"SA TINGIN mo ganoon na lang kadali ang lahat?" Tanong ni Marco sa kanyang nakababatang kapatid na si Maximo.
"Susubukan lang naman natin kung uubra ba, gusto ko sanang makapag-aral tayo kahit hanggang grade six lang."
Isang malaking palaisipan kay Marco ang binabalak na pagpasok ni Maximo sa paaralan dahil hindi naman sapat ang kanilang kinikita para sa pang-araw-araw nilang pamumuhay. Marahil libre nga ang pag-aaral ngunit hindi maiiwasan na gumastos sila ng perang ipangbibili ng mga notbuk at lapis, talaga namang malaking pagsubok ang pag-aaral na binabalak ni Maximo dahil malaki ang kakaining oras niyon kung sakali, imbes na gugulin nila ang kanilang oras sa paghahanap ng raket upang makakain sila ay mauubos lamang sa pagsusulat ng mga numero at letra.
"Alam mong mahirap 'yang gusto mo, alam mo namang may mga mas bata tayong mga kapatid na kailangan tayo rito sa bahay," tugon ni Marco.
Hindi naman umiimik si Neneng Sarah sa bangayan na nangyayari mula sa dalawang magkapatid. Hindi na niya nais na makigulo at kalangan pa ang umiinit na tensyon.
"Palibhasa kasi wala kang pangarap," mahinang sabi ni Maximo.
Nagpintig ang tainga ni Marco dahil sa tinuran ng kapatid.
"Hoy! Kung alam mo lang mas mataas ang pangarap ko kung ikukumpara sa pangarap mo. Kung pangarap mo lang ang hanggang Grade Six, ako gusto ko hanggang makatapos ng kolehiyo!" Sigaw nito sa harap ng kapatid.
Inilabas ni Maximo ang kanyang mga tira-tirang pahina ng papel at inihagis iyon sa tapat ng kanyang kapatid.
"Patunayan mo sa akin, isulat mo nga rito 'yung pangalan mo!"
Pinagmasdan lamang ni Marco ang nanlilimahid na papel na nasa kanyang harapan bago ito tumingin ng masama sa kanyang kapatid. Tila nang-aasar si Maximo na nakangiti dahil ipinagmamalaki na nito na naisusulat na niya ang kanyang pangalan.
"Ako ba ay inaasar mo? Alam mong kahit kailan hindi ako humawak ng papel!"
Dinampot nito ang papel at nilukot at ibinato sa harap ni Maximo.
"Kung ipinagmamalaki mo na kaya mong isulat ang pangalan mo na MAXIMO kahit na letrang "S" ang gamit mo, manahimik ka na lang!"
Pinigilan ni Neneng Sarah na tumawa dahil sa lakas ng pang-aasar ni Marco sa kapatid. Tila nagpapataasan ang dalawa at pinapatunayan ang mga kamalian nila.
"Ang yabang mo naman akala mo kung sino kang magaling, ikaw nga diyan hindi mo kayang isulat pangalan mo!" Sigaw ni Maximo.
Tumawa na lamang si Marco at tinapik ang balikat ng kanyang kapatid.
"Alam kong magaling ka magnakaw Maximo, kaya 'yon na lang atupagin mo," natatawang sabi ni Marco.
Tila naaasar si Maximo kaya lumabas ito at padabog na isinara ang pintuan nilang tagpi-tagpi.
"Kahit kailan talaga mabilis maaasar 'yan, pagpasensyahan mo na," sabi ni Marco kay Neneng Sarah.
Ngiti na lamang ang isinagot ni Neneng Sarah dahil labis na naaliw sa nangyaring bangayan mula sa dalawang magkapatid.
"Teka lang? 'Di ba ngayon 'yung libing ni Manang Sella?" Tanong ni Neneng Sarah.
Natigilan si Marco at biglang naalala ang usapan nila ni Bert, kaya naman lumabas ito at nakita niya si Maximo na nakaupo sa marupok na gulong at tila malalim ang iniisip.
"Hoy! Kupal ngayon pala libing ni Manang Sella! Tara na!"
Agad na tumayo si Maximo at nagtungo sa loob para magpalit ng damit.
Puting damit na may tatak ng kanyang pangalan ang kanyang isinuot, ganoon rin si Marco. Iyon kasi ang ibinigay ng kanilang Ama sa kanila noon kaya iyon na lamang ang natitirang alaala sa kanila.
"Sasama ka ba?" Tanong ni Marco kay Neneng Sarah.
"Walang kasama mga kapatid mo rito, kayo na lang ang pumunta."
Tumgo na lamang ito at kinalabit ang kapatid para pumunta sa lamay ni Manang Sella.
Bago sila magtungo roon ay pumunta sila kay Bert.
Kasalukuyan iyong nag-aabang sa kanila at tila naiinip na dahil sa matagal na paghihintay sa kanilang kanilang pagdating.
"Ang tagal niyo naman kanina pa ako na nandito, ano bang ginawa niyo? Mga kupal talaga kayo," sabi ni Bert.
Tawa na lamang ang ginanti ng magkapatid dahil sa kahihiyan.
"Anong meron bakit naging interesado ka ata kay Manang Sella?" Tanong ni Marco.
"Ano ka ba naman, malamang napaka-bait ni Manang Sella kahit kanino, kaya kahit sino naman ay nalulungkot sa pagkawala niya kaya 'wag ka ng magtaka kung bakit siya makikipaglibing," paliwanag ni Maximo.
Napakunot-noo na lamang si Marco dahil sumabat nanaman ang magaling niyang kapatid. Ngunit ipinagtataka lamang niya ay ngayon lamang naisipan ni Bert na bisitahin si Manang Sella kung kailan patay na ito.
