CHAPTER ONE
"Just give it a try
Though I'm like chasing rainbows in the sky
I wanna hold you in my dreams
And make believe that it's true
Although I know, I know that it's impossible to do
'Cause you're a star~~~"
Nakapikit akong nakikinig sa paborito kong kanta habang sinasabayan ito. Pakiramdam ko ay para sa akin ang kanta. Na ako ang bituin tinutukoy doon.
Isang bituin na tanging sa kagandahan ng gabi lamang makikita.
"People love you as you are
You're a million miles away from me~~~"
Natigilan ako sa pagsabay sa kanta ng makarinig ako ng katok. Idinilat ko ang mga mata at umayos ng pagkakaupo. Narinig kong sinabi niyang papasok na siya. Si mama.
"Kumakanta ka?" Nakangiti niyang pagtatanong ng makapasok siya. Bahagya lamang akong tumango. Lumapit siya sa akin at umupo sa kamang hinihigaan ko.
"May kailangan po ba kayo?" Mahinahon kong tanong. Mahina siyang tumawa at hinaplos ang mahabang buhok ko.
"Ang anak ko, may kailangan agad? Aayain lang sana kitang mamasyal sa parke." Nakangiti niyang sabi at hinawakan ang magkabilang pisngi ko. Nanghaba ang nguso ko ng bigla ay pisilin niya iyon.
"Masakit ma." Reklamo ko. "Wala naman akong gagawin don ma."
"Mamamasyal nga tayo diba? Sige na, para naman maranasan mo ulit na makalabas ng bahay upang magsaya. Mula ng mamatay ang papa mo ay hindi ka na naglalabas. Paano kang makapagaasawa niyan?" Nangaasar ang boses na sabi niya. Sumama ang mukha ko. Ni hindi na nga ako nakatungtong sa kolehiyo. Napabuntong hininga ako sa naisip. Gusto kong mag-aral pero may mga humahadlang. Wala naman akong magawa dahil para rin iyon sa ikabubuti ko.
"Ma, wala po sa isip ko ang ganyan. At alam niyo naman pong---" inilagay niya ang daliri sa mga labi ko kaya natigil ako sa pagsasalita.
"Wag mo ng ituloy. Bumangon ka na riyan at mamasyal tayo." Pilit ang ngiting sabi niya bago tumayo at lumabas ng kwarto ko. Napabuntong hininga akong muli. Sana habang maaga pa ay matanggap na niya. Ayoko siyang mahirapan sa pagdating ng tamang oras.
Bumaba ako sa sala suot ang isang maong na shorts at puting t-shirt. Nakita at narinig ko si mama na may kausap sa phone. Umupo ako at hinintay na matapos siyang makipag-usap. Tumingin ako sa orasan, alas dyes palang naman ng umaga. Mahaba pa ang oras. Kung kanina ay tinatamad akong pumunta sa parke upang kahit papano'y makalanghap ng sariwang hangin at malibang, ngayon ay hindi na.
Makabubuti nga siguro sa akin ang lumabas at kahit minsan sa isang linggo ay makapaggala sa labas.
"Anak, hindi pala tayo pwedeng umalis ngayon. May importante akong pupuntahan anak." Malungkot ang boses na sabi niya sa akin ng matapos makipagusap at makalapit na sa akin.
Bigla ay nawala ang excitement na kanina ay naramdaman ko na. Akala ko ay makalalabas akong kasama siya. Madalas na rin kasing may ginagawa si mama. Mula ng mamatay si papa ay siya ang sumalo ng lahat ng naiwang trabaho nito. Gustuhin ko mang tumulong ay hindi ko magawa. Bukod sa wala akong alam tungkol doon ay ayaw naman ni mama na pag-aralan ko ang mga simpleng bagay para matulungan siya kahit papano. Baka raw mapagod pa ako at mapasama ang kalusugan.
"Pasensya na anak, ako pa naman ang nag-aya pero hindi matutuloy." Ngitian ko siya ng tipid. Naiintindihan ko naman ang sitwasyon niya. Ang mahalaga ay hindi niya ako nalilimutang pag-laanan ng oras niya.
