Chereads / Takay's Withered Petal [Filipino] / Chapter 10 - (10) Ang Paghahanda at ang Babala

Chapter 10 - (10) Ang Paghahanda at ang Babala

Matapos ang pagbisita ng dalawang dalaga sa panginoon, magtatanghalian na nang sila ay makarating sa baryo. Binagtas nilang muli ang masukal na kagubatan kasama ang isang kawal na inutusan ni panginoong Onos na samahan sina Takay at Luisa. Hindi sana nila ito balak na tanggapin pa ngunit nagpumilit ang panginoon sa kanyang alok. Ayaw daw niyang may mangyaring masama sa kanilang dalawa kahit na nagawa nilang makapunta sa palasyo nang walang kasamang kawal.

Napansin ni Luisa ang kumikinang nitong mga mata habang nagpapaalam sa kanila. Hindi maiwasang magtaka ni Luisa kung ano ang nangyari sa panginoon at ano ang pinag-usapan nilang dalawa ni Takay kanina. Nasulyapan niya ang mapupungay na mata ni Takay at sa tingin niya, hindi natutuwa si Takay sa kasiyahang pinapakita ng panginoon.

Gustuhin man niya itong tanungin nang sila ay tahimik na bumabalik sa kanilang kubo ngunit mas pinili niyang bigyan ng espasyo ang kaibigan dahil alam niyang sobra sobra na ang nangyari sa kanya umagang umaga pa lamang.

Hindi lubos maisip ni Luisa kung gaano kahirap ang dinadala ni Takay ngayon. Sa bawat desisyon na kanyang gagawin, may mga taong madadamay at masasaktan. Ngunit kapag pinili niya ang kagustuhan ng iba, siya naman ang masasaktan. Kung pwede lang maipasa ang problema, malugod na tatanggipin ito ni Luisa kapalit sa kabutihang ginawa nito sa kanya.

Nakatitig lamang si Luisa sa likuran ni Takay habang naglalakad. Napansin niya na ang dating diretsong postura nito ay tila payuko nang payuko. Kita niya ang minsanang pagtaas baba ng kanyang balikat at ang pagbubuntong hininga nito. Lalong nalungkot si Luisa sa kanyang nakita kaya napayuko na lamang din ang kanyang tingin sa paanan ni Takay.

Dumapo ang kanyang atensyon sa binti ni Takay. Nakita niya ang parang tattoo na nakadikit sa mga binti nito. Matagal niya itong pinakatitigan at may kung anong mga larawan at senaryong nakikita niya sa likod ng kanyang isip. Ang paniningkit na mga mata ni Luisa ay napalitan ng nanlalaking mga mata habang hindi makapaniwalang nakatitig sa larawan.

"T-Teka-"

"Saan kayo galing?"

Naibaling ni Luisa ang kanyang atensyon sa biglaang pagsulpot ni Martino sa kanyang gilid. Agad niyang napansin na ang binata ay malawak na nakangiti sa kanya. "Pasensya, nagulat ba kita?"

Umiling iling si Luisa habang nakatitig pa rin sa binata. Napako ang kanyang paningin sa mga kumikislap na mga mata ni Martino at nakaramdam ng pangingiliti sa kanyang sikmura. Hindi niya alam kung ang kabang naramdaman niya kanina ang dahilan o ang presenya ng lalaking nasa tabi niya.

"Hindi naman," mahinang sagot ni Luisa habang sinusubukang maging pormal at disente sa binata.

Mas lalong kumislap ang mga mata ni Martino sa kanyang narinig. Hindi siya makapaniwalang nakapagsasalita na ang dalaga sa kanyang wika. "Kailan ka natutong magsalita nang ganyan?"

Napaiwas ng tingin si Luisa. Hindi alam kung dapat bang sabihin ang kanyang espekyulasyon tungkol sa pagkikita nila sa panginoon.

"Hindi ko rin alam eh," marahang tumawa si Luisa, pilit na itinatago ang nerbyos.

