Chereads / Takay's Withered Petal [Filipino] / Chapter 7 - (7) Ang Buhay ni Takay

Chapter 7 - (7) Ang Buhay ni Takay

"Sigurado ka bang ako ang nakita mo sa inyong tahanan? Bakit iba ang pananamit mo? Anong itsura ng kuwadrong sinasabi mo?"

Ilan sa mga tanong ni Takay nang maputol ang katahimikan sa kubong kanilang pinanunuluyan. Hindi na rin halos maalala ni Luisa ang iba pa dahil bago pa man siya makasagot, may bagong katanungan na naman si Takay ngunit sinagot ito lahat ni Luisa nang walang halong pagmamanipula. Kahit sa totoo, may kaunting inis na gustong lumabas sa kanyang damdamin. Lalo siyang nagugulumihanan sa sinampal ng tadhana sa kanya ngayon. Hindi niya alam kung ano ang susunod na hakbang para mapalapit sa katotohanan at makabalik sa yakap ng kanyang mga magulang.

Sa bawat segundong lumilipas, pakiramdam niya mas lumalayo siya sa kasagutan. Ngayong kumbinsido na siyang walang alam ang Takay na nakilala niya ngayon sa Takay na nakilala niya sa bakod ng kanilang tahanan sa Bikol. At wala ni isa sa mga tiga Asog ang makakasagot sa daan-daang tanong niya sa kanyang isip. Walang makapagsasabi kung saan ang pinto papunta sa kanilang tahanan at walang bintahang magbubukas para makita muli ang nagluluto niyang ina sa kusina.

Gusto niya nang umuwi.

Ayaw na niyang malaman pa ang tunay na nangyari kay Luna o kay Takay. Kung ano pagtulong sa kapwa ay magbibigay lamang ng problema sa kanya, mas nanaisin niyang huwag na lang makialam sa buhay ng iba. Nabigla siya sa sarili niyang pag-iisip. Alam niyang hindi tamang humingi nang mas magarbong pabor kapag tutulungan mo ang isang tao. Walang halaga ang bawat hatid ng isang matulungin sa taong naghihirap. Alam niya sa sarili iyon ngunit tuluyang nilalason siya ng kanyang sariling isip dahil sa kalungkutan.

Hindi niya alam na ang balik sa pangingialam ng talaarawan ng isang tao ay mas matindi pa sa pagkawala ng kaibigan. Naalala niya ang mga oras na siya'y magsisimula nang mag-aral sa mataas na paaralan ng Santolan. Wala siyang kilala bukod sa kanyang guro. Lahat ay sinusubukang makipagkaibigan sa isa't isa at sari saring tawanan ang bumalot sa kanilang silid-aralan.

Sa bandang likuran ng silid, mag-isa na naman si Luisa sa kanyang upuan. Paminsan minsa'y ngumingiti sa bawat punch lines ng mga bago niyang klase ngunit hindi niya magawang makisali. Natatakot siya na baka layuan siya at mamatay ang mga tawanan. Ayaw niyang siya na naman ang pagtawanan. Hindi niya kakayaning masira ang unang araw ng pagiging high school student niya. Kaya pinili niyang dumistansya.

May ilang lumapit sa kanya ngunit nauuwi sa mga pagtango at maliliit na ngiti.

"Hi! Ano pangalan mo?" tanong ng isang babaeng nakatirintas ang buong buhok. Mayroon siyang dala dalang magarang lagayan ng bolpen at ang kutis nito ay kasingputla ng isang may sakit.

Napatingala si Luisa sa nagsalita at nginitian ito pabalik. "Luisa. Luisa Montevirgen," nahihiya niyang sambit.

"Ang pretty naman ng name mo. Ako nga pala si Eli Gastania," umupo ang lumapit na babae sa tabing upuan ni Luisa. "Saan ka pala nakatira?" Interasadong tanong ni Eli kay Luisa.

Nabigla naman si Luisa sa tanong ng bagong kakilala. Nahihiya pa siyang sabihin kung saan siya nakatira dahil hindi ganoon kaganda ang kanilang lugar. Ngunit sa tingin niya maiintidihan ito ni Eli dahil ang matatamis na ngiti nito ay talaga nga namang nakaliligaya sa damdamin ni Luisa.