"Ayos lang ma. Sigurado naman akong importante talaga iyan at di maaaring palagpasin." Nginitian niya ako. "Ako nalang po ang lalabas mag-isa. Magiingat po ako at di magpapagod." Dugtong ko dahilan para bahagya siyang magulat at nakita ko ang pag-aalala sa mga mata niya.
"Anak, baka mapano ka? Pano kung bigla ay mahirapan kang huminga?" Nagaalalang tanong niya. Natatawa akong inilingan siya.
"Ma, I'm 19. I'm not a five years old." Napangiwi siya sa sagot ko. Ngunit agad ring umiling at sumilay ang munting ngiti sa labi.
"Mag-iingat ka. Tawagan mo agad ako kung may maramdaman kang kakaiba." Nagbabantang nagpapaalala ang kanyang tono. Natatawa akong tumango. "Wag mokong tinatawanan Aonani Mireya!" Mataray ng sabi niya kaya pilit kong ginawang seryoso ang aking itsura kahit na ang totoo ay gusto ko ng humagalpak ng tawa.
"I promise ma, magiingat ako." Nakangiting sabi ko. Pabiro niyang kinurot ang tagiliran ko.
"O siya sige. Kailangan ko na ring umalis. Hindi ko pa alam kung anong oras akong makauuwi. Kumain ka muna bago umalis. Okay?" Sabi niya bago hinalikan ang pisngi ko at kuhanin ang bag niya. Kinawayan ko siya at hinintay na makalabas ng pinto.
Nakagat ko ang sariling labi. Kung ganon ay talagang mag-isa lang akong aalis ngayon. Lumakad ako patungo sa kusina, nakita ko si yaya na naroon at abala sa paghihiwa ng kung ano.
"Ma'am nagugutom na po ba kayo? Tatapusin ko po ito agad." Baling sa akin ni yaya mira. Isang taon lang ang agwat namin pero nagpupumilit siyang yaya ang itawag ko sa kanya at ma'am ang sa akin. Kaya kahit naiilang ay sinusunod ko na lamang.
Umiling ako. "Hindi na, sa labas na lang ako kakain, si mama baka hapon na siya makauwi. Kayo nalang kumain." Nag-alangan naman agad ang kanyang itsura.
"Alam po ba ni Ma'am Alice na aalis kayong mag-isa? Gusto niyo po bang pasamahan ko kayo?" Nag-aalalang sabi niya. Nginitian ko siya.
"Ayos lang ako. Alam ni mama, wag kang mag-alala. Tatawag ako kapag kailangan ko kayo. Magpapasundo nalang ako at magpapahatid." Hindi ko na hinintay pa ang sagot niya at tumalikod na. Hinanap ko si Kuya Gab at nagpahatid sa park. Don nalang muna ako magpapalipas ng oras. Hindi pa naman ako nakakaramdam ng gutom.
Wala pang limang minuto ng makarating kami sa park. Ayaw pa nga akong iwanan ni kuya gab dahil baka raw kung anong mangyari sa akin. Mas maganda raw na narito siya. Pilit ko siyang pinabalik sa bahay dahil gusto ko namang maranasang normal ako at walang sakit.
"Sige po ma'am, basta tumawag lang po kayo agad. At wag po kayong magpapagod." Paalala niya bago tuluyang umalis. Kumaway ako at pinanood siyang makaalis.
Nagsimula akong maglakad-lakad habang pinagmamasdan ang mga sayaw ng dahon ng puno dahil sa katamtamang lakas ng hangin. May mga bata ring masayang naghahabulan sa damuhan. Huminto ako ng matapat ako sa isang puno ng mangga. Umupo ako sa damuhan at pinanood sila.
Hindi ko maiwasang makaramdam ng inggit sa nakikita kong saya sa mga mukha nila habang naglalaro. Ang sarap siguro ng normal ka at nagagawa mo ang lahat ng mga bagay na nagagawa ng ibang bata. Ang maglaro at magpagod sa labas. Bagay na hindi ko naranasan dahil sa sakit ko.
