Chereads / Takay's Withered Petal [Filipino] / Chapter 4 - (4) Luna Montevirgen

Chapter 4 - (4) Luna Montevirgen

Maagang ginising ni Flora ang kanyang anak para tulungan ito maglaba ng mga damit at maruruming kurtina na iniwan ng dating nakatira sa bahay. Hindi pa rin niya malimutan ang tanong ni Luisa sa kanilang mag-asawa tungkol kay Luna. Hindi niya inaasahang maririnig pa niyang muli ang pangalan na iyon sa katagalan ng panahong muli niya itong narinig. Alam niyang hindi tamang magbasa ng talaarawan ng ibang tao ngunit nais din niyang buksan at malaman ang nilalaman nito. Nagbabakasakaling masagot ang mga tanong sa kanyang isip.

Sa kabilang banda, naghahanda nang pumasok si Luis sa kanyang trabaho. Bago ito lumabas ng bahay, sinilip niya muna ang kanyang mag-ina sa likod ng kanilang bahay. Tahimik itong ngumiti habang pinagmamasdan ang dalawang importanteng babae sa kanyang buhay. Napatitig ito nang matagal kay Luisa at bigla na lamang siyang nalungkot. Hinding hindi niya makalilimutan kung paano siya pagkaisahan ng mga kaklase niya sa paaralan, Nang unang beses niya itong marinig sa adviser ni Luisa, halos madurog ang puso nito. Hindi niya alam, sa kabila ng tahimik nitong personalidad, may madilim na pinagdadaanan ang kanyang anak.

Nang siya ay makalabas ng bahay, ang mag-ina ay tahimik na nagsasampay sa likod ng kanilang bahay. Walang nais magsalita dahil parehas silang may malalim na iniisip. Nais na kausapin ni Luisa ang kanyang ina ngunit napapangunahan siya ng hiya gawa nang nangyari kahapon.

Hanggang sa natapos na lang sila sa pagsasampay at naghanda na ng makakain ang kanyang ina habang nagpaiwan naman si Luisa sa labas. Kalahating umaasang makikita niya muli si Takay at kalahating nais malanghap muli ang malamig at sariwang hangin ng umaga sa lugar ng Buhi.

Umupo siyang muli sa pwesto niya noong nakita niya si Takay at ipinikit ang mga mata. Hinayaan niyang magdampi ang hangin sa kanyang mukha at nakaramdam siya ng kalayaan. Ang bawat masasamang alaala ay tila tinatanggal ng hangin. Nag-aalala siyang baka ito'y mapunta sa ibang tao at natatakot siyang mangyari sa iba ang nangyari sa kanya. Ayaw niyang may ibang magdurusa para lamang maibsan ang sakit ng kanyang nakaraan.

Sa sandaling iyon may malambot na bagay ang dumampi sa kanyang mga pisngi. Nang idilat niya ang kanyang mga mata, bumungad sa kanya ang mukha ni Takay at nakangiti itong nakatingin sa kanya.

Hindi siya nakagalaw sa kanyang pwesto dahil mas nasaksihan ni Luisa ang kagandahan ng babae. Ang makinis nitong mga mukha na parang hindi pa kailanman natuluan ng ulan at ang kanyang mga labing kasingkulay ng mansanas. Sobrang ganda ng misteryosang babaeng nasa harap ngayon ni Luisa.

Dahan dahang ibinaba ni Takay ang kanyang kamay sa pisngi ni Luisa at sa pagkakataong iyon, natauhan si Luisa sa pangyayari. Naramdaman niyang gusto niyang sumigaw ngunit pinigilan ito ni Takay. Sa hindi maintindihang pakiramdam, kumalma ang kalooban ni Luisa at sa mga oras na iyon mas nais niyang malaman ang tunay na dahilan kung bakit nagpapakita ito sa kanya at kung ano ang kinalaman niya kay Luna. Ang daming tanong na gusto niyang itanong ngunit nang ibuka niya ang kanyang mga bibig hindi niya makuhang magsalita.

"Balang araw, masasagot lahat ng iyong mga tanong," sambit ni Takay na pawang alam niya ang iniisip ni Luisa ngayon. Ngumiti ito at ipinatong ang kanyang kanang kamay sa ibabaw ng kaliwang kamay ni Luisa.

"I-Ikaw ba talaga si Takay?"

Tumango siya.

"Pero paano? Hindi ko maintindihan…"

"Ako nga si Takay," tumayo ito at inalok si Luisa upang samahan siya. "At ako ang tagapangalaga ng lawang nakikita mo."

