"Sandali, magkapatid kayo?"
Nagugulumuhinang tanong ni Luisa sa dalawang lalaking kaharap niya ngayon sa tuktok ng Bundok ng Asog.
Gumuhit sa mukha ng binatang si Martino ang mga ngiti nito at tumingin sa mga mata ni Luisa. Habang itinanday ni Kanaway ang kanyang kaliwang braso sa kanang balikat ni Martino. Ang dalawang binata ay ngayo'y nakangiti sa dalaga.
"Hindi ba kami magkamukha?" tanong ni Kanaway.
Pabalik-balik na tinignan ni Luisa ang dalawa at ikinumpara ang kanilang itsura. Sila ay may parehong kapal ng labi at ang kanilang mga kilay ay halos walang pinagkaiba. Ang mga detalyeng ito ay hindi kaagad napansin ni Takay dahil mas nakatuon siya sa relasyon nilang tatlo ni Takay at hindi namalayang sila ay magkamukha.
Napaawang ang mga labi ni Luisa nang ito ay kanyang tuluyang napansin. "Hindi ba kayo kambal?"
Tumawa si Kanaway gamit ang kanyang buong boses. Ang kanyang mga mata ay nakapikit dulot ng kanyang malawak na pagngiti habang nakalabas ang mga ngipin. Dahil sa reaksyong ito, pakiramdam ni Luisa na isa itong masiyahing tao at nakapagaan ng loob ni Luisa sa binata. Hindi katulad kay Martino na hindi mawawala ang pamumula ng kanyang mga pisngi sa tuwing magtatama ang kanilang mga mata.
"Mukha lang kaming kambal pero dalawang taon ang agwat ng edad namin, Binibini."
Itinuro ni Kanaway si Martino. "Siya ay maglalabinsiyam pa lang sa susunod na buwan at ako naman ay dalawampu't isang gulang na," paliwanag niya habang ang tatlo ay naghahanda na para umupo at kumain.
Tumango tango si Luisa at naiintindihan na niya ngayon ang sitwasyon. Laking pasalamat niya na ang nakikilala niya ngayon ay marunong magsalita sa kanyang dayalekto. Dahil dito, nabawasan ang kanyang pangamba na manirahan muna sa panahong ito.
"Ikaw? Ilang taon ka na?" napalingon si Luisa nang magsalita si Martino na ngayon ay nasa tabi niya. Hindi niya inasahan ang tanong na iyon at heto na naman ang kanyang pagbilis ng tibok ng puso at ang pag-iinit ng mga pisngi.
Napaiwas si Luisa, "Katulad mo, ako'y maglalabinsiyam na rin."
"Talaga?" magkahalong gulat at tuwa ang napansin ni Luisa sa boses ni Martino kaya naman hindi niya maiwasang mapayuko at damdamin ang mas lalo pang nag-init ang kanyang mga pisngi.
"O-Oo…" ang tanging nasagot ni Luisa.
Sa kabilang dako, napansin ni Takay ang kakaibang kilos ng kanyang bagong kasama sa pagtulog. Hindi niya maiwasang mapa-iling at mapangiti dahil nakikita niya ang kanyang sarili sa katauhan ni Luisa noong una niyang nakilala si Kanaway. Napatingin siya sa kanyang nobyo at nabigla nang makitang nakatingin din ito sa kanya. Tila ang pamumula ng mga mukha ni Luisa kanina at sumalamin sa pisngi ni Takay ngayon.
Magkalayo man ang dalawa, hindi pa rin nagbabago ang matatamis at puno ng pangungulila ang bawat titig ng isa't isa. Walang katumbas ang bawat ngiting kumukurba sa makakapal na labi ni Kanaway at ang nagkikislapang mga mata ni Takay. Kung sila'y titignan, ang dalawa ay tunay, walang labis at puno ng pagmamahal sa isa't isa.
Tumikhim nang palihim si Martino nang mapansin ang magkasintahan. Agad na umiwas ang tingin ang dalawa sa isa't isa at napatingin sa magkabilang gilid. Sa senaryong ito, hindi maiwasang matawa nang marahan si Luisa. Nakikita niyang sila nga ay tunay na magkasintahan at masaya siya para Takay na si Kanaway ang kanyang naging nobyo.
