Kasalukuyang nakaratay sa kabaong ang labi ni Manang Sella. Nababalutan ng puting tela ang paligid ng bahay nito at may maliliwanag na ilaw na may disenyong birhen. Tahimik ang paligid at hinihintay na dumating ang iba nitong ka-anak.
Nakaupo ang dalawang magkapatid sa isang puting upuan at nakatingin lamang sa kabaong ng matanda. Namumugtong ang mga mata at tila wala sa sarili. Labis na dinamdam ng mga iyon ang pagkawala nito.
Pasado alas-otso na ng gabi at patuloy ang pagdating ng mga nais makiramay. Tinawag naman ni Beth si Maximo para magpatulong na mamahagi ng biscuit at juice. Si Beth ang isa sa mga anak ni Manang Sella, nanirahan ito sa Antipolo dahil mayroon itong taniman ng mga gulay at prutas sa bundok.
Agad na sumunod naman si Marco dito. Bitbit ng bata ang isang basyo ng juice at isa-isang ipinamigay sa mga dumarating na bisita.
Nagpasiya naman si Marco na umuwi muna para asikasuhin ang mga kapatid nito dahil maghapon na silang nasa lamay. Nagpaalam ito kay Maximo at umalis.
Madilim na ang paligid ngunit marami pa ring tao sa kalsada, iyon ang oras na labasan na ng mga tao sa trabaho at sinasalubong iyon ni Marco. Disente at puting-puti ang suot. May bitbit na pasalubong na biscuit para sa mga kapatid na galing sa lamay ni Manang Sella. Hindi nito alam ang mga pamahiin dahil mas kailangan malagyan ang kumakalam na sikmura ng mga kapatid.
Grupo ng mga pulis ang nasalubong nito at ang direksyong tinatahak niyon ay papunta sa lamay ng matanda.
Hindi na lamang iyon pinansin ng bata at patuloy na naglakad.
Huminto ang sasakyan ng mga pulis at bumaba roon si SPO1 Mansalta habang may bitbit na bulaklak bilang pakikiramay. Ikinagulat ng mga tao ang pagdating ng pulis at samo't saring opinyon ang lumalabas sa bibig ng mga ito.
"Ano hong balita sa pag-iimbestiga niyo?" tanong ni Beth kay Mansalta.
"Ginagawa na namin ang lahat para mabigyan kami ng lead upang agad na mahuli ang gumawa ng karumal-dumal na pagpatay sa iyong Ina, hinihintay na lamang namin ang report ng NBI." Paliwanag nito.
Tumuloy ang mga iyon at umupo, natanaw ito ni Maximo kaya naman agad na nagtago ang bata para hindi mapansin ng pulis.
Magkahalong kaba at takot ang nararamdaman ni Maximo. Hindi niya magawang magpakita roon dahil natatakot ito na mapag-initan at hulihin dahil sa ginawa niyang pagnanakaw noon.
"Kanina kapa rito? Hindi ka paba lalabas?" Tanong ni Beth kay Maximo dahil nakatayo lamang ito sa tapat ng pinto at palihim na nakatingin sa pulis.
Mariing nagdadasal ang ibang mga bisita habang may hawak ang mga iyon na Rosario. Mistulang kawawang tupa ang bata dahil hindi ito
Maka-hakbang man lang.
Iginala ni Mansalta ang tingin sa paligid. Legal sa mga oras na iyon ang pagsusugal maliban sa saklaan, mahigpit na ibinilin ng pulis na huwag gagawin ang ganoong uri ng sugal dahil paglabag iyon sa batas.
Isang puting kotse ang dumating at huminto sa tapat ng lamay. Napatingin ang lahat dahil sa dumating na bisita, wala silang alam kung sino ang sakay ng magarbong kotse. Kaya naman natahimik ang lahat at si Mansalta naman ay inaabangan ang pagbaba ng tao sa loob.
Lumabas ang Driver at binuksan ang pintuan ng sasakyan. Isang babae ang lumabas at nakasuot ng itim na damit, may suot na itim na salamin at may hawak na pamaypay.
"Kamag-anak niyo ba 'yan?" Tanong ni Mansalta kay Beth.
Umiling na lamang si Beth dahil hindi rin nito kilala ang babaeng bumaba sa sasakyan.
Naglakad iyon patungo sa kinaroroonan ni Beth at Mansalta.
"Nakikiramay ako sa pagkawala ni Tiya Sella, ikinalulungkot ko ang nangyari noong mapanood ko iyon sa telebisyon."
Nagulat si Beth dahil hindi niya kilala ang babaeng tumawag na Tiya sa kanyang Ina.
"Sino ka? Bakit mo tinawag na Tiya si Nanay?" Tanong ni Beth.
"Hindi mo ba ako nakikilala? Ako lang naman ang iyong pinakamamahal na pinsan."
Nanlaki ang mga mata ni Beth dahil sa tinuran nito. Hindi siya sigurado kung tama ang kanyang iniisip.
"I-Ikaw si Mauricia?!"
Tumango ito at si Mansalta naman ay sadyang nagulat dahil sa nangyaring rebelasyon. Malaking ngiti ang isinukli ni Madam Claudia sa mga ito at lumapit kay Beth para makipag-beso.
"P-Paano nangyari 'yon ang alam namin patay kana."
"Pwes, mali ang akala ninyo, eto ako nasa harap niyo. Buhay na buhay, hitsura lang ang nag-iba pero hindi ko makakalimutan kung sino kayo." Pagmamalaking sabi nito.
Lumapit sa kabaong si Madam Claudia upang masilayan ang nakapikit na mukha ng kanyang Tiyahin.