Itinuro niya ang lawa at nagsimula silang maglakad patungo rito. "Halika, ipapasyal kita."

Ngunit napatigil si Luisa.

"Sandali! Ang aking ina," akma itong lilingon ngunit kaagad itong pinigilan ni Takay.

"Huwag,"

"Bakit?" nagtatakang tanong ni Luisa.

Ngumiti lamang ito at sa hindi mapaliwanag na dahilan, sinunod niya ang utos ng misteryosang babae.

Napuno ng kuryosidad ang mga mata ni Luisa at tinitigan niya sa mata si Takay. Ngumiti muli ito at nagpatuloy sila sa paglalakad. "Nanghihina na ang aking katawan. Hindi ko na rin kaya pang gamitin ang aking kapangyarihan sa ibang paraan at ito na lamang ang kaya kong gawin sa'yo. Huwag kang mag-aalala, hindi malalaman ng iyong magulang na kasama mo ako ngayon."

Hindi pa rin maintindihan ni Luisa ang sinasabi ni Takay ngunit sa kuryosidad, nagpatuloy siya sa paglalakad. Ramdam niya ang katamtamang init ng katawan ni Takay sa kanyang gilid at ang amoy nito ay hindi na matanggal sa kanyang ilong. Hindi niya maiwasang hindi mapatingin sa kanya dahil sa gandang taglay nito. Sa presensyang ibinibigay ni Takay sa kanya, mas gumagaan ang pakiramdam niya sa misteryosang babae habang naglalakbay patungo sa lawa. Hindi niya namalayan na nakarating na sila sa dulo ng kanilang bakod. Dito mismo sa kinatatayuan nila nakatayo ang bulaklak na nakita niya noong nakaraang araw. Kung saan niya nakita si Takay.

"Gusto ko lang sana itanong, kilala mo ba si Luna?"

Napalingon si Takay sa kanya.

"Luna," ngumiti ito nang mapait. "Siya ang una kong nakilalang mortal sa lugar na ito."

"Mortal?"

"Oo, tulad mo. Minsan lang ako makipagusap sa mga katulad mo dahil siguro hindi rin ako mahilig makipagkaibigan sa iba."

Hindi na muli pa nasundan ang kanilang pag-uusap at nagpatuloy lang sila sa paglalakad patungo sa lawa.

Napansin niyang malapit na silang makarating at mas malapitan niyang pinagmasdan ang lawa. Kung sa malayo ay tila mapapanganga ka sa ganda at linis nito, hindi mo aakalaing ang tubig na nandito ay kasingkulay na ng talaarawan ni Luna. Napuno ito ng mga patay na halaman at pinamamahayan na ng iba't ibang insekto. Maging ang lupa ay hindi na gaanong nagbibigay sustansya sa mga punong nakapalibot dito.

"Anong nangyari sa lawang ito?" tanong ni Luisa nang tumigil sila sa paglalakad.

"Unti-unti na itong nasisira."

"Dahil ba sa mga mortal na tulad ko?"

Tumingin si Takay sa kalangitan. "Siguro,"

"Kung hindi ka mortal, anong tawag sa'yo? Katulad ka ni Athena o ni Hera? O hindi kaya ni Aphrodite na kasingganda mo?"

Napangiti nang bahagya si Takay at lumingon sa kay Luisa.

"Ito ang dahilan kung bakit nasisira na ang lawa. Kaunti na lamang ang nakakaalala,"

Napahiya si Luisa sa kanyang tanong. Hindi niya rin alam kung bakit naitanong niya iyon at sa segundong lumipas, sinisisi niya ang kanyang sarili dahil mawawalan na naman siya ng kaibigan.

"H-Hindi ko sinasadyang itanong," nakayukong paumanhin ni Luisa.

"Ayos lang, Luisa. Isa kang mabuting tao, nakikita ko 'yan sa iyong mga mata."

Naglakad palayo si Takay kay Luisa at akala niya iiwan na siya nito ngunit tumigil din ito kaagad. Pinagmasdan niya si Takay at hindi pa rin niya maintindihan kung ano ang nangyayari. Ang daming tanong na gusto niyang itanong ngunit napipipi siya kapag sila'y magsisimula nang mag-usap. Nais niyang malaman kung bakit isinama siya rito sa lawa at ano ang koneksyon niya rito. Hindi pa rin siya kuntento sa sagot niya tungkol kay Luna.

