Nahahapong nagising si Luisa mula sa madilim niyang panaginip. Saka lamang niya napansin na wala na ang kanyang mga magulang sa kanyang tabi at naramdaman niya ang malamig na bagay na nakalagay sa kanyang noo. Inilagay ng kanyang ina ang bimpo sa kanyang noo bago bumaba at maghanda ng almusal. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maayos ang kalagayan ni Luisa. Ramdam pa rin niyang kumikirot ang mga ugat sa kanyang ulo at tila parang sasabog na ito sa sobrang sakit.
Sinubukan niyang tumayo ngunit sa ginawa niya, mas lalong lumala ang sakit ng kanyang ulo. Hindi niya maigalaw ang kanyang buong katawan dahil sa sobrang bigat ng kanyang nararamdaman, Kaya wala siyang ginawa kundi tumitig sa kisame ng kwarto ng kaniyang mga magulang. Nais man niyang bumaba at tulungan maghain ang kanyang ina, alam niyang pagagalitan lamang siya nito at paakyatan muli dito sa taas.
Dumagdag sa sakit ng kanyang ulo ang kanyang panaginip. Malinaw sa kanyang pananaw na si Luna ay naligaw sa gubat na pinuntahan nila ni Takay kahapon. Pilit niyang inalala ang buong detalye dahil baka may nakaligtaan siya. Naalala niya na nakita ni Luna ang isang halaman na pawang si Takay at mukhang hindi pa niya kilala si Takay sa mga panahong iyon. Ang nakapagtataka, paano siya nakarating sa gubat na iyon? Ang naalala niya sa kanyang panaginip, tila hindi alam ni Luna na napadpad siya sa gubat. At ang pinaka-natatandaan niya ay ang paghilom ng kanyang mga sugat nang siya ay nadapa at ang misteryosong titig ng buwan habang tumatakbo si Luna sa kadiliman. Anong kinalaman ng buwan kay Luna at Takay?
Hindi niya mapagtagpi-tagpi ang kanyang espekyulasyon. Kung nasa kanya pa rin sana ang talaarawan ni Luna, baka ngayon, alam na niya ang sagot sa lahat.
O hindi.
Napapikit ng mariin si Luisa habang pinipiga ang utak upang alalahanin ang mga sinulat ni Luna noong na sa kanya pa ang talaarawan. Ang naalala niya ay sinamahan ni Takay si Luna sa isang lugar kung saan hindi niya alam na may ganoong lugar sa Pilipinas. Hindi kaya ito ang nasa kanyang panaginip? Masyado lang bang madilim ang paligid kaya hindi niya napansin ang kagandahan nito?
Habang inaalala ang lugar sa kanyang panaginip, biglang nanayo ang balahibo ni Luisa nang siya ay may maalala.
Agad siyang lumingon sa kaliwang pader at nakita niya ang malaking kuwadro na pagmamay-ari ng kanyang ama. Ito ang kuwadro na simula bata pa lamang siya ay nasa bahay na nila. Kahit kailan, hindi niya ito pinagtuunan ng pansin. Ngayong malapit siya sa kuwadro mas napansin niya ang bawat detalye ito at namangha sa kagandahan ng pagkakaguhit at pinta.
Nang makakuha ng sapat na lakas si Luisa, nagawa niyang makabangon sa higaan at dahan-dahang naglakad papalapit sa kuwadro. Agad niyang hinawakan ang kuwadro para kumbinsihin ang sarili na totoo ang kanyang nakakakita. Nang maglapat ang kanyang daliri rito, kaagad niyang inilayo ito nang bigla siyang nakuryente. Hindi makapaniwalang tinitigan ni Luisa ang kuwadro dahil biglaang sensasyong idinulot nito sa kanyang katawan.