"Hindi na ako magtatanong pa, pero mabuti na lamang at marunong ka na! Nauubusan na ako ang mga salitang Tagalog, natatakot ako baka hindi na kita makausap," pagdating sa dulo ng kanyang pangungusap hindi na halos marinig ito ni Luisa. Sinadya yata ng binata ang paghihina ng kanyang boses.

Dahilan para mapalingon si Luisa sa binata. "Ha? Hindi ko narinig 'yong sinabi mo sa huli."

Makahulugang ngumiti ngiti si Martino at ipinatong ang kanyang kanang kamay sa bunbunan ni Luisa. Parehas silang nagulat sa nangyari kaya kaagad na tinanggal ni Martino ang kanyang kanay sa ulo ni Luisa. Umiwas ng tingin at hindi alintana ang pamumula ng mga pisngi.

Tila hindi mahabol ni Luisa ang kanyang hininga na pawang tumatakbo sa isang mahabang kalsada. Ang pagkabog ng kanyang dibdib ay maihahalintulad sa kung paano ipalo ng kanyang kaklase ang isang tambol nang sila ay nagsasabayang pagbigkas. Hindi alam ni Luisa kung bakit ito ang kanyang pumasok sa utak kaya naman agad siyang napangiti sa kawalan.

"Anong nakakatawa?"

Napukaw ang atensyon ng dalawa sa nagsalita. Napatingin sila sa harap at napansing hindi na mag-isa si Takay. Katabi nito ang tuwang tuwang lalaki habang bitbit ang malalaking dahon ng saging. Nasulyapan ni Luisa si Takay at natuwang nakangiti na ang mga makakapal nitong mga labi ngunit sa likod ng kanyang mga mata, kalungkutan at pangamba ang nagtatago.

"Para saan 'yan?" bungad na tanong ni Luisa. Hindi na siya nagtaka sa gulat na ekspresyon ng mga mata ni Kanaway. "Bago ka magtanong, hindi ko alam kung bakit marunong na ako magsalita sa inyong dayalekto," natatawang paliwanag ni Luisa,

Bumaba ang mga balikat ni Kanaway, senyales na umatras ang kanyang pagka-engganyo. "Hindi naman ako magtatanong e!" bulyaw nito habang inaayos ang kanyang sariling ekspresyon.

Nagtawanan ang tatlo sa ginawa ni Kanaway at halos kalimutan ni Luisa na nasa tabi pa rin niya si Martino. Nang sila ay nagtatawanan, hindi sinasadyang maipatong ni Martino ang kanyang mga braso sa balikat ni Luisa kaya sa mga oras na 'yon, halos nakuryente ang buong katawan ni Luisa.

"P-Pasensya…" bulong ni Martino.

Nginitian lamang siya ni Luisa dahil para sa dalaga hindi rin niya alam kung ano ang isasagot sa paumanhin ng binata.

"Saan pala kayo galing?" masayang bati ni Martino, pambawi sa kanyang nagawa kanina. "Namili ba kayo?"

Hindi alam ni Luisa kung walang alam si Martino sa pagbisita sa panginoon at sa kung paano binagyo ang kanilang baryo. Waang lumabas na sagot mula sa bibig ni Luisa, gayundin sa kanyang kaibigan na si Takay.

"Martino," may babalang pagtawag ni Kanaway sa kanyang kapatid.

Katahimikan ang namagitan sa kanilang apat, tila walang paki sa mga taong nakakakita sa kanila. Nagpapakiramdaman.

"Oh siya, hahatid ko lang ito kay Dagatu. Kailangan daw nila sa kasiyahan bukas," banggit ni Kanaway, pamputol sa katahimikan. "Maghahanda ba kayo bukas? Sabihan niyo lang kami ni Martino kung magpapatulong kayo."

Nginitian ni Takay si Kanaway at hinila ni Kanaway ang kanyang kapatid. Habang ang dalawang dalaga ay nagpatuloy na sa kanilang paglalakbay pauwi.

Nang makauwi, agad na nagpahinga ang dalawa sa kawayan nilang higaan. Napagdesisyunan nilang matulog muna para makapamili ng mga dapat ihain bukas sa kasiyahan. Sa kabila ng problemang hatid ng bagyo para kay Luisa, hindi pa rin mawawala ang kanyang paggalang sa baryo. Kailangan niyang makisama sa kasiyahan at maging parte sa mga nagsasayahan.