"Dyan lang bahay namin sa may Camia Street," sagot ni Luisa. Kahit papaano, nakababawas tuyo ng laway ang magsalita. Pakiramdam niya sa araw na iyon, napakasaya magkaroon ng kaibigan.

Nakita niyang nabigla si Eli sa kanyang isinagot. Kanya naman itong tinanong kung ano problema dahil mukhang mas namutla pa ang balat nito kumpara kanina.

"So you live in squatter's area?" Unti unting tumayo si Eli sa tabi ni Luisa. "Uy, nga pala. May kausap kasi ako sa kabilang row, usap na lang tayo mamaya."

Tuluyang nilisan ni Eli si Luisa sa kanyang upuan habang nagtataka kung anong mali sa kanyang sinabi. Simula nang araw na iyon, kumalat na lang sa buong eskwelahan na siya ay isang ikwater. Wala nang nagtangka pang makipagkaibigan sa kanya kahit ang ilan sa mga kaklase niya ay nakatira rin malapit sa kanilang bahay. Sinabi niya sa kanyang sarili na kung ang pagiging tapat at tunay ka sa iyong pagkatao ay magiging daan lamang para layuan ka ng tao, sana ay nagsinungaling na lang siya sa pagkakataong iyon.

Naputol ang pagbabalik tanaw ni Luisa nang kalabitin siya ni Takay at inalok ng isang basong tubig. Kaagad siyang nagpasalamat at hindi na muli pang nagsalita. Hindi niya na kaya pang makipagusap sa oras na ito.

Lumipas ang hapon sa bagong panahon na kanyang kinatatayuan at tuluyang nagtago ang araw sa mga puno. Tanging pag-iyak lamang ang ginawa ni Luisa upang ipagdiwang ito. Walang magulang na aagapay at tatahan sa kanyang hagulgol. Para kay Luisa, sa kabila ng kawalan niya ng kabigan, ang pinakamahirap sa mundo ay mawalan ng magulang.

Natigil ang kanyang pagmumukmok sa higaan ni Takay nang bigyan siya nito ng kumot na nakita niyang nakalagay sa malaking aparador. "Hayaan mong ang buwan ang magwawaksi sa iyong kalungkutan," bulong nito habang nakangiti.

Kahit papaano, ang pag-iisang naramdaman niya ay naglaho sa presenya ni Takay sa kanyang gilid. Tinanggap ito ni Luisa at tinabon sa kanyang buong katawan. Sabay nilang pinikit ang kanilang mga at dinala sila sa walang hanggang kadiliman hanggang sa wala na silang maramdaman.

Nang gabing iyon, walang espesyal na panaginip si Luisa. Kadiliman ang bumalot sa kanyang pagtulog. Inasahan niyang mapapanaginipan niya ang kanyang magulang dahil kahit sa isang panaginip, makita niya itong muli. Hindi rin pumasok sa kanyang isip ang tungkol kay Luna at Takay.

Naramdaman ni Luisa ang paggalaw ni Takay sa kanyang gilid. Labis na kahihiyan ang naramdaman niya nang sabihin ni Takay na magkatabi silang matutulog. Wala namang kaso iyon kay Luisa dahil parehas naman silang babae at wala rin naman siyang magagawa dahil wala nang ibang mahihigaan kundi ang kawayahan na ito.

Hindi rin nais ni Luisa magreklamo dahil matigas at walang unan ang kanilang hinihigaan. Naisip niya na kailangan niyang sanayin ang kanyang sarili sa ganitong pamumuhay dahil baka matagalan siyang makabalik sa tunay niyang higaan. Ayaw niya na lang isipin na hindi na siya makakabalik. Mas lalo siyang nawawalan ng pag-asa kapag ito lagi ang tumatakbo sa kanyang isip.

Bumangon na rin si Luisa at naabutan niyang nagsusuklay si Takay.

Kaagad na napatingin sa kanya ito. "Marhay na udto!"

Hindi kaagad nakasagot si Luisa dahil sa sinabi ni Takay. Pakiramdam niya ito ang kanilang salita sa Magandang umaga.

"Magandang umaga ang ibig kong sabihin," malumanay na paliwanag ni Takay at saka ito'y malawak na ngumiti.

"Marhay na udto rin," ani ni Luisa sa nahihiyang boses. Hindi niya kasi alam kunng tama ba ang pagkakabigkas niya sa dayalekto nila at ayaw naman niyang masamain ito dahil alam niyang pinahahalagahan nila ang kanilang mga salita.