Habang inoobserbahan ang buong kuwadro, saka niya napagtanto na magkatulad ang detalye nito sa kanyang panaginip. Ang malawak na Lawa ng Buhi ay pinalilibutan ng mga mataas at matatayog na puno habang ang kabuuan ng lawa ay kuminikinang sa tulong ng liwanag na hatid ng buwan. Nang mapunta ang atensyon niya sa buwan, napansin niya ang ilang mga guhit sa gilid nito. Hindi niya maintindihan kung ulap ba o gasgas lamang ito kaya mas inilapit niya ang kanyang paningin dito.
Muli, nagsitayuan ang kanyang balahibo nang makitang isang malaking ahas ang nasa gilid nito. Nakanganga at tila handang lamunin ang buwan. Nakaramdam ng takot si Luisa habang pinagmamasdan ang mga ito. Mas lalo siyang namangha sa gumuhit ng kuwadro na ito dahil kahit sa maliit na detalye, ramdam na ramdam ni Luisa ang tunay na pinapakita nito.
Inilibot niya ang kanyang paningin sa ibabang bahagi ng kuwadro at hindi niya napansin ang isang babaeng nakatayo sa dulo ng lawa. Hindi malinaw ang pagkakaguhit sa kanya o sinadya ito nang gumuhit nito. Nakatalikod ito habang nakatingala. Sinundan niya ang direksyon kung saan nakatingin ang babae at ibinalik siyang muli sa larawan ng buwan.
Ito ba si Luna?
Magkalapit ang ipinapakita ng kuwadro sa kanyang panaginip kaya hindi niya maiwasang maniwalang ito nga ang laman ng kanyang panaginip. Ang tanong ay bakit nasa pag-aari ito ng kanyang ama at paano ito napunta sa kanya.
Pabalik na sana siya sa kanyang higaan nang mapansin niyang may gumalaw sa kuwadro. Kumunot ang kanyang noo nang mapansing wala namang nangyari pagkakaguhit ng kuwadro. Sinubukan niya muling titigan ito at agad siyang napalayo nang makitang biglang gumalaw ang babaeng nasa larawan.
Tila nawala ang kanyang lagnat sa nasaksikhan at ilang beses na tinapik tapik ang pisngi. Ngunit nang matitigan muli ang babae sa larawan, tuluyan na itong humarap sa kanya. Gustong sumigaw ni Luisa ngunit parang pumipigil sa kanyang lalamunan kaya otomatiko niyang hinawakan ito. Nang itaas niya ang kanyang mga kamay, nanlaki ang mga mata ni Luisa sa kanyang nakita. Ang bawat dulo ng kanyang daliri ay unti-unting naging abo hanggang sa buong kamay niya ay tuluyan nang nawala. Nagsimulang mataranta si Luisa sa nangyayari sa kanya at sinubukang galawin ang kamay nito ngunit mas naging solido ang kanyang nakikita. Tuluyang nawawala ang kanyang katawan,
Sinundan niya ang direksyon ng abo ng kanyang katawan at napansin niyang ito at papunta sa loob ng kuwadro.
Tila nababaliw na si Luisa sa kanyang nakikita ngunit wala siyang magawa upang himingi ng tulong, Hindi niya maibuka ang kanyang bibig at walang boses na lumalabas mula rito. Unti unti, kalahati na ng kanyang katawan ang hinihigop ng kuwadro at wala na siyang pag-asa para pigilan ito. Hinayaan niyang tangayin ng hangin ang kanyang katawan at hanggang sa wala na siyang makita pa kundi kadiliman.
Naalimpungatan si Luisa sa kalabit ng kanyang ina.
"Anak, maayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong ni Flora habang pinakiraramdaman ang noo ni Luisa.
Nang tuluyang idilat ni Luisa ang kanyang mga mata, hindi alintana ang tanong ng kanyang ina, kaagad siyang napatayo sa kanyang hinihigaan. Itinaas niya ang kanyang kamay at pinagmasdan ang buong niyang katawan.
Teka…buo pa rin ako.
