"Sisay aan?" (Sino 'yan?)
"Di ko isi!" (Hindi ko alam!)
"Unong klase ning bado ana surusuwot niya?" (Anong klaseng damit ang suot niya?)
"Isus, baga agin pa ana babayi an." (Naku, mukhang bata pa ang babaeng 'yan.)
"Sari mo iya nakita?" (Saan mo siya nakita?)
"Mikunon kintana akong mga igagatong sa taas ning bundok, nakita ko ana bangkay aan." (Kukuha sana ako ng punongkahoy sa tuktok ng bundok, nakita ko ang bangkay niya.)
"Bangkay? Di mo pagsabyung guraan na ana agin adi?" (Bangkay? Huwag mo sabihin, patay na ang batang ito?)
Inilapit ng isa sa mga nag-uusap ang kanyang tainga sa bibig ni Luisa. Napaatras ito nang maramdaman ang tahimik na paghinga ng dalaga.
"Buway iya!" (Buhay siya!)
Nagising si Luisa sa sari-saring usapan ng mga taong nakapaligid sa kanya. Otomatiko niyang hinanap ang kanyang kumot para takpan ang kanyang tainga ngunit nagtataka siyang hindi niya ito mahawakan. Kinapa kapa niya ang kanyang higaan ngunit hindi kutson ang kanyang naramdaman. Isang matigas at malamig na bagay ang sumusuporta sa kanyang katawan. Agad niyang idinilat ang kanyang mga mata at bumungad sa kanya ang mga hindi pamilyar na mukha at kasuotan. Napatayo siya sa kanyang hinihigaan at isinuksok ang sarili sa sulok kanyang higaan na gawa sa kawayan.
Inisa-isa niya ang mga mukha na nakapaligid sa kanya at wala ni isa siyang nakilala. Napunta ang kanyang paningin sa kasuotan ng mga tao. Ang ilan sa mga kababaihan ay nakasuot ng mahabang tela na parang kumot na may kakaibang makukulay na disenyo ngunit sila ay walang suot na saplot sa paa. Ang kanilang mga kulay ay hindi tulad sa kulay na mayroon ang pamilya ni Luisa. Kahit na siya ay kayumangging, sila ay may kulay kapeng balat. Ang lahat ng mga mata nila ay nakatingin lamang kay Luisa. Puno ng pagtataka at ang ilan ay pangangamba ang kanilang mga mata dahil isang misteryosang dalaga ang napadpad sa kanilang baryo.
"Sisay ika?" (Sino ka?) malakas na tanong ng isa sa mga babaeng malapit sa pinto ng kubo.
Hindi kaagad nakasagot si Luisa dahil wala ito sa kanyang sariling katanuan.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at pilit niyang inaalala ang bawat nangyari upang malaman niya kung bakit siya nakarating sa lugar na ito. Ang tanging naalala niya ay kung paano siya kausapin ng buwan sa kuwadro bago siya tuluyang lamunin ng nakasisilaw na liwanag.
"Luisa, huwag kang matakot…"
Agad siyang napadilat nang maalala ang bawat katagang narinig niya nang titigan niya ang buwan.
"Hayaan mo akong dalhin ka sa buong katotohanan."
Nanayo muli ang kanyang mga balahibo nang mas malinaw na naalala ang boses ng kumakausap sa kanya. Puno ito ng lambing ngunit may diin. Sobrang nakaaantig ang kanyang tinig at hindi namalayan ni Luisa, sumunod ito sa kanyang utos.
At napunta siya sa lugar na ito.
Inilibot niya ang kanyang mga mata sa kubo kung saan siya dinala ng isa sa mga kababaihan. Agad niyang napansin ang mga kagamitan na gawa sa kawayan. Ang mga kumot na may kaaya-ayang disenyo. Naaamoy rin ni Luisa ang hindi pamilyar na amoy sa kubo. Ngunit sa hula niya, ito ay galing sa mga punong nakapalibot sa labas ng kubo. Katamtaman ang lamig at init ang nararamdaman niya sa loob ng kubo. Dahil yata ito sa materyales na bumubuo sa kubo at ang mga katabi nitong puno ang nagbibigay ng sariwang hangin. Unti unti, habang pinagmamasdan ang paligid, natigil sa pag-nginig ang dalaga. Ngunit hindi pa rin mawawala ang pag-aalala.
Naalala niya ang kanyang ina.