Nahawakan ko ang parte kung saan naroon ang puso ko. Sana naging normal ka nalang.
Lumipas ang oras at nakatanga pa rin ako sa pwesto ko. Pakiramdam ko'y nakalutang ako at wala sa sarili. Mas mabuti pa yatang nasa bahay lang ako. Iilan nalang din ang taong narito dahil tanghalian na. Umuwi na lang kaya ako?
Tumayo ako at pinagpag ang shorts. Naramdaman ko ang phone ko sa bulsa. Kinuha ko at tinignan. Si yaya.
"Hello po?" Bungad sa akin ng masagot ko ang tawag. "Hello ya?"
"Magpapasundo po ba kayo o padadaldahan ko nalang po kayo ng pananghalian?" Napangiti naman ako. Talagang inaalala nila ako. At alam kong hindi lang iyon dahil sa trabaho nila.
"Hindi na po. Hahanap nalang ako ng makakainan."
"Eh ma'am--"
Bumuntong hininga ako. "Okay lang ako. Tatawag nalang ako pag nakakain na ako. Wag niyo akong alalahanin. Hindi ko naman ipapahamak ang sarili ko."
May ilan pa siyang mga ipinaalala bago tuluyang nagpaalam na puputulin na ang tawag. Napaisip ako. Saan ako ngayon kakain?
Dinala ako ng mga paa ko sa lugar kung saan may iba't ibang klase ng pagkain. Street foods. Noon ay nakakakain pa ako ng mga ganito kahit kaunti lang. Pero mula ng mangyari ang aksidente kung saan din kinuha sa amin si papa ay pinagbawalan na ako ng doktor. Makaaapekto raw kasi ito sa akin dahil mamantika.
Hindi ko naman maitatangging matapos ang aksidente ay lumala nga ang sakit ko sa puso. Kung noon ay hindi ako umiinom ng maraming gamot, ngayon ay madami na. Kaya nga pinilit ako ni mama na huminto sa pag-aaral dahil para rin daw iyon sa akin. Na kung gusto ko pa rin talagang makatapos ay sa bahay nalang ako. Pumayag ako kahit na labag sa loob dahil ayoko namang nakikita siyang panay ang pag-aalala at intindi sa akin dahil maghapon niya akong hindi nakakasama at nakakausap.
Luminga ako sa paligid, humahanap ng pwedeng mabili. Hindi naman siguro agad ako mamamatay kung sakaling kumain ako nito ngayon. Isa pa, tanggap ko na. Madalas ng huminhinto sa pagtibok ang puso ko pagkatapos ay biglang babalik. Senyales iyon para sa akin na hindi na ko tatagal. Gusto kong magawa ang mga bagay na hindi ko nagagawa.
"Nay magkano po dito?" Tanong ko sa matandang babae ng makalapit ako. Nagtitinda siya ng mga tinapay at mga candy. Madami ang nagtitinda ng mga pagkaing kanina ay gusto ko ulit na matikman pero siya ang nakaagaw ng pansin ko. Kapansin pansin ang kapayatan niya at pagod na itsura. Nakaramdam ako ng awa. Hindi ko kakayaning makita ang nanay ko na ganito.
"Syete pesos iyan iha." Nakangiti niyang sabi na tila ba masaya na nakita ako. Hindi ko rin tuloy mapigilan ang ngumiti pabalik. Ang ganda ng pagkakangiti niya.
"Dalawa po nay." Sabi ko at kumuha ng dalawa. Iniabot ko sa kanya ang isang daan at akmang susuklian ako pero hindi ko na tinanggap.
"Sainyo na po yan nay. Tulong ko po sa inyo. Mukha po kasing wala pa kayong benta." Naaawang sabi ko. Mukha kasing wala pa siyang kinikita.
"Naku iha, hindi. Sukli mo ito, tanggapin mo." Pagpipilit niya. Kumuha nalang ako ng dalawa pang tinapay at ipinakita sa kanya.