"Luisa, anong nangyayari sayo?"
"P-Panaginip…"
"Ano?"
Mariining umiling iling si Luisa habang iginapos ang kanyang mga braso sa kanyang katawan. Biglang bumalik ang sakit ng ulo niya nang mapagtantong panaginip lang ang lahat.
Ang painting!
Mabilis na liningon ni Luisa ang kanyang ulo at tumingin sa pader. Hindi pa rin niya pinapansin ang kanyang ina na nagsisimula nang mag-alala sa kanyang anak.
Nadismaya si Luisa nang makitang wala sa pader ang kuwadro na nakita niya sa kanyang panaginip. Ngunit hindi nagkakamali si Luisa ng tingin, alam niyang iyon ang larawan na nakita niya. Nakapagtatakang wala ito sa kwarto ng kanyang magulang gayong ito ay nakasabit lamang kagabi.
Sa wakas, binigyang pansin ni Luisa ang kanyang ina. Ngayon ay nakatitig lamang ito sa kanyang anak nang may pagtataka. ���Luisa, anak. Sabihin mo nga sa akin, ano bang nangyayari sayo?"
"Ma, nasaan na 'yung painting na pag-aari ni papa? Kagabi lang, alam ko, nakita ko iyon dito," tanong niya habang itinuturo ang pader.
Napatingin naman si Flora sa tinuro ng anak at saka naintindihan ang ibig sabihin nito. Ang pagtataka ay hindi pa rin naglalaho sa kanyang mukha. "Ah, ayon ba? Kinuha ng papa mo kanina lang. Ang sabi niya ibebenta niya iyon para makabili tayo ng bagong pintura dito sa bahay," kaswal niyang sagot habang nagsisimulang tupiin ang kumot.
Bumilis ang tibok ni Luisa sa kanyang narinig.
"Nasaan si papa? Naibenta na ba niya?" natatarantang tanong niya sa kanyang ina.
"Kumakain pa ang papa mo sa baba," sagot ni Flora nang matapos niyang ligpitin ang kanilang hinihigaan. "Maya maya aalis na rin 'yon. Hinihintay ka lang niya magising."
Kahit patuloy ang pagkirot ng kanyang ulo, nagmamadali itong bumaba. Hindi na niya narinig ang sigaw ng kanyang ina na mag-ingat sa pagbaba dahil agad siyang tumakbo. Naabutan niyang tahimik na kumakain ang kanyang ama sa hapag. Halos patapos na itong kumain kaya laking tuwa ni Luisa na maabutan niya ang kanyang ama.
Agad na napansin ni Luis ang presensya ng kanyang anak. "Luisa! Maayos na ba ang pakiramdam mo?" Tumayo ito sa kanyang upuan at nagsimulang maglakad papalapit sa kanyang anak.
Naramdaman ni Luisa ang malamig na palad ng kanyang ama nang subukang pakiramdaman ni Luis ang lagnat ng kanyang anak.
"Ayos lang po ako, pa. May itatanong sa-"
"Ang taas pa ng lagnat mo! Bakit bumaba ka na agad?" nag-aalalang tanong ni Luis.
Kaagad na nainis si Luisa sa sitwasyon. Hindi naman niya ikamamatay ang mataas na lagnat at wala lang ang sakit na ito sa kanya. "Ayos nga lang ako!" naiiritang sagot ni Luisa.
Saka lamang niya napagtanto na napalakas ang kanyang pagkakasabi at biglang bumagal ang tibok ng puso nito. Nakatingin lamang siya sa kanyang ama na ngayon ay nagulat din sa inasta ni Luisa.
Imbis na magalit, binigyan ni Luis ng isang malawak na ngiti ang kanyang anak. "Mabuti naman. Ano ang itatanong mo, anak?" ani nito at nagsimula itong tumalikod para ligpitin ang pinagkainan niya.