Ang mga nagbabadyang mga luha ay handa na para tumulo ngunit pinigilan ito ni Luisa. Nakikita niya sa kanyang isip ang posibleng nangyayari sa kanilang bahay. Halos madurog ang puso niya nang kuruin niya sa kanyang isip ang kanyang ina na umiiyak habang ang ama nito'y puno ng pag-aalala. Hindi niya kayang makita muli ang kanyang ina na umiiyak dahil sa kanya. Sobrang dami nang problema ang hatid ni Luisa sa kanyang magulang. Ayaw na niya sanang madagdagan pa ito ngunit ito ang binigay ng tadhana sa kanya.
Sa kabilang banda, ang ilan sa mga kababaihan ay pinagmasdan ang nagugulumihanang dalaga sa kanilang harap. Nakaramdam sila ng awa at lumambot ang puso ng mga ito sa dalaga.
"Baganang di gayud kita naiintindihan nyading agin (Hindi yata tayo naiintindihan ng bata)," sabi ng nakakita kay Luisa sa tuktok ng bundok. "Kaypuhan ta muna gayud iyang tawan ning aldaw para maging komportable ag tanganing makasabi na (Siguro kailangan muna natin siya bigyan ng araw para maging kumportable at makapagsalita na.)"
Pumayag naman ang ilan sa mga kababaihan at iniwan si Luisa sa loob ng kubo.
Nang tuluyang makaalis ang ilan, hindi na napigilan ni Luisa ang kanyang mga luha. Naguguluhan na siya sa nangyayari sa buhay niya. Hindi niya na rin pa makuhang intindihin ang lahat dahil napuno na ang kanyang puso ng lungkot at pangamba sa kanyang iniwang magulang. Nais niyang magtanong kung saan daan pauwi sa kanila ngunit hindi niya maintindihan ang mga salita ng mga tao rito. Wala siyang maintindihan ni isang salita at mas lalo siyang nalugmok sa ideyang hindi na siya makakabalik pa sa kaniyang magulang.
Kung hinayaan niya na lang sana ang talaarawan ni Luna noong araw na 'yon, kung iniwas niya ang kanyang sarili sa misteryong hatid ni Takay, siguro masaya siyang kasama ang kanyang magulang.
Sa desperadong paghahanap ng bago sa kanyang buhay, ito ang balik sa kanya ng tadhana. Hindi niya alam kung ano ang hangarin ng tadhana sa sitwasyon na kinakaharap niya ngayon. Ito ba ay parusa o gatimpala? Ang pagiging malayo sa kanyang magulang ba ang sagot upang kalimutan ang masalimuot na nakaraan?
Gusto niya ng sagot. Sagot na hindi niya makuha noon pa.
Siguro alam niya ang tunay na sagot ngunit takot siyang harapin ang katotohanan. Siguro takot siyang kumbinsihin ang kanyang sarili na ang sagot ay nandyan na sa kanyang harapan ngunit pikit-walang-sabi niya itong iniiwasan.
Ma…pa…
Sinulit ni Luisa ang kanyang pag-iisa para umiyak. Ilang botelyang luha na ba ang naipon niya sa kanyang buhay? Siguro kung titimbangin, mas marami pang tumulo mula sa kanyang mata kaysa sa bilang kung kailan siya naging matapang.
Buntong hininga sa bawat alaala. Pag-iyak sa bawat pagsisisi.
Halos hindi na siya makahinga sa kabila ng preskong hanging bigay ng mga puno. Tila pinapatahan siya ng mga ito.
Lumipas ang isang oras nang tumahan ang ligaw na dalaga. Sinubukang pumasok muli ng isa sa mga babae sa kubo at kumustahin ito. Nadatnan niyang nagpupunas ito ng luha at kaagad na inalok niya ito ng malinis na tela kasama ng isang basong tubig.
Hindi tulad sa inakto kanina ni Luisa, bukas loob niyang tinanggap ang alok ng babae. Kakaiba ang lasa ng tubig na ibinigay nito sa kanya at sa hindi malamang dahilan, imbis na mapangitan siya, nagustuhan niya ito at mas kumalma ang kanyang pakiramdam. Dahil dito, nginitian niya ang babae bilang pasasalamat sa kanyang kabutihan. Ngumiti ito pabalik kay Luisa at namayani ang katahimikan
"Luisa," sambit ni Luisa sa gitna ng katahimikan.
Tinignan nang matagal ng babae si Luisa hanggang sa makuha niya ang ibig sabihin ni Luisa.
Itinuro niya ang kanyang sarili, "Wani."
Literal na napanganga si Luisa matapos marinig ang pangalan ng kausap niya. Kakaiba at tila may kahulugan. Hindi niya alam kung ano ngunit pakiramdam niya na may dahilan ang bawat bagay sa panahon na ito. Sa tingin niya kaedad lamang niya si Wani batay sa kanyang itsura.