Ang usapan nila ng panginoon kanina ang nanahan sa isipan ni Takay nang ipikit niya ang kanyang mga mata. Kumirot ang kanyang puso nang maalala ang mga ngiti ni Kanaway. Hindi na niya alam kung ano ang tama sa mali at kung ano ang mali sa tama.

Mali ba ang tamang pagmamahal ko kay Kanaway?

Samantala, sa likuran nito ay ang dalagang si Luisa na tuluyan nang nilamon ng kadiliman at idinala muli sa panaginip na puno ng kuryosidad.

Nasa kwarto siya ngayon ng kanyang magulang, tila nangyari na ang bawat senaryo. Saka lamang napagtanto ni Luisa na ito ang huling araw niya sa kanilang tahanan. Inilibot niya ang kanyang mga mata, nakita niya muli ang buong kwarto at tila walang pinagbago maliban sa may-ari nito.

"Ma? Pa?"

Sinubukan niyang magsalita ngunit walang boses na naririnig. Maging ang kanyang hininga ay hindi totoo, para siyang nakalagay sa isang kahon, hindi makagalaw maliban sa kanyang mga mata.

Dumapo ang kanyang paningin sa kuwadro na siyang naging dahilan kung bakit napunta siya sa ibang panahon. Napansin niyang tila bumaliko ito sa kanyang pinagsasabitan at tila nagalaw ng mga taong lumabas pasok sa kwartong ito. Naningkit ang kanyang mga mata nang matitigan muli ang kwadro. Nagbabakasakaling may makita siyang kahit isang detalye na makakatulong sa kanya upang makabalik.

Napansin niya ang buwan. Naalala niya ang sinabi ni Takay na may panginoon ng buwan. Hindi kaya ang buwan na iyon ang dahilan kung bakit siya napunta sa panahon ni Takay? Ano ba ang koneksyon nito sa kanya?

Napapikit si Luisa at nang makadilat wala na siya sa kwarto ng kanyang magulang. Nasa harap siya ngayon ng dalawang dalagang kilalang kilala niya.

Si Luna at si Takay. Masayang nag-uusap sa gubat na kanilang napuntahan ni Takay noon.

Bitbit ang pinakamasayang ngiti ni Luna na ngayon lang napansin ni Luisa. Ang kagandahan ng kanyang mga ngiti ay sumasalamin sa kung paano ngumiti ang kanyang ama. Napaniwala siya na pinsan nga ito ni Luis. Ang ngiti ay puno ng kagalakan at kapayapaan na pawang kay Takay lang niya naipapakita.

Sinubukan niyang lumapit upang marinig ang usapan ng dalawang dalaga. Tumabi siya sa pwesto ni Takay at napansin niya ang kanyang buong mukha. Tila nadagdagan ng mga ugat ang gilid ng kanyang mga mata, senyales na ito'y tumatanda na ngunit natatapalan ito ng kanyang mga nagkikislapang mga mata habang kausap si Luna. Ang makakapal nitong mga labi ay malawak na nakangiti dahilan para maalala ni Luisa ang malungkot na mga mukha ni Takay nang sila ay makauwi galing sa panginoon.

"Magkwento ka naman tungkol kay Kanaway!" natutuwang sabi ni Luna. May halong panunuso ang kanyang tinig. "Gusto ko malaman kung gaano siya kagandang lalaki."

Nawala ang mga ngiti ni Takay nang marinig ang pangalan ni Kanaway. Nabigla rin si Luisa dahil alam din ni Luna ang tungkol kay Kanaway. Hindi niya inaasahan na ganito na pala sila kalapit sa isa't isa para maikwento ni Takay si Kanaway.

Agad na napansin ni Luna ang pananahimik ni Takay. "Hala, sorry. Hindi na ako magtatanong," nahihiyang paumanhin ni Luna habang pinipisil pisil ang kanyang mga daliri.

"Ayos lang, hindi ko lang inaasahan na mababanggit mo siya," bakas sa mga mata nito ang kalungkutan.

