Chereads / Takay's Withered Petal [Filipino] / Chapter 9 - (9) Panginoong Onos

Chapter 9 - (9) Panginoong Onos

Tuluyang nagtago ang araw sa mga puno at kasabay sa malamig na hampas ng hangin, itim na kalangitan ang yumakap sa dilim ng taga-Asog.

Ligtas na nakauwi ang apat na magkakaibigan. Ang paalam ng bawat isa ay puno ng pananabik na makita muli kinabukasan at sabay haharapin ang ibabato ng tadhana sa kanilang lahat. Maramdaming pamamaalam ang nasaksihan ni Luisa sa magkasintahan na sina Takay at Kanaway. Matapos hapunan nila sa bahay ng pinuno ng Asog, hindi na nawala ang pangamba at paghihinagpis sa mga mata ng magkasintahan. Nais itong intindihin ni Luisa dahil alam niyang malaki ang itinulong ng dalawa sa kanya upang mapasaya siya ngayong araw.

Ang lihim na pagtingin ng binatang si Martino sa dalagang Luisa ay mas lalong ipinag-igting nang halikan ni Martino ang malalambot nitong mga kamay nang sila ay muli nang mamaalam sa isa't isa. Napuno ng mainit na sensyason ang mukha ni Luisa matapos ang pangyayaring iyon at naramdaman ang hindi normal pagtibok ng kanyang puso.

Masyado bang maaga para makaramdam ng ganito? Sa isip isip ni Luisa, ito ang unang pagkakataon na may susulyap sa kanya ng may lihim na dahilan.

Ibinalik si Luisa sa kanyang reyalidad nang marinig ang mahinang hikbi ni Takay sa kanyang tabi. Kasalukuyan silang nakahiga at imbis na ipikit ang mga mata. Ibinabalik sila ng kanilang isip sa nangyari kanina.

Lumingon si Luisa sa direksyon ni Takay at tinitigan ang nanginginig na balikat ng dalaga. Nais niya itong tanungin kung ano ang dahilan ng kanyang kalungkutan ngunit natatakot siyang malaman ito dahil baka wala siyang magawa upang tulungan ang dalaga. Marahil ito ay tungkol sa sinabi ni Anaki at tungkol sa Panginoong Onos na binanggit nito kanina.

"Luisa," mahinang wika ni Takay habang nakatalikod.

Nabigla si Luisa at mas naging alerto sa kanyang pagkakahiga. Hinihintay ang susunod na sasabihin ng dalaga. "Hmm?"

"Sa panahon mo ba, anong kalagayan ng mga nagmamahalan doon?" tanong nito. "Marami bang nagtatagumpay na magkasintahan patungo sa kasalan?"

Ilang segundo ang lumipas bago mapagtanto ni Luisa ang tanong ni Takay. Kaya naman bago sumagot, iniwas niya ang tingin niya sa likod ng dalaga at napatingin sa bubungan ng kubong kanilang tinutuluyan.

"Mahirap magmahal sa panahon ko," panimula ni Luisa at saka napabuntong hininga. Inalala niya ang mga taong kanyang nakakasalamuha sa Manila bago pa sila makalipat sa Bicol. "Pili lang ang nagtatagumpay mahanap ang asawang kanilang makakasama. Karamihan ay hindi pinalad. Ang iba ay akala nila sila na, pero sa huli, mauuwi lang sa hiwalayan.

"Alam mo kasi sa panahon ko, madaling makanap ng mamahalin ngunit mahirap matukoy kung mamahalin ka ba nang tunay. Kaming mga kabataan, isang pindot mo pa lang sa aming selpon, may makakausap ka na. Hanggang sa ang usapan at makakarating sa kagustuhan hanggang sa magmahalan. Pero hindi natatapos doon ang proseso, ang ilan uuwing luhaan at sugatan. Sa madaling salita, madaling iwanan."

Hindi alam ni Luisa kung bakit ramdam niya ang bawat salitang kanyang winiwika sa gitna ng malamig na kama ni Takay.

Napagtuloy lamang ito sa pagsasalita, "Ang mga magulang ko ay hindi perpektong nag-iibigan. Sino ba ang makakapagsabi na perpekto ang lahat?"

Naramdaman ni Luisa ang paggalaw ni Takay sa kanyang gilid at ngayon ay parehas na silang nakatitig sa itaas habang nakapatong ang dalawang kamay sa kanilang dibdib. Tila pinakikiramdam ang bawat isa.

"Nakakatakot magmahal dito," wika ni Takay. "Kahit gaano pa kalakas ang koneksyon niyo sa isa't isa, may mga bagay na puputol at nais sumira sa inyo."

Napalingon si Luisa kay Takay matapos ang sinabi nito at napansin ang mga natuyong luha sa kanyang pisngi. Naabutan din niya ang mga nagbabadyang tumulo sa gilid ng kanyang mga mata. Tila nalungkot si Luisa sa kanyang nakita. Mukhang ang kasama niya ngayon sa kama ay nakararamdam ng sakit na kailanman hindi maiintidihan ni Luisa.

