TATLONG magkakasunod na katok sa pinto at iniluwa niyon si JV. Maluwang siyang napangiti sa pagkakakita sa nobyong pumasok sa loob ng dressing room.
"Hello, na miss kita alam mo ba?" anitong nilapitan siya saka mabilis na hinalikan sa mga labi kaya siya malakas na napasinghap. "isang linggo na kitang nahahalikan pero hanggang ngayon hindi ka parin sanay?" anitong ang tinutukoy ay ang naging reaksyon niya.
Hinila nito ang isang silya sa harap ng salamin saka lumapit ng husto sa kanya.
"N-Namiss mo ako eh di ba late naring natapos ang usapan natin kagabi sa phone?" ang sa halip ay isinagot niya habang nag-iinit ang magkabilang pisngi.
Noon nangungusap ang mga mata siyang pinagmasdan ng nobyo. "Alam mo ba ang totoo, na kung pwede lang itatanan na kita para sa umaga mukha mo ang una kong nakikita. Tapos sa gabi nahahalikan kita bago matulog?" naglalambing nitong turan.
Napangiti siya saka hinaplos ang mukha ng binata. "I love you, sige na baka abutan ka pa nina nanay at tatay," pagtataboy niya sa nobyo.
"I love you too," anitong hinalikan siya sa pisngi pagkatapos. "teka, may ibibigay pa kasi ako sayo," anitong iniabot sa kanya ang isang maliit na kahon.
"Ang ganda naman," aniyang pinaglipat-lipat ang tingin sa mukha ni JV at sa simple ngunit magandang ankle bracelet na kanya ng hawak ngayon.
"Nagustuhan mo?" anito.
Magkakasunod siyang tumango. "Thank you ah, sorry wala akong regalo sayo. One week pa naman na tayo ngayon," paumanhin pa niya.
"Okay lang, actually good luck charm yan. Bukod pa ang regalo ko sayo for our first week," anitong nakangiting kinuha ang ankle bracelet sa kanya. "ako nalang ang magsusuot sayo," anitong itinaas ang laylayan ng suot niyang saya.
Why I feel so blessed dahil minahal mo ako. At wala akong kahit kaunting pagsisisi na minahal kita, at kung sakaling lumabas man ang totoo at malaman ito ng kuya ko o ng kahit sino. Pangako ipaglalaban kita.
Mabilis siyang nagpahid ng mga luha nang itaas ni JV ang mukha nito. Pero huli na nakita na nito ang pag-iyak niya.
"Hey," nakangiti nitong sabi.
"Sorry, hindi lang kasi ako makapaniwalang nangyayari ito," pagsasabi niya ng totoo.
Tumawa ng mahina ang binata. "Ang alin, itong atin ngayon?" anitong sinimulang tuyuin ng sarili nitong panyo ang kanyang mga luha.
Tumango siya. "B-Bakit ankle bracelet?"
"To remind you how we first met. Our first dance, The Last Waltz," madamdaming hayag ng binata.
"Ang romantic mo alam mo ba? Kaya mahal na mahal kita eh," hindi niya napigilang ibulalas iyon habang kinikilig na nakangiti.
"Ows? Talaga mahal mo ako?"
"Sobra! Kaya nga selos na selos ako dun sa nililigawan mo eh!" aniyang tumawa pa pagkasabi niyon.
Napabungisngis ang binata. "I'm sorry, iyon lang ang nakita kong option para makuha ka. And baby kita mo naman, you're mine now," anitong kinindatan siya pagkatapos.
Namumula ang mukha siyang nagyuko ng ulo. Hindi siya nakapagsalita dahil ang totoo wala siyang mahagilap na anumang salita para ihayag ang tuwang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.
"Listen," anitong ginagap ang kamay niya saka hinalikan. "ang sabi nila true love brings out the best. Before you, hindi ko talagang kilala ang sarili ko, kung hanggang saan ang kaya kong gawin para sa taong minamahal ko. Pero mula nang ma-realized ko kung gaano kita kamahal at naramdaman kong ayaw na kita pakawalan. Kaya kong ibigay ang buhay ko, mabuhay ka lang."
MASIGABONG palakpakan at malakas na hiyawan. Kasabay iyon ng pagsasara ng malaki at kulay berdeng telon. Matamis siyang nginitian ni Vinnie, at kahit gustong-gustong niya itong yakapin ng mahigpit nang mga sandaling iyon ay nagpigil siya. Nakuntento nalang siya sa mahigpit na pagpisil sa kamay nitong hawak parin niya.
"JV, pare!" tinig ni Joey ang narinig niya. "congratulations," anitong iniabot ang kamay sa kanya.
Wala sa loob niyang sinulyapan ang nobya na noon ay nakamata lang. "Thank you din," aniyang kinamayan ang binata saka nakangiting tinapik ang balikat.
"Ako na nga pala ang humihingi ng pasensya sa ginawa ni Irene. Anyway, wala na kami," malungkot pa nitong amin sa kanya.