Wala namang sinabi pa si Takay at tumayo sa kanyang kinauupuan. Sinundan ng tingin ni Luisa ang dalaga at ito'y pumunta sa aparador na kung saan lagayan niya ng kanyang mga damit at ibang mga gamit. Saka lamang niya napansin na ang gaganda ng kanyang mga kasuotan. Magagara at matitingkad na kulay ang tumambad sa kanya nang minsang inihawi ni Takay ang kanyang mga nakasabit na kasuotan. Nakita niyang kumuha si Takay ng isang pantaas na damit na may kulay dilaw sa manggas at isang mahabang saya na mukhang kumot.

Lumapit si Takay sa kanya ang inaya itong tumayo.

"Sa tingin ko kasya ito sa iyo. Matagal na itong nakatambak sa aking aparador at hindi ko naman na balak pang isuot," ani niya habang sinusukat ang damit kay Luisa.

Nakatingin lamang siya kay Takay dahil napansin niya ang pag-iba ng tono at ekspresyon ng mukha nito. Gusto man niya itanong kung anong problema pero mas pinili niyang manahimik na lang dahil baka may personal na dahilan ito.

"Nais kong samahan ka para makapag-ikot dito sa lugar. Kaya ipapahiram ko sayo ang mga damit ko na ito."

Napatingin si Luisa sa damit na inilapag ni Takay sa higaan. "Pero hindi ko alam kung paano ito isusuot," pahayag ni Luisa nang habang nakaturo ang kanyang hintuturo gamit ang kaliwang kamay.

Imbis na sumagot, lumapit sa kanya si Takay. Tinitigan niya sa mata si Luisa. "Hindi ako titingin, gawin mo munang takpan ang iyong katawan."

Hindi na nakaangal si Luisa at sinumulang maghubad sa likod ni Takay. Nag-init ang kanyang mga pisngi sa kanyang ginawa. Napagdesisyunan niyang huwag hubarin ang kanyang short at isinuot muna ang pang-itaas na damit.

Sinunod na niyang kunin ang parang kumot na tela. Saka lang niya napagtanto na ang telang akala niya ay kumot at isa palang malong. Ginamit niya ito nang magkaroon ng stage play ang buong klase sa asignaturang Filipino. Natuto na rin siyang isuot ito kaya hindi na siya nahirapan pa.

"Tapos na ako…" mahinang sabi ni Luisa, tila nahihiya pa rin.

Humarap na sa kanya si Takay at napansin niyang kumurba ang gilid ng kanyang labi. "Marunong ka naman pala magsuot nito."

Hinila ni Takay si Luisa papalapit sa kung saan nagsusuklay si Takay kanina. Natanaw niya ang hugis buwang suklay na gamit nito at agad itong kinuha ni Takay. Ibinigay niya ito kay Luisa at malugod niya itong tinanggap.

Nahirapan siyang suklayan ang buhok nito dahil sa kanyang kulutang mga hibla. Natatakot siyang baka masira ang suklay dahil gawa lang ito sa kahoy. Ayaw rin naman niyang maging perwisyo sa may-ari ng suklay kaya sa abot ng kanyang makakaya, iningatan niya ang pagsusuklay.

Ibinalik niya sa dating pwesto ang suklay pagkatapos at niyaya na siya ni Takay lumabas. Ngunit binalikan niya ang higaan nila kanina dahil muntik na niyang makalimutan ang kanyang selpon

Tumambad sa kanyang paningin ang mga taong masayang nagbabatian sa isa't isa ng magandang umaga. Ang mga ngiti ng mga ito ay hindi matutumbasan ng kahit anong unos. Tila walang mga problema ang mga ito sa bawat pagkislap ng kanilang mga mata. Nagtutulungang mag-abot ng mga pinatanimang halaman upang gawing almusal. Ang mga kalalakihan ay nagsisimula nang magsibak ng kahoy at ang ilan sa mga kababaihan ay masayang nagbubukas ng kanilang mga bintana.

Ang nakabusangot na mukha ni Luisa ay napalitan ng saya nang makita niya ang buong pangyayaring ito sa kanyang buhay. Mas naramdaman niyang parte siya ng panahon na ito dahil sa kanyang kasuotan. Hindi niya na nararamdaman ang pag-iisa. Tila niyakap siya ng mga tiga-Asog at pinakita sa kanya na ang pamumuhay ay hindi nasusukat sa kung gaano karami ang iyong problema bagkus ang kung paano mo siya ipagdiriwang habang nakatingin ang sarili mong problema sayo.

