Chereads / THE THIRDS (Mini-Series) / Chapter 13 - KABANATA 13

Chapter 13 - KABANATA 13

"OH kumain ka ng marami ah, alam ko di kapa naghahapunan," si JV na hindi magkandaugaga sa pagaasikaso sa kanya nang kumakain na sila.

Naging busy na kasi noon si Hara sa mga bisita nito kaya si JV at ang tatlo pa nitong mga kaibigan at pati narin si Louise na nobya ni Raphael ang kasama niya.

"Ang dami naman nito, hindi ko 'to mauubos," mahina niyang reklamo saka sinulyapan ng pailalim si JV.

Narinig niyang nangalatak ang binata. "Anong marami, eh ang konti-konti lang niyan. Saka isa pa hindi mo naman kailangang mag-worry sa figure mo dahil kahit tumaba ka maganda ka parin sa paningin ko," anitong ilang beses na itinaas-baba ang makakapal nitong kilay kaya hindi niya napigilan ang matawa.

Nang mga sandaling iyon pakiramdam niya parang walang ibang tao sa mesang iyon maliban sa kanilang dalawa. "Corny mo ah," aniya pa.

"Sige kakainin ko nalang ang tira mo," pagkuwan ay sabi ng binata.

Nagulat siyang binalingan ito sa narinig. "Ano?" hindi makapaniwalang sabi niya.

"O bakit? Sabi ko kakainin ko nalang ang tira mo pag di mo naubos, kung nahihiya kang makita ng ibang may tirang pagkain sa plato mo. Sige sasaluhin ko ang pride mo," buska nito.

Binalot ng matinding kilig ang puso niya sa sinabing iyon ng binata. Ang alam niya mag-asawa at magboyfriend lang ang gumagawa ng ganoon. Kaya iba ang naging dating sa kanya ng sinabing iyon ng binata.

Sana pwede kong ilagay sa frame ang moment na ito para pwede kong i-display sa side table sa kwarto ko at titigan anytime.

Masayang-masaya siya, kaya nawala na nang tuluyan sa isip niya si Irene na panay ang pukol ng matatalim na sulyap sa kanya nang hindi niya nalalaman. Nasa kalagitnaan na nang programa nang i-request ni Hara na kumanta si Raphael, nagpaunlak naman ang binata.

Bilang lead vocalist ng SJU Rock Band ay hindi na siya nagtaka doon. Pero ang totoong ikinagulat niya ay ang ginawa ni JV. Dahil ilang sandali pa nang makababa si Raphael, kasama ng ibang band members ay naiwan na sa stage ang binata.

"Ehem!" ani Dave saka siya makahulugang nginitian nang sulyapan niya ito.

Ngumiti lang si Lemuel at saka nasisiyahang pinagmasdan si JV. Nang simulan nang tugtugin ng banda ang introduction ng kantang Basta't Kasama Kita na version ni Josh Santana ay noon tumahip ng matinding ang kaba sa dibdib niya.

Paborito niya ang kantang iyon at sa totoo lang iyon ang theme song niya sa lihim niyang nararamdaman para kay JV. Nakakatawang isipin pero wala siyang pinagsabihan na kahit sino tungkol sa kantang iyon.

Pareho lang ba tayo ng nararamdaman ha JV?

"Alam mo bang dalawang araw niyang inaral ang kantang iyan para sayo?" nakangiting pagbibigay alam ni Raphael sa kanya.

Napalunok siya sa narinig. Sinulyapan niya si Raphael pero mabilis din niyang ibinalik ang paningin kay JV nang simulan nitong awitin ang kanta. Nag-init ng husto ang mga mata niya.

Hindi man kasing ganda ng boses ni Raphael ang boses ni JV, para sa kanya walang sinabi ang sinumang singer sa tinig ng binata. At dahil nasa harapan lang ng stage ang mesa nila ay hindi nalingid sa kanya na nanatili itong nakatitig sa kanya habang seryosong umaawit.

Basta't kasama kita, lahat magagawa, lahat ay maiaalay sayo. Basta't kasama kita walang kailangan pa, wala ng hahanapin pa, basta't kasama kita.

Hindi niya maintindihan pero nararamdaman niyang ang bawat mensahe ng kantang iyon ay ang totoong gustong iparating sa kanya ng binata. Ang totoong nararamdaman nito sa kanya. Isama pang inamin sa kanya ni Raphael na dalawang araw na inaral ni JV ang kantang iyon para sa kanya.

siguro kailangan ko ng magpaturo ng kanta kay Raphael, naalala pa niyang sinabi ng binata.

Pinigil niya ang maiyak at nagtagumpay naman siya doon. Masigabong palakpakan ang sumunod niyang narinig. At nang lapitan siya ni JV, napuna niya ang kakaibang lagkit ng mga titig nito sa kanya.

"Two down, and two to go," anito nang maupo ulit sa tabi niya na nakuha naman niya ang ibig sabihin.

Noon niya inabot ang baso ng tubig saka ibinigay sa binata. "Maganda, ang galing mo," mula sa rim ng baso ay nakita niyang kumislap ang mga mata ni JV sa sinabi niyang iyon. "favorite ko ang kantang iyon alam mo ba?" pagsasabi niya ng totoo nang hindi siya makatiis.

Tumaas ang sulok ng labi ni JV. "Ows, hindi nga?"

Magkakasunod siyang tumango. "Oo nga, kaya nga ang saya-saya ko kasi kinanta mo ang favorite song ko," pabulong niyang sabi.

Hindi niya alam kung saan siya kumuha ng lakas ng loob na aminin iyon pero wala siyang pinagsisisihan lalo at nakita niyang ang kakaibang kasiyahan sa mga mata ng binata.