"Luisa, isang karangalan na nandito ka ngayon. Ayoko sanang idamay ka pa sa sitwasyon na ito ngunit hindi ko alam kung saan ako hihingi ng tulong. Lahat ay namamatay na. Ang kasaysayan, ang kagubatan, ang lawa…at ako," lumingon ito sa pwesto ni Luisa. "Simula nang lapitan ko ang tulad mong nais rin makatakas sa magulong mundo, akala ko maibabalik ko ang aking lakas. Ngunit nabigo ako. Sa bawat desisyon na ginawa ni Luna noon, dahil iyon sa akin. Hindi ko ginustong mawalan ng kaibigan. Kaya sayo ako lumalapit ngayon. Nagbabakasakali na matulungan mo ako."

Nakatitig lamang si Luisa kay Takay at pilit na iniintindi ang bawat salitang kanyang naririnig. Ngunit parang naiiwan pa rin siya. Hindi niya masundan ang bawat salita. Sinusubukan niyang ulitin ang sinabi ni Takay ngunit hindi pa rin ito malinaw sa kanya.

"H-Hindi ko maintindihan, Takay."

Tumalikod si Takay.

"Sa tamang panahon, maiintindihan mo ako. Sa ngayon, ito lamang ang kaya kong sabihin."

Lumapit siya kay Luisa at ibinigay ang isang talulot ng isang pamilyar na bulaklak. "Ilagay mo ito sa iyong dibdib ngayong gabi. Hayaan mong dalhin ka ng panaginip mo sa mundo ni Luna."

"T-Teka!"

Unti unting nanlalabo ang paningin ni Luisa at hindi na niya matanaw ang katawan ni Takay. Patuloy lamang siya sa kasisigaw hanggang sa maramdaman niya ang dalawang kamay na tumatapik sa kanyang pisngi.

Nang idilat niya ang kanyang mata, bumungad sa kanya ang nag-aalalang mga mukha ng kanyang ina.

"Luisa, Diyos ko!"

Pilit na bumangon si Luisa at napansin niyang nasa damuhan siya kung saan niya piniling umupo at damhin ang hangin.

"Ma? Anong nangyari?"

"Pagdating ko rito nakita kita nakahiga ka at akala namin nakatulog ka lang," sagot ng kanyang ina. "Pero," nakita ni Luisa kung paano lumunok muna ang kanyang ina bago sabihin ang salitang ikinagulat niya.

"Naabutan kitang sumisigaw habang hawak mo ito."

Ipinakita ni Flora ang pamilyar na bulaklak at inilagay niya ito sa kamay ni Luisa. Ang katamtamang sensasyon na naramdaman niya nang mahawakan niya ang bulaklak at ang amoy nito ay katulad kay Takay na kanina lang ay kausap niya.

Nang kumagat ang dilim sa tahimik na lugar ng Bicol, kaagad na naghandang matulog ang pamilyang Montevirgen. Ngayong gabi, magkakatabing matulog ang tatlo dahil sa nangyari kanina, nilagnat si Luisa. Nais bantayan ng mag-asawa ang kanilang kaisa-isahang anak sa kanyang pagtulog.

Matanda na si Luisa para tumabi pa sa magulang kapag nilalagnat ngunit hindi na nakaangal si Luisa dahil baka magsuspetya na naman ito sa kanya. Hindi rin niya maaaring sabihin ang pagkikita nila ni Takay at kahit hindi rin siya makapaniwala sa kanyang nasaksihan. Ang importante ngayon ay hawak pa rin niya ang bulaklak na bigay ni Takay. Palihim niya itong iniligay sa kanyang dibdib at nang matapos silang magdasal, kaagad na dinalaw ng antok ang dalaga.

Sa gitna ng maliit na baryo sa lugar ng Bicol, tahimik na nagsiliparan ang mga ibon pabalik sa kanilang mga puno. Sumasabay sa kanilang paglipad ang mahihina ngunit mapang-akit na awit ng hangin habang ginagabay ang mga maliliksing lamok palayo sa isang dalagitang nakaupo sa ilalim ng isang malaking puno. Sinubukang bigyang liwanag ng buwan ang natutulog na dalagita upang madaling mahanap ng mga taong dadaan sa lugar na iyon. Nakatitig na may halong kuryosidad ang mga naglalakihang mata ng kuwago sa likod ng dalagita. Kasabay nito ang mga matang nanlilisik sa likod ng mga katabi nitong mga puno. Lahat ay tahimik na binabantayan ang mahimbing na tulog ng babaeng suot mahabang damit na aabot hanggang tuhod. Malinis na mga kamay at makinis na balat. Kasingdilim ng paligid ang kanyang itim na buhok na tumatakip sa kanyang malungkot at nangangambang mukha.

