Chereads / THE THIRDS (Mini-Series) / Chapter 2 - KABANATA 2

Chapter 2 - KABANATA 2

SUNOD-SUNOD na napailing si JV nang mapagmasdan ang gulong ng kanyang sasakyan.

Kapag minamalas ka nga naman!

Aniya saka sinulyapan ang suot na relo. Noon niya dinukot ang cellphone sa bulsa ng kanyang pantalon. Papupuntahin nalang niya doon ang kanilang family driver.

"Manong Jun," tawag niya sa matandang janitor na nakita niyang nagwawalis malapit sa may gate ng malaking simbahan.

Ngumiti ito nang makita siya. "Oh JV hijo, mukha yatang problemado ka?" nang makalapit ito.

Natawa siya, dati siyang sakristan noong bata pa siya kaya kilala siya ng mga tao sa simbahan. "Oo nga po eh, teka Manong may ipapakiusap po sana ako sa inyo?" aniya sa nahihiyang tinig.

Tumango ang matanda. "Oo naman, ikaw talagang bata ka. Ano ba iyon?"

"Ipapakisuyo ko ho sana itong kotse ko sa inyo," aniyang iniabot sa matanda ang susi. "parating na po si Manong Manny, siya na po ang magdadala nito sa casa. Hindi ko na po siya mahihintay kasi malelate na ako sa klase ko."

"Sige ako na ang bahala. Ang mabuti pa sumakay kana ng traysikel at baka mahuli ka pa."

"Oo nga pala," aniyang dinukot ang pitaka. "heto po, pambili ninyo ng gamot. Pasensiya na po nahuli ako nga bigay ngayon," paumanhin pa niya.

Sandaling pinagmasdan ng matanda ang bills na iniabot niya. "Ang laki naman nito hijo?" anito. "nakakahiya na, hindi mo naman obligasyong sagutin ang gamot ko."

Kinindatan niya ang matanda. "Dinagdagan ni Papa ang allowance ko, kaya dapat lang na i-share ko ang blessing sa inyo."

"Napakaswerte ng babaeng pakakasalan mo hijo, napakabait mo. Kung tutuusin wala naman akong nagawang malaki sayo maliban nalang sa pagiging malapit natin noon pa mang bata ka, pero mula nang magkasakit ako ikaw na ang sumasagot sa gamot ko," nangingilid ang luhang sinabi ng matanda.

"Pamilya ang turing ko sa inyo Manong Jun, iyon nalang ang iisipin ninyo," aniyang nakangiti pa itong tinapik sa balikat. "mauna na po ako," paalam pa niya bago tinalikuran ang tumango lang na matanda.

Matandang binata si Manong Jun. Nang mamatay sa aksidente ang katipan nito ay hindi ito nag-asawa. Wala narin itong kamag-anak kaya mag-isa nalang ito sa buhay. Ang kinikita nito sa simbahan bilang janitor ang tanging kabuhayan ng matanda.

Kaya naman nang mapag-alaman niya ang tungkol sa sakit nitong diabetes ay siya na ang nagkusang bigyan ito ng pambili ng gamot monthly.

Sa laki kasi ng allowance niya ay hindi naman kabawasan ang perang ibinibigay niya sa matanda. Naniniwala rin kasi siyang kahit sinong tao deserving para tulungan nagawan ka man nito ng pabor o hindi. At isa pa masarap sa pakiramdam ang nakakagawa siya ng mabuti kahit pa sa SJU ang tingin sa kanya ay playboy.

Well, sino ba naman sa mga naging nobya niya ang totoong nakakakilala sa kanya? Wala pa yata? Iyong tipong kahit hindi siya magsalita ay nagagawang basahin ang iniisip niya. At higit sa lahat alam kung ano ang totoong nararamdaman ng puso niya. Napabuntong hininga pa siya nang maalala ang naging ending nila ni Irene kagabi nang maihatid niya ang dalaga.

"OH hayan dinelete ko na ang number ng lalaking pinagseselosan mo," ang inis na sabi ni Irene bago ibinalik sa loob ng bag nito ang hawak na cellphone.