"Kain na tayo!" pambawi ni Kanaway sa namagitang katahimikan.
Nagsimula nang i-angat ni Takay ang malaking dahon ng sahig at bumulaga sa kanila ang dalawang putahe. Hindi ito karamihan para sa apat na tao dahil inaakala ng magkasintahan na sila lang ang kakain nito kaya kaunti lang ang inihain ni Kanaway para sa kanyang nobya na si Takay.
Tinitigan ni Luisa ang dalawang pagkain na nakalagay sa dahon ng saging. May limang nakabalot na parang puto sa dahon din ng saging at ang isa ay sadyang ikinagulat niya. Sinubukan niyang maging normal ang kanyang reaksyon ngunit hindi siya nakatakas sa mga mata ni Takay.
"Kuhol ang tawag dyan, Luisa."
Napatingin si Luisa sa kanya at ibinalik din ang tingin sa putahe. Hindi siya nagkakamaling ito ay mga suso na nakikita niya sa kanyang panahon. Ang mga ito ay para kay Luisa, hindi malinis at palaging namamalagi sa mga kanal o hindi naman ay makikita niyang pinaglalaruan ng mga bata. Hindi siya makapaniwala na kinakain ito nila Takay, Kanaway at Martino.
Kumuha si Martino ng parang isang puto at binigay niya ito kay Luisa. "Tikman mo, masarap iyan."
Tinanggap ito ni Luisa at nang kumagat, naramdaman niya ang pagkalambot ng pagkain at sumabog ang mga laman nito sa kanyang bibig. Nang inilayo niya ang pagkain at tinignan ang palaman, nagulat siya na imbis na keso ang kanyang nakita, ang nakatago rito ay ginayat na buko.
Nang mas matikman ang pagkain, nag-uumapaw sa tamis ang palaman na buko na siyang naghalo sa sarap ng mismong puto. Hindi niya maiwasang kumagat muli at ninamnam ang sarap ng kanyang kinakain.
"Ang sarap naman nito," bulong niya.
Ngunit hindi niya alam na narinig ito ng kanyang mga kasama dahilan para napatawa muli si Kanaway.
"Walang makakatalo sa puto bukayo ko!" tuwang tuwa niyang ani habang itinaas ang kaliwang braso at sumuntok sa hangin.
"Huwag ka masyadong masaya riyan. Unang beses lang kasi ni Luisa kumain ng ganito," mapanlokong sabat ng kanyang kapatid.
"Ang sabihin mo, hindi ka lang marunong magluto!"
"Marunong ako, hindi mo lang tinitikman."
"Eh paano ko naman titikman, ang pangit ng lasa?"
"Anong sabi mo?"
Ibabato sana ni Martino ang nakapalupot na dahon ng saging sa kanyang nakatatandang kapatid nang pigilan ito ni Takay habang tumatawa. Pinagmamasdan lang ni Luisa ang away ng magkapatid ngunit ramdam niyang hindi naman sila seryoso sa kanilang asaran.
"Tumigil na nga kayo, para kayong mga bata."
"Kausap mo 'yang nobyo mo dahil lumalaki na yata ang ulo," ngumunguyang babala ni Martino.
Tumawa muli si Takay, "Kayo talagang makapatid."
Napansin ni Kanaway na hindi pa nakatitikim si Luisa ng Kuhol. Kaya kumuha siya ng isa at inalok ito sa dalaga. Ikinabigla ito ni Luisa dahilan para mabitawan niya ang natitirang puto sa kanyang kamay.
"Tikman mo 'to, Luisa. Ito ang pinakamasarap na pagkaing matitikman mo maliban sa Puto Bukayo na iyan," ani nito at itinuro ang butil ng puto bukayo na naihulog ni Luisa.
Tinanggap ito ni Luisa ngunit nag-aalangan siyang kainin ito. Ayaw rin naman niyang ipakita sa tatlo na hindi niya gusto itong kainin dahil baka masamain siya ng mga ito. Hindi rin niya kayang kainin ito dahil una sa lahat, hindi pa siya nakakatikim ng suso.
Naramdaman ni Takay ang pag-aalinlangan ng dalaga kaya inilapat niya ang kanyang kanang palad sa mga hita ni Luisa. "Ayos lang kung hindi mo kakainin, naiintindihan namin na hindi ka sanay kumain ng ganito sa iyong panahon."