Buntong-hininga ang nagawa ni Takay bago magpatuloy, "Sigurado akong narinig mo ang pangalang Onos sa usapin namin ni Anaki. Siya ang Panginoon ng bagyo rito sa bayan ng Asog. Siya ang sumasagot sa pag-ulan, kidlat at kulog ng kalangitan. Ang bawat araw at gabi na umuulan dito sa Asog, ayon ay dahil sa kanyang kalooban. Sa tuwing siya ay magagalit, magbibigay siya ng napakalakas na bagyo na sisira sa aming mga kubo."

"Anong kinalaman niya sa inyo ni Kanaway?"

Nakita ni Luisa ang pagkurba ng dulo ng labi ni Takay.

"Maniwala ka man o hindi, ang panginoong sinasabi ko ay may lihim na pagtingin sa akin."

Biglaang napatayo si Luisa sa kanyang pagkakahiga. Nanlalaking mga mata na pinakatitigan si Takay. "Ibig mong sabihin, si Onos ay tunay na tao?"

Mariing tinitiigan ni Takay si Luisa. "Maghinay hinay ka sa pagbanggit ng kanyang pangalan. Lahat ay naririnig at nalalaman niya."

Bumalik sa pagkakahiga si Luisa at humingi ng paumanhin.

"Hindi lang si panginoong Onos ang panginoon dito. May ilang mga panginoong patuloy na gumagabay sa amin at sa bawat buhay namin dito sa Asog."

Hindi kaagad nagsalita si Luisa dahil iniisip niya kung ang ibang panginoon na sinasabi niya ay ang Panginoong kilala niya nang siya ay mabuhay sa mundo. Ang Panginoong pinakilala sa kanya ng kanyang mga magulang, ang Panginoong kanyang kinausap tuwing gabi at ang Panginoong binibisita niya tuwing linggo. Pero mukhang hindi ito ang tinutukoy ni Takay kaya't nanahimik na lang siya.

"Bulan. Haliya," sambit ni Takay nang maramdamang hindi na muli pang nagsalita ang katabi niya. "Ang panginoong ng pitong buwan."

"Pitong buwan?"

Tumango si Takay.

Pakiramdam ni Luisa na narinig na niya ang mga salitang iyon at pilit na inaalala kung saan niya ito nabasa. Tila ito ay pamilyar sa kanyang pandinig ngunit hindi niya mahanap kung saan niya ito narinig. Nabasa ko iyon...

"Kung nalalaman ni panginoong Onos ang lahat," itinaas ni Luisa ang hintuturo niya sa bubungan. "Alam niya na nagkita ulit kayo ni Kanaway. Hindi ba siya magagalit? Ito ba ang babala sa inyo ni Anaki kanina?"

Narinig na naman ni Luisa ang pagbuntong hininga ni Takay. "Ilang buwan kaming hindi nagkita ni Kanaway para makaiwas sa atensyon ng panginoon at kahapon ang usapan namin upang magkita muli. Kinailangan namin magnakaw ng sandali upang makasama ang isa't isa. At kung sa sandali man na iyon mapahamak kaming dalawa, nais kong mamatay sa gilid ng mahal ko."

Kumirot ang puso ni Luisa sa winika ni Takay. Ramdam nito ang pagmamahal na hindi pa nasasaksihan ni Luisa sa buong buhay niya. Ang pangungulila sa isa't isa ay magbubunga ng grasya o disgrasya. Alam na ni Luisa kung bakit may halong pangamba ang mga mata ng magkasintahan ay dahil hindi nila alam kung ang pagmamahal ba nila ang uunahin o ang galit ng panginoon na sisira sa buong bayan ng Asog.

Ang mga ito ay nanatili sa isip ni Luisa nang matigil na ang kanilang usapan ni Takay. Nang maipikit na niya ang kanyang mga mata, dinala siya ng kadiliman patungo sa lugar kung saan nakaramdam siya ng pagkirot sa kanyang puso.

Sa kanyang panaginip, tanaw niya ang kanilang bahay sa Maynila. Ang maliit at walang kakulay kulay na tahanan. Pinalilibutam ng mga nagsusugal sa gilid, ang mga manginginom ay natambay sa harap at ang mga batang walang sawang naglalaro sa daanan. Ang maingay na lugar kung saan lumaki ang malungkot na dalagang si Luisa ay muli niyang nakita. Hindi batid sa kanyang kalooban na mararamdaman niya ang lumbay at pangungulila sa bahay na ito.

Hindi alam ni Luisa kung bakit ito ang kanyang panaginip kaya't sinubukan niyang pumasok sa loob upang matanaw muli ang maliit na espasyo ng kanilang tahanan. Nagulantang siya nang buksan niya ito, napunta siya sa loob ng bahay nila sa Bicol kung saan tanaw niya ang mga lumang kagamitan at ang mga litratong nakasabit sa pader.

Mas ikinagulat ni Lusia nang makitang hindi ang mga magulang niya ang nasa kusina kundi ito ang mga magulang si Luna. Tulad sa litratong nakita niya noon, ganoon na lamang ang istura ng mga ito. Tila ang mag-asawa ay kasalukuyang nag-aaway. Ngunit ang ipinagtaka ni Luisa, hindi niya marinig ang kahit isang salita na kanilang sinasabi.