Napagtanto rin niya sa kanyang sariling obserbasyon sa isang oras na pananatili niya sa kubo, napunta siya sa panahon kung saan hindi pa tuluyang nasasakop ang Pilipinas. Hindi man niya maintindihan ang mga sinasabi ni Wani at ng ibang kababaihan dito, sigurado siyang hindi bisaya ang kanilang pananalita.
Ngunit ang nakapagtataka, wala siyang napansing mga lalaki na pumasok at sumilip sa kanyang kubo. Tanging mga matatanda't kapwa niya dalaga ang mga nagbabantay sa kanya. Sinubukan din niyang makinig sa usapan ng mga tao sa labas kanina upang makarinig ng ibang boses maliban sa mga babae, nadismaya siyang sila sila pa rin ang nakatambay sa labas.
Gusto niyang itanong ito kay Wani na ngayon ay sinusubukang pakialamanan ang kanyang selpon.
Ang kanyang selpon.
Napatalon siya sa kanyang pagkakaupo at tinitigan ang selpon sa kamay ni Wani. Nahihirapang buksan ni Wani ang bagay na ngayon lang niya nakita. Nagtataka itong pinagmasdan ang selpon. "Uno adi? (Ano ito?)" tanong ni Wani sa salitang hindi maintindihan ni Luisa ngunit nakuha niya ang sinasabi nito sa pahiwatig ng mukha ng kapwa niya dalaga.
Ibinigay ni Wani ang selpon kay Luisa at malugod niya itong tinanggap. Ayaw niyang kunin na lang bigla ang kanyang selpon habang hawak ni Wani ito kanina. Hindi niya gugustuhing masamain siya ng mga tao rito dahil baka kung saan na naman siyang lupalop ng Pilipinas mapadpad.
Ipinakita ni Luisa kay Wani kung paano buksan ang kanyang selpon at kita sa mga mata ni Wani ang pagkamangha. "Ito ay cellphone," ani ni Luisa.
"Sel-pown," paguulit ni Wani.
Nginitian naman ni Luisa ang dalaga at agad na ibinalik ang atensyon sa kanyang selpon. Agad niyang binuksan ang kanyang mobile data para mabuksan ang kanyang messenger. Wala kasi siyang load at tanging ito lang ang paraan para makontak ang kanyang mga magulang. Sa kasamaang palad, saka lang nakita na walang signal ang kanyang selpon. Sinubukan niyang itaas ito at nagbabakasakaling magkaroon ng himala at magkaroon ng signal. Ngunit bigo siya nang mapansing walang pagbabago sa bar na kung saan batayan sa pag-alam kung may signal ba o wala.
Nakabusangot na bumalik sa kinauupuan si Luisa. Muntik na niyang malimutang kasama pa rin niya si Wani na ngayon ay nagtataka sa ginagawa ni Luisa. Magsasalita sana si Luisa nang biglang bumukas ang pinto ng kubo. Iniluwa nito ang isang pamilyar na mukha ng babae. Palagi niyang naririnig ang boses nito kahit nasa loob siya ng kubo. Sa tingin niya, siya ang namamahala ng baryong ito.
"Iloog niyo didi si Takay, tibad isi niya kung pawno kausipon ading daragang adi, (Ipasok niyo si Takay dito, baka alam niya kung paano kausapin ang dalagang ito.)" narinig na sabi ng kapapasok lamang na babae sa isa pang babaeng kausap niya sa labas. Kailan kaya mapapangalanan ni Luisa ang mga 'babaeng' tinutukoy niya?
Ngunit napantig ang kanyang tainga sa kanyang narinig. Hindi siya nagkakamali, alam niyang narinig niya ang pangalang Takay. Hindi rin siya sigurado kung ito lamang ay parte sa kanilang pananalita ngunit sa pagkakataong iyon, bumilis ang tibok ng puso niya. Saka lamang bumalik ang kanyang sarili nang marinig muli ang pangalan ni Takay. Kailangan niyang alamin at kumpirmahin na baka may kinalaman si Takay sa pagpunta niya rito sa lugar na ito. Hindi ito isang coincidence lamang at paniguradong may alam din si Takay dito.
Ibinaling niya ang kanyang atensyon sa babaeng pumasok kanina lamang. Nagpaalam naman si Wani sa kanya at kabadong nginitian lang ito ni Luisa. Magkahalong engganyo at kaba ang kanyang nararamdaman dahil sa kanyang narinig.
Ang maliit na ngiti na ibinigay ni Luisa kay Wani ay hindi inaasahang makita ng babae. "Baga maray maray na ana kamtangan nyading daraga. Uno daw ginibo ning agin ko sakanya? (Mukhang maayos na ang lagay ng dalaga. Ano kaya ang ginawa ng anak ko sa kanya?)" bulong niya sa gilid at nagpalaam na sa kanyang anak na si Wani.
