Chereads / Takay's Withered Petal [Filipino] / Chapter 3 - (3) Martin Pohl

Chapter 3 - (3) Martin Pohl

Matapos ang intensadong almusal kaninang umaga, nagkulong si Luisa sa loob ng kanyang kwarto

Sumapit na ang gabi at ngayon ay nakahiga at nakatitig lamang si Luisa sa kisame ng kanyang kwarto. Ang kanyang ama naman ay saglitang sumilip sa kanyang kwarto; kauuwi lamang nito galing sa trabaho habang ang kanyang ina ay nagpapahinga na sa kabilang kwarto. Habang nakikinig ng mga kanta ng kanyang paboritong banda na Ben&Ben kaagad na nag-init ang mga mata nito at naguunahang magsitulo ang kanyang mga luha. Hindi na ito napagilan ni Luisa dahil kanina pa lamang noong siya'y naghuhugas ng plato, nais na niyang umiyak.

Pinunasan niya ang mga luha sa kanyang pisngi ngunit patuloy pa rin ito sa pagtulo kaya hinayaan na lamang niya itong magkalat sa kanyang unan.

Ito ang isa sa mga ayaw ni Luisa sa kanyang sarili. Mabilis siyang umiyak. Masyado siyang maramdamin. Hindi niya kayang kontrolin ang kanyang sarili sa mga nangyayari sa kanya. Hinahayaan niyang maghari ang kanyang emosyon at ito ang nagkokontrol sa kanya kaya sa tuwing siya ay dinadalaw ng lungkot. Kusa na lamang na may babara sa kanyang lalamunan at magsisimula nang magsituluan ang mabababaw niyang mga luha. Nais niyang maging matapang ngunit sa bawat araw na susubukan siya ng pagkakataon, siya'y nagiging duwag. Nagmistulang pipe na hindi makapagsabi ng tunay na nararamdaman. Tila isang walang tasang lapis; buo pero hindi sapat para isulat sa papel. Buo pero walang silbi.

Ito na naman ang pamilyar na lambing ng kalungkutan. Yayakapin ka ng malamig sa kamay habang ibubulong sayo ang mga bagay na pilit mong kinakalimutan. Hindi palalampasin nito ang mabigat nitong tanday sa iyong dibdib at hanggang sa mananahan na ito sa iyong kalooban. Para kang mabubulag sa kadiliman, hindi ka bibigyan ng ilaw at kukumbinsihin kang tumalikod sa liwanag.

Ang malambot na unan na kanyang hinihigaan ay napuno na ng luha. Siguro ang iba ay laway na. Mapapansin mo pa ba kung ano ang tumutulo kung ilalayo ka ng kalungkutan sa iyong reyalidad?

Napakasama ng tadhana sa kanya. Naisip niya kung may kapatid siya ngayon katulad ni Luna, hindi niya mararamdaman ang bigat ng pagiging mag-isa. Walang kausap, walang mapagkwentuhan. Nais niyang palitan ang mahihinang hikbi sa malalakas na halakhak. Punuin ng tawanan ang madilim at malamig niyang kwarto. Ang dami niyang gustong gawin kung may kasama lamang siya. Kapatid man o kaibigan.

Dagdag sa kanyang dinaramdam ang kawalan ng kaibigan sa buong buhay niya. Simula nang siya ay pumasok sa paaralan, hindi niya kayang makipaghalubilo sa mga tulad niya. Maraming nagtangkang makipagkaibigan ngunit hindi ito nagtatagal. Maraming may ayaw sa kanya. Sa nagdaang mga taon, nakumbinsi na rin niya ang kanyang sarili na hindi kagusto-gusto ang kanyang personalidad.

Sa lahat ng nagiipon, kaibigan man o pera, tanging medalya lamang ang naipon nito. Alam niya sa kanyang sarili na hindi sapat ang medalya o sertipikasyon para masabing masaya na ang isang tao. Oo, tama ang iba na isa ito sa dapat pagsikapan ng mga tao. Ngunit anong saysay ng karangalan kung sa iyong buhay wala kang kaibigan? Anong saysay ng matataas na grado kung isa ito sa dahilan para layuan ka ng mga sa paligid mo? Nanaisin mo pa bang mapunta sa tuktok at hayaan ang mga taong nasa ibaba na masayang nagtatawanan?