Kumunot ang noo ni Kanaway sa pagtataka nang marinig ang sinabi ng kanyang nobya.
"Sandali, tama ba ang pagkakarinig ko? Sa iyong panahon?" pabalik balik na tingin ang ibinigay niya sa dalawang dalaga. "Anong ibig niyong sabihin?"
Napuno rin ng kuryosidad si Martino habang nakikinig sa usapan ng tatlo. Ang pagkakaalam ng dalawang binata ay galing lang ito sa ibang baryo, sa lugar kung saan maraming mga Tagalog at napadpad lamang dito sa kanilang baryo.
Sa kabilang banda parang naging alerto ang kilos ni Luisa sa sitwasyon, Hindi niya inaasahang darating ang punto na magtatanong sila tungkol sa pagkadayo niya sa kanilang baryo. Sa mga oras na iyon, hindi pa handa si Luisa na magsabi sa iba maliban kay Takay. Ayaw niya ring makarinig ng ibang salita na magmamasama sa kanyang paninirahan dito.
Habang natatarantang pinakatitigan ni Takay ang dalaga. Hindi niya inaasahan na masasabi niya iyong ng biglaan ngunit para sa kanyang depensa, mas mabuti kung mas maraming makakaalam ng kanyang sitwasyon para mas marami pa ang tumulong sa kanya. Ayaw rin naman ni Takay na malunod sa kalungkutan ang dalaga,
"P-Pasensya na, Luisa. Hindi ko sinasadya…" paumanhin ni Takay.
Ngunit itinaas ni Luisa ang kanyang ulo at nakangiting ibinalik ang paumanhin ni Takay.
"Ayos lang, Takay. Siguro mas mabuti na rin na magsabi ako ng totoo dahil alam ko hindi naman kayo iba para sa akin. At bilang pasasalamat na rin sa taos puso niyong pagtanggap sa akin."
Inihanda ni Luisa ang kanyang sarili at nagsimulang magkwento tungkol sa kanyang buhay at sa kanyang panahon. Lahat ng mga mata ay sa kanya lamang nakatuon ngunit sa gulat ni Luisa sa kanyang sarili, hindi siya nakaramdam ng hiya bagkus ay mas ginanahan pa siyang magkwento nang magkwento. Ramdam niya ang nauumapaw ng pagiging interesado ng tatlo sa kanyang sinasabi. Ito ang unang pakakataon, maliban kay Takay at sa magulang niya, na may handang makinig sa kanya.
Sinimulan niya ang kanyang kwento sa kung paano niya nakita ang katauhan ni Takay at nagtapos kung saan niya nakita ang kanyang sarili sa kubo ni Anaki at Wani. Kinailangan pang isalin ni Takay ang mga salitang hindi gaanong maitindihan ng magkapatid upang mas maunawaan nila ang kanyang kwento.
Nabanggit na rin ni Luisa ang pangalan ni Takay at mas lalong naging matindi ang pakikinig ni Kanaway sa kanya. Dala na rin siguro ng pag-aalala sa kanyang nobya. Nang matapos ang kanyang kwento, hindi kaagad na nakapagsalita ang magkapatid sa kanilang nalaman. Tila masyadong mabigat ito para sa kanilang kaalaman at hindi maarok ang buong kwento. May parte sa kanila na hindi naniniwala ngunit ang kilos ng dalaga ang nagpapatunay na hindi siya nabuhay sa panahong ito.
Si Martino ang unang naglakas loob na magsalita sa katahimikang namagatitan sa kanilang apat.
"Sinong Takay ang nakita mo sa inyong tahanan?"
"Ikinumpirma ko na sa aking mga obserbasyon na si Takay," napatingin si Luisa kay Takay. "Ang babaeng nakita ko noong araw na iyon."
Umiling iling si Kanaway dahil hindi niya gaanong maintindihan ang sinabi ni Luisa. "Ang ibig mo bang sabihin, nakapunta si Takay sa inyo at idinala ka rito?"