Nagimbal ang lahat ng bigla itong dumilat at inilibot ang kanyang mga hindi masyadong kalakihang mga mata. Pansin mula sa maliit na liwanag na bigay ng buwan, ang mahahaba at malalambot nitong pilik at matibay na pagkakatayo ng kanyang matatangos na ilong. Ibinuka niya ang kanyang mapula ngunit maninipis na labi at nagsimulang sumigaw.

Nagsilaparan ang mga ibong nakatambay sa puno na kanyang sinasandalan. Maging ang mga kuwago ay hindi na muli pang tinitigan ang dalaga at nagtungo sa mas malayong puno.

Tumayo ang dalaga at pinagpag ang kanyang damit at nagmamadaling umalis sa kanyang kinatatayuan. Bakas sa kanyang maamong mukha ang takot habang naghahanap ng daanan pauwi sa kanyang bahay. Palinga-linga itong habang tumatakbo, nangangambang baka may gustong saktan siya.

Lakad-takbo ang kanyang ginawa hanggang sa makarating ito sa lugar kung saan pinalilibutan ng mga tubig. Lawa.

Sa liwanag na dala ng buwan, kita mula sa tubig ang repleksyon ng dalaga. Napatitig ito sa repleksyon ng buwan at napansin niyang pawang nakatitig ito sa kanya. Kaagad namang iniangat ng dalaga ang kanyang mukha at mas pinakatitigan ang liwanag ng buwan. Bilog at pinalilibutan ng kaunting mga ulap ang kanyang nakita. Sa sandaling iyon, may bagong pakiramdam na nadama ang dalaga bukod sa lungkot, galit at takot. Nanayo ang kanyang mga balahibo at inalis ang kanyang mata sa buwan.

Nagsimulang tumakbo ang dalaga palayo sa lawa at nagpatuloy sa paghahanap ng daan paalis sa gubat. Ilang beses niyang inalala kung bakit siya napadpad dito sa lugar na ito ngunit wala siyang maalala na nangyaring pumunta siya mag-isa rito. Pawang may nagtangkang kumuha sa kanyang alaala dahil imposibleng nakarating siya rito nang walang kamalay-malay.

Nawala siya sa kanyang konsentrasyon at natapilok sa nakaharang na punong kahoy. Saka pa lamang niya napansin na napunta ulit siya sa gilid ng lawa at ang buwan at tila nakatitig na naman muli sa kanya.

Sinubukan niyang tumayo at naramdaman niya ang mainit na likido na tumulo sa kanyang tuhod. Dahil sa kanyang pagkadapa, nasugatan ang bandang ibaba ng kanyang tuhod at nagdugo ito nang nagdugo.

Mas lalong lumaki ang takot ng dalaga sa kanyang nakita dahil ang sugat ay hindi normal na sugat lamang. Ang balat nito ay tumuklap na parang tinuklap na pintura sa pader. Kumirot ito nang napakasakit at tanging pag-iyak lamang niya ang maririnig sa gabing iyon.

Inilapit niya ang kanyang tuhod sa lawa at sinubukang hugasan ang dugo. Mas lalong lumukot ang kanyang mukha nang maramdaman ang malamig na tubig ng lawa. Nagpatuloy lamang siya sa paglilinis ng sugat at halos hindi na niya maramdaman ang kanyang mga binti.

"A-Aray..."

Napakagat ito sa kanyang ibabang labi at ipinikit ang kanyang mga mata.

Sa pagkakataong ipinikit niya ang kanyang mata, sa hindi kalayuan ng kanyang kinaroroonan may isang anino ang sumulpot sa gilid ng mga naglalakihang mga puno. Ito ay mariing nakatitig lamang sa dalaga at nang muling idilat ng dalaga ang kanyang mata kaagad itong nawala na parang usok.

Naghanap ang dalaga sa kanyang paligid nang bagay na magtatapal sa kanyang sugat dahil hindi pwedeng magtagal siya sa lugar na iyon.

Sa bandang kanan nito, may isang namumukod tanging halaman ang nakatanim. Hindi makapaniwalang tinitigan niya ito at nagtatakang nabuhay pa ito sa gitna ng maruming lupa na nakapaligid dito. Napansin niya na ang bawat dahon nito kapag nasisinagan ng liwanag at pawang kumikintab.