"Sa totoo lang, katiwala ako ni Manang Sella dati, sampung taon na ang nakakalipas at mahigpit niyang sinabi sa akin na 'wag akong magpapakita sa kanya hanggang sa siya ay mamatay dahil may sinabi siya sa aking sikreto," paliwanag ni Bert.
Napaisip ang dalawang magkapatid dahil sa sinabi ni Bert. Isa lamang ang pumapasok sa isip nila at iyon ang tanong na.
"Anong sikreto?"
Naglalakad ang mga ito at animo'y isang banda dahil parehas na puti ang mga suot na damit. Pormal na pormal kung titignan at parang nakikipagsabayan sa pag-unlad ng Maynila.
Si Bert ang dating katiwala ng Manang Sella. Matagal din siyang nanatili sa puder ng matanda para manilbihan. Iniwan na kasi ng kanyang mga anak si Manang Sella dahil sa hindi magandang pagtrato nito sa mga anak, nagkaroon ito ng paborito at iyon ay si Mauricia. Ngunit sa kabila ng nangyari sa pagsabog ay hindi na muling ng matanda si Mauricia at pinalabas na lamang na patay na ang paborito nitong pamangkin.
"Akala ko hindi na kayo tutuloy, uuwi na sana ako."
"Muntikan ko ng makalimutan, buwiset kasi 'tong si Maximo inasar pa ako."
Masamang tingin na lamang ang nagawa ni Maximo sa kapatid dahil nag-iingat ito na dumulas ang pasmadong bibig. Kahihiyan iyon dahil pag-aaway ng dalawang walang alam ang nangyari sa kanilang dalawa.
Nakarating sila sa huling lamay ni Manang Sella, doble ang mga taong dumating kumpara nitong mga nakaraang araw. Mga hindi kilalang bisita ang dumating at pawang lahat ay galing sa probinsya.
Nakita nila si Beth na naka-upo at sinisilayan ang larawan ng kanyang Ina, iyon na ang huling beses na makikita niya ang pisikal na katawan nito. Nagulat naman si Bert dahil nakita niya na rin ang anak ni Manang Sella na palaging ikinikwento ni ng matanda sa kanya.
Nilapitan niya ito at tinabihan, kasama sina Marco at Maximo.
"Ikaw si Beth?" Tanong ni Bert.
Tumango si Beth at hindi pa rin naaalis ang tingin niyon sa larawan ni Manang Sella.
"Lagi ka sa akin ikinikwento ng Nanay mo, natutuwa siya at kung minsan naiiyak pa dahil labis kang namimiss pero ilang beses akong nagsabi sa kanya na tatawagan kita ngunit ayaw niya. Ikaw lagi ang bukang-bibig ng Nanay mo. At alam ko kung gaano ka niya ka-mahal."
Tumulo ang luha ni Beth sa larawan ng Ina at labis nagsisisi dahil sa pang-iiwan niya rito.
Makalipas ang ilang minuto ay dumating na ang sasakyan na maghahatid sa labi ni Manang Sella. Maraming ka-anak ang naging emosyonal dahil sa biglaang pagkamatay nito.
Nagpasiya naman sina Marco, Maximo at Bert na sa Jeep na lamang sumakay dahil hindi sanay sa byahe ang dalawang magkapatid. Nagsusuka ang mga ito sa Aircon na sasakyan.
Tahimik lamang ang dalawang magkapatid habang mabagal na umaandar ang kanilang sasakyan. Si Bert naman ay malayo ang tingin at malalim ang iniisip. Si Beth naman ay nasa unahang sasakyan kung saan naroon ang mga malalapit na kamag-anak.
Lingid sa kaalaman ng lahat na nasa bandang hulihan si Madam Claudia at naka-sakay sa mamahalin nitong sasakyan. Hindi kasama ni Roger si Oscar at sila lamang dalawa ni Madam Claudia ang naroon kaya labis na nagtataka si Roger kung bakit ito nasa lamay ng Matanda.
"Ano po bang koneksyon niyo sa matandang namatay?"
Hindi muna sumagot si Madam Claudia, seryoso ang mukha nito namumugto ang mga mata.
"Tiyahin ko siya, siya ang dating nag-aalaga sa akin noong maliit pa ako."
Nagulat ito sa sinabi ng kanyang Amo ngunit hindi niya iyon ipinahalata.Nagpasiya siyang manahimik na lamang hanggang sa makarating sila simenteryong paglalagakan ng labi ni Manang Sella.
Alas-Dos na ng hapon ng dumating ang sasakyan kung saan naroon ang kabaong ng matanda, dahan-dahan iyong hinila at ipinatong sa isang naka-hulmang bato. Iyon na ang huling sandali na masisilayan nila ang matandang naging bahagi ng kanilang mga buhay.
Lumapit si Beth, Marco, Maximo at Bert upang damhin ang huling sandali.
Napaluha ang dalawang magkapatid dahil naalala nila ang naitulong ng matanda sa kanila huli na para sabihin nila ang kanilang pasasalamat. Dinampi ni Marco ang salamin kung saan makikita ang nakapikit na mukha ng matanda. Nilalakasan na lamang ni Maximo ang loob kahit na sobrang sakit na ng nararamdaman. Samantalang si Madam Claudia naman ay nasa likod ng puno at pinagmamasdan ang nangyayaring iyakan sa loob ng sementeryo.
"Hindi ka ba tutuloy Madam?" Tanong ni Roger.
"Hindi na ako na, masyadong maraming tao at baka pagkaguluhan ako at isa pa, mahirap na baka isipin nila bakit ako masyadong nag-aalala para kay Tiya Sella."
Masakit man sa kalooban niya ang ginagawa niyang pagpapanggap ay iyon lamang ang nakikita niyang paraan para makuha niya ang hustisyang inaasam niya.