Sinubukan niyang lumapit sa pinangyayarihan ng away ng magulang ni Luna ngunit hindi siya makagalaw sa kanyang kinatatayuan. Parang bumigat ang kanyang mga bata at hindi niya maihakbang ang kanyang mga paa.

Sa gitna ng pagsubok na makalakad, naaninag niya sa kaniyang mga mata ang katauhan ni Luna na naglalakad papunta sa kusina bitbit ang gamit nito sa pagpinta. Mukhang galing ito sa kanyang kwarto at lumapit sa kanyang magulang upang patigilin sila. Nagulat na lamang si Luisa nang biglang itinapon ni Luna ang kanyang dala dala sa harap ng kanyang magulang, dahilan para matigil ang mga ito sa pag-aaway.

Lumapit ang ina ni Luna sa kanyang anak at inilayo ito sa kanyang asawa. Nagtungo sila sa sala ng tahanan at kinausap ito ang kanyang anak. Hindi ito marinig ni Luisa kaya sinubukan niyang basahin ang galaw ng labi nito ngunit bigo pa rin siya upang malaman kung ano sinasabi nito sa kanyang anak.

Nagsimulang umiyak si Luna at pilit na kumakawala sa yakap ng kanyang ina. Nang magtagumpay ito sa kanyang pagpupumiglas, bumalik ito sa kanyang kwarto. Tila isang hangin ang tumulong kay Luisa upang sundan si Luna sa kanyang kwarto. Nakita niya itong umiiyak habang yakap yakap ang kanyang sarili.

Pumasok sa kanyang kwarto ang bunso nitong kapatid na si Hana at sinubukang yakapin ang kanyang nakatatandang kapatid ngunit nilayo ito ni Luna. Umiiyak na umalis sa kwarto ni Luna si Hana.

May liwanag na nasilayan si Luisa sa bintana ng kwarto ni Luna. Agad niyang nakilala si Takay sa liwanag na iyon at nakatitig lamang ito sa dalaga. Pinilit na sigawan ni Luisa si Takay, nagbabakasaling marinig siya nito. Ngunit tahimik pa rin itong nakatitig kay Luna.

"Luisa?"

Nagising si Luisa sa kalabit ng kanyang katabi. Sinubukan niyang ibalik ang sarili sa kanyang panaginip ngunit kinalabit ito muli ni Takay.

Idinilat nito ang kanyang mata at napansin na medyo madilim pa ang labas. "Bakit?"

Nakarinig si Luisa ng isang malakas na kulog na dulot ng kalangitan kaya agad siyang napabangon sa kanyang hinihigaan. Walang humpay sa pagbuhos ang ulan dahilan para makaroon ng tulo sa bubungan ng kubo ni Takay.

Agad na kinuha ni Luisa ang kanyang selpon upang tignan ang oras ngunit sinasabi rito ay alas syete pa lang ng gabi. Mukhang hindi gumagana ang oras nito sa panahon ni Takay kaya inilagay niya ito ulit sa higaan dahil wala namang maitutulong ito.

"Umaga na ba?" tanong ni Luisa habang tinutulungan si Takay isara ang bintana.

"Siguro."

Tipid nitong sagot nang maisara na ang pinto sa kabila ng lakas ng hangin.

Nakarinig si Luisa ng ilang mga boses sa labas kaya nang buksan ni Takay ang pinto, bumungad sa kanila ang nagkakagulong mga tao sa Asog. Lahat ay nagkukumahog ipasok ang mga kahoy sa kanilang pagsisiga at ang ilan sa mga kasuotang nakasampay sa labas ng kanilang bahay.

Hindi nakaiwas sa paningin ni Luisa ang isang babaeng nakatingala sa langit at pawang nagdadasal dito. Nang makita ang babaeng iyon, lahat na ng mga taong nasa labas ay nakatingin na sa kalangitan. Walang humpay na winiwika ang pakiusap na sana ay tumila na ang bagyo.

"Takay."

Napalingon ang dalawang dalaga sa nagsalita. Si Anaki na dala dala ang nag-aalalang mukha.

Nagbigay galang si Takay at Luisa, "Anaki."

Matagal na tinitigan ni Anaki si Takay at pasalin salin ang tingin ni Luisa sa dalawang babaeng kaniyang nasa harapan.

Tumango si Takay nang maputol ang kanilang titigan at napatingin si Anaki sa direksyon ni Luisa. "Marhay na udto," at saka ngumiti ito.

Bago nginitian pabalik at batiin pabalik ni Luisa ang pinuno, tumalikod na ito sa dalawang dalaga at hindi na muli pang nakita sa gitna ng mga nagdadasal na mga tao.

Pumasok na pabalik sa loob ng bahay si Takay at tahimik na sinundan ni Luisa ang dalaga. Napansin niyang nagtungo ito sa aparador ng kaniyang mga damitan at kumuha ng dalawang makukulay na kasuotan. Kaparehas ito sa ipinahiram sa kanya nito na kanyang suot suot ngayon.

Hindi pa rin maintindihan ni Luisa ang nangyayari at ang mariing titigan ng dalawa kanina. May lihim na utos ang nakita niya sa mga mata ni Anaki at ang tahimik na pagsunod ni Takay sa pamamagitan ng kanyang pagtango. Nais niyang malaman ang tunay na nangyayari ngunit mukhang hindi kayang sagutin ito ni Takay dahil masyadong abala ito sa kanyang ginagawa.