"Okay na po ito nay." Sagot ko at lumapit sa katabing pwesto niya. "Pwede po bang tumabi?" Nakangiting tanong ko. Agad naman siyang tumango at pinagpagpag pa ang kahoy na inuupuan niya, isinapin niya ron ang panyong kanina ay nasa bag niya. Pinigil ko siya at walang sali-salitang umupo sa kanyang tabi.
"Naku iha maalikabok dyan." Gulat na sabi niya ng umupo agad ako. Natawa ako at sumenyas na ayos lang.
"Ilang taon na po kayo?" Masayang tanong ko at binuksan ang tinapay. Inalok ko siya pero agad siyang umiling.
"Sikisti seben na ako, ang mga anak ko'y nagsipag-asawa na kaya mag-isa nalang ako ngayon. Ang asawa ko ay matagal ng sumakabilang buhay." Bigla ay pagkukwento niya. Nakita ko pa kung panong namuo ang luha niya ng sabihin niyang matagal ng patay ang kanyang asawa.
67 na siya pero nagtatrabaho pa? Nasaan ang mga anak niya? Bakit siya hinahayaan dito? Nasa itsura ng matanda ang kahirapan sa katawan pero bakit hinahayaan nalang narito sa labas at naghahanap buhay pa?
"Mukhang napakabata mo pa iha, pero bakit tila matamlay ang 'yong mga mata?" Takang tanong niyang nagpagulat sakin, matamlay?
"Paano niyo naman pong nasabing matamlay?" Sa halip na sumagot ay inilingan niya ako. Nagkibit balikat ako at muling inabala ang sarili sa pagkain.
Habang ngumunguya ay naalala kong kailangan ko nga palang itext si yaya. Tiyak na magsasabi iyon kay mama at mag-aalala sila. Dinukot ko ang phone sa bulsa ng shorts ko at nagsimulang magtype ng message. Matapos mag-send ay ibinalik ko na ulit sa bulsa ko.
"Ilang taon ka na iha?" Nilunok ko ang kinakain ko bago sumagot.
"19 po nay." Maikling sagot ko. Magsasalita pa sana siya ng may lumapit upang bumili.
Napako ang tingin ko sa kanya. Nakangiti siyang nakikipag-usap sa matanda na ganon din sa kanya. Matangkad siya at napakaganda ng mga mata niyang nakikitaan ko ng dalawang emosyon, saya at lungkot.
"Naku, buti at narito ka na. Aba ay ilang linggo kitang hindi nakitang bata ka!" Tuwang tuwa sabi ng matanda pero mahihimigan ng pagtatampo. Kaano-ano niya ba ang lalaking to?
"Naging abala po kasi ako sa girlfriend ko." Nakangiting sagot ng lalaki. Naiiwas ko ang tingin. May girlfriend na pala siya. "Oh, may kasama po pala kayo?" Baling niya sa akin. Nginitian niya ako.
"Ah oo. Bumili siya sa akin ng biskwit at sinamahan na ako rito. Ano ngang pangalan mo iha?" Tumikhim ako.
"Aonani." Bigla siyang nag-abot ng kamay na agad ko namang tinanggap.
Ang lambot ng kamay niya.
"Your name suits you. You're beautiful. I'm Breaker." Nakangiting sabi niya. Nakita ko ang pantay at napakaputi niyang mga ngipin.
Anong toothpaste kaya ang gamit niya?
Napangiwi ako sa naisip. Hindi ko maitatangging mapapalingon ka talaga pag nakasalubong mo ang lalaking ito. Para sa akin ay perpekto ang ang kanyang mukha. Saktong kapal ng kilay, magagandang mga mata, matangos na ilong, mapupulang labi.
Bakit ngayon lang ako nakakita ng gwapong tulad mo? Saan ka nagtago sa loob ng 19 years na pamumuhay ko sa mundo?
"Thanks." Sinserong pasasalamat ko at hindi maiwasang pamulahan ng mukha. Hindi ako palalabas ng bahay pero hindi ako ganon kainosente para hindi malaman ang nararamdaman ko. Ang hindi ko maintindihan ay bakit ako nakakaramdam ng kilig sa simpleng pagpuri niya sa akin at pag-ngiti?