Natigil si Luisa sa kanyang mga napagtanto sa buhay nang biglang na lamang tumunog ang kanyang selpon sa ilalim ng kanyang unan. Kaagad siyang tumahan at kinabahan sa pagkakataong iyon dahil minsan lang siya makatanggap ng notipikasyon mula sa kanyang peysbuk. Kinailangan pa niyang punasan ang kanyang mata dahil nanlabo ang kanyang paningin gawa ng kanyang luha.

Napaupo siya nang mabasa ang notipikasyon.

Martin Pohl sent you a friend request.

Sa itinagal tagal ng kanyang peysbuk, tanging ang kanyang magulang at ibang mga pinsan lamang ang kanyang kaibigan dito. Isama mo na ang mga gurong kailangan mo i-add para sa inyong proyekto.

Ilang minuto bago niya mapagtanto na inadd siya ng isang misteryosong lalaki sa kanilang paaralan. Hindi pa rin niya maintindihan kung bakit siya inadd nito dahil hindi naman sila ganoon kalapit sa isa't isa at higit sa lahat hindi niya nakakausap ito.

Nang matitigan niya ang litrato ni Martin, isang nakabusangot na mukha ang bumungad sa kanya. Pinagpatuloy niya ang pagtitingin at napansin niyang hindi ito nasubukang ngumiti sa bawat larawan. Hindi niya maikakailang magandang lalaki si Martin dahil sa kanyang makakapal na kilay. Maging ang katamtamang hugis ng kanyang mga mata at ang matangos nitong ilong. Kung susubukan nitong ngumiti, panigurado maraming mga babae ang magkakagusto sa kanya.

Ibinalik siya ng kanyang sariling isip nang maalala ang unang nilang pagkikita.

Sa isang maulang Agosto sa taong dalawanglibo't labing-pito, mag-isang nagmamadaling naglalakad ang isang Grade 12 Senior High Student na si Luisa Montevirgen sa masikip na hallway ng SUP.

Malakas na hampas ng hangin at ulan ang bumuhos sa labas ng gusali. Nakapagtatakang hindi naantala ang pasok ng mga estudyante ngayon dahil sa bagyo. Ilang mga estudyante ang katulad ni Luisa na basang basa dahil sa biglaang buhos ng ulan. Sari-saring reklamo rin ang kanyang naririnig sa habang naglalakad. Hindi man aminin ni Luisa, kahit siya rin ay nagrereklamo kung bakit may pasok pa ngayon. Panigurado naman ay pauuwiin din sila kapag mas lumakas pa ang ulan.

Ngunit na siyang oras para magreklamo pa at makisali sa mga ibang estudyante dahil maliban sa hindi niya ito mga kilala, nahuhuli na rin siya sa kanyang klase. Ito ang unang beses niyang mahuhuli sa klase. Nang dahil sa ulan, nahirapan niyang sumakay sa jeep dahil punuan na ang mga ito at matumal lang dumaan ang mga jeep sa kanilang lugar. Dumagdag pa ang walang hanggang trapik sa Pilipinas. Hinding hindi talaga ito mawawala sa mga rason kung bakit nahuhuli sa eskwela o trabaho ang mga estudyante. Isa man ito sa magdedepina bilang isang tunay Pilipino, hindi dapat laging ganito ang sitwasyon ang pinapairal ng mga ito. Kung may kakayahan lang siyang magbigay ng solusyon para mapuksa ang trapik, matagal na niyang ginawa. Ngunit para kay Luisa, nasa kamay na iyon ng mga nakaupo sa taas. Nakalulungkot isipin na kahit sila, hindi rin masolusyunan ang problema ng Pilipinas.

Sa kamamadaling makarating sa kanyang classroom at nalunod na naman sa malalim na pag-iisip, habang naglalakad isinabay niya na ang pagtupi ng kanyang payong. Hindi siya gaano nakatingin sa daan at hindi niya napansin ang isang grupo ng mga babae sa kanyang dadaanan.

At nangyari nga ang dapat mangyari. Nabangga niya ang tatlong babae at sila'y napaupo sa lakas ng pagbangga. Naibagsak ni Luisa ang kanyang payong at laking gulat niya na ang tatlong babaeng nabangga niya ay nakatitig sa kanya ng masama.

'Bakit sila pa ang mababangga ko?' bulong ni Luisa sa kanyang sarili.

"Pasensya na kayo, hindi ko sinasadya," paumanhin ni Luisa habang akmang pupulutin ang payong pero huli na nang tapakan ito ng isang babaeng may suot na pulang singsing sa kanyang palasingsingan.

"Bulag ka ba?" sigaw niya kay Luisa.

