Chereads / Kaliwa, Kanan / Chapter 19 - Kabanata 17

Chapter 19 - Kabanata 17

Mataas na ang sikat ng araw nang magising ang magkapatid, ilang araw din silang hindi naka-tulog ng maayos dahil sa pagbabantay sa lamay ni Manang Sella. Tumayo si Marco para maghain ng agahan, gamit ang perang ibinigay ni Beth sa kanya ay iyon ang ibinili nito ng tatlong pirasong noodles at sampung pirasong pandesal.

Sunod na nagising si Pitoy at alam na nito ang gagawin. Naghilamos at ginising ang kapatid na si Berna. Namulot ang mga ito ng tuyong kahoy na gagamitin nila sa pag-iinit ng tubig.

Nagtungo naman na tindahan si Marco at nasalubong niya si Boy Alahas na may inaaway iyong customer. Hindi na niya pinansin iyon at nagpatuloy na lamang sa paglalakad.

"Kailan ililibing si Manang Sella?" Tanong ni Bert.

"Bukas na ho, sasama po ba kayo?" Magalang na sabi ni Marco.

"Oo, daanan mo na lang ako dito para sabay na tayong pumunta roon, teka? Kasama ba 'yung mga kapatid mo?"

"Opo kasama, dadaan na lang po kami bukas."

Tumango ang matanda at iniwan nito si Marco. Nagmamadali iyon dahil mataas na ang araw, kailangan na nito maka-kota sa pagbubuhat ng mga ukay-ukay na damit.

Tahimik na binaybay ni Marco ang mahabang kalsada

bago nakarating sa tindahang pupuntahan.

Bitbit nito ang biniling almusal at nagpasiya na pumunta muna ng simbahan para makapagdasal. Iyon na lamang ang magagawa niya, ang ipagdasal si Manang Sella. Napakabilis marahil ng pangyayari ngunit walang sino man ang makakatakas sa bingit ng kamatayan. Kapag oras na, oras na talaga.

Natatanaw na ni Marco ang malaking screen ng simbahan at pumatak ang luha sa kanyang mga mata.

"Panginoon, kayo na po ang bahala kay Manang Sella, napakabait po niya, alam kong hindi niyo siya pababayaan at alam ko rin na may dahilan kung bakit nangyayari ang lahat ito. Mahirap man tanggapin para sa aming magkakapatid ang pagkawala niya pero kahit na umiyak kami maghapon ay hindi na babalik pa ang taong nagparanas sa amin na hindi kami salot sa lipunan." Mangiyak-ngiyak na wika nito.

Gamit ang kanyang palad ay hinawi nito ang luhang umaagos sa sariling pisngi. At isang boses ang nangibabaw sa kanyang pandinig.

"Nahihirapan na ako, hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Hirap na hirap na ang isip ko dahil sa konsensyang lumalamon sa akin, alam kong marami akong kasalanan at ito ang kaparusahan para pagbayaran ang lahat ng kasalanan ko o namin ni Bigoy. Gabayan niyo na lamang po ang aking mga anak at sana bigyan niyo pa ako ng lakas ng loob para lumaban."

Napalingon si Marco at pansamantalang natigil ang kanyang pag-iyak. Isang lalaking nakasuot ng maong at asul na t-shirt ang nakita nitong nakatayo at umiiyak. Napaisip ito dahil labis na pighati ang nararanasan niyon.

"Hindi ka po niya pababayaan." Wika ni Marco.

Tumingin ito sa bata at naalala ang nga anak na naiwan.

"Ang bata mo pa nandito ka na sa kalsada, nasaan ang mga magulang mo?" Tanong nito.

"Wala na po akong magulang, kami na lamang pong magkakapatid ang natitira at kumakayod para sa may makain kami sa araw-araw." Sabi ni Marco.

Napabilib ito sa sinabi ng bata at nabuhayan ng loob.

"Anong pangalan mo? At saan ka nakatira?"

"Ako po si Marco, sa likod lang po ng terminal."

"Ako naman si Roger, p'wede mo ba akong isama sa bahay mo?"

Tumango si Marco, nabuhayan ng loob si Roger dahil sa kabila ng lahat ng nangyayari sa kanya ay may mas naghihirap pang tao na nanatiling nakakapit sa diyos at hindi nawawalan ng pag-asa sa buhay.

Tumingin ni Roger sa hawak ni Marco na balot ng Noodles at tinapay, alam na nito na para sa almusal iyon kaya humugot ito sa kanyang bulsa at may nakapang singkwenta pesos.

"Sandali lang, may bibilhin lang ako."

Huminto si Marco sa paglalakad at pinagmasdan si Roger na tumatakbo papunta sa bakery. Bumili iyon ng Makabayan at iniabot kay Marco.

"Ito, pandagdag sa almusal niyo, alam kong hindi kakasya 'yang dala mong tatlong pirasong noodles."

Napangiti na lamang si Marco at nagpasalamat kay Roger. Malapit na rin silang makarating sa munting barong-barong kaya naman nakangiting sinalubong ito ni Pitoy at kinuha ang bitbit ng kanyang kuya.

"Kapatid mo?" Tanong ni Roger.

"Opo, pang-apat sa amin at 'yung nakikita niyo po na babaeng nagpapaliyab ng kahoy ay pangatlo. Pawang mga bata pa pero p'wede na pong asahan sa gawaing bahay." Natatawang sambit ni Marco.

Ngumiti naman si Roger at nanguna ang bata sa pagbukas ng pinto. Malinis na ang kanilang bahay at nakaupo naman si Neneng Sarah sa isang bangkito, si Maximo naman ay abala sa pagsusulat sa isang papel, pursigido iyong isulat ang sariling pangalan.