"Patawad, hindi ko alam na dito ka rin pala sa Maynila nakatira, sana kinuha na lang kita at sa aking bahay ka lamang tumira." Bulong nito.
Hindi mawala ang tingin ni Mansalta kay Madam Claudia dahil ang labis na nagbago talaga ang hitsura nito. Kahit saang anggulo ay talagang nakaka-akit ang babaeng kasalukuyang nasa harap ng kabaong.
"Naniniwala ka bang si Mauricia talaga 'yan?" Tanong ni Mansalta kay Beth.
"Kilala ko ang pananalita niya, kaya sigurado akong siya talaga."
Napaisip si Mansalta, umiral nanaman ang pagiging mapaglaro nito pagdating sa babae, naaakit siya sa magandang hubog ng katawan nito at kahit sino ay hindi maiiwasang mapatingin.
"Ang tagal na rin noong huli akong na kita si Tiya Sella, siguro mga 5 taon na rin ang nakakalipas bago mangyari 'yung pagsabog." Sabi nito kay Beth.
"Paano nangyari na naging ganyan ka na kayaman ngayon? Nag-ibang bansa ka ba?"
"Hindi, masyado mapaglaro lang talaga ang tadhana at hindi ko akalain na sa anak ng Mayor ako mapupunta." Tumawa ito at sinadyang sabihin para marinig ni Mansalta.
"Ikaw SPO1 Mansalta? Hindi mo ba ako kakamustahin? Balita ko binaril ka daw? Matagal talaga mamatay ang masamang damo." Sunod niyong sabi.
Pilit na ngiti na lamang ang isinukli ni Mansalta dahil nawawala siya sa kanyang sarili, labis na hiya ang kanyang nararamdaman dahil sa ginawa niyang pangloloko noon.
"Mukhang mabait kana ata ngayon? Kasal ka na ba?"
Sunod-sunod ang tanong ni Madam Claudia ngunit hindi iyon sumasagot. Pinapakinggan na lamang ni Beth ang tinuran ng Pinsan at inaabangan ang magiging sagot nito.
"Meron na, kasal na ako kay Lira." Maiksing sagot ni Mansalta.
"Kayo nga talaga ang para sa isa't isa, masaya ako para sa 'yo, akala ko hindi ka pa kasal, pakakasalan sana kita."
Napalunok si Mansalta dahil sa sinabi nito. Mas lalong nakaramdam ito ng kaba dahil alam niyang iba ang nais nitong ipahiwatig.
"Niloloko lang kita," dugtong nito bago tumawa, parang nasisiraan ng bait. Pumasok ito sa loob ng bahay ng Tiyahin upang magmasid-masid.
"Ang laki na ng ipinagbago niya." Sabi ni Mansalta sa sarili.
Papasok pa lamang si Madam Claudia sa loob ng bahay ay agad na bumungad sa kanya ang hitsura ng batang lalaki at iyon ay si Maximo.
Dinaanan lamang ito at dumiretso sa kusina para kumuha ng maiinom.
Sinundan naman ni Maximo ng tingin ang babaeng dumaan sa kanyang harapan bago ito nagpasiya na umupo muna sa Sofa.
Sumunod naman si Beth sa loob upang kausapin ang kanyang pinsan. Iyon ang kanilang muling paghaharap para linawin lahat ng kaganapan at pag-usapan kung paano ang naging buhay nito sa mga lumipas na taon.
"Wala ba kayong alak dito?" Tanong ni Madam Claudia.
Tila alam nito na nakamasid sa kanya si Beth kaya naman hindi na nagawa pang magtago nito at lumabas na lamang para rektahang makausap.
"Mauricia, natutuwa ako na pumunta ka sa lamay ngayon ni Nanay, pero bakit ngayon mo lang naisipan na bisitahin siya?"
Sandaling napahinto sa Madam Claudia at ibinaba ang hawak na babasaging baso.
"Hindi na ako si Mauricia, ako si Claudia, kaya tigilan mo pagtawag sa akin sa dati kong pangalan. Kinalimutan ko na ang pangalan na iyon dahil maraming mapapait na alaala ang naroon, kaya p'wede ba. 'Wag mo na ako ulit na tatawagin na Mauricia!" Paliwanag nito na may halong pagtataas ng boses.
"Kahit bali-baliktarin mo pa ang mundo. Ikaw pa rin si Mauricia, 'yung paboritong pamangkin ni Nanay. Alam kong hindi naging maganda ang karanasan mo at alam ko rin na mainit ang ulo mo dahil nandito ang dati mong kasintahan na nanloko sa 'yo pero huwag mo naman sana ibunton sa akin ang galit na nararamdaman mo." Naluluhang sabi ni Beth.
Bumuntong-hininga na lamang si Madam Claudia at sinalinan ng alak ang hawak na baso.
"Masaya na ako sa kalagayan na 'to, hindi naman kita nakakalimutan at mas lalong hindi kita makakalimutan." Tugon nito.
Hinawakan ni Beth ang mga kamay nito at pinisil-pisil.
"Kung alam mo lang na matagal kang hinanap ni Nanay noon, isa siya sa labis na naapektuhan sa pagkawala mo at doble pa ang nararamdaman niya noong namatay si Beronica."
Naluha si Madam Claudia ngunit hindi niya iyon ipinahalata kay Beth, nagpapanggap lamang ito na hindi naapektuhan sa mga sinasabi ni Beth pero ang totoo ay talagang tinatamaan siya sa mga mabibigat na salitang binibitawan nito.
"Hindi ko alam ang nangyari sa 'yo Mauricia o Claudia man ang itawag ko sa 'yo. Pero sana 'wag kang sanang lamunin ng galit mo para maghiganti sa mga taong nanakit sa 'yo lalo na kay Mansalta."