Umiling si Luisa at kukunin muli ang payong ngunit mas tinapakan pa ito ng babae.

'Malelate na ako!' natataranta niyang reklamo sa sarili.

"Mukhang pipe rin, Rosa!"

"Kadiri, nabasa tuloy damit ko!"

Sabay na sabi ng kasama nitong dalawang babae.

Sila ang pinaka-bully sa Senior University of the Philippines. Hindi rin alam ni Luisa kung bakit sa edad nilang disesyete nauuso pa rin ang ganitong sitwasyon sa bawat paaralan.

Inalis na ni Rosa ang pagkakaapak niya sa payong at sinipa ito palayo sa kanilang pwesto. Ikinagulat ito ni Luisa dahil ang payong na iyon ay bagong bili pa lamang ng kanyang ina at paniguradong pagagalitan siya nito. Ilang payong na ba ang naiwala niya noon?

Aalis na sana siya para kunin ang payong ngunit pinigilan ito ni Rosa. Mahigpit na hinawakan ni Rosa ang payat na braso ni Luisa at iniharap pabalik sa kanilang tatlo.

"Hindi pa tayo tapos mag-usap. Ang ayoko sa lahat ay iyong tinatalikuran ako," mariing sabi ni Rosa.

Nakayuko lamang si Luisa dahil hindi niya alam kung paano iligtas ang kanyang sarili. Hindi ito ang unang beses na nangyari sa kanya kasama ang tatlong mga babaeng ito. Walang araw na hindi siya pinagkakaisahan ng mga babaeng ito at hindi malaman kung ano ang dahilan kung bakit siya ang pinag-iinitan ng tatlo.

Saka lang napagtanto na sa tulad ni Luisa, sinong hindi maeengganyo paglaruan siya? Hindi siya 'yonh tipong lumalaban at para maiwasan ang paglala ng sitwasyon, nasanay na siyang sundin na lamang ang mga inuutos ng tatlo. Kahit na ito ang ikakasira ng kanyang pagkatao, ayaw niyang abalahin ang nagtatrabaho niyang ama at ang kanyang ina kapag pinatawag sila ng eskwelahan dahil nasangkto siya sa isang walang kwentang away.

Napansin din niyang marami na ang nakakakita sa sitwasyon nila.

Hindi na rin ito bago kay Luisa dahil ito ang gusto ni Rosa, Eli at Joe. Siguro isa ito sa dahilan kung bakit nais niyang pagkaisahan si Luisa. Atensyon. Ang pagpiyestahan ng mga tao habang inaapi nila si Luisa. Sanay na rin siyang walang tumutulong sa kaniya at naiintidihan niya iyon. Walang nais bumangga sa tatlo. Katulad ni Luisa, takot din silang masangkot sa gulo. Ano ba ang depinisyon ng pagiging duwag?

Lumapit ang naka-tirintas ang buhok kay Luisa.

"Teka, bakit ang baho?" tanong ni Eli habang inamoy amoy ang paligid. Nang mailapit ni Eli ang kanyang ilong sa kinaroroonan ni Luisa, kaagad itong napamura at lumayo sa dalaga. "Seryoso ka ba dyan sa pabango mo? Grabe, naligo ka ba?"

Nagtawanan ang tatlo kasama na ang mga nanonood sa munting palabas. Hinayaan na lang niya ang mga ito at aalis na sana sa kanyang pwesto ngunit sa pangalawang pagkakataon, pinigilan ito ni Rosa. "Sa susunod, kapag babanggain mo kami, subukan mo munang maligo," sambit nito at saka itinulak si Luisa palayo.

Sa sobrang kahihiyan, hindi niya namalayan na nanlambot na ang kanyang mga tuhod kaya nang siya ay itulak ni Rosa, napaupo at sobrang lakas ng pakakasampo ng kanyang pwetan sa sahig. Muli, nagtawanan ang lahat bago lubayan si Luisa. Maging ang tatlong si Rosa, Eli at Joe ay pumasok na sa kanilang silid-aralan.

Nais niyang sumigaw, magmura. Ngunit sa mga oras na ito, imbis na salita ang lumabas sa kanyang bibig, tanging ang mga luha ang nagsisiunahang magsilabas sa kanyang mga mata.