Napatingin si Luisa kay Takay. Umaasang magbibigay siya ng tugon sa tanong ng kanyang nobyo. Agad itong nakuha ni Takay kaya inilagay niyang hinawakan ang mga kamay ni Kanaway at tinitigan sa kanyang mga nagtatakang mata.
"Maniwala ka sa akin, hindi ko rin alam kung sino ang nagpakita sa kanya."
Lumambot ang mukha ni Kanaway nang marinig iyon mula sa bibig ng kanyang nobya, "Naniniwala ako sa'yo."
Hindi napagilang mapangiti ni Luisa nang masaksihan ang senaryong iyon. Tunay na ang magkasintahang nasa harapan niya at nagmamahalan nang buo. Puno ng tiwala sa isa't isa.
Habang pinagmamasdan ang mga ngiti ni Takay, hindi maiwasang maitanong ni Luisa sa kanyang sarili ang mga tanong ni Martino at Kanaway. Gustuhan man niyang ipaliwanag ito, maging siya ay hindi rin sigurado at walang alam sa tunay na nangyayari. Iniisip din niya ang Takay na nakilala niya sa kaniyang panahon ay may bitbit na lungkot at paghihinagpis. Ang Takay na kilala niya ngayon ay puno ng pagmamahal at kaligayahan. Ano ba ang nangyari kay Takay?
Binalot ng katahimikan ang tuktok ng bundok. Kasabay nito ang marahang pagdampi ng hangin sa balat ng apat. Tahimik lang din silang nakatanaw sa buong baryo ng Asog. Ang mga tao rito ay nagsisimula nang magpahinga matapos ang makabuluhang umaga at tanghali. Habang ang apat ay wala pang balak na umalis sa kanilang pwesto. Tila nagustuhan ang katahimikang nagsilbing musika sa kanilang pananahimik.
Naputol ang mahabang katahimikan nang biglang tumayo si Kanaway at nagtungo itaas ng isang puno malapit sa kanilang kinauupuan. Bumaba ito nang may dala dalang isang gitara, sa isip isip ni Luisa, habang kina Martino at Takay. Ito ang pinakapaboritong instrumento ni Kanaway.
Tuluyang nakalapit na pabalik si Kanaway at ipinakita ang kanyang bitbit habang malawak na nakangiti. Bakas sa kanyang mga mata ang siglang hindi kailanman matutumbasan ng kahit anong bagay.
Musika, para kay Kanaway, ang sagot sa lahat ng kanyang problema. Musika ang siyang nagpapaligaya sa malambot na pusong nalamigan ng bawat sandali. Musika, ang gagabay sa iyong walang hanggang paglalakbay patungo sa katotohanang matagal mo nang hinahangad. Musika, para sa kanya, ay sagot at gamot sa pusong puno ng pighati, lumbay, ligaya.
Pinagmasdan ni Luisa ang hawak na gitara ni Kanaway. Hindi ito normal na gitara sa kanyang panahon dahil ito ay gawa sa bao na nilagyan ng mga strings na magdudulot ng iba't ibang tono hanggang sa makabuo ng isang kanta. Na-engganyo naman siya rito at hindi na makapaghintay na tumugtog ang may-ari ng gitara.
"Luisa, alam mo bang ang musika ay sagot at gamot?" tanong ni Kanaway nang mapansin niya ang pagtitig nito sa kanyang instrumento.
Halata naman nabigla si Luisa sa tanong ni Kanaway ngunit agad na nakahanap ng tamang salita sa tanong nito. "Siguro, para sa akin kasi, ang musika ay isang paraan para makahanap ng sagot."
"Anong ibig mong sabihin?" mausisang tanong ni Kanaway ngunit sa kabila nito, nais niyang marinig ang sagot ng isang taong galing sa kasalukuyan.
"Ang liriko ang magsisilbing bangka, ang ritmo ang magsisilbing ilog. Himig ang tutulong upang paandarin ang iyong bangka patungo sa sagot. Dadalhin ka nito sa iba't ibang bangin ng tubig ngunit hindi ka hahayaang malunod. Sasamahan ka sa masukal na gubat pero hindi ka pababayaang makagat ng mababangis na hayop. Ang musika para sa akin ay kalayaan."
Napangiti ang tatlo sa minutawi ng dalaga. Bukod sa kanyang kwento kanina, ito ang unang pagkakataong nagsambit siya base sa kanyang tunay na nararamdaman. Ito ay napansin din ni Luisa sa kanyang sarili.
