"HATID na kita?" nasa parking lot na sila noon at katatapos lang mag-meryenda.
"Naku huwag na, nakakahiya" tanggi niya saka kiming ngumiti.
"Wala iyon, actually it would be an honor for me" pamimilit ni Dave saka walang anumang binasa ang sariling mga labi.
Alam kasi niyang kissable lips siya kaya palagi niyang ginagawa ang ganoon.
Kinikilig niyang naisip saka wala sa loob na napangiti.
"Oh you smiled, is that a yes?" nagulat pa siya saka takang tiningala ang binata. Hindi napunang nakatitig pala ito sa kanya kaya nahuli nito ang pagngiti niya."so pa'no, lika na?" anitong nilapitan ang isang kulay pulang Mercedes Benz. Kamuntik pa siyang mapanganga nang sa halip na hilahin ni Dave pabukas ang pinto niyon ay itinaas iyon ng binata.
Parang sa Transformers palang ako nakakita ng ganitong klase ng kotse… Tama si Soundwave!
"N-Nasaan 'yung motorbike mo?" naitanong niya pagkuwan.
Nangingislap ang mga matang pinagmasdan siya ni Dave. Dahil doon ay lihim niyang pinagalitan ang sarili. Baka isipin ng binata pakealamera siya dahil kung tutuusin wala naman na talaga siyang karapatang itanong iyon.
Noon siya naalarma. "A-Ahhh, s-sorry! P-Pasensiya kana. Nakita lang kasi kita minsan ditong ipina-park mo iyong motorbike mo, nung, nung may lumapit pa sayong magandang babae tapos hinalikan ka!" walang gatol at nagmamadali niyang paliwanag kaya natawa ng mahina si Dave.
Nangingislap ang mga mata siyang pinagmasdan ng binata. "R-Really? How come nakita mo ang eksenang iyon? I mean iyong may humalik sakin?" nakangiting tanong ng binata. "siguro pinapanood mo ako mula sa malayo ano?" napipilan siya sa narinig. Bakit ba nawala sa isip niya ang pwedeng isipin ng binata sa sinabi niyang iyon?
Ramdam niya ang mabilis na pag-iinit ng kanyang mukha. At ang kagustuhan niyang maglaho nalang doon na parang bula ay hindi niya mapasisinungalingan. Goodness! Matinik ang taong ito sa Math! For sure buking na niya akong crush na crush ko siya!
"Just joking" mayamaya ay bawi nito. "nasa bahay iyong motorbike ko, well mabuti nalang itong kotse ang dinala ko" makahulugang dugtong pa nito na nakuha naman niya ang ibig sabihin.
Kahit nasa mga mata parin ni Dave ang matinding amusement ay pinilit niyang paniwalaan ang sinabi nito. Kasalanan rin naman kasi niya. "I'm sorry, naging madaldal ako."
"Wala iyon, ikaw yan eh, and believe it or not I like everything about you" parang isang magandang love song na humipo sa natutulog niyang puso ang sinabi ni Dave."oo nga pala" si Dave ulit "iyong babaeng nakita mong humalik sa akin noon. Si Janna iyon" anito.
"G-Girlfriend mo?" sinungaling siya kung hindi niya aamining nasiyahan siya nang makita niya itong umiling.
"Ex-girlfriend" anito saka nakangiting nagpatuloy "kaya huwag kang magpigil dahil kahit magka-in love-an man tayo in the end titiyakin ko sayong wala tayong taong masasagasaan," nalito siya sa sinabing iyon ng binata pero sa tono ng pananalita nito at maging sa kislap ng mga mata nito, mukha naman itong seryoso. "Audace?" mayamaya ay untag sa kanya ng binata nang manatili siyang tahimik.
Noon siya parang natauhan."N-Naglalakad lang ako papasok ng school at pauwi samin eh, malapit lang naman. Three kilometers, well para sakin kasi siguro sanay na ako," pagbibigay alam niya kay Dave nang makitang inginuso nito ang loob ng kotse.
Noon nakangiting nagsalita ang binata."Good!" anitong isinara ang pintuan ng kotse saka iyon ini-lock. "tara na" anito pa.
"N-Naku hindi na!" nasorpresa niyang protesta. "nakakahiya naman sayo maglalakad ka para lang samahan ako?" hindi makapaniwala niyang bulalas.