Sa kabilang banda, may nakakita ng payong ni Luisa. Hindi niya balak pulutin ito ngunit sumakto ito sa kanyang paanan at nahuhuli na rin siya sa kanyang klase. Wala na siyang oras para makisali sa palabas. Kaagad siyang naglakad sa pwesto ni Luisa na ngayon ay sinusubukang tumayo ngunit hindi niya magawang itukod ang kanyang mga braso dahil pawang nawalan ito ng lakas.

Nang makalapit ang misteryosong lalaki sa dalaga, tinulungan niya itong tumayo at ibinigay ang payong. Nabigla si Luisa nang magdampi ang balat nito sa kanyang braso. Kahit kailan walang tumulong sa kaniya at ngayon, isang misteryosong lalaki ang nagbigay sa kanya ng payong. Hindi siya makapaniwala sa nangyari sa kabila ng kahihiyang natamo niya.

"Ikaw si Luisa, hindi ba?" tanong ng lalaki.

Tumango si Luisa habang pinupunasan ang luha.

"Sa susunod, huwag mong titiklupin ang payong mo habang naglalakad," payo niya at tuluyan na siyang lumisan sa tabi ni Luisa.

Ang palabas ay natapos sa isang tapik ng isang misteryosong lalaki. Hindi nakaligtas sa mga mata ni Luisa ang pangalan nito na nakaukit sa kanyang I.D.

Martin.

Ibinalik si Luisa sa kasalukuyan nang bigla na namang tumunog ang kanyang selpon. Isang mensaheng pinadala ng TnT.

Muli niyang tinitigan ang pangalan ni Martin.

"Siya nga ito…pero bakit?" tanong ni Luisa sa kanyang sarili.

Minsan sa buhay, kapag nanahan na ang takot sa iyong dibdib, hindi mo na namamalayang isinasara mo na ang pinto ng iyong puso. Maitatanong mo na lang sa sarili mo na totoo bang nais nilang makipagkaibigan sayo o sa huli sasaktan at iiwan ka lang din?

Alam ni Luisa na walang permanente sa buhay bukod sa kalungkutan. Dahil sa ilang taong paghinga sa mapolusyong hangin sa Maynila, ang kasiyahan ay tila may kabayaran. Hindi niya alam kung magkano ngunit handa siyang magwaldas kung papalarin. Ang pangamba sa kanyang loob ay habambuhay na mananahan, patuloy na magsasara ng pinto at bintana. Patuloy na yayakapin ng kadiliman.

Ilang minuto rin niyang pinag-isipan kung i-accept niya ito ngunit sa huli, kanya itong tinanggap bilang kaibigan sa peysbuk. Naisip niya na baka pagsamaan siya ng tingin nito kapag hindi niya ito tinanggap at sabihin na wala siyang utang na loob.

Nang dahil sa payong, nagkaroon siya ng utang na loob kay Martin.

Wala rin namang mawawala sa kanya kung tatanggapin na ang request ng binata, Hindi naman ibig sabihin nito ay manliligaw na ito sa kanya.

"Teka, ano ba 'tong iniisip ko?"

Inilapag na niya ang selpon at inaliw ang sarili habang nakatitig sa malawak na lawa at sa liwanag ng buwan. Sa panandaliang pagbabalik tanaw sa nakaraan, nalimutan niya ang pag-iisip kay Takay at Luna. Hindi niya na rin muli pang malalaman ang tunay na nangyari sa pagitan ni Takay at Luna dahil kinuha na ng kanyang ina ang talaarawan. Wala na siyang mapagkakaabalahan maliban sa maglinis ng kwarto at tumitig sa kisame.

Napansin niyang nag-iba ang amoy ng hangin. Kaagad na tinakpan ni Luisa ang kanyang ilong dahil nanunuot ang baho ng hangin. Napatingin siya sa labas at wala namang nagsisiga ng kahoy o ng plastik. Tanging ang lawa lang ang tahimik na nagpapahinga sa isang hapon ng Bicol.

Saka lamang niya napagtanto na ang amoy na kanyang naaamoy ay galing mismo sa lawa. Lumabas siya ng kwarto at nagtungo sa kinaroroonan ng kanyang ina at ama. Naabutan niyang sarado na ang kanilang kwarto kaya napagdesisyunan niyang bumalik na lang sa kanyang higaan.

Nang isasara na niya ang bintana, napansin niya ang pamilyar na liwanag sa dulo ng lawa.

Si Takay.

Nanayo muli ang kanyang mga balahibo. Tinitigan niya ito nang matagal at nang siya'y malingat saglit, nawala ito nang parang bula, gaya nang pagkawala niya noong unang beses niya itong nakita.