Nagpunta si Roger sa isang abandunadong apartment kung saan magkakaroon ng pagpupulong ang kanilang grupo. Lahat ay imbitado dahil ito na ang pinakahihintay nila. Malakas ang ulan ngunit hindi nila iyon alintana. May mas importante silang dapat gawin at iyon ang paghihiganti.
"Anong oras daw makakarating si Madam?" tanong ni Boy Negro kay Roger.
"Mga alas dos nandito na iyon, kaya maghanda kayo siguradong mainit nanaman ang ulo non," kaagad na tugon nito.
Tumango na lamang si Boy Negro at kinuha nito ang kanyang armas sa loob ng isang itim na baul na halos dalawampung taon na ang tanda. Matapos nitong kunin ang pakay ay nagtungo ito sa kinaroroonan ni Roger. Nakaupo iyon sa isang case ng alak at nagmumuni-muni sa pamamagitan ng paglalagay ng bala sa magasin.
"Condolence pare," bungad nito.
"Salamat pare, alam ko naman na kahit ganito ang kalagayan natin hindi pa rin natin maiwasan na makonsesya dahil kaluluwa natin ang nakasugal dito," paliwanag ni Roger.
Hinawakan nito ang balikat ni Roger at inabutan ng isang pakete ng shabu.
"Gago ka talaga, alam mo na ngang nagbago na ako, huwag mo na akong tuksuin!" natawa na lamang ito dahil sa pagbibiro ng kasamahan.
"Si Madam nandiyan na!" sigaw ng lalaking nakabantay sa labas ng apartment.
Pinuntahan iyon ni Roger para salubungin at bitbitin ang dala nitong brief case. Walang ideya ang lalaki kung ako nilalaman ng kahon na iyon pero kung pagmamasdan ang hitsura niyon ay parang mga matataas na kalibre ng baril ang laman.
"Ito na ba yung sinasabi nilang imported c4 na galing Japan?" tanong ni Boy Negro sa kanya.
"Hindi ko alam, mabigat e. Ikaw magbuhat." Iniabot ni Roger ang kanyang hawak at halos mapakagat sa sariling labi ang lalaki. Lumabas ang mga ugat sa maiitim na braso at parang ano mang oras ay bibitawan na nito ang hawak.
"Tangina naman nitong kahon na 'to. Hindi naman ako maniniwala na shabu laman nito e, parang armaLITE sa bigat."
"Bakit nakahawak ka na ba ng ganon?"
"Hindi pa, pero sa tingin ko mabigat e, pake mo ba gusto mo bigwasan kita?" Tumawa na lang si Roger at tinulak ito sa dibdib. Napaurong iyon at kaagad na umabante para sumunod. Labis na tawanan ang naririnig nila sa hindi kalayuan kung saan naroon ang ibang mga miyembro. Tumahimik lamang ang mga iyon ng makita ang kanilang amo na nakatayo sa pintuan at tinitigan sila ng matalim isa-isa.
Mabilis na kumilos ang mga bataan. Kanya-kanyang kuha ng baril at nakinig maiigi sa sinasabi ng kanilang amo.
"Ayaw ko na sa pagkakataong ito mabibigo nanaman tayo ah, kayo ang nakakaalam kung paano niyo didiskartehan na tirahin si Mansalta." Paliwanag ni Madam Claudia sa kanila.
"Pero madam, maraming pulis sa lugar kung saan nakatira yung pakay namin," sagot ng lalaking nakasuot ng maskarang pula at may sariwang sugat sa braso.
"Napakarami ninyo. Lituhin niyo sila. Ang mahalaga lang sa akin ay madala ninyo dito sa basement yung katawan ni Mansalta na walang buhay! Maliwanag!" sigaw na sabi nito.
Tumango na lamang ang mga kasama at sumenyas ang kanilang amo. Lumapit si Roger at inilapag sa ibabaw ng lamesa ang isang malaking kahon. Selyado ito ng mga kadena at halatang mabusising pinako ang takip para hindi kaagad na mabuksan. Nakanga-nga ang ibang miyembro dahil hinihintay nila ang hiwagang laman ng kahon.
"Ingatan niyo ang pagtatanggal baka masugatan 'yung laman. Malilintikan kayo sa akin."
Tinanggal ang mga nakakandadong bahagi at hinugot ang laman. Isang mataas na kalibre ng baril ang laman at dalawang C4 bomb. Hindi nga nagkamali si Boy Negro kaya naman nakipagsaging-braso ito sa kanyang kasamahan.
"Sabi ko sa 'yo, C4 from Japan yung laman niyan e," sabi niya habang nakangiti.
"Pero wala kang sinabi na may baril na kasama."
"Meron, 'di ba nga sabi ko armaLITE ang laman?"
Tumawa na lamang si Roger at kinuha ang baril na laman ng kahon.
Itinutok iyon sa isang kasamahan nila at mabilis naman na nag-iwas ang lalaking iyon.
"Gago ka ba? Papatayin mo ba ako?" natatawang sabi nito.
Nilagyan ng bala ni Roger ang hawak na baril at kinasa iyon. Nakatingin lanang si Madam Claudia sa kanya at hinihintay ang susunod nitong galaw. Itinutok ni Roger ang baril sa isang bote ng Gin na nakatayo sa hindi kalayuan at pinaputok iyon. Nakakabinging ingay ang umalingangaw sa buong paligid. Sumabog ang laman na alak mula sa loob ng bote. Pinagpasa-pasahan ang baril hanggang sa maubos ang limang minuto na pag-testing.