Sa wakas dinapuan na siya ng tingin ni Takay at ibinigay ang isang kasuotan na kinuha niya kanina sa aparador. "Suotin mo ito, aalis tayo," ngumiti nang matipid si Takay at hinawakan niya si Luisa sa kanyang balikat, senyales na maiintidihan din niya ang tunay na nangyayari.

Walang sabi sabi, sinunod niya ang utos ng dalaga sabay silang nagpalit ng kanilang kasuotan. Kasabay nito ang pagtila ng ulan at ang pagkakulimlim ng kalangitan ay naging maaliwalas na. Sari saring pasasalamat ang narinig ni Luisa sa labas at ang kanilang mga palakpak matapos ang ulang idinulot ng nagtatampong kalangitan.

Lumabas na ang dalawang dalaga at hindi pinansin ang mga taong nagsasaya sa kanilang baryo. Patuloy lang sa paglakad ang dalawa hanggang sa marating nila ang daanan papunta kung saan sila kumain sa itaas ng bundok. Akala ni Luisa babalik sila roon at makikipagkita kina Kanaway at Martino ngunit bigla silang lumiko sa ibang daanan. Saka lang niya napansin na may dalawang lagusan papunta sa tuktok ng bundok at ikinamangha ito ni Luisa. Hindi niya sukat akalain na kapag nag-ikot pa siya sa lugar na ito, marami pa siyang matutuklasan.

Inasahan ni Luisa ang mga punong nagsisitayuan sa paligid ngunit nang makapasok sa isang lagusan, tanging mga putol na puno ang kanyang nasaksihan. Ilang mga tangkay ang nakakalat ang mga nabubulok na halaman. Tila napabayaan ang lugar na ito at walang nagtangkang dumalaw dahil sa itsura nito.

Hindi alam ni Luisa kung ang lamig na kanyang nararamdaman ay dulot sa ulan kanina o sa lugar na kanilang binabaybay. Dumagdag sa takot na namutawi sa kalooban ni Luisa ay ang tahimik ng lugar na ito. Tanging ang kanilang mga yapak ang naririnig at ang paminsan minsang pagkatapak ng mga naligaw na tangkay.

"Kung pwedeng itanong, saan tayo patungo?" mahinang tanong ni Luisa habang tinatanggal ang mga basang dahon sa kanyang malong.

"Malalaman mo sa pagdating natin," saglitang sinulyapan ni Takay ang kanyang kasama. "Siguro naman may ideya ka kung saan tayo patungo?"

Nabigla si Luisa sa balik na tanong ni Takay. Agad siyang napayuko at hindi na nagsalita pa. Mukhang ayaw ring banggitin dahil ayaw niyang dagdagan ang bitbit na dinadala ni Takay.

Sila ay patungo sa kung saan man tumutuloy ang panginoong si Onos. Nahulaan ni Luisa ito sa nangungusap na mga mata ni Takay, Ang labis na lumbay at ang mapapait nitong mga ngiti ay nagpapatunay na nasa bingit sila ng desperasyon upang iligtas ang bayan o ang piliin ang tunay na minamahal.

Nauunang naglalakad si Takay ngayon at nagkaroon siya ng pagkakataon upang matitigan ang likod nito. Bigla na lamang niya naalala ang kanyang panaginip kung saan natanaw ng kanyang mga mata ang kalagayan ni Luna at ang pamilya nito. Akala niya hindi na muling papasok sa kanyang isip ang tungkol kay Luna ngunit nang makita niya ito sa kanyang panaginip, parang may kung anong mensahe ang kanyang dapat intindihin. Ngunit lagi siyang naiiwang walang alam, tila naliligaw pa rin sa sariling isip.

Ang bawat luhang pumatak sa mga mata ni Luna ay nasaksihan ni Luisa. Naramdaman nito ang kanyang lungkot at tila nanikip ang kanyang mga dibdib.

"Nandito na tayo."

Tumigil silang dalawa sa harap ng mga magkakadikit na dahon. Nagmistulang kurtina nang biglang hinawi ito ni Takay.

Bumulaga sa kanila ang napalaking palasyo kung saan pinalilibutan ng nagtataasang kawayan na tila kinulayan ng kulay putik na pintura. May ilang mga kalalakihan ang nakapwesto sa gilid at higit sa lahat sa kanilang kaharap ngayon. Dala dala ang mga matatalim na pana. Isang kawal, hula ni Luisa.

"Unong kaipuhan ninyo? (Anong kailangan niyo?)"

Tanong ng isa sa mga kawal na nasa harap nila ngayon gamit ang salitang hindi pa rin maintindihan ni Luisa.

"Ako si Takay," nagbigay galang ang dalaga sa dalawang kawal. "Muya kong makita ana panginoon. (Nais kong makita ang panginoon.)"

Nanlaki ang mga mata ng mga kalalakihan nang marinig ang pangalan ng kasama ni Luisa. Agad na binigyan siya nito ng daan papunta sa panginoon ngunit pinatigil ng isang kawal si Luisa.