Ngayon naniniwala na siya sa sinabi noon ni JV sa kanya na ang mga palad, parang labi rin kapag naglapat, kahit hindi parin naman niya naranasan ang mahalikan. Dahil nang hawakan ni JV ang kamay niyang nasa ilalim ng mesa ay mabilis niyang naramdaman ang masarap na kuryenteng nanulay doon.

Hindi iyon ang unang pagkakataong naglapat ang mga palad nila. Pero parang may kakaiba. Mas sumidhi ang nararamdaman niyang kaba. At nang pisilin iyon ng binata habang matamang nakatitig sa kanya ay nag-iinit ang mukhang nagyuko siya ng ulo.

Hindi niya kayang tagalan ang mga titig nito kahit gusto niyang pagmasdan ang kakaibang kislap ng mga mata nito. Pero gaano man ka-weird ang lahat ng nararamdaman niya, isa lang ang tiyak niya. At iyon ay ang kakaibang tuwang nasa puso niya nang mga sandaling iyon.

Sana pwedeng ganito tayo forever!

"SAAN tayo pupunta?" naguguluhan niyang tanong nang hilahin siya ni JV palayo sa lugar kung saan ginaganap ang party.

"Shhh... Huwag kang maingay, mamaya masundan tayo ng mga asungot dito," anang binata.

"Sinong asungot?" salubong ang mga kilay niyang tanong.

"Sino pa edi yung mga totoy dun na gusto kang isayaw," anitong binigyang diin pa ang salitang totoy kaya siya natawa.

"Hoy malayo na ang party dito ah!" aniya nang mapunang nasa may land scaped garden na sila.

"Kaya nga dito kita dinala eh, kasi walang ekstra," anitong naupo sa naroong swing. "lika dito" anitong tinapik pa ang bakanteng side ng swing.

Noon parang nag-unahan ang dagang nagtakbuhan sa dibdib niya.

"Ano? Lika na dito, bihira kana ngalang masolo ng tao eh," paangal pa nitong sabi.

Bihirang masolo eh kung tutuusin araw-araw tayong dalawa ang magkasama.

Pinigil niya ang mapabungisngis sa tindi ng kilig na nangibabaw sa puso niya dahil sa simpleng sinabing iyon ni JV. Saka nanlalamig ang mga kamay niyang tinabihan ang binata.

"Anong cologne ang gamit mo?" tanong ng binata na sinimulang i-swing ang duyan.

"Naku baby cologne lang, bakit?" nahihiya niyang sagot saka ito nilingon at pagkatapos ay ibinalik ang paningin sa full moon.

"Wala, gusto ko ang scent, parang ikaw," sagot ng binata.

Ano? Gusto mo ako? O ang cologne ko? Gusto sana niyang itanong kasi naguluhan siya sa sinabi nito pero pinili niyang tumahimik nalang.

Timing na timing ang ganda ng buwan, tapos kaming dalawa lang dito. What if halikan niya ako? Papayag ba ako o tatanggi? Matuloy na kaya this time? Ano kayang feeling na mahalikan ni JV?

"Alam mo ba, lahat ng naging girlfriends ko isa lang ang unang sinasabi sakin?" mayamaya ay tinuran nito.

Taka niya itong tiningala. "Ano?"

Noon umangat ang sulok ng labi ng binata. "Good kisser daw ako" nanunukso nitong sabi.

Ramdam niya ang pag-iinit ng magkabila niyang pisngi sa sinabing iyon ni JV. Alam ba nitong iyon ang iniisip niya o nagkataon lang na naikwento iyon sa kanya ng binata?

"Bastos!" kunwari'y inis niyang sabi.

Natawa ang binata. "Ano kaba nagkukwento lang ako sayo. Sige sorry na, nakalimutan ko NBSB ka nga pala" anito pa.

"Nang-iinis ka ba? Dinala mo ko dito para ipamukha saking pangit ako kaya walang nagkakagusto sakin ganoon?" mataray niyang tanong.

Lalong lumapad ang pagkakangiti ni JV sa sinabi niyang iyon.

"Anong pangit? Hindi ka pangit, di ba nga sinabi ko na sayo for me ikaw ang pinakamagandang babae sa buong mundo," pagkasabi niyon ay maingat nitong hinaplos ang buhok niyang noon ay nahihipan ng mabining hangin.

Napalabi siya at pagkuwan ay napangiti narin, kaya naman nang akbayan siya ni JV ay hindi na siya tumanggi at sa halip ay inihilig pa niya ang ulo sa balikat nito.

Gosh ang sarap naman ng ganito, iyong lahat ng pinapangarap mo eh unti-unti natutupad.

"Ang ganda ng buwan ano?" naisatinig niya saka pinagsikapang huwag mahaluan ng kilig ang tinig niya.

"Sinabi mo pa, ginawa niyang mas magical ang gabing ito," makahulugang sabi nito saka siya niyuko.

Napapikit siya ng maramdaman ang mainit nitong labi sa kanyang noo.

"Pero mas maganda ka kaysa buwan, and your eyes. Mas gusto ko silang pagmasdan kaysa mga stars," anito pa.

Hindi na siya umimik at sa halip ay isiniksik nalang ang ilong sa leeg nito. Nanuot ang napakabagong scent ng cologne nito sa bawat buhay na ugat sa kanyang katawan. Hindi niya alintana ang ilang libong alon ng kaba na tila gustong magpawala sa kanyang huwisyo.

Ayaw niyang masira ang gabing iyon nang dahil lang sa kaba at hiyang nararamdaman niya. Dahil paniguradong kapag pinalampas niya ang pagkakataong iyon, baka wala ng second chance.