MAINGAY na paligid ang nagpagising sa mga magkakapatid, suot pa rin nila ang damit na ginamit nila sa libing ni Manang Sella. Bumangon si Marco at lumabas upang masilayan ang nangyayaring kaguluhan sa labas. Nanlaki ang mga mata nito ng makita ang batuhan ng mga bote mula sa mga ralehista na hindi gusto ang pamamalakad na ginagawa ng gobyerno.
Maraming duguan at ang iba ay umiiyak dahil naka-handusay ang mga kasamahan nila at walang malay. Iyon ang madugong rally na nakita ni Marco sa buong buhay niya. Pumasok ito muli at sumilip na lamang mula sa bintana ng kanilang bahay. Isang malakas muli na pagsabog ang nangyari at sa lakas niyon ay nagising ang lahat ng kasama niya sa bahay.
"Anong nangyayari?" Tanong ni Neneng Sarah habang tinatanggal nito ang mutang namuo sa gilid ng kanyang mga mata.
"Nagkakagulo sa labas, may rally!" Sabi ni Marco.
Natakot naman ang mga nakababatang kapatid nila dahil nangangamba ang mga ito na baka madamay ang kanilang tirahan sa alitan ng mga ralehista at alagad ng gobyerno.
"Paano na 'yan, hindi na tayo makakaalis dito kailangan natin manatili dito sa loob hanggang hindi natatapos ang gulo," tugon naman ni Maximo.
Malalim na paghinga na lamang ang nagawa ni Marco dahil sa labis na takot na nararamdaman.
Isang bumbero ang dumating at malakas na wangwang ang umalingawngaw sa paligid. Bumaba ang mga sakay niyon at binuksan ang generator ng tubig upang bombahin ang mga nagra-rally. Humalo ang dugo ng mga iyon sa tubig na binobomba ng mga bumbero at halos bayuhin ang mga ito ng malakas na tubig na nagmumula sa matatabang hose na naka-kabit sa tangke ng truck.
"Ate Sarah natatakot po ako," sabi ni Pitoy.
Hinablot iyon ni Neneng Sarah at niyakap. Hindi maipaliwanag na takot ang nararamdaman ng mga musmos na bata. Sa tagal kasi ng kanilang inilagi nila sa lugar na iyon ay ngayon pa lamang nagkaroon ng matinding labanan mula sa magkabilang panig.
"'Wag ka matakot, akong bahala sa'yo hindi ka pababayan ni Ate Sarah mo."
Humihikbing niyakap ito ni Pitoy at lumapit na rin si Berna para pakalmahin ang sarili dahil sa takot na nananahan sa kanyang damdamin.
"Anong plano mo? Baka masira itong bahay natin kapag nagtagal pa 'yang laban na 'yan?" Tanong ni Maximo sa kanyang Kuya.
"Hindi ko alam, wala naman akong kapangyarihan para pigilan ko 'yang kaguluhan na 'yan."
Hindi kalaunan ay dumating ang dagdag na mga kapulisan at may dala ang mga iyon na panangga, samantalang ang mga ibang ralehista naman ay nagsasalin ng gas sa bote ng Gin at mayroon iyong mitsa. Sigawan ng mga tao ang maririnig at walang tigil na murahan ang namamayani.
Dumating ang mga reporters mula ng telebisyon at kinuhaan ang nagiging senaryo at tumayo naman ang reporter para mag-ulat ng mga kasalukuyang nangyayari.
Hindi pa rin natitinag ang mga ralehista dahil kailangan marinig ng gobyerno ang kanilang hinaing. Iyon ay ang katarungang dapat na magprotekta sa mga kabataang naging biktima ng malaking pagsabog noon sa Sta. Mesa. Hindi pa lubos na nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga ka-anak at kaibigan ng mga lumisan kaya gamit ang larawang naka-imprenta sa papel ay kanila iyong itinataas at isinisigaw ang salitang HUSTISYA at isa sa biktima sa pagsabog noon ang Ina ng magkakapatid.