"Ako magseselos? Bakit naman? Marami kang pwedeng lokohin pero hindi ako. Sige na bumaba kana, I'm breaking up with you," aniya.

Noon niya naramdaman ang kamay nito sa kaniyang hita. "JV, please. I love you," anito.

Kulang ang mga daliri niya sa kamay at paa para mabilang ang lahat ng babaeng nagdaan na sa kanya. Pero ang isang ito lang ang parang walang contentment. Committed sa kanya and yet nagagawa pang makipag-flirt sa iba? At iyon ang pinaka-ayaw niya sa lahat. Kahit sinong lalaki din naman siguro.

Hindi si Irene ang unang spoiled brat na nakarelasyon niya. Pero sa lahat ito ang pinaka-eskandalosa.

Galing ng Maynila ang pamilya nito na matagal na nanirahan doon. At ang ina nitong si Mayen ay bestfriend ng Mama niya. Ang Mama niya ang nag-utos sa kaniyang kaibiganin si Irene. Last summer lang niya ito nakilala at dahil nga laking siyudad, madali niyang nagustuhan ang tipo nito pagdating sa pakikipagrelasyon at well, sa huling naisip ay malisyoso siyang napangiti.

First year ito sa SJU at kumukuha ng Hotel and Restaurant Management. Girlfriend na niya ang dalaga for almost two months. At aminado siyang kahit napakaganda nito at gusto ng Mama niya ay wala siyang nararamdamang ano mang espesyal na damdamin para rito. Siguro dahil wala namang kakaiba kay Irene at sa ibang babaeng nagdaan na sa buhay niya.

"Kahit maghubad ka pa ngayon sa harapan ko hindi mo na mababago ang desisyon ko, so please get out of my car at uuwi na ako," mababa ang tinig niyang sinabi.

"No! Pagkatapos ng lahat ganito pa ang makukuha ko sayo? How dare you!" ang galit na turan ni Irene.

"Ano bang sinasabi mo? Sa pagkakaalam ko lahat ng ginagawa natin gusto mo, hindi kita pinilit kahit minsan. And besides patas lang naman tayo di ba? Mas lamang ka pa nga kung tutuusin dahil nagagawa mong maging unfaithful ng hindi ko alam."

"Napaka walanghiya mo talaga! Sumosobra kana!" anitong galit siyang pinagsusuntok sa dibdib.

"Hey! Please huwag kang mag-eskandalo? Baka marinig ng parents mo nakakahiya," aniyang hinawakan ang dalawang kamay ng dalaga nang mapunang nakatawag ang ginawang iyon ni Irene sa ilang naglalakad sa labas ng malaking bahay ng dalaga.

"Hindi ako papayag na basta mo nalang akong iiwan! At isa pa ako ang gusto ng Mama mo para sayo!" giit nito saka padaskol na bumaba ng kotse.

Halos magiba ang gate sa lakas ng pagkakatulak doon ng dalaga. Napailing siya sa nakita saka mabilis na pinatakbo palayo ang sasakyan.

Totoo naman ang sinabing iyon ni Irene kung tutuusin, kadalasan kasi ang Mama nilang si Carmela ang kumokontrol sa buhay nilang magkakapatid. Panganay siya at may dalawa pang kapatid na babae. Ang sumunod sa kanya ay si Hara na nasa unang taon nito sa SJU sa kursong BS Psychology habang si Savana ay graduating naman sa elementary.

Sa parehong angkan ng mga magulang nila, siya ang unang apo kaya siya rin ang pinakamatanda sa kanilang magpi-pinsan. At sa totoo lang, ngayon palang ay ramdam na niya ang pressure sa lahat ng obligasyong naka-atang na sa balikat niya bilang pinakamatanda sa ikatlong henerasyon ng mga De Vera, particularly.

Paggawa ng furnitures na yari sa rattan ang negosyong pinasok ng mga magulang nilang sina Jovic at Carmela. Mga produktong ine-export nila hindi lang sa mga bansa sa Asya kundi maging sa Amerika at kamakailan lang ay napasok na nito ang Europa.