Napansin niyang aligaga ang dalaga sa kanyang pwesto at ito ay ipinagtaka niya. Nagkamali siyang maayos na ang kalagayan ng dalaga dahil ramdam pa rin ang kaba nito. Hindi rin nais na palayasin ito dahil naalala niya ang kanyang anak na si Wani sa kanyang personalidad kahit hindi pa niya ito nakikilala. Naamoy rin niyang mabait na tao ang dalaga kaya pinanindigan niyang kupkupin ito base sa pagpupulong nila kanina. Masaya siyang walang umangal sa kanyang desisyon at handang tumulong sa bagong salta.
"Anaki, nandidi na si Takay. (Anaki, nandito na si Takay.)"
Napalingon si Anaki at Luisa sa dumating. "Mabalos, Anaya. (Salamat, Anaya)"
Umalis na ang dalagang si Anaya at naiwang nakatayo ang isa pang dilag na nangangalang Takay. Sa kabilang banda, mas bumilis ang tibok ng puso ni Luisa nang marinig muli ang pangalan ni Takay. Siguradong iisang Takay lang ang tinutukoy nila.
Sumenyas si Anaki kay Takay na pumasok sa loob.
Magkaiba ang reaksyon na pinakita ni Luisa at Anaki nang tuluyang pumasok si Takay.
"Takay!"
"Mabalos samaray-" Maraming salamat-
Halos magkasabay na sabi ng dalawa na ipinagtaka ni Takay.
Nagbigay galang ang dalagang si Takay kay Anaki at Luisa. "Pipabano niyo daw tabi kuno ako, (Pinapatawag niyo raw po ako,)" mahinhin nitong ani.
Bago sumagot si Anaki kay Takay, napatingin ito kay Luisa. Hindi niya inaasahan na kilala niya si Takay dahil sa inakto nito. Napuno ng kuryosidad ang mga mata ni Anaki sa kanyang nasaksihan ngunit isinantabi niya muna ito. Kinailangan niyang papuntahin si Takay dahil alam niyang maraming lenggwahe ang alam nito. Nagbabakasakaling mas makilala ni ang naligaw na dalaga.
Humarap siya kay Takay. "Muya kong maisyan kung naiintindiyan mo ana mga pisabi nyading daraga. (Nais kong malaman kung maiintidihan mo ang sinasabi ng dalagang ito,)" paliwanag ni Anaki.
Sa pagkakataong ito, napatingin si Takay kay Luisa. Walang bahid ng pagkakakilanlan ang kanyang mga mapupungay na mata habang nakatitig ito sa dalaga. "Ako si Takay," pagpapakilala niya kay Luisa.
Kumunot ang noo ni Luisa at nagtatakang tinitigan si Takay. Nabigla siya sa inaakto ni Takay dahil alam ni Luisa, kilala siya nito. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pa niyang magpakilala gayong nitong nakaraang araw lang, nagkausap sila.
Umiling iling na sumagot si Luisa. "Sandali, hindi mo ba ako nakikilala? Ako 'to, si Luisa!" nagugulumihanang pahayag ni Luisa.
Nadismaya siyang mapansing walang bahid ng familiarity ang kanyang mga mata. Ngunit napansin niyang kumislap ang mga mata nito matapos magsalita ni Luisa.
Ibinaling ni Takay ang kanyang atensyon kay Anaki na ngayon ay nagtataka sa pinagsasabi ng dalawang dalaga, "Tagalog iya, Anaki. Luisa ana pangaran niya. (Tagalog siya, Anaki. Ang pangalan niya ay Luisa.)"
Nakaramdam ng pagkalugmok si Luisa nang makitang hindi siya kilala nito. Lahat ng pag-asang nabuo niya kanina noong nalaman niyang makikita niya si Takay, bigla na lang naglaho na parang bula. Napaupo si Luisa muli sa higaang gawa sa kawayan habang tahimik na nag-uusap sina Anaki at Takay. Ngunit napatitig siya sa itsura ni Takay na nasa harap niya ngayon.
Ang mukhang kanyang nakikita ngayon ay katulad sa Takay na nagpakita sa kanya noon ngunit sa panahon na ito, iba ang naghahari sa kanyang mga nangungusap na mata. Kung sa kanilang unang pagkikita, puno ng lungkot ang mga ito ngunit ngayon, sa kanyang nasisilayan, walang bahid ng kalungkutan ang mga mata. Kung tutuusin, ito ay kumikislap sa saya at pagmamahal. Ang Takay na nagpakilala sa kanya ngayon ay masaya.