"Kaiba ko iya, muya man niyang mabisto ana panginoon (Kasama ko siya, nais niya ring makilala ang panginoon,)" matipid na ngumiti si Takay.

Tinanguan ng mga kawal si Luisa at nagpatuloy silang dalawa sa kanilang paglalakad patungo sa panginoon,

Habang naglalakad, napansin ni Luisa ang bawat titig ng mga kawal sa dalagang si Takay. May halong pagkamangha at respeto dahil siya ang minamahal ng kanilang panginoon. Ang ilan ay pananabik na sana'y makapangyarihan din sila upang angkinin ang magandang dilag.

Nang makarating sila sa pinakapinto ng simpleng at maliit na palasyo ni Onos, may dalawang babaeng sumalubong sa kanila. Halos hindi makapaniwala si Luisa sa kanyang nakikita dahil ang isa sa mga babaeng iyon ay si Wani. Ang kaedad nito ay naglilingkod sa palasyo ng isang panginoon.

"Wani."

"Takay."

"Siya si Luisa," pagpapakilala ni Takay kay Luisa sa isang babae. "Luisa, si Anaya."

"Kumusta?"

Napaawang ang bibig ni Luisa sa kanyang narinig. Ang babaeng nangngangalang Anaya ay nagsalita sa dayalekto ni Luisa. Hindi niya makapaniwalaang tinitigan ito. "A-Ayos lang…"

Sumulyap si Luisa kay Wani at tahimik lang itong ngumiti sa kanya. Ngunit may kakaiba sa kanyang ngiti, naramdaman ni Luisa na hindi maayos ang lagay ng kapwa ni dalaga. Hindi na niya ito nakausap pa nang hilain na siya ni Takay papasok sa loob ng palasyo. Hindi sumama si Wani sa kanila at nagtungo ito sa ibang direksyon. Sinubukang sundan ng tingin ni Luisa ang dalaga ngunit hindi na niya ito nakita.

"Huwag kang mag-aalala, patungo lamang siya sa kusina upang maghanda ng makakain," ibinaling ni Luisa ang kanyang atensyon kay Anaya, Ngumiti ito nang matamis at kaagad na naramdaman ni Luisa ang pakakumportable sa dalaga.

Inilibot ni Luisa ang kanyang mata sa loob ng palasyo. Inakala niyang katulad ito sa nababasa niyang libro tungkol sa Greek Gods at Greek Mythology. Agad siyang nahiya sa kanyang naisip. Nakakahiyang isipin na mas alam pa niya ang tungkol sa mitolohiya ng iba kaysa sa mitolohiya ng kanyang sariling bansa.

Ngayong nandito siya sa lugar kung saan makikilala niya ang isang panginoon, napagtanto niya na mas maganda kung alam niya ang kanyang nakikita. Tila isa siyang bagong silang na sanggol at walang alam kundi ang kanyang pangalan.

Alam niyang hindi nabibigyang pokus ang sariling mito, alamat o epiko ng kanyang bansa. Nadadaanan lamang ito sa bawat aralin ngunit hindi binibigyang linaw sa mga estudyante. Dahil dito, hindi lingid sa kaalama ng ilan, may mga bagay na kanilang tinatangkilik sa iba ay mayroon din sa Pilipinas.

Naalala ni Luisa ang isyu patungkol sa Korean Drama laban sa pinapalabas ng mga Pilipino sa telebisyon. Usap usapan na mas magaganda ang mga palabas sa Korea kaysa sa Pilipinas. Ang punto ni Luisa rito ay paano natin makikitang maganda ang bawat palabas kung hindi natin susubukang panoorin iyon? Isa pa ay paano sisikat sa ibang bansa ang kagandahan ng isang palabas kung hindi natin susuportahan iyon?

Simpleng bagay na hindi magawa nang tama ng bawat Pilipino. Dahil ba marahil ang Pilipinas ay ilang daang taong napasailalim ng kolonyalismo? Hindi sapat na dahilan ang iyan dahil para kay Luisa, kung mahal mo ang bansa mo hindi mo ikakahiya ang kayamanang dulot nito.

Natigil sa malalim na pag-iisip si Luisa nang biglang may kumalabog sa kusina. Narinig niyang may nahulog na kagamitan at ang pagsigaw ng isang dalaga.

Si Wani.

"Uno an? (Ano 'yan?)"

Nanayo ang mga balahibo ni Luisa nang marinig ang malalim na boses sa kanilang likuran. Otomatikong napatingin ang tatlong dalaga sa nagsalita at bumulaga sa kanila ang matangkad at matikas na lalaki. Suot ang mga porselas sa kanyang pulsuhan at ilan sa mga linyang nakaguhit sa kanyang dibdib. Ang makakapal nitong mga kilay mariing nakakunot habang ang makakapal nitong malabi ay nakaawang, senyales na ito ay naistorbo sa kanyang pamamahinga,

Nagbigay galang si Anaya at Takay, kaagad na ginaya ito ni Luisa dahil na rin sa takot sa panginoon.

"Takay?" hindi makapaniwalang tanong ng panginoon.

"Panginoong Onos," nakayukong wika ni Takay. "Nandidi ako para ibanan ika sa saymong pamawan. (Narito ako upang samahan ka sa iyong almusal.)"

