Chereads / Love's Journal / Chapter 12 - PAGE TWELVE

Chapter 12 - PAGE TWELVE

PAGE TWELVE

Nag-facebook ako kanina pero hindi ko rin ako nagtagal at nag-log out din ako't umuwi sa bahay. 'Yong mga kaklase at kaibigan ko ba naman na puro outing, summer vacation, summer adventure ang pinagkakaabalahan at nagkalat sila sa newsfeed ko, 'tapos ako itong nganga sa bahay. Hays. Nalulungkot lang ako habang nagmumukmok dito sa kuwarto ko, e. Kaya eto, sinusulat ko na lang dito lahat ng saloobin ko.

Si Rinneah nga pala bumalik na sila noong isang araw. 'Yong maputing balat ni Bebs, tan na ang kulay. Nagpa-tan pa ang loka. Siyempre pumunta siya agad dito para ibigay ang pasalubong niya. Sasabunutan ko nga sana dahil akala ko tubig dagat, buhangin at bato talaga ang dala. 'Yon pala buko pie, t-shirt at keychain. Sabi pa nga niya, "Sana Bebs, sumama ka, e. Mas masaya kung nando'n ka." Napailing ako at nagbiro, "H'wag mo na nga akong inggitin. Mukha naman nag-enjoy ka kahit wala ako." Halatang ang bitter ko hahaha lol. Nakakaspeechless nga ang ganda ng pinuntahan nila kahit sa picture ko lang nakita. Paano pa kaya kung nakapunta rin ako. Buti pa si Bebs nakarating na ro'n.

Oo, nainggit ako dahil hindi ako pinayagan sumama. Umalis nga ulit sila kahapon at sa Nagcarlan Laguna naman daw sila pupunta. Sinusulit talaga nila ang bakasyon, samantalang ako, umay na sa bahay. Sabi nga ni Rinneah, "Bebs, sama ka na. Pilitin mo Papa mo. Papayag 'yan. Gusto ko kasama ka, e." Oo, sinasama ulit nila ako pero gano'n pa rin. Ayaw pumayag ni Mama at kapag humindi 'yan, hindi na talaga. Hindi na mababago isip niya. Pumapayag naman siya kapag malalapit na lugar, pero kapag malayo ayaw niya. Sabi ko nga, "Hay nako, Bebs. Kung puwede lang, kaso hindi talaga." Naintindihan naman ng magulang ni Bebs si Mama dahil gano'n din sila kay Rinneah. Para sa 'kin din naman kung bakit mahigpit si Mama. Para lang daw palagi akong safe o walang mangyaring masama. Ibig sabihin daw no'n, gano'n niya ako kamahal. Naliwanagan tuloy ako't natouch.

Wala naman talaga sigurong magulang na gugustuhin na malagay sa panganib ang anak niya, kahit na sabihin na kasama ko naman sila Bebs, iba pa rin na safe ako rito sa bahay. Nakita ko nga kanina sa facebook 'yong post ni Rinneah na nasa taas siya ng Twin Falls sa Nagcarlan. Ang ganda!

Para hindi na ako mainggit sa nakita ko at mabored dito sa bahay, naisipan kong manood na lang ng rom-com movies. Namiss kong manuod.

P.S. Diary ng Panget ang napili ko. ❤