Napansin din niya ang kanyang suot na damit. Katulad ito sa kasuotan ni Anaki ngunit iba lamang ang kulay. Magkahalong kulay kayumanggi at berde ang disenyo sa tela ni Anaki habang puno ng kulay lila ang kay Takay. Sa kulay pa lamang, alam ni Luisa na si Takay na kilala niya noon at ngayon ay iisa. Ang buhok nito ay hindi pa gaano kahabi katulad ng nakita niya noon. May isang detalye na hindi tumutugma sa alaala niya kay Takay. Ang kulay ng balat nito. Kulay kayumanggi ang nakilala niyang Takay noon, ngunit ngayon ay iba. Sa tingin niya, ito'y pawang kulay kape.
Nabigla si Luisa nang lumingon si Takay sa kanyang pwesto. Nang magtama ang kanilang mga mata, may kakaiba siyang naramdaman sa kanyang dibdib. Isang koneksyon na hindi niiya mapaliwanag. Sa mga oras na 'yon, sigurado siyang si Takay nga talaga ang babaeng nasa harap niya.
"Ika nang bahala sa kanya, Takay. Agko ako tiwala saymo, (Ikaw na ang bahala sa kanya, Takay. May tiwala ako sayo,)" ani ni Anaki bago siya tuluyang lumisan sa sa kubo.
Naiwang nakatayo si Takay sa harap ni Luisa. Silang dalawa na lamang ang nasa kubo kaya sinamantala na ni Luisa ang pagkakataong ito upang magtanong. Hindi man siguradong masasagot ang kanyang mga tanong, umaasa siyang kahit konti o maliit na impormasyon may makuha siya kay Takay.
"Sigurado akong puno ka ng takot at kaba sa lugar na ito," panimula ni Takay.
Kaagad na napantig ang tainga ni Luisa sa kanyang narinig.
"Alam mo ba kung bakit ako narito?" tanong ni Luisa.
Bumaliko ang mga noo ni Takay sa tanong ni Luisa. "Nakita ka nilang nakahandusay sa tuktok ng bundok Asog. Akala ng ilan ay patay ka na ngunit nabigla sila nang marinig nila ang bawat paghinga mo."
Muli, bumagsak na naman ang balikat ni Luisa sa sagot ni Takay. Hindi niya alam kung nagkukunwari lamang ito o totoong hindi niya kilala si Luisa.
"Base sa iyong reaksyon, mukhang kilala mo ako."
"Hawig mo ang bago kong kaibigan," palusot ni Luisa.
"Talaga?" namamanghang tanong ni Takay, "Kung gayon, ayos lang ba sa'yo na sa aking tahanan ka muna manirahan?"
Sa unang pagkakataon magmula nang magising siya sa lugar na ito, nakaramdam ng saya Luisa matapos marinig ang alok ni Takay.
Bukal sa loob na tumango tango si Luisa.
Nang makalabas sila sa kubong panandaliang nagkubli kay Luisa, nakita niya muli ang mga kababaihang nakapalibot sa kanya kanina nang siya ay magising. Maging si Wani at Anaki ay kanyang nasilayan at lubos na nagpasalamat sa kabutihang ibinigay nila kay Luisa. Napag-alaman din niyang mag-ina ang dalawa kaya't mas lalong nadagdagan ang ligaya na naramdaman ni Luisa. Parehas na may mabuting loob ang unang dalawang babaeng nagpakilala sa kanya. Umaasa siyang ganoon din ang ilan sa mga tao rito.
Nagpatuloy lang sila sa paglalakad patungo sa bahay ni Takay. Ilang mga kubo rin ang kanilang nadaanan at laking gulat niya nang makita ang unang lalaki sa lugar na ito. Buong akala niya na ang lugar na ito ay pinamumunuan at pinaninirahan lamang ng mga kababaihan.
Mas lalo siyang nabigla sa kasuotan ng mga kalalakihan. Akala ni Luisa, sa palabas at larawan lamang siya makakakita ng mga lalaking nakabahag. Nais man niyang pigilan ang sarili sa pamumula, ramdam niyang nag-init ang kanyang mga pisngi dahil sa hiya. Habang si Takay ay patuloy lamang sa paglalakad. Paminsan-minsan ay tumitigil siya para mangumusta sa mga taong nadadaanan nila.
Ang baryong kanilang binabagtas ay puno ng mga kabahayang gawa sa kawayan habang pinalilibutan ng mga puno. At bawat kagamitan na kanyang nakikita ay katulad lang din sa kubong kanyang napuntahan kanina.