Halos matunaw ang puso ni Luisa sa kanyang nasaksihan at ang kanyang mga mabababaw na luha ay walang pasabing nagsituluan na naman. Kaagad na pinunasan ito ni Luisa bago pa tuluyang humarap muli ang kanyang ama.
"Totoo po bang ibebenta niyo na ang painting na nasa kwarto niyo?" mahinang tanong ni Luisa.
Kumislap ang mga mata ni Luis sa kanyang narinig.
"Nasabi na ba ito ng mama mo?"
Tumango si Luisa.
Napabuntong hininga ang kanyang ama. "Ayoko sanang ibenta ang kuwadro dahil ilang taon na ring nasa akin iyon. Kaso matagal pa ang sahod ko sa bago kong trabaho ngayon. Gusto na kasi ng mama mo na pinturahan ang bahay dahil hindi siya kumportable sa kasalukuyan nitong kulay. Ang sa akin naman ay ayos lang. Para sa ikaliligaya niyo ni mama mo, kailangan natin magsikripisyo."
Napayuko naman si Luisa sa sinabi ng kanyang ama. Alam niyang dahil sa paglipat nila rito sa probinsya, walang wala silang madukot ngayon sa kanilang pitaka. Lahat ng ipon ng kanyang ama ay napunta sa pagbili ng bahay na ito at sa pamasahe nila. Alam din niyang dahil sa kanya, sobrang laking pera ang nawaldas sa bawat bulsa ng kanyang mga magulang.
Habang nakasandal sa lababo si Luis, nagtataka niyang tinitigan ang kanyang anak. "Gusto mo ba ang kuwadro na iyon?"
Napaangat ang ulo ni Luisa at sa kaunting segundo, nakita ni Luis ang pagkislap ng mga mata nito. Pero kaagad ding nawala dahil naisip ni Luisa na kailangan nila ng pera ngayon. "H-Hindi po…"
Lumapit si Luis sa kanyang anak at ipinatong ang kaliwang kamay sa ulo nito. "Sige, anak. Hindi ko na ibebenta."
Ikinagulat ito ni Luisa at tila nawala ang sakit ng kanyang ulo. Sa hindi inaasahang pangyayari, kusang niyakap ni Luisa ang kanyang ama. Sa kanyang hiya, itinago niya ang kanyang ulo sa tiyan ng kanyang ama. Napangiti naman nang matamis ang si Luis sa ginawa ng kanyang anak.
"Pero sa isang kondisyon," inalis na ni Luisa ang kanyang sarili sa kanyang ama nang bigla itong nagsalita. "Uminom ka na ng gamot at magpahinga, naiintindihan mo?"
Ngumiti lamang si Luisa at tumango.
Sakto namang nakababa na si Flora at naabutan ang usapan ng kanyang mag-ama. "Anong kondisyon 'yan, bakit ganyan ang pinag-uusapan niyo?"
"Itong anak mo, tutol sa pagbenta ko sa painting. Eh hindi naman nagsasabing gusto rin pala niya iyon," sumbong ni Luis.
"Ganoon ba?" napatingin si Flora sa kanyang anak. "Kaya pala sobrang aligaga niyan kanina. Pagkagising pa lamang, ang kuwadro na ang hanap. Hindi ko alam kung dahil ba sa lagnat mo bakit ka nagkakaganyan."
Tumawa na lamang si Luis sa kwento ng kanyang asawa.
Sa kabilang banda, may kaunting kaba ang nararamdaman ni Luisa sa tuwing tinitignan niya ang kanyang mga kamay. Hindi pa rin niya malimutan ang kanyang panaginip. Akala niya totoo ito at natatakot siyang hindi na niya makikita ang kanyang mga magulang. Ngunit sa kabila ng pangangamba, ibinalik na ng kanyang ama ang kuwadro sa dati nitong pwesto bago siya pumasok sa kanyang trabaho.