May simpatyang tinitigan niya ito. "Pasensiya kana rin kung napagtaasan kita ng boses. Masyado lang kasing mahalaga sakin ang taong ito kaya ayokong nakikita siyang nasasaktan," pagkasabi niyon ay hindi niya napigilan ang sariling sulyapan ng may affection si Vinnie.
"Masaya ako para sayo. Anyway, may outing ang tayo sa Sabado. Kung ako sayo ipagpapaalam ko na siya sa parents niya, sige," ani Joey na nakangiting tinapunan ng sulyap si Vinnie na noon ay kasama sina Melchor at Selma bago siya tinapik sa balikat at tinalikuran.
Gusto niya ang ideyang iyon ni Joey. Pero hindi niya maikakaila ang masidhing kabang naramdaman niya. Well kung gusto niyang makasama sa araw na iyon si Vinnie kailangan niyang harapin ang takot niya.
Kundi lang talaga kita mahal Lavinia.
"NATATANDAAN niyo pa ba si JV, nay, tay?" si Vinnie nang lapitan sila ng binata.
"Oo naman. Anong akala mo sa amin ng nanay mo ganoon na katanda?" si Melchor na tumawa pa ng mahina.
"Sa bahay ka na kaya kumain hijo? Hindi pa nga pala kami nakakabawi sayo sa paghatid dito kay Vinnie noong party ng kapatid mo," alok naman ni Selma.
Lihim siyang nagpasalamat sa ginawang iyon ni Selma at nang sang-ayunan iyon ng binata ay parang ibig niyang magtatalon sa katuwaan.
Ang tatay niya mismo ang nagsabing sa kotse ni JV na siya sumakay sa halip na sa jeep nilang dala ng mga ito. Nabigla pa siya nang kabigin siya ni JV para siilin ng halik nang pareho na silang nasa loob ng kotse nito.
"I'm sorry, kanina pa kita gustong halikan," anitong sinuyod ng tingin ang mukha niya saka pagkatapos ay muling inangkin ang awang parin niyang mga labi.
Napapikit siya. Ganoon din naman siya madalas. Pero dahil nahihiya siyang magsabi ay hinihintay nalang niyang ang binatang gumawa ng first move.
"T-Tara na, baka makahalata sila nanay," hinihingal niyang sabi nang pakawalan ng binata ang mga labi niya.
Noon nakangiting binuhay ng binata ang makina. "May outing daw sa Sabado, sama tayo?" anito.
"T-Talaga?" nasa tinig niya ang excitement.
Tumango-tango si JV. "Ipagpapaalam kita sa nanay at tatay mo."
"Gagawin mo talaga iyon?" overwhelmed niyang naisatinig.
Tinanguan lang siya ni JV bilang pagsang-ayon.
"Excited na'ko," hindi niya napigilang sabihin.
Amused siyang sinulyapan ng nobyo. "Talaga? Sige nga bakit?" nanunudyo nitong sabi.
Mabilis na nag-init ang mukha niya nang makuha ang ibig sabihin ng sinabing iyong ng binata.
"Ikaw ah! Siguro kung anu-ano nanaman ang tumatakbo diyan sa isipan mo ano?"
"Wala naman, maliban sa mas matagal na halikan at mas mahigpit na yakapan. Iyon lang, bakit gusto mo bang dagdagan ko pa?"
Nahihiya siyang nagyuko ng ulo. "Ang pilyo mo talaga!" aniya pang natawa ng mahina, at nang lingunin niya ang nobyo ay nakita niyang umangat ang sulok ng labi nito. "tumigil ka nga,��� saway niya sa binata bagaman nakangiti.
Natawa ng malakas doon si JV saka nangingislap ang mga matang sinulyapan siya nito.
"Pero seriously," anitong ginagap ang palad niya saka pinisil. "gusto kong makasama ka ng mas matagal sa Sabado," gaya ng dati ay naramdaman niya ang katapatan sa sinabing iyon ng binata.
"P-Pareho tayo, ako din gusto ko lagi kitang kasama," amin niya.
Nang itaas ni JV ang kamay niya saka hinalikan ay buong pagmamahal niya itong nginitian.
"I love you so much JV," aniyang naglalambing pang hinaplos ang kamay ng nobyo na mahigpit ang pagkakahawak sa kanya.
Nilingon siya nito ng nakangiti rin.
"Mas mahal kita," sagot nito saka muling hinalikan ang likod ng palad niya.
Hindi na siya nagsalita, alam niyang totoo ang sinabi ni JV dahil nararamdaman niya habang sa isip niya.
Parang gusto narin niyang maniwala sa sinasabi ng iba na mas masarap ang patagong relasyon. Iyong sa kabila ng tila malaking pader sa pagitan nila ay nagagawa parin nilang gumawa ng paraan para magkasama. At iyon ang tanging pinanghahawakan niya para isiping totoo ang nararamdaman nila para sa isa't-isa.