Sa dalawa, ay mas tutok rito ang Mama nila dahil mas maraming oras ang ginugugol ni Jovic sa pagpapatakbo ng SJU kung saan ito kasalukuyang nakaupo bilang isa sa mga direktor ng unibersidad.

Kasalukuyan parin siyang nag-aabang ng traysikel na masasakyan nang marinig na tumunog ang kanyang cellphone. Kinuha niya iyon saka binasa ang mensaheng galing kay Joey. Ang head ng SJU Theater Arts Guild kung saan siya active member.

Elementary days nang magkaroon siya ng interes sa pag-arte. Pero nagsimula iyon hindi sa eskwela kundi sa simbahan. Nang mga panahong iyon kasi ay kasalukuyan pa siyang sakristan sa St. Joseph Cathedral. At maraming event sa simbahan na kadalasan ay mga dulang galing mismo sa Bibliya na kinatatampukan ng mga tao ng simbahan kung saan siya kabilang.

Gaya ng iba, he started from small to heavy roles. At ipinagpatuloy niya ang paggiging active sa acting nang mag-high school siya. Hindi niya pinlanong maging artista at wala siyang balak na i-pursue ang pag-arte after college. Pero dahil nga interes niya, hindi siya nagdalawang isip na ipagpatuloy ang pagsali sa mga acting workshops ng SJU tuwing summer.

And that made him qualified as one of the best actors of the SJU Theater Arts Guild when he entered college. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit bukod sa pagiging the third niya, gaya nina Raphael, Lemuel at Dave ay nakilala siya ng husto sa SJU, partikular na sa mga babae. Doon ay napangiti siya ng wala sa loob.

BS Electronics and Communication Engineering ang course nilang apat at graduating na sa taong- aralang iyon. At dahil nga nasa second floor ng College of Environmental Design and Engineering building ang classroom nila. Madalas kapag wala pa ang prof nila ay nasa corridor sila at nagsa-sightseeing.

Mula kasi doon ay tanaw ang buong quadrangle kaya napagsasawa nila ang mga mata nila sa naggagandahang estudyante. At iyon ang masasabi niyang naging hobby narin nilang apat.

Noong hindi pa nito nakikilala at nagiging nobya si Louise. Si Raphael na siyang lead vocalist ng SJU Rock Band ang masasabi niyang pinakamabilis magpalit ng nobya sa kanila. Hindi na nakapagtataka iyon, because he sings beautifully. At kahit siya mismo ay aminadong napaka-soulful ng boses ng binata.

Bukod kay Raphael ay si Lemuel ang isa pang mahilig sa musika. Mahusay itong tumugtog ng violin at active rin bilang miyembro ng SJU Orchestra. Bukod pa roon ay may talent rin ito sa pagsusulat ng kanta. Kung minsan ito ang tinatawag nilang tatang.

Hindi niya alam kung nagkataon lang pero hindi ito mahirap ihalintulad sa paborito nitong musical instrument. Likas kasi sa binata ang pagiging seryoso at tahimik. Man of few words ika nga nila, at iyon ang nakikita niyang magnet na humihila sa mga babae palapit rito.

Kabaligtaran naman ni Lemuel si Dave dahil napaka-hyper ng binata at laging nakangiti. Iyon ay sa kabila ng pagiging notorious playboy type ng karisma nito. Nag-re-reflect naman sa mga galaw at pitik ni Dave ang totoong personalidad nito kapag sumasayaw ito. At isa iyon mga dahilan kung bakit nakilala ito bilang pinakamahusay na mananayaw ng SJU Dance Troope.

Habang siya? Sa kabila ng pagiging plaboy niya, sa kanilang apat siya lang ang masasabi niyang sa simula palang ay naniniwala na sa magic at destiny. Hindi niya alam kung bunga ba iyon ng maraming kasalan at magagandang wedding vows na narinig na niya noong sakristan pa siya, o baka naman na-inspire lang siya sa nakikitang pagsasama ng mga magulang niya?

Isang matamis na ngunit ang pumunit sa mga labi niya dahil sa isiping iyon saka walang anumang pinara ang isang traysikel saka sumakay.