Walang nagtanong sa kaniya, maging si Takay, kung bakit naiiba ang kanyang kasuotan at kung sino siya. Sa bawat pagbati kay Takay, napupunta sa kanya ang atensyon ng mga tao. Malugod na binabati rin siya ng mga ito at pinasasalamatan ito gamit ang kanyang nahihiyang mga ngiti.
Hindi pa rin siya sanay sa mga kasuotan ng mga kalalakihan kaya sa tuwing may lalapit na lalaki sa kanilang dinadaanan, kusa siyang napapaiwas ng tingin. Ayaw niyang iba ang isipin ng mga ito kaya sa abot ng kanyang makakaya, pilit niyang sinasanay ang kanyang sarili na maging normal sa kanyang paningin ang kanilang kasuotan.
Nang makalapit ang lalaki sa pwesto nila ni Takay, kaagad na nagbigay galang ito sa kanilang dalawa. "Magandang umaga, mga binibini."
Ikinabigla ni Luisa nang magsalita ng tagalog ang lalaki. Si Takay lamang ang kilala niyang kayang umintindi sa pananalita niya kaya masaya siyang may ilan din palang katulad ni Takay.
"Magandang umaga rin, ginoo."
"M-Magandang umaga…" bati ni Luisa sa binata.
Makisig at tila marespetong ginoo ang nasalubong nilang dalawa. Mayroon siyang mga bilugang mga mata at katamtamang kapal na labi. Katulad kay Takay, kulay kape ang kanyang kutis at mayroon din siyang iba't ibang klaseng pulseras sa kanyang parehas na pulso.
Ngumiti ito kay Luisa. "Maaari ko bang malaman ang pangalan ng isang magandang binibini na tulad mo?" magalang at walang halong pang-aakit na tanong ng binata.
Hindi kaagad nakasagot si Luisa dahil sa sinabi nito. Bukod sa mga ngiti nito na halos tumalbog ang puso ni Luisa, ang magalang nitong tanong ay tuluyang nagpamula sa kanyang mga pisngi. Kahit kailan, hindi niya narinig ang mga papuri ng ibang tao sa kanya bukod sa kanyang mga magulang, Alam niyang hindi siya ganoon kaganda, ang ganitong mga klaseng papuri ay talagang nagpapaligaya sa kanyang kalooban.
"Luisa."
"Malagayon na panagaran, (Napakagandang pangalan,)" ngumiti muli ang binata at handa na sanang magpakilala pabalik ito nang makarinig sila ng malakas na pagbagsak ng isang bagay.
Napalingon ang tatlo sa direksyon kung saan narinig ang pagbagsak. Mukhang hindi lang sila ang nakarinig dahil lahat ng mga tao ay naging alerto sa kanilang pwesto. Maglalakad na sana silang tatlo patungo sa isang kubo malapit sa kanilang pwesto nang biglang bumukas ang pinto nito at iniluwa ang isang lalaking sa tingin ni Luisa ay kaedad ng kanyang ama.
"Natumba yu bubutangan ning mga gamit ko, da kamo dapat ipag-adit! (Natumba ang lagayan ng aking mga kagamitan, wala kayong dapat ipag-alala!)" sigaw niya habang iwinawagayway ang kanyang kamay.
Hindi naman ito maintindihan ni Luisa, napansin niya napabuntong hininga at sari-saring sigaw at tawa ang buong baryo. Nagsibalik na sa kanilang sariling trabaho ang mga tao matapos ang pagsigaw ng lalaki at ibinaling na nila ang atensyon sa kausap nila ngunit pagkatalikod nila ay bigla na lamang itong nawala. Ipinagtaka ito ni Luisa at sa kanyang loob loob, nanghihinayang itong hindi malaman ang pangalan ng binata.
Narinig niyang napatawa ng mahina si Takay sa kanyang gilid dahilan para siya ay mapatingin dito.
Agad namang napansin ni Takay ang titig ni Luisa kaya malawak niyang nginitian ito. "Palaging ganyan 'yan si Martino, bigla bigla na lamang nawawala."
Martino?
"Martino? Iyan ang pangalan niya?" paninigurado ni Luisa nang magsimula silang maglakad.
Tumango si Luisa. "Siya ang pinakamasipag na kilala kong binata rito. Natuto rin siyang magsalita ng ibang pananalita dahil pursigido niya akong pinilit para matuto siya," umiling iling na sabi ni Takay habang bitbit pa rin ang matatamis na ngiti.
Ipinagtaka ito ni Luisa dahil sa kanyang nakikita, may espesyal na relasyon silang dalawa ni Martino. Base sa kanyang mga kumikislap na mga mata at sa kung paano niya hangaan ang pagiging masipag at ang personalidad na ito. Hindi man niya alam ang buong kwento, sigurado siyang higit pa sa magkaibigan ang turingan ng dalawa. Nakaramdam na naman ng pamilyar na inggit. Bago pa ito tuluyang kumalat sa kanyang isip, agad niya itong iwinaksi at sinubukang kalimutan na lang lahat.