Hindi na kailangan ng litrato ang buong senaryo.

"Maligayang pagdating sa Asog, Luisa."

Bati ni Takay sa kanya habang nakangiti. Sa pagkakataong ito, mas lumawak pa ang kanyang mga ngiti. Parang sasabog ang kanyang puso sa sobrang bilis ng pagtibok nito at ang kanyang pakiramdam ay bigla na lamang gumaan.

Hinila na siya ni Takay palayo sa kanilang tahanan at nagsimula nang maglibot sa buong baryo ng Asog. Sa kanilang paglalakad, nasalubong nila si Anaki.

"Anaki," nagbigay galang si Takay sa nakakita kay Luisa sa itaas ng bundok.

Ginaya ito ni Luisa na siyang ikinatuwa ni Anaki. Saka lamang napansin ni Luisa na kasama niya ni Wani. Ang dalagang una niyang nakausap nang makarating siya rito.

"Luisa!" masayang bati ni Wani.

Laking tuwa ni Luisa nang mapansing natandaan ni Wani ang kanyang pangalan. Kapansin pansin ang matingkad na kulay pula sa magkabila nitong manggas. Maging ang kulay berde nitong malong bilang kanyang pang-ibaba. Nginitian niya ito nang malawak maging si Anaki.

"Mabuti at nakangiti ka na ngayon," panimula ni Anaki.

Agad namang napatingin si Luisa kay Takay, senyales na isalin ito sa salitang maiintindihan niya. Kaagad naman naunawaan ni Takay ang tingin ni Luisa.

"Ang sabi niya ay mabuti at nakikita niyang nakangiti ka na ngayon," bulong ni Takay sa kaniya.

Naramdaman niya ang pag-init ng kanyang mga pisngi sa papuri ni Anaki sa kanya. "Maraming salamat po," nahihiya niyang banggit.

Tumango lamang si Anaki tinapik ang balikat ng dalaga. Napagdesisyunan na nilang mag-ina na magtungo na sa kanilang pupuntahan kaya't nagpaalam na ang dalawa kina Luisa at Takay.

"Si Anaki ba ang namumuno sa lugar na ito?" natanong ni Luisa nang magsimula na silang maglakad.

"Oo. Siya ang sumasagot sa bawat tanong ng mga tao rito at siya rin ang namamahala sa bawat problemang kinakaharap ng buong baryo. Ngunit may mga kinikilala kaming panginoon sa lugar na ito at sila ay mas mataas sa antas ni Anaki."

"Panginoon?"

"Oo," lumingon si Takay kay Luisa. Napansin muli ni Luisa ang pakabalisa ng kanyang mga mata katulad nang pagbanggit niya tungkol sa mga kasuotan niya.

Magtatanong pa sana si Luisa tungkol dito nang mapansin niyang palapit sa kanya ang isang pamilyar na lalaki. Suot ang puting bahag at ilan sa mga porselas sa kanyang pulso. Dala dala ang malalawak na ngiti gamit ang makakapal nitong mga labi. Si Martino.

Hindi alam ni Luisa kung bakit bigla siyang kinabahan nang maalala niya ang pangalan nito. Pumasok sa kanyang isip ang pangalan ng nagligtas sa kanya sa gitna ng pamamahiya nila Rosa, Eli at Jo. Naalala rin niya ang biglaang pag-add sa kanya nito sa facebook. Nais niyang isipin na ang Martinong nasa harapan niya ngayon ay iisa lang sa Martin na kilala niya sa kanyang panahon. Ngunit napakaimposibleng mangyari iyon dahil kung susuriin, magkaiba ang kanilang kutis at lalong lalo na ang kanilang mga labi. Katamtaman lamang ang laki ng labi ni Martin habang makakapal naman kay Martino.

"Marhay na udto, mga binibini."

"At sa iyo rin," sambit ni Takay.

"Saan kayo patungo?"

"Nais kong ilibot si Luisa sa ating lugar. Ayokong tayo lang ang makakakita ng ganda ng Asog."

Tumawa si Martino. "Kung ganoon naman pala, maaari ko ba kayong samahan?"