"Bagay kayo mga anak. Katulad ng aking mahal na asawa ay nakikita ko sa inyo ang kilig na tinatawag ng mga kabataan ngayon sa panahon ninyo." Nakangiting sabi ng matanda. Nakagat ko ang ibabang labi at nakamot ang pisngi. Naiilang ako sa di malamang dahilan. Ngayon lang kami nagkita pero naaapektuhan agad ako.
"Si nanay magi talaga." Natatawang sagot ng lalaki. Ni Breaker. Kung ganon ay magi ang pangalan ni nanay.
"Ay oo nga po pala nay. Mauuna na rin po ako. Dumaan lang po talaga ako para makita kayo." Pagpapaalam niya at tumulong sa paglalagay sa plastic ng mga panindang tinapay ni nanay magi. Saan niya dadalhin ang mga 'to? Mahilig ba siya sa tinapay?
Wala sa itsura niya.
"Talagang pinupuntahan mo ako rito para lang ubusin ang paninda ko. Kaya malaki ang pasasalamat ko saiyong bata ka. Napakalaking tulong nito. Osiya, magiingat ka at sa susunod ay ipakilala mo na ang nobya mo sa akin at ng makilatis ko." Masayang sabi ni nanay magi. Aalis na sana ang lalaki pero bigla siyang humarap ulit sa akin.
"Nice meeting you, Nani." He smiled and waved goodbye.
"Mireya, are you okay?" Takang tanong sa akin ni mama ng mapansing hindi ko ginagalaw ang pagkain sa harapan ko. "You're not eating. You don't like it?" Nagpunas siya ng bibig bago ako tuluyang hinarap. Maging ang mga kasabay namin ay tinignan na rin ako.
Ngumiti ako. "I'm fine po. May naisip lang." Hindi mapigilan ang ngiting sabi ko. Mula ng dumating ako rito sa bahay ay hindi na mawala sa isipan ko ang imahe ng lalaking nagngangalang Breaker. Paulit-ulit kong nakikita ang magandang ngiti niya.
Lumitaw sa mukha nilang lahat ang ginhawa ng malamang ayos lang ako. Ganon kalaki ang epekto sa kanila sa tuwing may kakaiba sa akin. Batid kong napakaswerte ko dahil napakaraming tao ang nagpapahalaga sa akin.
Napalitan ang kanina'y nagaalalang mukha ni mama ng mapangasar na itsura. Napailing ako. Si mama talaga. "At sino naman ang iniisip ng maganda kong anak? May nakilala ka ba sa labas?" Mapanuksong tanong niya. Narinig kong mahinang nagsitawanan ang mga kasabay namin. Si Yaya Mira, Manang iseng at kuya gab. Tulad ng sabi ko kanina ay hindi na sila iba sa amin. Pamilya ang turingan namin kaya kailangang sabay-sabay kaming kakain. Nasa isang bahay lang naman kami at pare-parehong tao.
"Sino agad Alice? Baka naman isang bagay ang iniisip ng dalaga natin." Nakangiti ngunit mahihimagan ng pang-aasar na sabi ni Manang Iseng. Humaba ang nguso ko.
Bakit pakiramdam ko'y pinagkakaisahan nila ako?
"May nakilala po kasi akong lalaki kanina. Napakagwapo niya at mukhang mabait pa." Nakangiting pagkukwento ko. Napuno ng halakhakan ang dining room sa sinabi ko.
"Masyado namang tapat si ma'am. Hindi man lang itinanggi." Tumatawa pa ring sabi ni yaya mira.
Para namang kakayanin ng konsensya kong magsinungaling at magtago sa inyo.
"Nalaman mo naman ba ang pangalan?" Nakangiti ring tanong ni kuya gab.
"Breaker po ang pangalan niya. Ang astig hindi po ba? Maangas at bagay na bagay sa kanya. Napakagwapong pakinggan katulad ng itsura niya." Namumula ang pisnging sabi ko. Nagtawanan muli sila.
