Chereads / THE THIRDS (Mini-Series) / Chapter 18 - KABANATA 18

Chapter 18 - KABANATA 18

BIYERNES ng gabi, pinayagan siya ng parents niya na sa bahay nina Hara siya matulog dahil maaga ang biyahe nila ni JV kinabukasan pa-Pangasinan. Sa komedor ay nakasabay niya sa hapunan ang buong pamilya ng binata.

Agad din niyang napuna ang biglang pagbabago ng pakikitungo sa kanya ni Carmela. Hindi na pailalim ang mga sulyap nito sa kanya. At higit sa lahat nginingitian at inaasikaso na siya ng ginang. Bagay na ikinatuwa at lihim naman niyang ipinagpasalamat.

Matapos ang hapunan ay minabuti niyang sa pool side na muna maglagi. Maaga pa naman at hindi pa siya inaantok. Nagulat pa siya nang mula sa kanyang likuran ay tinig ni Carmela ang narinig niya.

"Hindi ka ba nilalamok dito hija?" ang ginang saka iniabot sa kanya ang isang baso ng maligamgam na gatas.

Humaplos ng husto sa puso niya ang ginawing iyon ni Carmela. "Okay lang po, w-wala naman pong lamok," nakangiti niyang sabi.

Ngumiti ito saka naupo sa bakanteng garden set. "Sinabi sa'kin ni JV ang ginawa sayo ni Irene. I really am sorry hija."

Nagulat siya sa narinig pero minabuti niyang huwag nalang magpahalata. At nang manatili siyang tahimik ay muling nagsalita ang ginang.

"Tama nga si JV sa madalas niyang sabihin sakin, na hindi ko totoong kilala si Irene. Alam mo kasi bilang isang ina madalas iniisip kong ako ang nakakaalam ng mas makabubuti para sa mga anak ko. Mula sa isusuot nilang damit, pati pagkain na dapat nilang kainin. Pero hindi ko narealized na lumalaki na sila, na kaya na nilang magdesisyon at alam na nila ang makabubuti para sa mga sarili nila."

Hindi niya alam kung saan patungo ang sinasabing iyon ni Carmela pero sigurado siyang may ibubunga iyong maganda kaya nakinig siya.

"Mabait na anak si JV, malambing at mapagmahal hindi lang sa akin kundi pati sa Papa niya. At mabuting kapatid kina Hara at Savana. Noon nga madalas pa akong i-date niyan. Iyong kaming dalawa lang, kakain sa labas tapos nanonood kami ng sine, binibilhan niya ako ng flowers," kwento pa sa kanya ni Carmela. "alam mo hija kahit hindi nagsasalita ang anak ko, alam kong espesyal ka sa kanya. Nakikita ko iyon sa mga sulyap niya sayo, parang kung paano ako titigan ng Papa niya."

"T-Tita?"

"Pasensiya kana kung naging malamig ang pakikitungo ko noon sayo. Well I believe hindi pa naman huli ang lahat. At sa totoo lang, noon pa man ramdam ko ng mabuti kang bata, nabubulagan lang siguro ako sa kagustuhan ko noon na si Irene ang mapangasawa ni JV," pagpapakumbaba ang nasa tinig ng ginang.

"Sinasabi ko ito sayo dahil mahal na mahal ko si JV. Alam ko mahal mo rin siya, at kung anuman ang mayroon kayo ngayon igagalang ko iyon. But please alagaan mo ang anak ko, hindi ko siya gustong pakawalan pero kailangan dahil alam kong darating rin ang panahong iyon."

Tumango siya saka matamis na ngumiti. Ang isiping tanggap siya ng pamilya ni JV para sa binata ay isang napakagandang regalo.

"Few years from now dito ka na titira, so make yourself at home. Matutulog na ako hija, good night," anitong hinalikan pa siya sa pisngi pagkatapos.

"S-Salamat po," ang tanging nasambit niya.

"Oh, bakit ka umiiyak?" amused na tanong sa kanya ni JV nang maupo ito sa kaninang kinauupuan ni Carmela ilang sandali makaraan itong pumasok sa loob ng bahay.

Nakangiti siyang suminghot. "W-Wala, ganito pala ang pakiramdam kapag alam mong tanggap ka ng pamilya ng taong mahal na mahal mo."

Tumango si JV. "So kinausap kana pala ni Mama? I'm glad to hear that. Paano lika na? Maaga pa tayo bukas," anitong tumayo saka inilahad ang kamay sa kanya.