Gumuhit ang malawak na ngiti ng panginoon sa kanyang narinig at akmang lalapitan ang kanyang iniibig nang masulyapan niya ang bagong itsura sa baryong kanyang binabantayan. Nagkatitigan sina Luisa at Onos at halata sa mga mata ng dalaga ang takot dahil nakita na niya sa wakas ang panginoong Onos.

Habang mariing pinakatitigan ni Onos ang dalaga at inaalam kung bakit naligaw ito sa kanilang lugar. May kung anong sensyasyon ang naramdaman ni Luisa sa kanyang ulo nang hindi pa rin napuputol ang kanilang titigan ni Onos.

"Bakit nandito ka?" may diin na tanong ni Onos.

Kumurap nang tatlong beses si Luisa nang marinig ang tanong ng panginoon. Hindi pa niya ito masyadong naintindihan ngunit nang bigla itong marinig muli sa kanyang tenga, tila kusang naisalin ng kanyang utak ang mga katagang ibinigkas sa bibig ng panginoon.

Tumikhim si Takay at sinubukang iligtas ang kanyang kaibigan, "Panginoon, siya si Luisa. Ang bagong kasa-kasama sa aking tahanan."

Napatingin si Luisa sa boses ni Takay at napansin niyang iba ang galaw ng bibig nito kaysa sa kanyang naririnig. Hindi alam ni Luisa kung matutuwa ba siyang malamang naiintindihan niya na ang bawat salitang sinasabi ng mga kasama niya at kusang naririnig niya ito sa dayalektong Tagalog.

"Tinatanong kita, wari ko'y naiintindihan mo kami."

Kumabog nang malakas ang dibdib ni Luisa sa sinabi ng panginoon sa kanya. Siya ba ang dahilan kung bakit naiintindihan ko na sila?

"Mahaba pong kwento kung bakit n-nandito ako," nakayukong wika ni Luisa.

Hindi man niya kita, ngunit tumango nang tatlong beses ang kanyang kausap.

Wala nang sumunod na salita ang narinig nila sa panginoon at nagtuloy tuloy ito sa paglalakad patungo sa kusina. Mas nagkaroon ng pagkakataon si Luisa na pagmasdan ang buong hubog ng katawan ni Onos.

Napansin niya ang mga puting tattoo sa kanyang likuran ngunit hindi niya ito maintindihan lalo na ito at mga simbolo o hindi naman ay mga iginuhit na iba't ibang hugis na sa tingin niya ay mag kahulugan. Ang pagkakisig ng kanyang katawan ay bumagay sa tangkad nito. Kung susukatin, mas matangkad ang panginoon nang dalawang dangkal kay Kanaway. Akala ni Luisa, wala nang tatangkad pa sa kanyang kaibigan.

Sinundan nila ang panginoon at inalalayan sila ni Anaya sa pag-upo sa hapagkainan. Ilan sa mga hindi pamilyar na pagkain ang nakahain sa mahabang lamesa maliban sa kuhol na kanyang natikman na at ang ilang mga puto bukayo. Umagang umaga ay pakiramdam ni Luisa ay busog siya. Sa dinarami rami ng ulam dito, hindi niya naramdaman ang gutom para sa almusal.

Magkaharapan si Luisa at Takay habang nasa pareho nilang gilid ang panginoon. Bumalik ang mga ngiti nito nang masilayan muli si Takay.

"Kay tagal mong hindi dumalaw," panimula ng panginoon habang binibigyan ng pagkain ang plato ni Takay. "Kumusta ka naman?"

Nakayuko lamang si Takay sa kanyang inuupuan habang pinaglalaruan ang kanyang mga kamay. Hindi niya kayang harapin ang panginoon sa kabila ng kanyang ginawa. Ramdam din niya ang pagkasarkatisko nitong tono na siyang ikinataas ng kanyang mga balahibo. Para siyang nasusuka't hindi makapagsalita.

Napansin ng panginoon ang pananahimik ng dalaga kaya naramdaman niya ang pag-ikot ng galit sa kanyang ulo ngunit agad niya itong winaksi. Hindi dapat siya mawalan ng kontrol gayong nasa harap niya ang kanyang iniibig. Ngunit hindi niya mabawasan ang pagkamuhi sa ginawang pagtataksil ni Takay sa kanya.

"Hindi na muli akong magtatanong, halina't kumain na tayo," masiglang wika nito sa dalawa niyang bisita.

Habang nagdadalawang isip si Luisa na kumuha ng pagkain, pinagmamasdan niya muna ang bawat ni Takay. Mas gugustuhin niyang mas unang kumain ang dalaga kaysa sa kanya dahil alam niyang saling pusa lamang siya sa hapag na ito.

Itinaas na ni Takay ang kanyang mga kamay at nagsimulang kumuha ng pagkain at kaagad na ginaya ito ni Luisa. Piling putahe ang kanyang kinuha tulad ng Kuhok, Puto Bukayo at ang Langka. Hindi niya inaasahan ang sarap ng kanyang nginunguya kaya hindi niya namalayan na marami na pala siyang nakain.

"Mukhang nasarapan ka sa niluto ng aking tagapaglingkod?"