Hindi niya alam na kanina pa nakatingin sa kanya si Takay kaya napag-isipan nitong ipaghain ng masarap na tanghalian ang dalaga. Ramdam niyang hindi pa rin ito kumportable sa bagong lugar na kanyang binabagtas. Nais niya ring malaman ang katotohanan tungkol sa kung paano siya nakarating dito. Alam niyang isang Tagalog ang dalaga ngunit hindi pa rin natatapos ang kuryosidad niya kay Luisa.
Sa gawi ni Luisa, inaliw niya ang kanyang sarili upang pagmasdan ang mga bahay at mga tao sa kanilang dinadaanan. Medyo nasasanay na ang kanyang sarili sa kanilang kasuotan at nakukuha na rin niyang ngitian ang mga ito. Tila gumaan ang kanyang loob sa nakatutunaw na pagtanggap ng mga tao dito sa Asog. Ang pagtanggap na ito ang pinakamasayang pakiramdam na nangyari sa buong buhay niya. Simula nang mawalan ng sigla ang kanyang buhay, tanging paglayo ang pinaranas sa kanya ng mundo. Hanggang sa wala nang natira sa kanya. Hanggang sa dumating ang panahong nais niya na ring takasan ang kanyang sarili.
Mahirap tanggapin ang sarili kung walang tumatanggap sa iyo nang buong buo.
Natigil na sila sa paglalakad at nasilayan ni Luisa ang maliit na kubong nasa harap nila. "Ito na ba ang bahay niyo?" tanong niya sa kanyang kasama.
"Oo. Pasensya ka na, maliit lamang ito. Ako lang kasi ang naninirahan dito," sagot ni Takay habang niyayaya si Luisa na pumasok sa loob.
Lumantad sa mata ni Luisa ang malinis at maaliwalas na tahanan ng isang dalagang katulad ni Takay. Kakaiba rin ang amoy na dulot nito na siyang ikinatuwa ni Luisa. Nang makahakbang siya papasok sa loob, nasilayan niya ang mahabang higaan na gawa sa pinakinis na kawayan habang maayos na nakatupi ang kumot sa gilid nito. Sa gilid ng kama, nakatayo ang hindi kalakihang aparador na gawa sa kahoy (napakaganda ng pagkakagawa nito) habang nakalantad ang mga nakasabit na iba't ibang telang kasuotan ng dalaga rito. Ang ilan ay nakatupi na katabi lamang ng mga porselas at kwintas ni Takay.
"Wow," namamanghang banggit ni Luisa.
"Wow? Ano 'yon?" nagtatakang tanong ni Takay habang naghahain ng kanilang tanghalian.
Nabigla naman si Luisa sa tanong ni Takay at saka lamang napagtanto ang kanyang sinabi. "Uh, isa iyon sa mga sinasabi namin kapag namamangha sa mga bagay bagay," paliwanag niya.
Tanging pagtango lamang ang tugon ni Takay at itinuon na ang sarili sa kanyang ginagawa.
Habang si Luisa ay palihim na sinusubukang maghanap ng signal sa bahay ni Takay. Hindi pa rin niya mabuksan ang mobile data niya dahil sa kawalan ng signal. Kahit nagiging magaan na ang kanyang kalooban sa lugar at panahon dito, hindi pa rin mawala sa kanyang isip na mag-alala sa kanyang magulang. Wala siyang ibang alam na paraan para makausap niya ang mga ito at tanging ang selpon lamang na ito ang magiging tulay para sa binabalak niya.
Naisip niyang may dahilan kung bakit nakasama pa rin niya ang selpon sa kabila ng lahat. Kaya sa abot ng kanyang makakaya, susubukan niyang magkaroon ng silbi ito.
"Ano 'yan?"
Laking gulat ni Luisa nang biglang sumulpot si Takay sa kanyang gilid.
"Uh, cellphone,"
"Isa ba 'yang laruan?"
"Hindi. Gamit ito para maging konektado ka sa mahal mo sa buhay o hindi kaya, mga hindi mo pa nakikilala."
Ipinakita ni Luisa ang laman ng contacts niya kung saan makikita ang dalawang pangalang pinakapamilyar sa kanya.
Mama Flora (0915 763 6898)
Papa Luis (0915 237 2320)
"Sila ang mga magulang ko," pag amin ni Luisa.
Napatingin naman si Takay sa kanya. "Gusto mo bang kumain?"