Bumalik sa loob pagkakaupo ang mga tauhan ay inilabas ni Madam Claudia ang isang bagaheng pera. Libo-libo ang laman. Nagbulungan ang mga batikang tauhan nito at natuwan sila nang ihagis ng kanilang amo ang mga naka-selyadong pera.
"Bonus ko na sa inyo 'yan, wala pa yung kabuuang bayad kaya umagos kayo ah. Huwag kayong mag-alala, kapag naman natuwa ako sa trabaho niyo makakatanggap pa kayo ng additional bonus sa akin."
Natuwa ang mga uto-utong tauhan. Tunay ngang makapangyarihan ang pera para sa mga taong gipit na gipit sa kahirapan dahil pumapayag lamang sila na itaya ang kanilang dignidad para sa pansariling kapakanan ni Madam Claudia.
"Mamayang alas diyes ng gabi lulusob na tayo."
Nagulat ang lahat dahil sa sinabi ni Roger. Tila nanlumo ang mga hitsura at hindi nila akalain na mabilisan lang gagawin ang lahat.
"Sigurado ka? Alam mong matinik si Mansalta sa Recto. Baka gusto mo hindi makabalik ng buhay rito," sabi ng lalaking may suot na itim na bonet habang may hinihithit na sigarilyo.
"Dapat pa ba tayong mabahala? Iyon na ang pinakamadaling trabaho na gagawin natin. Hindi ba kayo natutuwa na matatapos kaagad ang misyon?" paliwanag nito sa mga kasamahan.
Tumango naman ang iba ngunit ang iba naman ay hindi sang-ayon sa sinabi ni Roger. Alam naman ng kahit sino na hindi madaling kalaban si Mansalta pero ang iniisip ng mga iba nitong kasamahan ay ilalagay sila sa alanganin at itataya ang buhay sa isang mabilisang sugal lamang. Walang sino ang gustong magpalamang dahil lahat sila ay gustong makabalik ng buhay.
"Tama si Roger," gatong ni Madam Claudia.
Hindi na nakapagsalita ang mga tauhan nito at sinang-ayunan na lamang ang utos ng Roger.
Kanya-kanyang ayos ng mga baril ang mga ito habang si Madam Claudia naman ay kinakausap si Roger dahil may importante itong ipapagawa.
"Saan ko naman sila hahanapin Madam? Malaki ang Maynila!" sabi ni Roger.
"Ikaw na ang bahala kung paano mo malalaman basta kailangan mong mahanap ang mga bata."
"Paano kung hindi?"
Sandaling natigilan si Madam Claudia at nag-isip ng ibang pwedeng paraan.
"Basta, kailangan makita mo sila dahil ayokong gamitin sila ni Mansalta laban sa akin."
Napakagat na lamang sa ibabang labi si Roger at maski siya ay hindi alam kung paano niya sisimulan ang iniuutos sa kanya.
Lumabas ito ng building bitbit ang kanyang baril. Mag-isa lamang itong sumakay sa loob ng Van at nagulat ang mga kasamahan nito. Malaking tanong sa kanila kung bakit nagmamadaling umalis si Roger.
"Huwag niyo siyang intindihin may gagawin siyang trabaho at iba iyon sa trabaho niyo."
Napatingin ang lahat sa kanilang amo na nakasuot ng itim na t-shirt at hapit ang short. Ito na ang unang beses na nagsuot ng hapit na damit ang isang binansagang Madam Claudia.
Madumi ang paligid at puno ng sulat ang mga pader. Nagkalat ang mga bulitas ng bala at may mangilan-ngilang tuyong dahon sa loob ng apartment dahil sa labis na katandaan. Ito na ang lugar na sampung taon nang pinagkukutaan ng mga bataan niya. Walang sino man ang nakakaalam sa lugar na ito at talaga namang hindi mapapansin na may nangyayaring negosasyon na pala sa loob. Malayo sa kabihasnan ng Maynila at kahit sino ay hindi paghihinalaan ang lugar dahil napupuno ng lumot ang gate nito at walang kahit anong kapit-bahay ang naninirahan.
Tulalang nagmamaneho si Roger. Hindi alintanan ang aksidenteng naghihintay sa kanya kung sakaling magkamali siya sa pagbaybay sa mabatong daanan. Binuksan nito ang radyo ng sasakyan at nagulat siya nang makita niya ang larawan ng kanyang asawa at mga anak. Hinawakan niya iyon at humanap ng pwedeng hintuan ng sasakyan. Tinitigan maiigi ang mga mukha ng asawa at anak at pumatak ang luha. Kinuha nito ang cellphone at tinawagan muli ang asawa. Ngunit nakapatay iyon. Gusto niya humingi ng tawad pero sa tingin niya ay hindi na siya magagawang patawarin ng asawa.
"Matapos lang itong misyon na ito. Hindi na ulit ito mangyayari pa," bulong niya sa kanyang sarili.
Pinihit muli nito ang susi at umandar paalis. Iniba niya ang direksyon na tatahakin dahil gusto niyang makita ang asawa at humingi ng dispensa sa harap ng asawa. Nilalakasan na lamang niya ang loob habang papalapit sa kanilang bahay. Hindi niya alam kung ano ang kayang gawin nito sa kanya kung sakaling makita siya nito. Mas binilisan ang pagmamaneho habang binabaybay ang kahabaan ng kalsada papunta sa inaasam na pagpapatawad. Kaagad na hinawi nito ang luhang nagbabadyang tumulo at suminghot na parang isang sampung taong gulang na bata.