Naiwang nakahiga lamang si Luisa sa kwarto ng kanyang mga magulang habang naglalaro sa kanyang selpon. Pinili niyang dito muna magpahinga para mas mapagmasdan ang kuwadro nang hindi kasuspe-suspetya at para makumpirma sa kanyang sarili na ito ang kanyang nakita sa kanyang panaginip. Mas naging maginhawa na rin ang kanyang pakiramdam at at nabawasan na ang pagkirot ng kanyang ulo simula nang makainom siya ng gamot.
Nang magsawa siya sa kakalaro, ibinalik niya ang kanyang atensyon sa kuwadro. Inihanda na niya muna ang kanyang sarili bago lapitan ang kuwadro. Sa takot na kanyang naramdaman na baka mangyari ang kanyang panaginip, itinago niya ang kanyang mga kamay sa likod niya. Dahan dahan, inihakbang na niya ang kanyang mga paa.
Tuluyan na siyang nakalapit sa kuwadro at harap harapan niyang nakita ang bawat detalye nito. Nanayo ang mga balahibo nito sa likod nang mapansing magkasingtulad ito sa kanyang panaginip. Agad niyang inobserbahan muli ang ahas na nakatago sa mga ulap at ang malalaki nitong mga ngipin. Mas pinakatitigan niya rin ang babaeng nakatalikod sa larawan. Dalawang tao ang lumalabas sa kanyang isip. Kung hindi si Takay, baka si Luna ang babaeng ito.
O ibang babae.
Napasapo siya sa kanyang noo nang malimutang itanong sa kanyang ama kung sino ang nagpinta nito. Ugh, ang tanga tanga talaga!
Napatitig siya muli sa kuwadro at pinagmasdan ang matayog na bundok. Pamilyar ang mga ito sa kanyang paningin, maliban sa kanyang panaginip, parang nakita na niya ito.
Sa kabila ng kanyang takot, naisip niyang gawin ang ginawa niya sa kanyang panaginip. Susubukan niyang hawakan ang kuwadro at tignan kung may mangyayari. Iniangat niya ang kanyang kanang kamay at handa nang hawakan ang kuwadro ngunit bago pa man siya tuluyang makalapit, napansin niya ang paggalaw ng sahig dahilan para mawalan siya ng balanse.
Patuloy lang ang pagyanig ng sahig at nakapagtatakang hindi niya naririnig ang tawag ng kanyang ina. Sumilip siya sa bintana ng kwarto at nanlaki ang mata niya nang tahimik na nakatayo ang mga puno habang ang mga dahon nito at sumasayaw sa indak ng bigay ng hangin. Walang pagyanig ang nangyayari sa labas.
Kabado niyang tinignan ang kuwadro na payapang nakasabit sa pader. Sa kabila ng pagyanig, himalang hindi ito gumagalaw. Napatingin naman siya sa kanyang kamay, natatakot na baka maging abo itong muli ngunit ito'y nanatiling nakakabit sa kanyang braso.
Hindi niya alam kung paano patitigilin ang pagyanig. Nakatitig lamang siya sa kuwadro, nagbabakasakaling may nakita siyang detalye o ano man. Hindi niya na rin maintindihan ang takbo ng kanyang isip kaya nang muli niyang tinitigan ang kuwadro, tangin ang buwan ang kanyang nakikita.
Para itong nagliliwanag at inuutusan si Luisa na lumapit. Hinayaan niya ang kanyang sarili na sundin ang tahimik na utos ng buwan. Lumapit ito nang mas malapit sa kuwadro at inilapat ang hintuturong nitong kamay sa buwan.
Isang nakasisilaw na liwanag ang humigop sa buong katawan ni Luisa. Sa wakas, tumila na ang pagyanig. Ngunit nang makaakyat si Flora upang kamustahin ang anak, nagsimula itong sumigaw at humingi ng saklolo.
Nawawala ang kaisa-isahang anak ng pamilyang Montevirgen.