Mabait ang ngiting pumunit sa mga labi ng binata."Wala iyon, at least magkakasama tayo ng mas matagal, anyway pwede naman kitang ihatid with this, para di kana mapagod. Ikaw, kahit alin sa dalawa pwede ako."
Tumahimik siya saka nag-isip bago nagsalita. "Okay sige, saka parang mas gusto ko nga ring maglakad kasama ka" hindi niya napigilang sabihin iyon.
"Yes! So, tara na?" natigilan siya nang makitang inilahad ng binata ang kamay nito sa harapan niya. Taka niya itong tinitigan.
"Mas magandang maglakad ng may kahawak-kamay. At least kahit matapilok o mapatid ka, may aalalay sayo para di ka madapa" para siyang idinuyan sa alapaap sa sinabing iyon ni Dave. "just trust me. Hindi ko pa inialok ng ganito ang kamay ko sa iba, sayo lang" ang binata ulit nang manatili siyang tahimik.
"A-Ano kasi eh" nag-aalangan niyang sabi. Umangat ang makakapal na kilay ng binata. Nagbuntong-hininga siya saka muling nagsalita. "Pawisin kasi ang kamay ko, nakakahiya sayo kung hahawakan mo, basa ng pawis" nasa tinig niya ang sinabi.
Dave smiled at her tenderly. At siya, parang kandilang itinulos sa kinatatayuan at nakatingalang napatanga nalang sa ganda ng ngiting iyon. Habang ang dibdib niya, kinakabog ng sobra."Iyon lang ba?" anitong inilabas ang panyo mula sa bulsa ng suot nitong pantalon. "akin na" anitong pagkuwan ay inabot ang kanyang kamay.
"D-Dave n-nakakahiy---" pero hindi na niya nagawang tapusin ang nais sabihin nang makita ang sumunod na ginawa ng binata.
Speechless niya itong pinagmasdan habang banayad na pinupunasan ang kanyang kamay. Sunod-sunod ang ginawa niyang paghinga. Para siyang nakukuryente na hindi niya mawari. Sa isang iglap feeling niya ay nagkulay rosas ang paligid.
Nang itigil ni Dave ang ginagawa ay noon siya nagbalik sa reyalidad. Pero saglit lang iyon dahil ang sumunod na ginawa ng binata ang dahilan kaya marahas siyang napahugot ng hininga. Itinaas nito ang kanyang kamay saka dinampian ng halik ang kanya mismong palad.
"Believe me, kaya kong tanggapin ang lahat ng tungkol sayo," makahulugan nitong turan habang titig na titig sa kanya.
Hindi siya nakapagsalita. Kung para saan ang sinabing iyon ng binata ay hindi niya alam. At isa pa, wala rin kasi siya sa tamang huwisyo para mag-isip. Paano naman kasi nararamdaman pa niya ang labi ni Dave sa palad niya mismo.
"Let's go?" untag sa kanya ng binata sabay lahad ng kamay nito sa kanya.
Nagitla siya saka iyon nakangiting tinanggap. Hindi niya maintindihan, dahil kahit pa sabihing kumportable siya kay Dave. Hindi parin nito nagagawang manhid ang puso niya sa lahat ng emosyon na pwedeng ihatid sa kanya ng kahit simpleng pagtitig lang nito sa kanyang mukha.
"Kung okay lang sayo, pwede ba nating gawin ito? Nang mas madalas? Kahit hindi Thursday?" nang makalabas sila sa malaking gate nang SJU ay naitanong sa kanya ng binata. "I mean palagi kitang ihahatid. "Sabihin mo lang sakin kung okay sa schedule mo. What do you think?" hinihingi nito ang pahintulot niya.
Kung anong uri ng saya ang bumalot sa puso niya nang mga sandaling iyon, hindi niya alam.
"Since wala naman akong closing na sched sa canteen, sige" aniya.
"Thank you," ani Dave.
Ngumiti siya. Hindi siya makapaniwalang ang lalaking tinatanaw niya noon mula sa malayo ay kahawak-kamay na niya ngayong naglalakad pauwi. Gusto niya itong makasama ng mas matagal. Iyon ang talagang dahilan niya kung bakit mas pinili niyang maglakad kasama ito kaysa magpahatid gamit ang mamahalin nitong kotse. Isang lalaking considerate at sensitive sa lahat ng gusto niya. Isa lang iyon sa ilang katangian na hinahanap niya sakaling magmahal ulit siya. At masaya siya dahil ganoon si Dave.