero rumespeto ka naman."
Mabilis na gumapang ang kaba sa dibdib ni Audace nang makita ang pagkapikon sa mukha ni Randy. Habang si Dave, gaya ng dati. Relax parin ang aura. "Tsk, masyado ka namang mainit eh. Daanin nalang natin sa bidding kung gusto mo. Para patas ang laban" sandaling nag-isip si Randy.
"Excuse me, ako ang ang organizer nitong Fair. May problema ba kayo?" isang may edad ng babae ang lumapit sa kanila kaya nagpakilala si Dave saka isinalaysay dito ang sitwasyon. "actually, half ng kikitain ng fair na ito ay mapupunta sa isang foundation na tumutulong sa mga less fortunate children sa Cebu. The Safe Haven Foundation. Ngayon sa nakikita ko, wala namang masama kung gawin nating bidding ang pagtubos kay Miss?" ang ginang na binalingan siya ng nakangiti.
"Audace" ang magkapanabay pa nilang tinuran ni Dave.
"Okay lang ba iyon sayo?" anito pagkuwan.
Tumango siya, confident siyang hindi maghahamon ng ganoon si Dave kung hindi ito mananalo. Sa kalaunan ay sinang-ayunan din ni Randy ang tungkol doon. Mabilis na umagaw sa atensyon ng marami ang tagpong iyon. Hindi niya alam kung matatawag ba niyang maswerte ang sarili niya dahil sa nangyayari pero kung may isang bagay ang tiyak siya, iyon ay ang labis-labis na kaligayahang nasa puso niya dahil sa ikalawang pagkakataon naroon si Dave para sagipin siya.
"Ten thousand" ani Randy.
"Twenty five thousand" si Dave kaya muling nagkaroon ng ingay ang paligid.
"Wow ate ang swerte mo nakaka-inggit ka" ang narinig pa ni Audace na sinabi ng isang babaeng estudyante.
"Oo nga dalawang gwapo pinag-aagawan ka. Ang haba ng hair mo" anang isa pa.
Nakita niyang inis na napailing si Randy. Alam niyang nang mga sandaling iyon, hindi na ang chance para maka-date siya ang dahilan kung bakit patuloy parin ito sa pagbi-bid. Pride nalang, at sa tingin niya, sa talas ng mga titig nito kay Dave ay may personal itong galit sa kanyang Pretty Boy.
"Sige fifty thousand, pati ito" anitong inilabas sa bulsa latest model ng iPhone.
Noon siya sinulyapan ni Dave. Natigilan pa siya nang hawakan nito ang kanyang baba saka iyon banayad na kinurot.
"Sige para matapos na, my Ducati Motorbike, here is the key" anitong inilapag sa harapan ng organizer ang susi.
"Dave!" hindi makapaniwala niyang protesta. At nang sulyapan niya si Randy ay nakita niyang pikon nitong dinampot ang iPhone saka nagmamadaling tumalikod at naglakad palayo.
Naghiwayan ang lahat ng naroon dahil sa nakita at maging sa pagkapanalo ni Dave. Tiningala niya ang binata. "S-Salamat D-Dave" halos paanas niyang sabi.
Makahulugan siyang nginitian ng binata. Pagkatapos ay niyuko, nagtilian ang lahat sa pag-aakala ng mga ito na hahalikan siya ni Dave. Maging siya ay ganoon rin ang inisip, kaya naman mabilis ang naging pagtahip ng kanyang dibdib. At iyon nalang ang kanyang pasasalamat nang sa halip ay binulungan lang siya nito.
"I'll see you mamayang uwian sa Dance Room" pagkatapos niyon ay saka na ito tumalikod at nakapamulsang naglakad ng walang lingon-likod.
"ASTIG ka ah! Ang tagal mong inawitan ang motorbike na iyon sa Tito tapos pinamigay mo lang? O baka naman gumaganti ka lang kay Randy kasi siya ang third party nung kayo pa ni Janna?" bungad sa kanya ni Raphael nang makabalik siya sa corridor kung saan niya iniwan ang mga ito.
"Tsk, ano ako sira? Itataya ko ang motorbike ko para lang makaganti sa kanya? Saka gusto kong manigurado na mananalo ako, alam ko namang hindi niya ipupusta iyong kotse niya at bukod pa roon alam kong nasa masamang kamay si Audace sa kanya" paliwanag niya.
"So ibig sabihin si Audace talaga ang dahilan kaya mo pinamigay ng ganun nalang ang motor mo?" si JV naman na kagaya niya'y nakatanaw sa malawak na quadrangle ng SJU.
Wala sa loob siyang napangiti. "S'yempre naman!"
"Sa ganda niyang ngiti mo mukhang tinamaan ka na" si Lemuel naman iyon.
"I more than like her. That certain emotion between like and love, iyon ang alam kong nararamdaman ko para sa kanya. Kaya gusto ko siyang protektahan palagi" aniya habang sinusundan ng tingin ang papalayong bulto ni Audace na kalalabas lang ng booth.