"SIGE action."
Ang eksenang pina-practice nila nang araw na iyon ay ang Suyuan sa Asotea.
"Crisostomo," aniyang tumayo sa kinauupuang silya saka ibinaba ang binuburdahang tela.
"Wait, mas maganda siguro kung magyayakap kayong dalawa. Siyempre na miss ninyo ang isa't-isa at dahil magboyfriend kayo normal na iyon, JV ikaw ang unang yayakap sa kanya okay?" ani Reagan, ang baklang director ng dula.
Natilihan siya sa narinig. "H-Ha? Teka, baka naman pwedeng huwag na," protesta pa niya. Mabait naman kasi si Reagan kaya hindi siya nagdalawang isip na sabihin iyon.
"Sige na, si JV naman iyan oh. Gwapo! Saka isa pa, hindi kapa ba naman sanay eh kulang nalang maging kayo sa totoong buhay dahil everyday kayo ang nakikita kong magkasama!" anito pang nanunuksong sinulyapan si JV na nakita niyang malapad ang pagkakangiti.
Narinig niyang tumikhim si Joey sa huling tinuran ni Reagan. Pagkatapos ay saka sila inulan ng tukso ng iba pa nilang kasamahan kaya mabilis na nilamon ng matinding hiya ang dibdib niya.
Napabuntong hininga siya at wala na ngang nagawa.
"Sige action."
"Crisostomo!" masaya niyang bulalas saka mabilis na napatayo.
"Maria, mahal ko!" sa dalawang malalaking hakbang ay natagpuan na lamang niya ang sariling kulong ng malalaking bisig ni JV.
Hindi niya napigilan ang sariling gantihan ng yakap ng binata. Ang bango-bango nito at ang sarap ng pakiramdam na nararamdaman ng pisngi niya ang matigas nitong dibdib. Feeling pa niya iyon ang tamang place sa mundo para sa kanya.
"Cut!" nasisiyahang naisatinig ni Reagan. "di ba ang bongga?" anitong ipinagpatuloy ang pagbibigay ng instruction sa kanila pagkatapos. "now, from the top okay?"
"N-Natutuwa akong makita ka Crisostomo," nanginginig ang tinig niyang sabi habang nanatiling nakapulupot sa katawan niya ang mga bisig ni JV.
Nang ngumiti ang binata ay parang gustong matunaw ng puso niya sa ganda niyon. Melted cheese ika nga nila! Hinagod nito ng tingin ang kanyang mukha at saka nagtagal sa kanyang mga labi. Mabilis siyang kinilabutan dahil sa ginawi nito.
At nang maramdaman niya ang banayad na haplos ng malambot nitong kamay sa kanyang pisngi ay hindi niya napigilan ang mapapikit. Feeling pa niya parang gusto na niyang mag-collapse dahil sa pinaghalong kilig at nerbiyos nang mga sandaling iyo.
"Ganoon din ako mahal ko," anito. Ang mabangong hininga ni JV ay humaplos ng husto sa mukha niya kaya mabilis ang ginawa niyang paghugot ng malalim na buntong hininga.
"Lagi mo ba akong naaalala Crisostomo? Hindi mo ba ako nakalimutan kahit minsan?" nang pakawalan siya ni JV ay may bahagi ng puso niya ang tila gustong magprotesta pero natuwa siya ng lihim nang manatiling hawak nito ng mahigpit ang kamay niya.
"Nasa ibang lupain man ako ay hindi ko parin malilimot ang aking pinakamamahal. At ikaw iyon Maria," ani JV saka siya muling hinila palapit rito saka masuyong iniipit ang kanyang buhok sa kanyang tainga.
Sa totoo lang, gusto niyang pasalamatan si Mr. Giron sa ibinigay nitong project sa kanya. Pakiramdam kasi niya totoo ang lahat ng ikinikilos ni JV. Nararamdaman niya iyon sa mga titig nito, sa mga haplos nito at sa yakap nito kanina, iyon din ang naramdaman niya.
"Ibig mo bang sabihin wala kang nakitang magagandang dilag sa pinuntahan mo?"
Nang umangat ang sulok ng labi ni JV ay pinigil niya ang sariling mapapikit dahil sa kilig na naramdaman. Parang gusto pa niyang mangalumbaba at titigan nalang ito ng titigan.
Napakagwapo mo talaga! My goodness kahit yata sa simpleng paghinga mo lang nawawala na ako sa sarili ko.
"Totoong marami akong nakitang kagandahan, pero bukod tangi parin sa akin ang iyong kariktan," nag-init ang pisngi niya sa sinabing iyon ni JV kahit kung tutuusin hindi niya iyon dapat bigyan ng malisya dahil nasa script iyon.
Maluwang siyang napangiti. Paano naman kasi ay naalala niyang bigla ang sinabi nitong dahilan kung bakit Miss L ang tawag nito sa kanya. Maging ang lantarang pag-aabot nito ng bulaklak at chocolate sa kanya sa canteen. At ang isiping hiningi lang nito ang bulaklak may maibigay lang sa kanya ay isa sa mga dahilan kung bakit binabalot ng kilig ang puso niya.
Bagay lang sayong maging leading man kasi nasa personality mo ang pagiging romantic!