"Ang ganda ng takbo ng iyong isip," papuri ni Martino dahilan para higpitan lalo ni Luisa ang paghawak sa kanyang malong.
"Salamat," ani ni Luisa at saglitang sumulyap sa binata.
"Dahil dyan, hahandungan kita ng isang awitin, binibini. Hindi mo man maintindihan ang bawat salita, alam kong gagabayan pa rin ng himig nito sa sagot na matagal mo nang tanong."
Iminuwestra ni Kanaway ang kanyang sarili para tumugtog habang nakaantabay ang tatlo sa kanya.
Sa unang kalbit nito sa kanyang gitara, naglabas ito ng nakapagandang tunog. Tila natahimik ang buong baryo dahil dito. Nang ipikit ni Luisa ang kanyang mga mata, marahang humampas ang sariwang hangin sa kanyang mukha. Ang hangin at musika ni Kanaway, ngayon ay nag-isa.
Hanggang ngunian naghahalat
Ta kaidto ika sakong kakawat
Tadaw ta kaawat, kaya ngunian ika hinahanap
Nang sumapaw ang boses ni Kanaway sa kanta, mas lalong gumaan ang loob ni Luisa. Sa kabila ng makikisig nitong mga braso may lihim na lambing ang kanyang mga tinig. Ito siguro ang dahilan kung bakit nahulog ang dalagang si Takay. Dahil hindi lamang ito magaling tumulong sa pisikal na kaanyuhan bagkus ay alam din nito kung paano magpakalma sa emosyon ng isang tao. Napakaswerte ni Takay kay Kanaway.
Hindi man niya maintindihan ang awat salitang kinakanta ni Kanaway, pakiramdam niya ay kinakausap siya nito gamit ang lenggwaheng hindi kailanman magiging malinaw sa pandinig ng iba. Ito ang sikretong hatid ng bawat musika. Anumang lenggwahe o dayalekto, pagdudugtungin pa rin kayo sa bawat ritmo at himig nito.
Sa mga oras na iyon, nakaramdam si Luisa ng kalayaang hindi niya makamit sa kanyang panahon. Malayo sa gulo, ingat at kahirapan. Malayo sa masasamang tao. Malayo sa reyalidad. Ang gandang mayroon ang Pilipinas ay narito sa kanyang pwesto.
Ayoko nang umalis dito…
Napadilat siya ng kanyang mga mata nang marinig ang kanyang sarili. Nang iminulat niya ang kanyang mata, ang tatlo niyang kasama ay nakapikit pa rin at sumasabay sa awitin ni Kanaway. Tila hindi pansin na ang dalagang kanilang kasama ay parang nabuhusan ng malamig na tubig. Nabigla sa kanyang sinabi.
Pumasok sa kanyang isip ang kalagayan ng kanyang magulang. Nag-aalala at tila nalulumbay sa pagkawala ng kanilang anak. Kumirot ang kanyang puso sa senaryong kanyang hinaraya. Ramdam niya ang nagbabadyang pagtulo ng kanyang mga luha ngunit pinigilan niya ang mga ito at tinatagan ang kanyang sarili. Hindi siya maaaring makita ng tatlo. Ayaw niyang magmukha na naman siyang mahina. Ayaw niyang iwan siya ng mga ito dahil sa ilang minutong binigay sa kanila, napalapit na siya sa mga ito.
Natapos na ang kanta at pinalakpakan nila si Kanaway na ngayon ay tuwang tuwa sa kanyang ginawa.
"Walang kumpas," ani nito habang yakap yakap ang kanyang gitara.
"Dapat hindi ka na lang kumanta, mas gugustuhin ko pang marinig ang ibon kaysa sayo," pangangasar ni Martino sa kanyang kuya.
"Bukas, bibigyan kita ng pagkakataon bukas para patunayang mas maganda ang boses mo sa akin."
"Bakit bukas pa? Pwede naman ngayon."
"Hindi pwede, baka masira ang araw ng bago nating kaibigan."