Napalingon si Luisa sa biglaang sambit ng panginoon sa kanyang gilid. Kusa niyang ibinaba ang kanyang kamay at nagbigay galang muna sa panginoon bago magsalita. "Napakasarap po ng pagkain dito."

Nakita niyang ngumiti ang panginoon at saka lang napansin ang mapuputi nitong mga ngipin. Sa kabila ng kanyang kakisigan, ang mukha nito ay tila pinagmanahan ng isang tunay na maharlika. Ang mapanloko nitong mga ngiti ang siyang nagiging daan upang mapansin ni Luisa na ang panginoong nasa harap niya ngayon ay hindi madaling amuhin.

"Kahit kailan, hindi pa rin nagbabago ang luto ni Anaya," mahinang singit ni Luisa sa usapan ng dalawa. "Bakit nandito pa rin siya't naglilingkod sa'yo?"

Tila nabigla ang panginoon sa tanong ng dalaga. Hindi makapaniwalang tinignan niya si Takay sa mga mata. "Iba yata ang tumatakbo riyan sa isip mo, Takay."

Nanayo ang balahibo ni Luisa sa lalim ng boses ni Onos. Hindi niya alam kung saan humugot ng lakas ang panginoon para banggitin nang may diin ang mga katagang iyon.

"Patawad, Panginoong Onos," agad na paumanhin ni Takay habang nakayuko.

Wala nang balak kumain pa muli ang tatlo at namagitan ang katahimikan sa hapagkainan. Kinuha itong magandang oportunidad ni Onos para ibigay ang regalo sa kanyang minamahal. Ipinatong niya ang bagong kasuotan na harap ni Takay at nakangiting nakatitig ito sa kanya.

"Lagi't lagi kitang patatawarin, Takay."

Napatingin ang dalawang dalaga sa makulay na telang nakapatong sa ibabaw ng lamesa. Agad na naging pamilyar ito sa paningin ni Luisa at napatingin sa kanyang kasuotan.

Magkasingtulad ito sa kagandahan at katingkaran ng kulay sa kanyang suot at ang mahusay na pagkakatahi ng bawat paterno. Hindi maiwasang isipin ni Luisa na ang mga nakalagay sa aparador ni Luisa ang galing sa panginoong kanilang nasa gilid ngayon.

"Hindi na kayo dapat nag-abala pa," mahinang sambit ni Takay. Nahihiyang tumbasan ang titig ng panginoon. "Marami pa po akong naisusuot sa aking pang-araw araw."

Umiling iling habang nangiti ang panginoon at ipinatong ang kamay sa ibabaw ng kamay ni Takay. "Tanggapin mo ito bilang simbolo ng pagmamahal ko. At saka, nalalapit na ang kasiyahan sa Baryo ng Asog, nais kong makita kang suot suot ito."

Kita sa mga mata ni Luisa na labag sa damdamin ni Takay na tanggapin ang regalong iyon. Ngunit upang maiwasan ang galit ng panginoon, kailangan niyang tanggapin iyon.

Tumayo na ang panginoon at agad na ginaya ito ng dalawa niyang bisita. Tinawag niya si Wani at inatasang ilibot si Luisa sa buong lugar habang niyaya ni Onos si Takay upang mag-usap. Ayaw sana ni Luisa na iwan ang kanyang kaibigan ngunit si Takay na mismo ang nagutos sa kanya na sumama kay Wani. Wala namang nagawa si Luisa at sumunod na lamang.

Nagtungo ang dalawang dalaga sa kaliwang bahagi ng maliit na palasyo ng panginoon.

"Paano ko ba sasabihin sa kanya 'to…"

Napatingin si Luisa sa biglaang salita ni Wani sa kanyang gilid. "Anong sasabihin mo?"

Nanlaki ang mga mata ni Wani nang marinig ang sagot ng kasama niya. Hindi niya inaasahan na marunong na itong magsalita sa kanilang wika.

"N-Naiintindihan mo ako?"

Tumango si Luisa at umiwas ng tangin. Sa totoo lang, hindi rin niya alam kung anong nangyari sa kanya para magkaroon siya ng kakayahan upang makaintindi at makapagsalita sa wika nila Takay. Iniisip niya kung ang pagdalaw sa panginoon ang dahilan o ang matindi nilang titigan kanina.

Hindi rin siya makapaniwala na alam niya sa sarili niya na Tagalog ang kanyang sinasalita ngunit sa pandinig ng iba, ito ay nakasalin sa kanilang dayalekto.

Buntong hininga na may halong ginhawa ang lumabas sa bibig ni Wani. Napangiti ito sa kanyang sarili dahil sa wakas, magkakaroon na sila nang maayos na usapan. Matagal nang gusto ni Wani na makakwentuhan ang dalaga dahil ramdam niyang napakabuti nito.

Namagitan ang katahimikan sa dalawang dalaga habang iginagala ni Wani si Luisa patungo sa kanyang maliit na kwarto. Pansamantalang higaan niya sa tuwing iginagabi siya sa kanyang pag-uwi habang pinaglilingkuran ang panginoon. Nang makarating at naisipang maupo sa kawayan niyang higaan, lumabas na sa bibig ni Luisa ang kanina pa niyang gusto itanong.