Nabigla si Luisa nang mapansing sa kanya nakatingin si Martino. Parang may bumara sa kanyang lalamunan at sa mga sandaling iyon, nakalimutan niya kung paano magsalita.

"Uh.."

"Pagpasensyahan mo na si Luisa, Martino. Hindi pa siya gaanong nakakasabay sa kultura natin," rinig na paliwang si Takay. "Pero kung nais mong sumama, halina't baka maabutan pa tayo ng mataas na sikat ng araw."

Nagsimula nang maglakad ang tatlo. Malawak na ngiti ang makikita sa mga mukha ni Takay, tila parang may inaasam na magandang mangyayari sa kanyang umaga. Habang sinusubukang makisama ni Luisa sa dalawa at pilit na nilalabanan ang hiya kapag kinakausap siya ni Martino.

Sa kabilang banda, hindi maiwasang hindi mapatingin ni Martino sa bagong dalagang kasama nila. Ang kasuotan nito ay bumagay sa maaamong mukha ni Luisa. Pansin din niya ang nahihiyang paggalaw nito sa tuwing magdidikit ang kanilang mga braso. Iba rin ang amoy ng dalaga sa ilong ni Martino. Simula nang makita niya ang dalaga, hindi na nawala sa kanyang pang-amoy ang amoy nito. Tila nabighani ang binata sa gandang taglay ng dalaga.

Napansin ni Luisa na paakyat sila nang paakyat sa sa bundok kaya pinipilit niyang itago ang kanyang hingal. Hindi siya sanay sa ganitong paglalakbay dahil palagian siyang nakahiga o hindi kaya'y nakaupo sa kanyang kwarto. Nagsimula nang manakit ang kanyang mga tuhod at nakaramdam na ng gutom. Hindi kasi sila nakapag-almusal ni Takay kanina na siyang pinagtaka ng dalaga.

Inilihis na lang ni Luisa ang kanyang atensyon sa malalaking puno na kanilang nadaanan. Kita ni Luisa ang matatayog at malulusog na puno na nakatayo sa bawat paligid. Masaya itong sumasayaw sa indayog ng preskong hangin at tila hindi alintana ang paparating kasalukuyan sa kanila. Unti unti, mababawasan ang kanilang angkan.

Ikinalungkot ito ni Luisa dahil sa kanyang panahon, kaunti na lang ang mga punong nakatayo sa paligid. Hindi man pagod, ngunit madalas niyang nakikita ang mga ito na nakahiga't pawang nagpapahinga. Walang nag-utos na sila'y mamahinga't mamaalam. Tanging ang tulad niyang mga tao ang nagsilbi nitong kalaban upang mabuhay. Nakalulungkot para kay Luisa na kung ano pa ang mga bagay na tutulong sa atin upang mabuhay, ito pa ang pilit na pinapawi ng ilan.

Hindi napansin ni Luisa ang isang ligaw na tangkay sa kanyang dadaanan. Dahilan para matapilok ang dalaga at napasigaw na lang sa sakit. Nagkaroon ng maliit na sugat ang kanan niyang tuhod ngunit hindi ito ang dahilan ng kanyang paghiyaw. Ang matagal na paglalakbay ang siyang pumagod sa mga tuhod at binti ng dalaga.

Dali-daling lumapit si Takay ay Martino sa kanyang pwesto.

"Ayos ka lang?"

"Anong nangyari?"

Halos magkasabay na tanong ng dalawa.

"Natapilok lang ako," sinubukang tumayo ni Luisa. "Huwag niyo na akong alalahanin."

Nabigo siyang magpanggap na hindi masakit ang kanyang binti dahil napaupo siya muli sa lupa. Sinubukan pa niyang tumayo muli ngunit hindi na niya kaya talaga.

"Huwag mo nang pilitin ang sarili mo, sumakay ka na lang sa likod ni Martino. Malapit na rin naman tayo makarating."

Biglang namula ang mukha ni Luisa sa suhestyon ng kanyang kaibigan. Hindi na rin siya makaangal dahil nakahanda na ang likuran ni Martino sa kanyang harapan. Agad siyang tinulungan ni Takay tumayo at lumapit sa pwesto ni Martino. Nagaalangan siyang isabit ang kanyang braso sa leeg ni Martino. Bukod sa wala itong pang-itaas na damit, nakakailang ang bawat pagdikit ng kanilang mga balat.