Kasalukuyang pinapanood ni Madam Claudia ang nangyayaring kaguluhan sa Recto, marahil nasasaktan siya at bumabalik sa kanya ang mga ala-alang naiwan noon dahil sa pagsabog. Iyon marahil ang pinaka-matinding bangungot na nangyari sa kanyang buhay.
Hawak nito ang larawan ng yumaong kapatid at naluluha ito at sinisisi niya sa kanyang sarili ang pagkamatay nito.
Inabot nito ang bote ng pulang alak at isinalin sa babasaging baso at dahan-dahan iyong nilagok. Iyon ay kasing pait ng naging buhay niya at dahil sa pagsabog na iyon ay nasira ang kanyang hitsura. Labis na nitong namimiss ang dating imahe ng mukha at sa tuwing humaharap sa salamin ay parang hindi na niya kaya pang silayan ang sariling wangis dahil hindi niya iyon orihinal na mukha.
Tumunog ang telepono nito at sinagot iyon.
"Madam? Tapos na po ang ipinagagawa niyo?" Sabi ni Roger mula sa kabilang linya.
Hindi maipintang ngiti ang mukha ni Madam Claudia dahil unti-unti ng nagsisimula ang kanyang inaasam na paghihiganti.
"Mahusay! Masyado mo akong pinapabilib sa mga ginagawa, nawalan man ako ng kaliwang kamay ngunit ikaw naman ang pumalit at mas mahusay ka kumpara kay Bigoy."
Tumawa ito ng ubod ng lakas at halos manlaki ang mga mata dahil sa labis na tuwa na kanyang nararamdaman.
"Madam? Wala bang dagdag diyan?" Kantiyaw ni Roger.
"Walang problema sa dagdag Roger, alam mo namang hindi ako kuripot pagdating sa pera at labis pa nga akong natutuwa sa trabahong ginawa mo."
Ibinaba nito ang hawak na telepono at uminom muli ng alak, iyon ang magandang balita na naiparating sa kanya at isusunod na nito si Mansalta.
•••••
NASA LOOB si Roger ng isang Van kung saan galing ito sa bahay ni Mansalta, iyon ang mahirap na misyon na kanyang ginawa dahil konsensya ang kanyang kalaban. Hindi nito kasama si Oscar dahil iyon ay kasangga ni Mansalta.
Tumunog ang telepono nito at lumabas roon ang mensahe mula sa kanyang Amo, perang nagkakahalaga ng kalahating milyong piso. Hindi pa rin magawa ni Roger na ngumiti dahil naaalala nito ang hitsura ng batang kanyang pinaslang. Nagmamaka-awa iyon at tumatangis. Naaalala nito ang mga anak na naiwan sa kanyang bahay dahil wala nang mas sasakit pa sa mawalan ng anak.
"Patawarin niyo po ako aking panginoon," sambit niya sa kanyang sarili habang nakatingin sa rosaryong nakasabit sa manibela.
Malaking kasalanan iyon sa Diyos at talaga namang walang kapatawaran ang ginawa niyang pagpaslang ngunit iniisip niya na wala siyang ibang alam na trabaho at wala siyang ipapakain sa dalawang anak niya.
Pinaandar nito ang sasakyan at nagtungo sa mall para kuhain sa bangko ang perang ipinadala sa kanya ni Madam Claudia.
Nanginginig na hinawakan nito ang pintuan ng sasakyan at dahan-dahang bumaba. Naiwan sa loob ng sasakyan ang baril na ginamit niya at may bahid pa iyon na dugo mula sa biktima.
Pumasok ito sa loob na tila walang ginawang hindi maganda, kinuha nito ang credit card niya at ibinigay sa in-charge person ng bangko.
Matapos pirmahan ang mga papel ay agad iyong pumunta sa pamilihan upang bilhin ang mga pangangailangan ng anak. Isa lamang ang nais niya sa kanyang mga anak. Ang makatapos ang mga iyon at titigil na siya sa pagiging mamamatay tao.
