KINAGABIHAN ay dinatnan na ni JV ang kotse niyang nakagarahe na sa parking space ng kanilang bahay. Mula SJU ay nag-commute nalang siya pauwi kahit inalok naman siya ng ride ng mga kaibigan niya. May gusto kasi siyang makita na hindi naman niya nakita.
"Ma," bungad niyang hinalikan ang ina sa pisngi.
"Anong nangyari sa inyo ni Irene, hijo?" kahit mababa ang tono ng pananalita ay naramdaman parin ni JV ang disappointment sa tinig ng ina.
"Break na kami Ma," maikli niyang sagot.
"Makipag-ayos ka sa kanya JV," anito sa tono na parang wala siyang kakayahang tumanggi.
Nakaramdam siya ng inis. "Nakikipag-flirt siya sa ibang lalaki at ayoko ng ganoon," pagbibigay katwiran niya sa sarili.
"Sa Sunday magho-host ako ng family dinner at iimbitahan ko sila. Kailangan ninyong magkaayos, you know wala akong ibang babaeng gusto para sa iyo maliban kay Irene," anitong binigyang diin ang huling tinuran.
Naiiling siyang hindi na nagkomento saka na umakyat sa kanyang kwarto. Wala siyang planong makipagbalikan kay Irene.
Nagbihis lang siya saka na lumabas ng kanyang silid. Nang madaanan ang bukas na silid ni Hara ay awtomatiko siyang napangiti.
Biglang nabuhay sa isip niya ang isang imahe na mula kaninang umaga ay totoong nagpapangiti sa kanya tuwing naaalala niya.
"Brat!" tawag niya sa kapatid na abala sa binabasang libro.
"Oh kuya! May kailangan ka?"
Naupo siya sa gilid ng kama nito.
"Tell me, gaano katagal mo ng kaibigan si Miss L?" hindi niya napigil ang sariling itanong iyon sa kapatid dahil talagang interesado siya kay Vinnie.
Naghihinala ang tinging ipinukol sa kanya ni Hara.
"Nitong June lang kami nagkakilala. Paano mo siya nakilala? Saka pano napunta sayo yung panyo niya?" magkakasunod nitong tanong na ibinaba pa sa ibabaw ng kama ang binabasa nitong libro.
Napangiti siya. "Secret iyan, bakit hindi ba niya sinabi sayo?"
Umiling si Hara ng magkakasunod.
"Mahiyain kasi iyong si Vinnie, saka napaka-private na tao nun. Actually kabaligtaran siya ng lahat ng naging kabit mo!" anitong napabungisngis nang sabihin ang salitang kabit.
"Napansin ko ngang parang may pagka-shy type siya" aniya. Kilala niya si Hara, alam niya kung paano pasusumpungin ang kadaldalan nito.
"Oo, pero mabait iyon at matalino. Teka, bakit parang sobrang interesado ka sa kanya?" taas ang isang kilay nitong nangingiting tanong.
"W-Wala! Bakit masama bang kaibiganin ang kaibigan ng kapatid ko?"
"Ows? O baka naman gusto mo siya? Alam mo kasi ang sabi niya sakin NBSB siya," at nagsimula na nga ang kadaldalan ni Hara.
"What?"
Tumawa ng malakas si Hara. "No Boyfriend Since Birth! Iyon ang meaning nung sinabi ko!"
"Di ibig sabihin pala kahit minsan hindi pa siya nagkakaboyfriend?"
"Oo. Ang sabi kasi niya sakin bawal daw siyang makipag-boyfriend kasi paaral siya ng kuya niya. Alam mo na bunso at nag-iisang babae. Saka nakita mo naman kahit walang make-up at kahit nakasalamin eh talaga namang napakaganda niya di ba? Kaya nga natipuhan mo siya eh. Pero ewan ko ba sa bruhang iyon, nasabi naman niya sakin na may contact lens siya pero bihira niyang gamitin. Siguro kasi hindi pa sanay."
Tumango-tango siya kaya nagpatuloy si Hara.
"Pero kuya kung may plano kang gawing past time si Vinnie huwag mo ng ituloy. Bestfriend ko iyon eh, baka kasi masira ang pagkakaibigan namin at ayokong mangyari iyon," bigla ay nagseryoso ang aura ng mukha ni Hara.
"Hayun at hinusgahan nanaman ako ng kapatid ko," natatawa niyang sabi.
"Hindi naman, worried lang ako sa kanya kasi alam ko naman kung ano sayo ang mga babae," paliwanag ni Hara.
Hindi siya nakapagsalita. Kahit sarili niyang kapatid hindi siya talagang kilala. Walang imik niyang tinungo ang pinto. At nang lingunin niya si Hara ay nakita niyang nakasunod ito ng tingin sa kanya.
"Sa totoo lang brat, parang hindi ko kayang gawing past time si Miss L," hindi iyon biro.
Hindi siya naniniwala sa love at first sight dahil hindi pa naman talaga siya naiinlove pero ang nararamdaman niya kay Vinnie ay hindi niya kayang ipaliwanag.