"May kasama pala ako." Bungad ni Marco.

Lumingon sina Maximo at Neneng Sarah at hindi inaasahang nagtama ang paningin nila ni Roger.

"Ikaw?!" Sabay na sambit ni Neneng Sarah at Roger.

Hindi naman makapagsalita si Marco dahil hindi niya inasahan na magkakilala pala ang dalawa.

Iyon na muli ang pagkakataon na nagsalita si Neneng Sarah. Tila nabuhay at nasindihan ang nagdidilim nitong isipan.

"Dito ka pala nakatira?" Tanong ni Roger.

"Oo, dito ako nakatira. Anong ginagawa mo rito?"

Iniwan na lamang sila nina Marco at Maximo para makapag usap ng masinsinan.

"San mo nanaman nadampot 'yon?" Tanong ni Maximo.

"Nakita ko lang sa simbahan kanina, naririnig ko umiiyak tapos nag-tanong na kung saan ako nakatira, edi sinagot ko tapos sumama siya pabalik dito." Paliwanag nito.

Hindi na kumibo pa si Maximo at nagtungo na lamang ang dalawang magkapatid sa kinaroroonan nina Pitoy at Berna.

•••••

"Anong nangyari sa kasama mo bakit nagiisa ka ata? Napatay din ba siya," tanong ni Neneng Sarah.

Napakamot na lamang sa ulo si Roger at napakagat sa ibabang labi.

"Wala e, nahuli siya. Ako na lang natitira tsaka si Oscar bago kong kasamahan." Sabi niya.

"Kasama mo ba 'yung binaril sa bungo? 'Yung tatanga-tanga na tumatayo habang nagbabarilan?"

Tumango si Neneng Sarah bago sinambit ang pangalan niyon.

"Si Michael, pero mas makikilala siya sa tawag na Boy Jackpot."

Hindi iyon makalimutan si Roger dahil iyon din ang naging dahilan kung bakit malapit na siyang malagay sa alanganin. Masyadong matapang si Boy Jackpot at talagang hindi natitinag sa nangyayaring barilan noon sa loob ng Sapphire.

"Anong naisip mo kung bakit sa Sapphire mo pa nagustuhang pumasok?" Tanong muli nito.

"Hindi ko gusto pumasok sa Sapphire, kailangan ko lang talaga ng pera. Nakikita mo ba 'yang mga batang 'yan na halos mamatay na sa kabubugbog ng mga pulis para lang may makain sa araw-araw, awang-awa na ako sa kanila kasi sila ang kumupkop sa akin at taos-puso nila akong tinanggap dito tapos wala akong naiaambag sa kanila at ang mas malala pa ay mas matanda ako kesa sa kanila." Paliwanag ni Neneng Sarah.

Hindi nila alam nakatingin si Marco sa pinto at nakikinig sa kanilang usapan. Hindi magawang pigilan ni Marco ang nararamdamang kirot sa kanyang puso dahil sa pinagdadaanan ni Neneng Sarah, iyon ang labis na nagpagulo sa kanyang isipan kaya pala hindi iyon nagsasalita sa tuwing kinakausap nila.

Huminga ng malalim si Neneng Sarah at nakatingin lang sa kanya si Roger.

"Parehas lang tayo ng sitwasyon."

Napatigil si Neneng Sarah at hinintay ang susunod nitong sasabihin.

"Umalis na ako sa bahay namin bitbit ko ang mga anak ko, niloko ako ng asawa ko. Hayop na Mansalta 'yan, hindi ko makakalimutan ang mga ginawa nila."

Nabigla si Neneng Sarah dahil sa pagbigkas nito sa pangalan ng pulis, hindi nito alam na sangkot at kilala rin pala nito si Mansalta na kinamumuhian niya.

"Hindi ko na alam kung anong gagawin ko, naaawa talaga ako sa mga anak ko. Ayoko sana lumaki sila ng walang Ina pero hindi ko kayang tiisin at kalimutan ang mga nakita ko."

Iniabot nito ang hawak na litrato kay Neneng Sarah para ipakita ang larawan ng mga anak niya.

"Dalawa ang anak mo, pero kung iniisip mo na sumuko parang pinabayaan mo na rin ang mga anak mo. Alam ko ang pakiramdam ng mawalan ng magulang at lumaki na walang kinikilala na kamag-anak pero sana iisipin ang kahihinatnan ng mga gagawin mong pagkilos, alam kong hindi madali ang lahat para sa 'yo pero mas lalong mahirap para sa mga anak mo. Nawalan man sila ng Ina pero nandyan ka pa naman at alam nila na hindi mo sila pababayaan, malaki ang resposibilidad mo para sa kanila at sana isipin mo na hindi sa lahat ng pagkakataon laging panalo. Sinusubok lang tayo pero hindi tayo pababayaan ng Diyos. Maniwala ka sa akin," Neneng Sarah.

Nagising ang natutulog na diwa ni Roger dahil sa sinabi ni Neneng Sarah. Naalala niya ang ngiti ng mga anak tuwing umuuwi siya sa kanilang tahanan at nagiging dahilan iyon para mawala ang kanyang pagod dahil sa pagtatrabaho. Napagtanto niya na hindi pa ito ang wakas para tapusin ang lahat, dahil pagsubok lamang iyon at sinusukat ang kanyang tatag para maitaguyod ang kanyang mga anak.

Mahirap man ang buhay pero hindi basehan iyon para isuko ang lahat ng binuong mga pangarap.