Napatingin silang tatlo kay Luisa na ngayon ay napabalik sa kanyang sarili nang marinig ang kanyang pangalan at ang salitang minsan lang niya marinig sa ibang tao. Alam niyang itinuturing niya nang kaibigan si Takay ngunit ang ideyang mas lalawak pa ang bilang ng kanyang magiging kaibigan ay tila hindi kinakaya ng kaligayahan ng isang dalaga. Hindi niya namalayan na nakatingin na ang anim na mga mata sa kanya.
"B-Bakit kayo nakatingin sa akin?"
Tumawa si Takay, "Maligayang pagdating muli sa Baryo ng Asog, Luisa."
Matapos ang kantahan at pagiging opisyal na parte si Luisa ng kanilang pagkakaibigan, saka lamang napagtanto ni Luisa na dala niya pala ang kanyang selpon at nais na kunan ng litrato ang bago niyang mga kaibigan. Ilang tanong pa ang kanyang kinailangang sagutin bago makuha ang isa hanggang dalawang litrato. Pagkatapos nito sila ay bumaba na bago pa sumabay ang pagbaba ng araw.
Hindi pa rin mawala ang ngiti ni Luisa sa nangyaring asaran ng magkapatid kanina habang binabaybay nila ang masukal na kagubatan na kanilang nadaanan. May nakita kasi silang dalawang malaking puno at ang dalawang lalaki ay nagkaroon ng pustahan na kung sino ang huling makaaakyat sa puno, magiging utusan buong araw bukas. Kaya naman ang magkapatid ay pursigidong manalo. Kalahating umaasang maging hari ng isang araw, kalahating nagpapakita ng gilas sa dalawang dalaga.
"Arani na ako! (Malapit na ako!)" sigaw ni Kanaway sa kabilang puno.
Hindi ito pinansin ni Martino at nagpatuloy lang sa kanyang pag-akyat. Gusto niyang manalo dahil nakatingin sa kanya si Luisa at ayaw niyang mapahiya rito. Ngunit alam din niyang hindi siya mananalo sa kanyang nakatatandang kapatid dahil sa ganitong larangan, siguradong magaling ito.
"Kaseryoso mo namang maray! Sumimbag ika kung maray pa ba ika! (Masyado ka namang seryoso! Sumagot ka kung ayos ka pa ba!)" pangangasar ni Kanaway habang binabagalan ang pag-akyat sa puno. Kilala niya ang kanyang kapatid at alam niyang may lihim na pagtingin ito sa kasama ng kanyang nobya at sa pagkakataong ito, hindi niya sisirain ang pagpapakitang gilas nito sa harap ni Luisa. Kahit pa magmukha siyang lumpo't mahina sa kanyang nobya, alam niyang hindi ito ang sukatan ng tunay na pagmamahal.
Sa tuwing lilingon si Martino sa direksyon ni Kanaway, nagkukunwaring nagmamadali itong umaakyat kaya mas lalong nagpursige si Martino. Habang ang kanyang kuya ay natatawa na lamang sa kanyang nakikita.
"Mukhang may nanalo na!" sigaw ni Takay mula sa ibaba.
Natatawang pinagmamasdan ng dalawang dalaga ang mga lalaki at napapailing na lang sa walang patutunguhang kumpetisyon. Habang nakamasid si Takay kay Kanaway, hindi maiwasang hindi mag-alala ni Luisa kay Martino. Napapansin niyang hindi na kinakaya ng binata ang mga susunod na pag-akyat dahil na rin siguro sa bigat ng tiyan gawa ng pinagsamang almusal at tanghalian kanina.
Hindi nakaligtas sa obserbasyon ni Luisa ang pagkukunwari ni Kanaway. Alam niyang kanina pa sana siya nakarating sa taas ngunit binagalan niya ito nang makarating siya sa gitna at tila hinihintay na makalagpas ang kanyang kapatid. Noong una hindi pa ito maintindihan ni Luisa ngunit hindi niya napigilang mapangiti sa kabutihang bigay ng nakatatandang lalaki na si Kanaway.
Ilang minuto pa nang makarating ang dalawa sa pinakataas. Halos hindi na marinig ng magkapatid ang sigaw ng mga dalaga kaya nagkasundo na silang bumaba na. Nang tuluyang makarating sa ugat ng puno, agad na pumalakpak ang dalawang dalaga.