Nang matagumpay niyang ipulupot ang kanyang mga braso sa binata. Kaagad na bumwelo si Martino upang i-angat si Luisa. Hindi naman nahirapan si Martino dahil bukod sa malakas pa ang kanyang pangangatawan, magaan lamang buhatin si Luisa. Nakaramdam nang pagbilos ng tibok ang binata nang mapagtantong halos nakayakap sa kanyang ang dalaga. Sa pamamagitan nito, nagkaroon siya ng pagkakataong amuyin ang halimuyak ni Luisa.

Sa kabilang banda, napuno ng kagalakan ang dalagang si Takay. Ilang minuto na lang ay makikita na niya ang taong nagpapaligaya sa kanyang buhay. Ilang araw din silang hindi nagkita dahil ang kanilang lihim na pagtingin sa isa't isa ay hindi maaaring malaman ng iba. Ngunit kayang itong tiiisin ni Takay dahil alam niyang may plano na ang kanyang minamahal sa kanilang dalawa. Ang kailangan niya ngayon ay magtiwala sa isa't isa.

Tanaw na nilang tatlo ang kulay asul na kalangitan. Ibig sabihin ay nasa tuktok na sila ng bundok. Sa isip isip ni Luisa nang matanaw ang kataasan ng bundok, saan kaya siya natagpuan ni Anaki nang makarating siya sa lugar ng Asog. Nakaramdam ng engganyo ang dalaga nang maisip na baka may clue sa bundok na ito kung paano siya makakabalik sa kanyang mundo. Nawala sa isip ni Luisa na nakasakay pa pala siya sa likod ni Martino nang bigla itong gumalaw.

Naramdaman ni Martino ang biglaang paggalaw ng dalaga na nakapasan sa kanyang likuran kaya napatigil sila sa paglalakad.

"Anong problema?" nag-aalalang tanong ni Martino habang sinubukang silipin sa gilid si Luisa.

"Uh, w-wala…Pasensya ka na, may bigla lang pumasok sa isip ko," mahinang sabi nito.

Halos mabitawan ni Martino ang dalaga nang ipagpatuloy nila ang paglalakad nang maramdaman ang mainit na hininga nito sa kanyang tainga. Tila nanlambot ang kanyang mga malalakas na buto at dahil lang sa pagsagot ng isang dalaga parang hindi niya kakayaning magbuhat ng isang papel.

Nahiya naman bigla si Luisa nang wala siyang nakuhang tugon sa binata kaya napagdesisyunan niyang bumaba na lamang tutal ay malapit na sila sa kanilang pupuntahan.

"Pwede mo na ba akong ibaba rito?"

Muli, tumigil sa paglalakad si Martino. "Kaya mo na bang maglakad?"

"Siguro. Pero mukhang malapit na rin naman yata tayo."

Dahan dahang ibinaba ni Martino ang dalaga at inalalayan itong makatayo ng maayos. "Sigurado kang kaya mo na? Hindi pa naman ako pagod."

Tumango na lamang si Luisa at nagpasalamat sa kabutihang pinakita ng binata.

Saka lamang nila napagtanto na malayo na ang agwat nila sa kasama nilang si Takay kaya nagmadali na rin silang habulin ito. Inaaalalayan pa rin ni Martino ang bawat hakbang ni Luisa dahil baka matumba ito muli. Napansin naman ito ni Luisa kaya habang nagmamadali, hindi niya maiwasang mapangiti. Tunay ngang magalang at marespeto ang tulad ni Martino.

Nang makarating sila pinakatuktok ng bundok, namangha si Luisa sa kanyang nakikita. Kasabay sa paghampas ng hangin sa kanyang mukha, kusa niyang itinaas ang kanyang mga braso at mas dinamdam ang sariwang hangin. Hindi katulad sa hangin ng Maynila, itong hangin na ngayon ay humahalik sa kanyang balat ay wala pang halong usok ng mga sasakyan, ng mga pabrika, ng mga usok sa gitna ng pagsisiga ng basura. Ang hangin na ito ay puno ng halimuyak ng mga puno't halaman na nakatanim sa paligid ng bundok.

Tanaw mula sa kanilang pwesto ang buong baryo ng Asog. Ang mga matitibay na kubong nakatayo sa pagitan ng mga matatayong na puno at ang mga taong patuloy pa rin sa pagtutulungan. Ang ilan ay sinusubukang kumuha ng prutas, ang ilan ay gumagawa ng bagong kagamitan gawa ng mga kawayan at mga dahon ng puno. Lahat ng ito ay tanaw niya mula sa kanyang kinatatayuan. Ang tunay na ganda ng Pilipinas ay sa wakas naranasan na niya. Ito ang tunay na kayamanang pilit pag-agawan ng ibang bansa.