Nangingiti niyang tiningala ang binata. Naalala kasi niya nang una silang magkita, nang yayain siya nitong magsayaw. Tinanggap niya iyon saka na tumayo. "I love you so much JV," anas niya.

Lumapad ang pagkakangiti ng binata saka siya niyuko at hinalikan.

"I love you more," madamdamin nitong hayag saka siya inakbayan nang papasok na sila sa kabahayan. "sa kwarto ko nalang ikaw matulog gusto mo?"

Nanlaki ang mga mata niya. "Hindi pwede! Ikaw talaga, saka di ba ang sabi ng Papa mo sa guest room ako?"

"Nagbabaka-sakali lang naman," si JV na nagkamot ng ulo pagkatapos.

Inirapan niya si JV pero nakangiti.

"Gigisingin nalang kita, sleep well," anitong hinalikan siya sa noo bago hinila pasara ang pinto ng guest room.

TANGHALI nang marating nila ang private beach resort na pag-aari ng pamilya ni Joey. At dahil iyon ang unang pagkakataon na nakaligo siya sa beach ay in-enjoy niya ng husto ang pagkakataon.

May maliliit na cottages na nakatayo sa baybayin di kalayuan sa dalampasigan. At dahil nga overnight swimming iyon, sa maliliit na kubong iyon sila magpapalipas ng gabi.

Hindi naman kasi lahat ng member ng guild ay nakasama kaya nagawa nilang mag-stay sa tig-iisang cottage. At dalawang magkatabing cottage ang pinili ni JV para sa kanila.

"Baka hinahanap na tayo nung mga iyon," aniya nang hindi na niya matanaw sinuman sa mga kasamahan nilang masayang nagtatampisaw din sa dagat.

"Tsk, hayaan mo sila. Gusto nga kitang masolo tapos sasali tayo sa magugulong iyon," anitong hinila siya paupo basang buhangin.

"Sana pwedeng ganito tayo lagi ano?" naisatinig niya nang matapos ang matagal na pakikipaglaro nila ng binata sa mga alon.

"Lagi naman tayong masaya di ba? Kahit nagtatago tayo wala akong maramdamang kulang."

Nasa mga mata ng binata ang sinabi nito. Noon niya naglalambing na inihilig ang ulo sa balikat ng nobyo pagkatapos ay siya na mismo ang umabot sa kamay nito saka iyon itinaas at masuyong hinalikan.

Nakita niyang napapikit si JV sa ginawa niya.

"Mahal na mahal na mahal kita, kahit siguro dumating ang time na magsawa ka sa ganitong set-up at makakita ng iba. Kahit masaktan ako, mamahalin parin kita, kahit hindi na kita kasama," totoo iyon sa loob niya at iyon ang talagang nararamdaman niya.

"Ba't iniisip mo bang iiwan kita? Na hindi ako seryoso sayo? Sa tingin mo gagawin ko ang lahat ng ito kung hindi kita mahal?" seryosong tanong ng binata.

Nagbuntong hininga siya. Hindi niya maintindihan pero mula kung saan ay biglang nabuhay ang kakaibang takot sa dibdib niya.

"H-Hindi, alam kong mahal mo ako. Nararamdaman ko iyon, kaya lang paano kung hindi pala talaga tayo? I mean, paano kung dumadaan ka lang sa buhay ko?"

Tumawa ng mahina ang binata. Pagkatapos ay masuyong ikinulong ng dalawang kamay nito ang kanyang mukha.

"Kung anu-ano ang naiisip mo alam mo ba? Hindi mangyayari iyon, dahil gagawin ko ang lahat maging tayo lang hanggang sa huli."

Nang hindi siya magsalita at nanatiling nakatitig lang sa binata ay muling nagsalita si JV.

"As long as I am with you alam kong magagawa kong gawing posible ang lahat ng imposible. Kasama na doon iyong gawing tayo ang magkasama habang buhay kahit ayaw ng tadhana," hinipo ng sinabing iyon ng binata ang takot na dibdib niya.

At nang maramdaman niya ang mainit nitong labi sa kanya. Gaya ng bawat hampas ng alon sa dalampasigan ay tinangay narin patungo sa dako pa roon ang takot na nararamdaman niya. At sa halip ay buong pagmamahal niyang tinugon ang maalab na halik na iyon ng binata.