"Walang nanalo!" natatawang bati ni Luisa sa kanila.
Hinihingal na tumingin si Kanaway sa dalaga, "Anong ibig mong sabihin?"
"Walang nanalo dahil sabay kayong nakarating sa taas," paliwanag ni Takay.
Nagkunwaring hindi makapaniwala si Kanaway sa sitwasyon ngunit sa kanyang loob loob tama lang ang ginawang desisyon ni Takay at Luisa.
"Ako nauna!" reklamo ni Kanaway.
"Teka, hindi naman ito makatarungan kung sasabihin mo lang nang ganoon kadali na ikaw ang nauna," pag-aangal naman ni Martino.
Napatingin si Kanaway sa kanyang kapatid, "Sino sa tingin mo ang nauna?"
Hindi agad nakasagot si Martino dahil hindi rin niya alam kung sino talaga ang nauna. Gusto man niya sabihing ang kanyang kuya ang nanalo ngunit nahihiya siya sa harap ng dalawang dalaga.
"Syempre ikaw!"
Sigaw ni Kanaway at akmang yayakapin sana ang kanyang kapatid ngunit hindi niya napansin na may ligaw na tangkay sa kanyang daraananm dahilan para siya ay matisod.
Agad na lumapit sa kanya ni Takay at nag-aalalang tinignan ang nobyo ngunit imbis na sumagot ito ng pahayag na ayos lang siya, nagkunwari itong nag-eehersisyo upang hindi mapahiya. Hindi napigilan ni Luisa ang kanyang tawa kaya hindi niya inaasahan ang pagbuga ng kanyang malalambing na tawa. Ikinagulat ito ni Takay dahil ito ang unang pagkakataon na tumawa ang dalaga. Habang umiwas ng tingin ang binatang si Martino sa direksyon ni Luisa.
Masyadong nakahuhumaling ang kanyang tawa dahilan para manlambot ang napapagod niyang mga binti.
Napansin ni Luisa na siya lang ang tumatawa kaya agad siyang napatigil. "P-Pasensya na, hindi ko sinasa-"
Naputol ang kanyang paghingi ng paumanhin nang gatungan ni Kanaway ang katahimikan ng isang malakas na tawa. Hanggang sa silang apat na ang tumatawa sa buong paglalakbay pagbaba mula sa bundok.
Ngayon ay tanaw at rinig na nila ang mga tao sa baryo ng Asog. Nagsisimula na para sa kanilang hapunan at handa na para magpahinga.
Dumaan muna sila sa bahay ni Anaki at Wani upang magbigay galang. Bago kasi sila makarating sa kani-kanilang tahanan, madadaanan muna ang tahanan ng mag-ina. Naabutan nilang kumakain na ang mag-ina kaya niyaya sila nito upang makisabay.
Hindi naman nakaangal ang apat dahil si Anaki ang nag-alok sa kanila. Nais ding makausap ni Luisa si Wani dahil bukod sa tatlo niyang bagong kaibigan, magaan din ang loob niya sa kapwa niya dalaga.
"Wani!" bati ni Luisa nang magkita sila sa loob ng kubo kung saan unang tahanang napuntahan niya pagkatapos siya higupin ng kuwadro.
Kumislap ang mga mata ni Wani nang makita ang dalaga. "Luisa!"
Umaasa si Luisa na madagdagan pa ang kanilang pag-uusap bukod sa pagbanggit nito sa kanilang pangalan. Sa susunod na mga araw, nais niyang turuan ang dalaga sa kanyang dayalekto at handa rin siyang magpatulong kay Takay sa kanilang dayalekto para mas mapadali ang kanilang pag-uusap.
Umayos na sila ng upo sa sahig upang makakain na. Katulad sa inihain ni Kanaway kanina sa kanilang almusal at tanghalian, may kuhol at puto bukayo ring nakahain sa kanilang harapan. Mabuti na lamang at natikman na ni Luisa ang mga pagkain na ito at hindi na siya magmukhang mangmang sa harap ng pinuno ng baryo.
Katahimikan ang namagitan sa kanilang salo-salo at wala ring nagtangkang sumira rito. May ibang pakiramdam si Luisa sa sitwasyon ngunit wala siyang alam para pangunahan ito. Pansin niyang nag-iba ang kinikilos ni Anaki nang makitang magkalapit ang magkasintahan. Hindi matukoy ni Luisa kung ano ang gustong sabihin ng mga mata ni Anaki sa bawat titig niya sa dalawa.