Saka lang napatanong ni Luisa sa kanyamg sarili na bakit wala si Kanaway sa tabi ni Takay. Nasaan si Kanaway?

Ibinuka na ni Takay ang kanyang mga labi upang magkwento ngunit kasabay nito ang matinis na tinig na narinig ni Luisa sa kanyang tenga. Tila siya lamang ang nakakarinig nito dahil mukhang hindi naapektuhan ang dalawa. Patuloy lamang sa pagkukwento si Takay at ang minsanang pagbabago ng ekspresyon ng mukha ni Luna.

Galit-lungkot-awa. Sa tatlong iyan umiikot ang kanyang mukha na nais maunawaan ni Luisa. Ang matinis na tinig na kanyang naririnig ay nawala na.

"Ipakit mo nga ako sa kanya! Masasabunutan ko 'yan!"

Narinig ni Luisa ang sigaw ni Luna nang matapos ang tinig na nanahan sa kanyang tenga. Hindi niya ito naintindihan at nais pa sanang makinig sa usapan ng dalawa ngunit nang napasulyap si Luisa kay Takay, nakita niya ang mga ngiting kahit kailan hindi niya nakitang isinuot ni Takay.

"Luisa?"

Idinilat ni Luisa ang kanyang mga mata at sumalubong sa kanya ang mukha ni Takay. Agad siyang napatayo sa gulat dahil kanina lamang sa kanyang panaginip, ito ay nakangiti nang nakakaloko, at ngayon ay nag-aalalang nakatitig sa kanya.

"May problema ba?" tanong ni Takay. "Luisa, anong nangyayari sayo? Bakit pawis na pawis ka?"

Nabuhusan ng malamig na tubig ang buong pagkatao ni Luisa nang mapagtantong nasa kubo pa rin siya ni Takay at ang dalagang nasa harap niya ngayon ay ang batang bersyon ng Takay na nakilala niya sa kanyang panahon. Nalilimutan niya ang pagkakaiba dahil sa kanyang mga panaginip.

Napapadalas na rin ang kanyang mga panaginip tungkol kay Luna at Takay. Hindi niya maiwasang isipin na ang mga ito ay hindi lang isang panaginip at kailangan niyang alamin kung bakit nagpapakita ito sa kanyang pagtulog.

"Pasensya na, masamang panaginip," tipid na paliwanag ni Luisa habang inaayos ang sarili. "Mamimili na ba tayo?"

Ngumiti na muli si Takay at tumango. Napansin ni Luisa na nakagayak na ito at handa na umalis. Nahiya naman si Luisa at agad na inayos ang kanyang mahaba at kulutang mga buhok. Agad siyang tumayo at pinagpagagan ang damit. Hindi na niya naisipan pang magpalit ng damit dahil bukas isusuot niya ang unang pinahiram sa kanya ni Takay.

Lumabas na sila sa kubo at nakita nila ang mukha ng dalawang lalaking kanina lang ay kasama nila. Bitbit ang malalawak na ngiti, sinalubong nila ang dalawang dalaga.

"Sakto pala dating namin?" bungad ni Kanaway. "Tara!"

Agad na sumabay sa paglalakad ang dalawang dalaga sa mga binata. Ngunit may kaunting pagbabago ang kanilang pwesto. Magkatabi si Luisa at Kanaway habang sina Martino at Takay naman ang magkasama sa harap. Agad namang napagtanto ni Luisa ito at hindi na nagtanong pa.

"Saan tayo pupunta?" tanong ni Luisa kay Kanaway.

"Sa bayan. Hindi kalayuan iyon dito kaya 'wag kang mag-alala, hindi tayo gagabihin," nakangiting sagot ni Kanaway.

Hindi alam ni Luisa kung bakit sobrang kumportable niya kay Kanaway. Dahil na rin siguro hiniling niya na sana may kuya o ate siya. Bilang nag-iisang anak, ngayon lang niya naramdaman na may mas nakatatandang lalaki ang sumasagot sa kanyang mga tanong.