"Hindi talaga marunong magsinungaling itong batang to." Tumatawang sabi ni manang iseng. Natatawang tumango si mama sa kanya bago ako tinignan.
"Napabuti pala ang paglabas mo at mukhang magkakaroon ka na ng kaibigan sa labas ng bahay. Pero mag-iingat ka at hindi lahat ng tao ngayon ay mapagkakatiwalaan." Nakangiti ngunit seryosong paalala niya na sinangayunan ng lahat.
Nakangiting tumango lamang ako at nagpatuloy sa pagkain.
Natapos ang hapunan ng masaya at maraming napag-uusapan. Paniguradong kung nabubuhay si papa ay mas lalong masaya at mas may buhay ang bahay na ito.
Namimiss ko tuloy ang mga panahong pupuntahan niya ako rito sa kwarto at titignan kung natutulog na. At kung maabutan niya akong gising pa ay kakantahan niya ako hanggang sa makatulog ako.
Nakapaglinis na ako at nakahiga na. Matutulog na lang ako kapag inantok na. Kadalasan ay matagal bago ako dalawin ng antok. Natatakot akong matulog, hindi dahil baka may mapanaginipan akong hindi maganda. Kung hindi dahil baka hindi na ko magising at hindi ko na makita pa si mama. Natatakot akong baka saktong huminto ang tibok ng puso ko kapag tulog ako. Hindi ko iyon malalabanan.
Sinubukan kong ipikit ang mga mata ko. Pero tulad ng kanina ay nakakaramdam pa rin ako ng takot. Dumilat ako at bumuntong hininga.
Natatakot akong mamatay hindi dahil natatakot akong mamatay. Hindi ako natatakot mamatay para sa sarili ko. Natatakot akong mamatay dahil ayokong masaktan ang mga taong maiiwanan ko. Pero alam kong sa kahit anong oras na mawala ako ay masasaktan sila, kahit sabihing handa na sila at tanggap na nila ay siguradong masasaktan at masasaktan sila.
Bigla ay pumasok sa isip ko ang mukha ni Breaker ng magpakilala siya. Wala sa sariling napangiti ako. Gumaan ang pakiramdam ko at nakahinga ako ng maluwag.
"Nice meeting you, Nani."
Naalala ko ang sinabi niya. Kung ganon ay masaya rin siyang nagkakilala kami? Muli akong napangiti. Hindi ko akalaing makakaramdam ako ng ganito para sa isang lalaki. Paghanga, malaking paghanga.
Sana ay magkita pa kaming muli. Pakiramdam ko ay may kung anong nabubuhay sa akin ng makita ko siya kanina. At masaya ako. Mahirap ipaliwanag pero oo, nagkaron agad siya ng puwang sa puso ko.
Nakarinig ako ng pagkatok sa pinto. Bumukas iyon at iniluwa si yaya Mira na may hawak na baso ng gatas.
"Alam kong hindi ka agad nakakatulog sa gabi. Makakatulong to." Nakangiting niyang sabi habang lumalapit sa akin. Inabot ko ang baso.
Bumangon ako at umupo. "Thanks Ate Mira." Nakangiti ko ring pasasamalamat at sumimsim ng gatas.
Ngimiwian niya ako. "Sinabi ko na saiyong Yaya Mira ang itawag mo sa sakin."
Tinawanan ko lang siya ay inubos ang gatas at ibinalik sa kanya nag baso.
"Mas matanda ka sakin ng isang taon e. Mas bata pa rin ako."
"Pero ikaw ang amo ko at katulong lang ako." Pagdidiin niya sa huling sinabi niya.
Napakamot ako sa ulo.
"Kahit na. Parang isang pamilya na tayo rito sa bahay. Hindi importante sa akin at kay mama kung sino ang amo alam niyo yon diba?" Nagpapaunawang sabi ko.