Galit? Awa?
"Luisa,"
Naputol ang kanyang malalim na pag-iisip nang marinig niya ang tawag ni Anaki. "P-Po?"
Tumingin muna si Anaki kay Takay, senyales para ihatid ang mensahe sa dalaga. "Maray man ta pamilyar na ika sa pagkaon didi samon. (Mabuti naman at pamilyar ka na sa pagkain dito sa baryo.)"
Isinalin agad ito ni Takay at saka nginitian ang dalaga.
"Opo, pinakilala na po ito sa akin ni Kanaway."
Ngumiti si Anaki kay Luisa nang maisalin ni Takay ang sinabi niya sa pinuno. Ngunit ang ngiting ito ay hindi dulot ng isang kasiyahan. Dismayado?
Muli, binalot ang kubo ng katahimikan hanggang sa matapos silang kumain. Iba na talaga ang pakiramdam ni Luisa sa sitwasyon at nais na niyang makatakas mula rito. Natatakot siya sa kung anong posibleng mangyari at ayaw niyang masangkot muli rito.
Sa wakas, nagsalita na si Anaki.
"Pirang beses ko bang sasabyon na di kamo pwede magkiritan? (Ilang beses ko bang sasabihin na hindi kayo maaaring magkita?)" seryoso nitong tanong sa magkasintahan.
Hindi ito maunawaan ni Luisa ngunit nanayo ang kanyang mga balahibo nang marinig ang nag-uumapaw na otoridad sa boses ni Anaki. Napansin din niyang nasidlak si Martino matapos sinabi ni Anaki ang mga katagang iyon. Nagulat si Luisa nang biglang iniyuko ni Kanaway ang kanyang ulo. Ito ang unang pagkakataong nakita niyang naging mahina ang lalaki.
"Payaba ko tabi si Takay, Anaki. (Mahal ko po si Takay, Anaki.)"
Naging madilim ang paningin ni Anaki na siyang kinatakot ni Luisa.
"Di ba ninyo naiisip ana magiging kabalyo nyadi? (Hindi niyo ba naisip ang magiging kapalit nito?)" lumalakas na ang tinig ni Anaki.
Ngayon, pumagitna na si Takay, "Isi po adto namon, Anaki. Kaya tabi nagilikay ka-(Alam po namin iyon, Anaki. Kaya po nag-iingat ka-)"
"Nagilikay! Punduhan mo ako, Takay! Pirang beses ko na ikang sinabyan manunungod sa sitwasyong adi kindi di ika nagirungog! (Nag-iingat! Tigilan mo ako, Takay! Ilang beses kitang sinabihan sa sitwasyong ito ngunit hindi ka nakikinig!)" niyanig ang kubo sa sigaw ng pinuno.
Kusang inuyuko ng magkasintahan ang kanilang ulo nang maramdaman ang galit ni Anaki. Habang binalot ng kaba si Luisa sa kanyang nasaksihan. Hindi niya maintindihan ang sitwasyon ngunit ramdam niya ang bigat nito.
Malalim ang pinaghugutan ni Anaki sa kanyang buntong hininga. Naging kalmado na ang kaniyang mga mata at ang maamong pinunong nakilala ni Luisa ay tila nagbalik na sa dating nitong anyo.
"Di man sana kamo, Takay ag Kanaway ana pibantayan ko. Ngamin na tawo didi sa banwaan kaput ko ana buway. Di ako magtugot, di ko papabayan na mauda adto dahil sana sa kisil ning payo ning duwang tawong niparayabaan. (Hindi lang kayo ang binabantayan ko, Takay at Kanaway. Lahat ng tao rito sa baryo ay hawak ko ang mga buhay. Hindi ko hahayaang mawala iyon dahil sa katigasan ng ulo ng dalawang nagmamahalan,)" napapikit ang pinuno at tila humugot pa nang mas malalim na buntong hininga.
"Di ko muyang madamay sira sa kagasan ni Panginoong Onos. (Ayokong madamay sila sa galit ni Panginoong Onos.)"