MASAYANG naglalaro ang mga anak ni Roger at kasalukuyan namang naglalaba sina Oscar at Maria. Hinihintay ng mga bata ang pagdating ng kanilang Ama dahil labis na nila iyong namimiss. Lingid sa kanilang kaalaman ay binabalak ni Roger na hanapin ang Asawa nito at makipag-ayos upang bumalik sa dating sigla ng pamilya.
Naaalala ni Roger ang mga sinabi ni Neneng Sarah sa kanya, marahil tama naman ang tinuran niyon dahil hindi dapat siya mawalan ng pag-asa dahil may mga anak pa siyang naghihintay sa kanya. Malayang iginagalaw nito ang hawak na panyo at iwinawagayway para maaaliw habang naglalakad sa mahabang kalsada. Wala na kasi itong pamasahe dahil ibinigay niya kay Marco ang natitirang singkwenta pesos na para sana sa kanyang transportasyon.
Hindi na rin tumatawag si Madam Claudia sa kanya dahil hindi pa iyon nagbibigay ng hudyat para sa susunod nilang hakbang para pabagsakin si Mansalta. Isa rin siya sa nagdududa kung bakit iyon ginagawa ni Madam Claudia, marahil mayroon iyong malalim na pinanghuhugutan o hinanakit sa pulis. Isa lamang ang pumasok sa utak niya sa mga oras na iyon.
"Hindi kaya may namagitan din sa kanila noon?"
Naka-uwi na ito at mainit na ngiti ang sumalubong sa kanya mula sa dalawang anak. Hindi maipintang imahe ng kanilang mukha dahil sa labis na kasiyahan, tila ngayon lamang nila nakita ang kanilang Ama at parang mga maaamong tupa na lumapit at yumakap ng mahigpit.
"Saan ka po galing?" Tanong ni Carol sa kanyang Ama.
Maluha-luhang hinawakan nito ang pisngi ng anak at gumanti ng yakap. Lumuha ang mga mata at malalim ang iniisip, naramdaman ng mga anak niya ang nais ipahiwatig ng mahigpit na yakap.
"May pinuntahan lang ako anak, sa kaibigan ko," pagsisinungaling nito.
Dahan-dahan namang tumango si Carol kahit na batid nito na nagsisinungaling ang kanyang Ama.
Umupo sa upuan si Roger at uminat. Pagod ang katawan nito dahil sa haba ng kanyang nilakad ngunit tanging ang mga anak niya ang pumapawi sa pagod na kanyang nararamdaman.
Habang abala si Oscar sa paglilinis ng sariling sasakyan ay tumunog ang telepono nito at agad na kinuha upang sagutin kung sino ang nasa kabilang linya.
"Kailangan ko kayo ngayon, nasaan si Roger?!" Sigaw ni Madam Claudia. Tila galit iyon at may nais na ipagawa sa dalawang mag-kaibigan.
"Madam? Nandito po siya, sandali lang po tatawagin ko," sagot ni Oscar at dali-daling pumasok sa loob para puntahan si Roger na kasalukuyang natutulog.
"P're! Gising si Madam tumatawag!"
Niyugyog nito ang katawan ni Roger para agad na magising ngunit hindi pa rin iyon natitinag kaya naman nagpasiya si Oscar na sampalin ito ng ubod ng lakas at sa pagkakataong iyon ay nagtagumpay siya. Bumalikwas iyon ng bangon at umamba ng suntok ngunit tumingin iyon sa hawak na telepono ni Oscar.
"Ano ba naman 'yan P're! Binibigla mo naman ako akala ko kung ano na," sabi ni Roger.
"Si Madam, tumatawag, kakausapin ka raw."
Iniabot ni Oscar ang hawak na telepono kay Roger at agad naman iyong itinapat sa tainga. Nagkatinginan ang dalawang mag-kaibigan dahil hinihintay ni Oscar ang sasabihin nito. Sigurado kasing may panibago nanamang proyektong ipapagawa si Madam Claudia.
Ilang minuto rin ang itinagal ng usapan at panay tango lamang si Roger, bakas sa mukha nito ang labis na pagkabigla at nagsasalubong naman ang mga kilay ni Oscar dahil pati rin ito ay kinakabahan sa susunod na trabaho na ipapagawa sa kanila.
"Anong sabi ni Madam?" Mabilis na tanong ni Oscar.
"Ganun pa rin, si Mansalta talaga ang target niya at hindi titigilan hanggang hindi nalalagutan ng hininga," natatawang sabi ni Roger.
Napakamot na lamang ng ulo si Oscar at pinatay ang linya ng kanilang Amo sa telepono.
"Ano itutuloy pa ba natin?" Tanong ni Roger.
"Ikaw bahala, ako sa'yo lang ako naka-dipende."
Tumango na lamang si Roger at tumango rin si Oscar, matapos ang kanilang usapan ay lumabas iyon upang ipagpatuloy ang ginagawang paglilinis. Nawala naman ang antok ni Roger dahil may hindi ito sinabi kay Oscar tungkol sa trabahong ibinigay sa kanila.
Kinuha nito ang sariling telepono, kaya pala hindi iyon tumawag sa kanya dahil lobat ang kanyang gamit. Kinargahan niya iyon at tinawagan si Madam Claudia at hindi alam ni Oscar ang ginawang hakbang ni Roger.
"Hello, Madam? Sigurado po ba kayo sa plano niyo? Itutuloy ko 'yung pagpatay sa anak ni Mansalta?"
"Mukha ba akong nagbibiro? Kailangan maidispatya iyan bago ko isagawa 'yung plano ko kanya lalo na ngayon patay na si Manang Sella hindi ko na nalaman 'yung lihim na dapat ako ang nakakaalam," paliwanag nito.