Dahil sa ganda nito, lahat ay naaakit, lahat ay nais manligaw. Nangarap na mapsakanila ang kagandahan nito ngunit hindi nangakong aalaga't mamahalin. Ang halimuyak ng kayamanan kanila'y naamoy, tila naadik at hindi na tinigilan. Maraming nagtangkang manligaw ngunit ni kailanman hindi hiningi ang mga kamay nito. Patuloy na pumasok sa tahanan ng Pilipinas dala ang daan daang bala't bomba imbis na rosas. Hindi kailanman humingi ng pahintulot sa tunay na magulang (ang mga Pilipino ngunit pinatuloy pa rin sila ng mga ito. Sa pagkakataong ito, nabuo ang salitang hospitable. Malugod na tumatanggap ang mga Pilipino ng mga bisita, hindi alintana ang panganib na nakaambang sa kanila.

Ngayon, sa panahon ni Luisa, walang hanggan ang labanan ang gyera. Tahimi ngunit mapanganib. Kailan makakamit ang tunay na kasarinlan sa bansang minahal at mamahalin ni Luisa.

Hindi namalayan ni Luisa na natulala na naman ito sa kawalan. Nawala na naman ang kanyang sarili sa panandaliang pagkamangha sa ganda ng Asog.

"Luisa," narinig niyang tawag ni Takay mula sa kaniyang likuran.

Nang mailingon niya ang kanyang ulo, hindi na lamang si Martino ang kasama nilang lalaki. Ang makikisig na braso ang pumukaw sa kanyang atensyon sa bagong itsura na kanyang nakita dito sa baryo ng Asog. Katabi nito si Takay na abot langit ang ngiti.

"Luisa, nais kong ipakilala sayo ang aking mahal."

Nanlaki ang mga mata ni Luisa nang maunawaan ang ibig sabihin ni Takay kaya agad siyang napatingin muli sa lalaki.

"Si Kanaway," may lambing sa kanyang mga tinig na ikinagulat ni Luisa. Ito ang unang pagkakataong nakita niya si Takay na maging malambot.

Kusag itinaas ni Luisa ang kanyang kanang kamay at biglang, "Hi!"

Seryosong nakatitig lamang ang tatlo sa kanya matapos niyang sabihin ang kanyang pagbati. Ilang segundo ang lumipas nang mapagtanto ng dalaga na salitang Ingles ang kaniyang binanggit. Kaagad na namula ang kanyang mukha sa kahihiyang sinapit ng kanyang ginawa.

"Ang ibig kong sabihin ay masaya akong makilala ka," hindi siguradong paliwanag ni Luisa dahil hindi rin niya alam kung ano ang salin ng Hi sa wikang Filipino at mas lalong hindi niya alam ang salita nito sa dayalekto ng Asog.

Nang maunawaan ng tatlo ang ibig sabihin ni Luisa, kaagad na kumurba ang mga labi nito at niyaya si Luisa na kumain na. Saka lang nakita ni Luisa ang pagkaing nakahain sa ibabaw ng guhitang kumot sa lapag. Mukhang pinaghandaan ang kanilang pagkain sa dalawang tao lamang.

"Pasensya na kung ito lang ang ating pagkain, hindi ko inaasahang may kasama pala si Takay," panimula ni Kanaway gamit ang salitang Tagalog.

Pumalakpak sa tuwa si Takay nang marinig ang kanyang nobyo. "Gumagaling ka na katulad ni Martino!"

Napayuko naman ang ulo ni Martino sa papuri ni Takay. Habang pabalik balik na tingin ang ginawa ni Luisa sa tatlo. Buong akala niya may relasyon sina Martino at Takay dahil sa mga lihim na pagtingin nito. Pero nang biglang nagpakilala si Kanaway, mas gumulo na naman ang kanyang haka-haka.

"Aba, oo naman! Mana yata sa akin ang kapatid ko." nagmamalaking banggit ni Kanaway habang tinapik ang balikat ng kanyang kapatid.

Napa-nganga na lamang si Luisa sa rebelasyon na kanyang nalaman ngayon araw.