"Alam ba ni Anaki na nandito ka?" nagtatakang tanong ni Luisa habang inaayos ang kanyang saya. Pinipilit na hindi masayad sa lapag. "Matagal mo na bang pinaglilingkuran ang panginoon?"

"Ang aking ina ang nagsabing maglingkod sa panginoon. Hindi pa naman ganoon katagalan ang aking pamamalagi," nakangiti nitong sagot.

"Si Anaya?"

"Matagal na siyang nandito. Ang sabi sa ilan, nakita raw ng panginoon si Anaya nang siya ay maliit pa at kinuha niya ito upang manirahan dito. Hindi nagtagal, naging tagapaglingkod na siya rito," kwento ni Wani habang pinaglalaruan ang kanyang buhok.

Napansin ni Luisa na napakahinahon nang pananalita ni Wani at hindi niya mapagilang masanay sa kanyang boses. Nais niyang marinig pa itong magsalita kaya hinayaan niya ang kanyang sarili na magtanong.

"Pwede ka bang magkwento tungkol sa panginoon at kay Takay?" puno ng kuryosidad ang boses ni Luisa ngunit may halong respeto sa dalawang pinag-uusapan.

Naglabas ng mahabang hangin si Wani nang marinig ang tanong ng dalaga.

"Hindi na ako nagulat na itinanong mo 'yan. Alam kong nakilala mo na ang tunay na mahal ni Takay at ramdam ko rin napalapit na ang loob mo sa kanya. Hindi ko rin masisisi si Takay sa kung anong desisyon niya dahil ang puso niya ang masusunod, hindi ang kagustuhan ng iba.

"Ngunit sa lagay ni Takay at ng panginoon, hindi ako sigurado kung mas gugustuhin ko pang magkatuluyan ang dalawang nagmamahalan. Matagal nang may pagtingin ang panginoong Onos sa kanya. Bukod kay Anaya, tagapangalaga rin ni Takay ang panginoon. Hindi katagalan, lumalaking may mabuting loob at magandang dilag si Takay. Hindi nakapagtatakang mahulog ang panginoon sa kanya."

Mariing nakatingin si Luisa kay Wani at napaawang ang bibig nito.

"Ang ibig sabihin, nagmistulang ama ni Takay si Onos?"

Dali daling napatingin si Wani sa labas ng kanyang maliit na kwarto at ibinalik ang tingin kay Luisa. "Shh. Huwag na huwag mong babanggitin ang kanyang ngalan nang walang paggalang," babala nito sa dalaga.

Agad na napagtanto ni Luisa na binanggit na naman niya ang pangalan ng panginoon tulad ng ginawa niya noong gabing nag-uusap sila ni Takay. Kaya humingi agad siya ng paumanhin sa kanyang kausap.

"Hindi ko masasabing naging ama ang posisyon ni Onos kay Takay ngunit bilang tagapagbantay. Nang lumaki ito at namulat sa iba't ibang bagay, tinuruan siya ni Onos ng iba't ibang dayalekto at lumaki itong matalino. Kaya hinayaan niya si Takay na manirahan sa aming baryo dahil na rin sa pakiusap ni Takay."

Tumango tango si Luisa nang matapos marinig ang kwento ni Wani. Kahit papaano, nagkaroon ng linaw ang iba niyang nakabuhol na isip. Sa maiksing kwento ni Wani, mas naiintindihan ni Luisa kung bakit hindi pa rin niya matanggihan ang panginoon. Dahil baligtarin man ang mundo, si panginoong Onos ang bumuhay sa kanya.

"Maraming salamat sa pagbahagi mo kahit ngayon lang tayo nag-kausap," pambasag na wika ni Luisa sa katahimikan.

"Wala 'yon. Pwede ba kitang maging kaibigan?"

Lumawak ang mga ngiti ni Luisa nang marinig ang alok ni Wani. Hindi siya nagdalawang isip na tumango at ipinatong ang kanyang kamay sa ibabaw nang kay Wani.

Hindi mapaliwanag ni Luisa ang saya nang malamang may bago na naman siyang kaibigan sa lugar na ito. Pumasok na naman sa kanyang isipan na sana ay hindi na matapos ang masasayang araw na ito. Agad napawi ang kanyang pag-iisip nang maalala ang isa pa niyang kaibigan.

Si Takay.

Patayo na sana siya nang biglang dumating si Anaya. "Luisa?"

Nilapitan ng dalawang dalaga si Anaya at agad na natanaw si Takay sa likuran ni Anaya. "Aalis na kayo?" bungad na tanong ni Wani.

"Oo, Wani. Hinayaan ng panginoon na magpahinga ang dalawa para sa kasiyahan bukas." engganyong wika ni Anaya.

"Anong meron bukas?" tanong ni Luisa. "Anong klaseng kasiyahan ang ipagdiriwang?"

Napangiti si Takay sa tanong ng dalaga. Nalimutan niya itong banggitin sa kanya dahil na rin siguro sa mga nangyayari sa kanyang buhay. "Kapag pinakinggan ng panginoon ang dasal ng mga taga-Asog. Nagkakaroon ng isang araw na kasiyahan matapos ang unos na idinulot nito," paliwanag nito.

"Oh," ang tanging nasagot ni Luisa.