Nabigla si Luisa sa tanong ni Takay. Hindi niya inaasahang ito ang magiging tugon niya sa kabila ng kanyang sinabi tungkol sa kanyang mga magulang.
Walang ibang nagawa si Luisa kundi tumango dahil sa mga oras na 'yon, bigla siyang nakaramdam ng gutom.
Binigyan ni Takay si Luisa ng isang maliit na plato na gawa sa magandang klaseng kahoy. Makinis at matibay nang mahawakan ito ni Luisa. Lalo pa siyang namangha nang makita ang maliliit na mangkok sa maliit na kusina ni Takay. Kahit pa hindi ito tulad ng platong kanyang kinagisnan, laking tuwa niya nang malamang sagana sa matitibay na kagamitan ang mga gamit noon.
Sa wakas ay tuluyan na silang nakaupo at nagsimula nang kumain.
Bago pa naman matikman ni Luisa ang inihain ni Takay, napansin niyang tahimik na nakatingin sa kanya si Takay.
"Ngayon, handa na akong makinig kung sino ka talaga."
Dahan-dahang ibinaba ni Takay ang hawak niyang kutsara at napatitig sa mga mata ni Takay. Ang pagkislap ng kanyang mga mata na siyang puno ng kuryosidad at alaga. Kahit kailan, hindi naranasan ni Luisa ang ganitong pakiramdam. Tuwa? Kilig? Sa wakas sa labing-walong pamumuhay niya, may taong nais makinig sa kanya.
"Ako si Luisa Montevirgen," panimula niya. "Labing-walong taon at nakatira ako ngayon sa probinsya ng Bicol. Ako ay nag-iisang anak ng mag-asawang nakita mo sa selpon ko kanina. Hindi masyadong espesyal ang buhay ko pero noong lumipat kami sa bago naming tirahan, bigla ka na lamang sumulpot sa aking harapan nang ako ay nagpapahinga sa aming bakod.
"Noong una, isa kang bulaklak na nakatanim sa gilid ng lawa. Hindi ko alam kung bakit sa dinami rami ng mga nagsisimatayang halaman doon, ikaw ang katangi-tanging nakaligtas sa kapabayaan ng mga tao."
Ang nakangiting si Takay ay ngayo'y seryosong nakikinig kay Luisa. Hindi niya balak pang putulin ang kinukwento ng kanyang bagong kaibigan dahil siya rin ay napuno ng kuryosidad nang malaman ang tunkol sa kaniya.
"Sa araw na ring iyon, nakilala ko si ang babaeng si Luna. Sa ilalim ng aking higaan, nakita ko ang kanyang talaarawan at," napatigil si Luisa nang maalala ang mukha ng kanyang mga magulang. "At binasa ko iyon. Napag-alaman kong siya rin ay nakita ang kagandahan ng iyong bulaklak. Dumating ako sa pahina na nakakausap mo na si Luna. Hindi ako makapaniwala sa nababasa ko dahil napaka-imposibleng mangyari iyon. Pero sa sumunod na mga araw, tuluyan ka ng nagpakita sa akin. Ang tunay mong kaanyuan. Ang katauhan mo ngayon.
"Dinala mo ako sa lugar kung saan ibinigay mo ang talulot sa nalalanta mong bulaklak. Inutusan mo akong ilagay ito sa aking dibdib at malalaman ko na ang buong katotohanan. Ngunit nang gabing iyon, napanaginipan ko si Luna maging ang painting-"
"Painting?"
Saka lamang napagtanto ni Luisa na gumamit siya ng ibang lenggwahe. "Ang ibig kong sabihin ay kuwadro. Isa siyang larawan na iginuhit ng isang tao gamit ang iba't ibang kulay."
Tumango-tango naman si Takay at hindi na nagsalita pa.
Ipinagpatuloy ni Luisa ang kanyang kwento. "Nakita ko sa aking panaginip ang kuwadrong iyong at napag-alamang katulad iyon sa larawang mayroon ang aking ama. Nang magising ako, agad kong kinumpirma ang larawan. Habang tinitigan ko ito, bigla na lamang nagkaroon ng pagyanig sa kwarto. Ang sumunod na nangyari ay naramdaman kong hinihigop ako ng kuwadro palapit dito. Pagkagising ko, nasa kubo na ako ni Anaki."
Ilang minutong katahimikan ang pumagitan sa dalawang dalaga. Parehong naghahanap ng tamang salita matapos magsalita si Luisa.
Walang bahid ng pamilyaridad ang mga mata ni Takay nang matitigan ito sa mga mata. Sa kabila ng kanyang kwento, tila wala pa ring sagot ang kanyang mga tanong.