Maraming magagandang babae sa SJU na nagpapakita ng pagkagusto kay JV, pero ang isang kagaya niya ang pinaglalaanan ng oras at atensyon ng binata. Kinikilig siyang natawa ng mahina. Hindi niya tiyak kung dinadaya lang siya ng ilusyon niya pero sa totoo lang mula nang sabihin ni JV sa kanyang maganda siya ay hindi siya nahirapang paniwalaan iyon.
Siguro dahil nararamdaman niya ang sinabing iyon ng binata sa mga titig nito sa kanya. At maging sa mga nahuhuli niyang panakaw nitong sulyap sa mga pagkakataong silang dalawa lang ang magkasama o kaya ay sa tuwing nasa loob sila ng kotse nito.
Hay sana totoo nalang lahat ito JV. Kaso alam ko namang may iba ka talagang gusto, at hindi ako iyon kaya hindi ko maiwasan ang magselos.
"DAHIL magaling ka ng umarte, ipagluluto kita!" masayang sabi ni JV sa kanya nang matapos ang practice nilang dalawa. Iyon ang last day ng training niya kay JV na inabot ng dalawang linggo.
Umikot ang mga mata niya habang nakangiti. "Bakit marunong ka bang magluto?"
Nangalatak doon ang binata saka inilahad sa harapan niya ang kamay nito. Tinanggap niya iyon. "Oo naman pero iyong mga simple lang, gaya ng pancake!"
Malakas siyang natawa sa narinig. "Pancake! Eh di ba pang-almusal iyon? Sandwich nalang," giit niya.
Noon nagkamot ng ulo nito si JV kaya mabilis niyang nakuha ang ibig sabihin niyon.
"Sige ako nalang ang gagawa ng meryenda natin, pa-thank you ko nalang sayo kasi pinag-tiyagaan mo akong turuan," kalaunan ay naisip niya.
"Masarap, ito na ang bago kong paborito!" ani JV habang maganang kinakain ang sandwich na inihanda niya.
"Ngek, bolero ka talaga, wala namang kakaiba diyan di ba?"
Noon inubos ni JV ang sandwich nito, inabot ang baso ng juice saka uminom.
"Meron, ang kakaiba dito ikaw ang naghanda, iyon," sagot nitong kuntentong isinandal pa ang likod sa sandalan ng silya.
Parang hinaplos ng pakpak ng ibon ang puso niya. Gusto niyang magsalita pero wala siyang nahagilap na pwedeng sabihin kaya ngumiti nalang siya.
Ilang sandaling nakiraan sa kanila ang katahimikan. Siya nang mga sandaling iyon ay ipinagpatuloy ang tahimik na pagkain habang si JV? As usual, titig na titig parin sa kanyang mukha.
"T-Tumigil ka nga diyan!" nang hindi makatitiis ay sita niya sa binata.
"Para tinititigan ka lang" anitong umangat pa ang sulok ng labi pagkuwan.
Nanunulis ang nguso niyang ipinagpatuloy ang pagkain. "Nakakailang kasi ang mga titig mo."
"So weakness mo pala ang mga titig ko huh!" may panunuksong sabi ng binata.
Totoo iyon pero ayaw niyang aminin mismo iyon kay JV kaya nakangiti nalang niyang inirapan ang binata. Hindi niya maintindihan kung bakit wala siyang maramdamang pagkainis kapag binibiro siya ng ganoon nito.
Siguro kasi sa kabila ng pagbibiro nito, naroroon parin ang masarap na kilig na hatid niyon na siyang kumukumpleto sa araw niya.
Nang damputin niya ang baso ay hindi niya inasahan ang sumunod na nangyari. Nadulas iyon sa kamay niya kaya nahulog at nabasag sa marmol na sahig.
Mabilis siyang yumuko para pulutin iyon pero dahil sa pagkataranta, na-mali siya ng dampot. Naramdaman nalang niya ang hapding nilikha ng sugat niyon sa kanyang daliri.
"A-Anong?" si JV na nag-aalalang tumayo saka siya dinaluhan.
"M-masakit" nangingilid ang luha niyang turan saka tiningala ang binatang noon ay hawak ang kamay niya. Hindi naman malalim ang sugat.
Pero dahil bihira siya kung masugatan, ininda niya iyon ng husto.
"Teka kukunin ko iyong gamot," ang binatang umakmang tatalikod pero mabilis ring nahinto nang magsalita siya.
"H-Huwag, mahapdi. Hayaan mo na hindi naman malalim," giit niya sa pagitan ng pagpipigil na impit na mapaiyak.
"I-Ikaw talaga," mabait na sabi ng binata. "teka, alam ko na," ang sumunod na ginawa ni JV ay hindi niya inasahan.
Marahas siyang napasinghap nang isubo nito ang dulo ng daliri niyang nasugatan. Alam niyang paraan din iyon para mapaampat ang pagdurugo ng isang maliit lang na sugat.
Pero dahil yata si JV ang gumawa niyon sa kanya, may pakiramdam siyang para siyang hihimatayin sa anumang sandali.
Ang init ng labi niya...
Daliri palang niya ang ikinulong ng mga labi nito. What more pa kaya kung? Noon niya mabilis na iwinala sa isip ang isiping iyon.