"Sige Madam, bukas na bukas rin gagawin ko na, paano nga pala si Oscar? Isasama ko po ba siya?" Tanong ni Roger.
"'Wag na! Duda ako sa gagong 'yun alam kong bataan 'yan ni Mansalta at tiyak akong pati ikaw isusunod niyan."
Nagulat si Roger sa sinabi ni Madam Claudia, tumingin ito sa kinaroroonan ni Oscar at nakangiti pa iyon habang naglilinis. Wala siyang ideya na isa palang traydor ang kanyang kaibigan at ito pa ang madadala sa kanya sa kamatayan kung sakaling dumating ang panahon ng himagsikan mula sa dalawang partido.
"Sigurado po ba kayo sa mga binibitawan niyong salita? Si Oscar ang traydor sa grupo?" Tanong muli ni Roger.
"Hindi kita niloloko Roger, sinasabi ko lang sa'yo kasi ayokong maunahan ka niya. Ayon sa isa sa mga bataan ko na nagmamatyag kay Mansalta, iyang si Oscar ang traydor."
"Mag-ingat ka diyan, siguraduhin mong hindi ka mauunahan ng hayop na 'yan," sunod na sabi ni Madam Claudia.
"Yes Madam, salamat po sa paalala."
Ibinababa ni Roger ang hawak na telepono at humiga muli sa mahabang upuan, hindi na mawala sa isip nito ang mga sinabi ni Madam Claudia sa kanya at mas lalong nagpagulo sa kanyang isipan ang labid na pagdadalawang isip kung dapat pa ba silang magtagal sa bahay na kanilang tinutuluyan dahil natatakot ito na baka sumapit ang gabi ay bigla na lamang silang barilin nito.
Matapos ang ilang minuto na paglalagi ni Oscar sa labas ay pumasok ito at dumiretso sa kusina para kumuha ng maiinom. Si Maria naman ay patuloy pa rin sa paglalaba at ang mga bata naman ay kasalukuyan pa ring naglalaro, nakita nitong tulala si Roger kaya naman nilapitan ito ni Oscar para tanungin kung may problema.
"P're anong problema? Bigla ka atang natahimik?" Tanong ni Oscar.
"Iniisip ko lang kung sino 'yung traydor na tinutukoy ni Madam napaka-hayop niya siya 'yung may kasalanan kung bakit nasa kulungan ngayon si Bigoy," saad ni Roger.
"Ano ba 'yang inisip mo? Ang tagal na at ilang araw na ang lumipas simula noong nakulong si Bigoy. Kasalanan niya iyon kasi nagpahuli siya," paliwanag ni Oscar.
Sandaling tumingin si Roger kay Oscar at napakunot-noo ito.
"Teka lang? Ano bang gusto mong patunayan? Hahanapin mo pa 'yung traydor na iyon?" Tanong ni Oscar.
"Hindi ko alam, naguguluhan ako pero alam ko nasa tabi-tabi lang 'yon nagmamatyag sa akin. Siguradong ako naman ang isusunod niya."
Sandaling napatigil si Oscar dahil sa tinuran ni Roger, tila isa nanamang nag-iinit na isyu ang nauungkat sa mga oras na iyon.
"Sa tingin mo P're? Hindi kaya tayo malalagay sa alangin kung sakaling pati tayo ay kalantirihin ng traydor na 'yon?" Tanong ni Roger.
Hindi na makatiis si Roger na sabihin sa kanyang kaibigan ang nais niyang ipahiwatig ngunit kailangan rin nitong mag-ingat dahil kapag oras na nalaman na nito ang totoo niyang nais ipahiwatig ay baka hindi na sila makalabas sa pamamahay nito.
"Alam kong nasasaktan ka sa pagkawala ni Bigoy sa grupo natin pero tanggapin na lang natin na ganoon na ang nangyari. Hindi na maibabalik ang nangyari na, iyon na talaga ang kapalaran niya kaya wala na tayong magagawa," paliwanag ni Oscar.
"Hindi ko talaga matanggap P're ang bilis kasi ng mga pangyayari kaya ganito lang ako makapag-drama, alam mo naman matalik na kaibigan ko si Bigoy, kung may magagawa lang ako para makalaya siya ginawa ko na pero wala akong sapat na pera para kumuha ng abogado niya at magpiyansa sa kanya sa kulungan."
Hinawakan ni Oscar ang balikat ni Roger para damayan ito, humihikbi na ito at namumugtong na ang mga mata. Bakas sa mukha ni Roger ang labis na galit dahil sa nalaman nito mula kay Madam Claudia ngunit kailangan muna niyang pigilan ang kanyang sarili para isiwalat ang kanyang nalalaman. Ang taong akala niya ay magiging katulong niya para mahanap ang hustisya ay iyon pa pala ang gumawa ng pagtataksil sa kanilang grupo para sa sariling kaligtasan.
"Magiging maayos din ang lahat P're maging matatag lang tayo kahit na hindi natin maintindihan ang mga nangyayari ngayon sa buhay natin."
Napailing na lamang si Roger dahil hindi nito alam kung saan kumukuha iyon ng kapal ng mukha para itago ang lihim nito, napaka-husay magpanggap na tila isang maamong tupa ngunit mala-diyablo ang nilalaman ng kalooban.
"Sana nga, sa oras na dumating 'yung panahon na magharap kami ng taksil na 'yon palalamunin ko siya ng bala hanggang sa malagutan siya ng hininga."
Napalunok at nakaramdam ng kaba si Oscar dahil sa mga binitawang salita ni Roger.