Sumakay muli ito sa Van at inilagay ang mga ipinamiling mga gamit para sa mga anak, binuksan ang starter at lumarga pauwi. Hindi niya na inisip ang mga nangyari kanina dahil ayaw niyang mahuli siya ni Oscar at siguradong nagtataka iyon dahil maaga siyang umalis at may bitbit pa siyang sasakyan mula kay Madam Claudia.
"Oh, P're saan ka ba galing? Kanina pa kita hinihintay. Lalo na ang mga Anak mo."
Napangiti ito sa bungad ni Oscar. Nakangiti iyon at parang nagagalak sa kanyang pagdating.
"Ang dami mong dala ah! Anong meron?" Tanong ni Oscar.
"Ah, pinabale lang ako ni Madam. Sabi ko walang-wala na talaga ako. Tsaka nakikita mo ba 'yang sasakyan na 'yan? Iyan 'yung gagamitin natin sa susunod na project natin."
Lumapit si Oscar sa sasakyan at tila humanga ito dahil mamahaling sasakyan iyon at hindi siya makapaniwalang ipinahiram iyon ng kanilang Amo.
"Sigurado ka? Okay lang na magasgasan 'to sa atin?"
"Ewan ko, basta sabi niya 'yan daw ang gagamitin natin e, sa tingin mo okay lang ba?" Natatawang sabi ni Roger.
"Syempre naman okay na okay 'to! Ako magmamaneho ah, baka naman sabihin mo kay Madam kapag na gasgasan ko 'to ako ituro mo."
Tawa na lamang ang isinukli ni Roger sa kaibigan nito.
"Teka lang P're dumaan ka ba sa Recto?"
Napatigil si Roger dahil sa sinabi nito, hindi niya alam kung ano ang nais nitong sabihin.
"Hindi, ano bang meron doon?"
"Nagkakagulo. Mga kupal talaga 'yang mga nagra-rally na 'yan, siguro kung ngayon tayo lumarga baka nahuli na tayo ng mga pulis kasi stranded tayo."
Pumasok sa isip ni Roger sina Marco at Neneng Sarah, malapit lang kasi iyon sa nangyayaring kaguluhan.
"Paano mo nalaman?" Agad na tanong ni Roger.
"Sa telebisyon, palabas kanina e, ang lupet talaga para kong pinapanood 'yung sarili ko kung paano ako ka-brutal pumatay," sabi ni Oscar habang tumatawa.
"Gago ka talaga kahit kailan! Magbago-bago ka na baka marinig ka ng mahal mong asawa mabisto pa tayo. Tulungan mo na nga lang ako sa pagbibitbit dito sa dala ko, iinom tayo ng marami!"
Umiling na lamang si Oscar dahil sa pagkakataong iyon ay ililibre nanaman siya ng inumin nito.
Pumasok ang dalawang magkaibigan sa loob ng bahay at napansin na sobrang linis.
"Anong naisipan mo at naglinis ka? Nasaan sina Carol?" Tanong nito kay Oscar.
"Nasa taas naglalaro, puntahan mo na lang. Ilalapag ko lang 'tong mga dala mo.
Binitawan ni Roger ang ibang bitbit at umakyat sa taas upang tingnan ang mga anak na naglalaro. Masayang-masaya si Roger dahil iyon ang pangalawang pagkakataon na binilhan niya ng laruan ang mga Anak.
Pinihit nito ang pintuan.
Nanlaki ang kanyang mga mata ng makita ang mga anak na nakasabit sa kisame at dilat ang mga mata. Duguan ang mga iyon at wala ng buhay.
Halos gumuho ang mundo ni Roger dahil sa kanyang nasaksihan, ang mga pinaka-mamahal na anak ay wala ng buhay.
Narinig nito ang pag-akyat ni Oscar, may hawak iyong patalim at matalim na nakatingin sa kanya.
"Akala mo ba hindi ko alam ang ginawa mong pagpatay sa anak ng Amo ko?"