Napatingin siya sa likuran ni Martino at saka lamang napansin na may ilang mga puting mga tattoo rin ang binata. Ang iba ay iba't ibang mga hugis at ang ilan ay mga simbolo. Bigla naman siyang namula nang mapansin muli ang kakisigan ng binata. Kaya napayuko siya at napunta sa paanan ng dalawang naglalakad.

Naalala niya bigla ang nakita niya sa binti ni Takay kanina at muli niyang pinakatitigan ito. Nanlaki ang mga mata niyang nang mawala ito sa kanyang binti at tanging ang makinis nitong binti lamang ang kanyang nakikita. Walang bakas ng isang larawan o sugat.

Hindi niya mawari sa kanyang isip kung guni-guni lamang niya iyon o talagang nakita niya.

"May problema ba?"

Napantingin si Luisa kay Kanaway. "Huh? Ah…wala."

"Sigurado ka? Namumutla ang mukha mo," nag-aalalang tanong ni Kanaway.

Agad na inayos ni Luisa ang kanyang sarili at sinubukang ngumiti nang malawak. Pilit na tinatanggal ang kaba sa kanyang dibdib at ang mga nagsasabugang mga larawan sa kanyang isipan.

"Nandito na tayo," napatingin si Luisa sa harap at saka lamang napansin na nakatingin na sina Martino at Takay sa kanilang dalawa ni Kanaway.

Nagsimula silang maglibot libot sa bayan at napukaw sa atensyon ni Luisa ang mga taong namimili rito. Mas marami ang mga taong nakikita niya ngayon kaysa sa baryo nila Takay. Ang mga halo halong kulay ng kutis na hindi puputi sa kulay ni Luisa. Ang iba ay napapatingin sa kanya dahil sa kanyang itsura lalo na sa kanyang kutis. Kaya napapayuko na lamang siya sa hiya.

Dumako sila sa bilihan ng mga kasuotan. Napatigil si Luisa sa isang kubi at napansin niya ang mga nagagandahang damit na nakasampay sa labas na may disenyo na tulad ng kanyang suot kaya naman hindi niya maiwasang mapatitig dito. Ang mga kulay nito ay pinaghalong kulay kahel at berde at nagmistulang mga palayan sa ilalim ng sikat ng araw sa dapit-hapon.

Hindi niya namalayan na nakatitig sa kanyang ang matandang nagtitinda. "Nagustuhan mo ba?" tanong nito gamit ang kanyang nanghihinang boses.

Nabitawan ni Luisa ang damit at napatingin sa matandang nakaupo sa loob ng kubo, "Ah, opo. Napakaganda po nito, lola."

Ngumiti pabalik ang matanda sa dalaga.

"Pansin kong hindi ka dapat naandito, apo?"

Nanayo ang mga balahibo ni Luisa sa kanyang narinig at natitigang muli ang mga mata ng matanda. Hindi niya alam kung anong sasabihin kaya napaawang ang kanyang mga labi at napako ang kanyang mga paa sa kanyang kinatatayuan.

"Huwag kang matakot, ako lang ang nakakaalam ng sitwasyon mo. Halika, pumasok ka," alok sa kanya ng matanda.

Lumingon si Luisa upang hanapin ang kanyang mga kasama ngunit abala ito sa pamimili ng putaheng ihahain nila bukas. Siguradong mamaya pa siya mapapansin ng mga ito na nawawala sa kanilang tabi. Kaya naman napagdesisyunan niyang pumasok na lamang sa loob.

Puno ng kuryosidad ang puso ni Luisa nang makaharap na niya ang matanda. Tila isang mabigat na hangin ang dumaan sa pagitan nila kaya naman bigla na namang siyang kinilabutan.

"Ikaw si Luisa, hindi ba?" bungad na tanong ng matanda.

Tumango si Luisa. Hindi alam kung anong gagawin.

"Ako si Saripa," pagpapakilala nito sa kanya.

Nagbigay galang si Luisa kay Saripa at malugod na tinaggap ito ng matanda.

"Hindi ko po maintindihan, ano po ang nalalaman ninyo?" tanong ni Luisa habang kinukurot ang kanyang hita. Sinusubukang magising dahil kung isang panaginip ito, nais niyang magising. Ngunit dismayado siya nang masaktan siya sa kanyang sariling pagpisil. Ang lahat ng nangyayari rito sa bayan ay totoo.