Para itong si Maria Clara, mahinhin, mahiyain pero kayang akitin ang lahat dahil sa natatangi nitong katangian. At kahit gaano man ito kasimple ay mas nangingibabaw parin ang tunay nitong kagandahan.
Gusto niya ito. Hindi niya alam pero talagang gustong-gusto niya si Vinnie. Kaiba sa lahat ng babaing nagdaan na sa buhay niya. At masasabi niyang ito ang tipo niyang babae.
DALAWANG araw ang lumipas at muli silang nagkita ni Mr. Giron. Nakahinga siya ng maluwag nang ibalita nito sa kanyang nakaisip na ito ng paraan kung paano niya babawiin ang naiwala niyang grade.
"Kung sasang-ayunan mo mas mabuti," anito pang hinubad ang suot na salamin.
Napangiti siya saka nilingon si Hara na nakaupo sa silya nito di kalayuan sa loob ng silid.
"Naku sir kahit ano po basta kaya ko gagawin ko, mabawi ko lang iyong grade na naiwala ko."
Ngumiti narin ang matanda na tila ba nahawa sa kasiglahan ng tinig niya.
"Mabuti, hindi naman mahirap. At sa totoo lang bagay na bagay sayo ang papel na gagampanan mo."
Literal siyang napanganga sa narinig saka napaupo sa silyang nasa harapan ng desk ng guro.
"A-Ano p-pong papel na gagampanan?"
"Ikaw ang gaganap na Maria Clara sa dula na gaganapin sa susunod na buwan. Ako ang talagang nag-suhestiyon sa iyo para ganapan ang papel na iyon," paliwanag pa ng matanda.
Natilihan siya sa narinig. "P-Pero sir, hindi naman po ako member ng SJU Theater Arts Guild. Saka isa pa po, wala rin akong background sa pag-arte," paliwanag pa niya.
Tumango ang matanda. "Kinulang sila ng tauhan para sa dula, at iyong tungkol sa pag-arte huwag kang mag-alala nasabi ko narin iyan kay Joey na posibleng wala ka pang background sa acting at willing silang turuan ka," maikli nitong sabi na nakuha naman niya ang ibig sabihin.
Ilang sandali siyang hindi nakapagsalita. Parang nagkamali yata ng pisil si Mr. Giron dahil malabong maging effective siyang actress. Napaka-mahiyain niya at hindi niya kayang umarte sa harap ng maraming tao.
"Ano sa tingin mo Miss Lustre? Kailangan ko na ang sagot mo ngayon, may klase pa ako in fifteen minutes. Para masabi ko narin kay Joey ang tungkol rito."
Wala ka ng choice Vinnie, ano ka ba naman face your fear. Ang kaniyang isipan.
"S-Sige po sir" lakas-loob niyang sagot saka pa nagbuntong hininga pagkatapos.
Wala naman na siyang ibang option, kung hindi niya tatanggapin iyon malaki ang mawawala sa kanya. "Good, ipaaalam ko na sa kanya ang tungkol rito at ikaw bilang pinaka-bago nilang myembro."
Matagal nang wala sa harapan niya si Mr. Giron ay nakatitig parin siya sa binakante nitong mesa.
"Hoy Lavinia!" untag sa kanya ni Hara na kaniyang ikinagulat.
"H-Ha?"
"Sabi ko anong sinabi sayo ni sir at parang nawala ka sa sarili mo?" natatawang naupo pa ang dalaga sa tabi niya.
Malungkot siyang nagbuntong hininga saka nangalumbaba. "Ayun, gaganap akong Maria Clara sa play."
Sukat sa sinabi niyang iyon ay impit na napatili si Hara. "Oh my it's meant to be!" anitong kinilig pa na kaniya namang ipinagtaka.
"Okay ka lang?" salubong ang mga kilay niyang tanong.
Makahulugan ang ngiti at tinging ipinukol nito sa kanya. "Gosh! Anyway, lika na gutom nako eh."
Nasa corridor na sila nang marinig ang tinig na tumatawag sa pangalan niya. "Y-Yes?"
"I'm Joey" anitong inilahad ang kamay sa kanya. Tinanggap naman niya iyon. "ako ang head ng SJU Theater Arts Guild. Nasabi na sakin ni Mr. Giron ang tungkol sayo, anyway mamayang six PM may meeting tayo sa Guildhall. Sana makarating ka."
"Darating siya," sabad naman ni Hara na ngumiti pa sa kanya nang lingunin niya ito.
"Sige, aasahan ka namin kung gayon. Anyway, welcome to the group. I'm sure mag-e-enjoy ka," anitong mabait muna siyang nginitian bago tinalikuran.
"Naks! Instant celebrity ang bestfriend ko! You made me so proud!" nasa tinig ni Hara ang sinabi.
"Nakakainis, ayoko naman talaga eh," aniya "eh wala naman akong choice. Paano yung grade ko sa Filipino?"
"Kaya huwag ka ng mag-inarte diyan okay? Bahala ka fourty percent ng grade natin ang galing doon," ani Hara na siya naman talagang totoo.