Chereads / Love's Journal / Chapter 17 - PAGE SEVENTEEN

Chapter 17 - PAGE SEVENTEEN

PAGE SEVENTEEN

Ang sama sama ng loob ko ngayon. Sobrang sama. Naiinis ako at gusto kong ibuhos lahat dito ang nararamdaman ko. Hindi naman ako iyaking tao pero kanina, naiiyak ako mabuti na lang at hindi natuloy nang maalala ko 'yong sinabi ni Bebs na, "H'wag ka ngang iyakin, Larisse. Mas lalo mo lang ipinakikita sa iba na mahina ka." Iyan ang sinabi niya noong i-bully ako ng kaklase kong lalaki at sinapak niya. Pakiramdam ko kasi kanina, nag-iisa lang ako sa room at para bang pinagtutulungan nila akong lahat.

Third day na ng klase namin kanina at gano'n pa rin. Para akong may sakit na iniiwasan, hindi kinakausap at nilalayuan ng mga kaklase ko. Syet lang. Hindi naman ako mabaho at wala naman akong sakit pero bakit sila gan'yan? Samantalang si Ylla na ang totoong pangalan pala Carylla Jimenez, lahat kasundo na niya. Lahat kaibigan na niya. Pero hindi lang naman 'yon ang pinuputok ng butsi ko e, eto 'yon. Pumasok ang halimaw na teacher namin sa Earth Science na subject. I swear nakakatakot siya. Mukha pa lang, mabalasik na. Nagpasahan ng notebook at kamalas-malasan, nadampot niya ang sa 'kin. Pinagalitan niya lang naman ako dahil wala raw ka-design design notebook ko. Samantalang marami naman kaming walang design. Hindi ata naniniwala na simplicity is beauty. Paano hindi siya gano'n dahil hindi siya mabubuhay ng walang kolorete sa mukha.

Pinalabas pa ako ng room, 'wag daw akong makabalik-balik na walang design na konektado sa Earth Science ang notebook ko. Sabi pa nga, "Kung tinatamad kayong mag-aral, 'wag kayong magsipasok sa klase ko! Mga lecheng 'to." Hustisya naman sa kagandahan ko! Ni hindi man lang sinabi na, "O, sige pagbibigyan kita pero h'wag kang papasok bukas ng walang design 'yan!" Agad agad akong pinalabas, e. Makatarungan ba 'yon? Ako lang. 'Tapos 'yong iba, hindi? Ano 'to may favoritism agad? Leche. Halos manliit nga ako sa tingin na pinupukol sa 'kin ng mga kaklase ko. Pinagbubulungan pa ako. Lalo na 'yon si Carylla na tumawa pa nang walang boses. 'Yong parang nang-aasar lang at sinabi pang, "Buti nga." Mas lalo akong nanggalaiti. E 'di silang lahat na ang magaling at matatalino. Nakakahiya. Sobra. Third day pa lang, pinahiya na niya ako. Halos magwala ako sa corridor pababa ng building dahil sa sobrang inis.

Ang ending no'n? Hindi na lang ako pumasok sa subject na 'yon at naisip kong bukas na lang lagyan ng design ang letcheng notebook ko. Nag-ditch na lang ako tutal pinalabas din naman niya ako, bakit hindi ko pa itodo 'di ba? Hays. Bigla ko tuloy namiss ang dati kong school, na kabisado ko bawat kasulok sulukan. 'Yong mga dati kong teacher, na mababait lahat lalo na 'yong adviser namin na kalog. Hindi kasing sungit ng halimaw na 'yon. 'Yong mga dati kong kaklase na maingay at magugulo pero lahat kasundo ko. Hindi ako tinatrato na parang iba ako sa kanila. Nakakamiss. 'Di tulad ngayong senior high na bukod sa ang tagal ng uwian, nakakabagot pa. Miss ko na rin si Rinneah. Hindi ko sana mararanasan 'to kung magkaklase lang kami. Hays.