"Mag-ingat ka, Luisa. Ang katotohanan ay gusto nang makawala sa kahon," mahinang wika ng matanda kaya naman nahirapang marinig ito ni Luisa.

Inilapit niya ang kanyang tainga kay Saripa hanggang sa marinig na ang paghinga nito. "Ang unos ay mas lalakas. Mag-ingat ka, Luisa. Ang katotohanan ay gusto nang makawala. Puno ng poot at paghihiganti. Mag-ingat ka."

Mas lumakas ang kabog ng puso ni Luisa sa kanyang narinig. Hindi niya alam kung kaya pa niyang makinig sa babala ng matanda ngunit mas pinili niyang makinig dito.

"Ang daan patungo sa kapayaan ay ang katotohanan. Kilalanin mo ang bawat isa, alamin mo ang bawat detalye. Mag-ingat ka, apo."

Hindi na narinig ni Luisa ang mga susunod nitong sinabi at napatingin siya sa matanda. Nakatitig lamang siya sa kanyang mga mata at ramdam niya ang mabibigat na hangin na dumadaan. Ang kanyang paghinga ay tila sumikip dahilan para mapahawak siya sa kanyang dibdib.

Iniwas niya ang tingin sa matanda at hinabol ang kanyang hininga. Ang paninikip ng dibdib ng dalaga ang naging daan para makaalis sa kubo ni Saripa. Sumalubong sa kanya ang nag-aalalang mga mukha ni Takay sa labas at agad na hinawakan ito sa kanyang balikat.

"Luisa, ayos ka lang?"

Napantingin si Luisa sa kubo ni Saripa at napaatras siya nang makitang ang kubo na kanyang pinasukan ay hindi na bilihan ng mga kasuotan. Isa na itong normal na kubo na tila walang nakatira. Mas lalong nanghina ang mga buto ni Luisa kaya napaupo siya. Dahilan para lapitan siya ni Martino at Kanaway.

"Halika, ipapasan kita sa likod," alok ni Kanaway at ibinigay ang pinamili sa kanyang kapatid.

Maghahanda na sana ito sa kanyang pag-upo ngunit pinigilan ito ni Luisa. Agad siyang tumayo at inipon ang kanyang lakas at maging balanse sa kanyang kinatatayuan.

"Ayos lang ako, hindi lang ako makahinga kanina," ninenerbyos na tawa ang lumabas sa kanyang namumutlang mga labi. "Salamat sa tulong, Kanaway."

Hindi kuntento ang tatlo sa sagot ng dalaga ngunit bilang paggalang, hindi niya nila ito tinanong pa.

Sa kabilang banda, nag-aalalang sinulyapan ni Martino ang dalaga. Walang araw na hindi niya nakikitang natutumba si Luisa. Nais niya itong tulungan at samahan sa paglalakad ngunit utos sa kanya ng kanyang nakatatandang kapatid ay kay Takay muna siya makikisama para maibsan ang galit ng panginoon.

Kaya habang naglalakad pauwi, tahimik na nakatingin ang binata sa likuran ni Luisa.

Umuwing hindi umiimik ang dalagang si Luisa at hinayaan lamang ito ni Takay. Alam niyang may ibang nangyari sa kaniya nang makita niya itong lumabas sa isang kubo. Bakas sa mga mata ni Luisa ang takot at ipinag-alala ito ni Takay. Nais niyang tulungan ito ngunit parang isang babasaging kagamitan si Luisa. Natatakot siyang kapag hinawakan niya ito, mababasag na lang bigla o sumabog.

Ipinagpahinga na lamang niya ang dalaga at hindi na tinawag sa hapunan dahil nakatulog na pala ito. Pinagmasdan niya ang mga natuyong mga luha sa gilid ng mga mata ni Luisa at naramdaman ang kirot sa kanyang puso. Naalala niya ang kanyang sarili dalaga.

"Nawa bukas, mapalitan ang luha ng isang ngiti," bulong ni Takay sa tainga ng natutulog na si Luisa.