Pamilyar na bulaklak. Sabi niya sa kanyang isip habang pinagmamasdan ito.

Hindi niya namalayan na nagdudugo pa rin ang kanyang tuhod at ibinalik niya ang kanyang atensyon dito. Hindi na siya nagdalawang isip pa at pinitas ang kaisa-isahang bulaklak at itinakip niya ito sa kanyang tuhod. Isang mahapding sensasyon ang kanyang naramdaman at mainit na likido ang lumabas sa kanyang mga mata. Hindi niya mapaliwanag ang sakit nang kanyang idinikit ang bulaklak sa nakabukas niyang balat.

Patayo na sana siya at ipagsasawalang bahala ang sakit nang biglang sumikip ang pagkapit ng mga dahon sa kanyang sugat. Napaupo siya ulit at mariing hinawakan ang kanyang binti. Ang malamig na sensayon na idinulot ng tubig ng lawa ay napalitan ng mainit at tila nakapapasong pakiramdam sa kanyang tuhod.

Naisipan niyang lagyan muli ng tubig ang kanyang sugat dahil pakiramdam niya natutunaw na ang kanyang mga balat. Napaiyak ulit ang dalaga sa sakit nang binuhusan niya ng tubig ito.

Ilang segundo lamang, nag-iba ang pakiramdam ng dalaga. Bukod sa liwanag ng buwan, may kakaibang ilaw ang sumulpot sa kanyang sugat. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita at sinubukan niyang basain muli ito para mawala ang liwanag ngunit sa pagkakataong nalagyan muli nito ng tubig, mas lumaki ang liwanag nito.

Natataranta niyang sinubukang tanggalin ang bulaklak ngunit sa hindi malamang dahilan hindi niya ito matanggal. Nagsimula na siyang kabahan sa kanyang natutuklasan. Ayaw niyang isiping nababaliw na siya at pilit na isinasantabi ang boses na palagi niyang naririnig tuwing gabi at maging sa kanyang eskwelahan.

"Huwag kayong lumapit dyan kay Luna!"

"Lumayo ka nga sa amin! Baliw ka!"

Umalingawngaw ang mga salitang ito sa kanyang ulo at hindi na niya na pinagtuunan ng pansin ang kanyang sugat. Napahawak ito sa kanyang ulo at ipinikit ang kanyang mga mata.

"Tama na...pakiusap...tigilan niyo na ako," sigaw niya sa kanyang sarili habang ang kanyang sugat ay unti-unti nang gumagaling.

Sa kabilang banda ng gubat, hindi matigil sa pag-iyak ang isang babaeng hindi tatanda sa kuwarenta habang akap akap nito ng kanyang asawa na hindi pa dinadalaw ng katandaan. Kasama ang isang batang nasa edad apat na masayang naglalaro sa kanyang manika. Hindi alinta ang kaba ng kanyang magulang at walang muwang na ang kanyang ate ay nawawala. Ang mag-asawa ay miserableng naghihintay sa kanilang panganay na anak na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapakita.

"May nakakita po nito sa ilalim ng puno nang dumaan ang isang ale galing sa lawa upang maglaba," ipinakita ng pulis ang singsing na may hugis ng isang buwan.

Kumislap ang mga mata ng mag-asawa sa pag-asang makikita na nila muli ang kanilang anak.

"Huwag po kayong mag-alala, mahahanap din po natin ang anak ninyo."

Hindi na nagsalita ang mag-asawa at tumango na lamang ang mga ito ngunit bakas pa rin sa kanilang mukha ang pag-aalala.

Napatingin ang ina ni Luna sa buwan at tahimik na nanalangin na nawa ay ibalik na nito ang kanilang anak. Kita sa mata ng isang ina ang isang pamilyar na takot na mawala ang kanyang anak. Alam niyang maraming siyang pagkukulang kay Luna ngunit hindi pa rin mawawala ang pagmamahal niya rito.

Tila sumagot ang buwan nang ito'y matakpan ng isang ulap at isang ngiti ang gumuhit sa labi ng ama ni Luna nang makitang bitbit ng isang pulis ang katawan ng isang pamilyar na dalagita. Bago pa man ilagay ng pulis ang dalaga sa sasakyan, napansin ng kanyang ina ang kakaibang peklat na nakaukit sa binti ng kanyang anak.

Isang larawan ng isang bulaklak ang kanyang natandaan matapos makita ang peklat na iyon.