"Alam ko yon, pero gusto kong tawagin ninyo akong yaya dahil gusto kong ipaalala sa sarili kong katulong ako at kayo ang amo ko. Ayokong matulad sa kong kaibigan na inabuso ang dating amo niyang mabait sa kanya. Kaibigan ko siya at natatakot akong baka ganon din ako." Nakita ko ang pamumuo ng luha sa gilid ng mata niya. Nagulat ako sa mga sinabi niya. Hindi dahil sa may kaibigan siyang ganoon.
Wala ka bang tiwala sa sarili mo?
Malungkot akong umiling sa kanya. "Hindi mo ba ganap na kilala ang sarili mo?" Malungkot na tanong ko. Hindi siya sumagot. "Dahil ako malaki ang tiwala ko sayo. Sainyong lahat. Kailanman hindi pumasok sa isip kong katulong namin kayo at kami ang amo. Pamilya ang turing namin sainyo ni mama." Nasasaktan akong isipin na ganon pala ang pakiramdam nila.
"Gusto ko lang ipaalala sa sarili ko. Sobrang buti niyo sa amin at hindi kami itinuring na mababantulad ng iba. Kaya gusto kong kahit papano, sa ganitong paraan ay malaman ko ang agwat. Sana ay maintindihan mo, pero sige at tawagin mo akong ate kung yan ang ikagagaan ng loob mo." Nakangiti ng sabi niya. Tumango nalang ako. Nagpaalam na siyang lalabas ng kwarto.
Nang makaalis siya ay napabuntong hininga ako. May mga tao rin palang walang tiwala sa kanilang sarili.
Humiga ako at nagdasal.
Bumalik sa isip ko si Breaker, nasasanay na akong tawagin siya sa kanyang pangalan. Natandaan niya kaya ang pangalan ko?
Wala pa man ay naeexcite na akong makita siyang muli. Mukhang mapapadalas ang pagbalik ko sa bayan. Sana ay lagi siyang pumunta sa pwesto ni Nanay magi.
Patuloy pa akong lumibot sa imahinasyon ko hanggang sa marating ko ang dulo at malaglag sa mahimbing na tulog.
Lumipas ang ilang araw, isang linggo sakto. Masaya ako dahil parang nawala sa awra ni Ate Mira ang lungkot. Parang gumaan ang pakiramdam niya base sa nakikita kong kilos at paraan ng pakikipagusap niya sa akin nitong mga nakaraang araw. At natutuwa ako.
Isang linggo na rin mula ng makita ko siya pero mukhang napana na yata talaga ni kupido ang puso ko at hindi na siya nawala sa isip ko. Tuwing gabi bago matulog ay nakasanayan ko ng mag-imagine ng kung ano ano. Na paano kung maging kami, pero alam kong malabo dahil may kasintahan siya. Na base sa obserbasyon ko ng araw na makilala ko siya ay mahal na mahal niya. Dahil kita ko ang ningning sa mga mata niya ng sabihin niya ang tungkol sa relasyon nila.
Napaka-swerte ng babaeng iyon.
Madalas din sa oras na wala akong ginagawa dahil natapos ko na ang pinanonood o binabasa ko ay naiisip ko siya at wala sa sariling mapapangiti. Madalas tuloy akong tawanan ni Manang Iseng dahil siya ang madalas na makahuli sa akin.
Kahit sa pagkain ay madalas akong nakangiting sumusubo. Napupuna tuloy ni mama iyon at mauuwi sa asaran at tawanan ang sana ay tahimik naming kainan.
Lunes ngayon at napagdesisyunan kong lumabas. Pinayagan naman ako ni mama na mag-isang lumabas basta at mag-iingat ako. Pansin ko ring hindi na masyadong sumasakit ang dibdib ko at nakakatulog na ako sa gabi ng mahimbing na walang takot. Yun ay kapag naiisip ko siya at nakikita sa isip ko ang ganda ng ngiti niya. Parang siya ang naging sleeping at happy pill ko.
Nagpahatid ako kay kuya Gab sa bayan. Ngayon ko lang napansin ng makalagpas na kami sa parke na tinambayan ko noong nakaraan, malayo pala ang nilakad ko hanggang sa makarating ako sa gawi ng mga nagtitinda. Pero bakit di ako nakaramdam ng pagod noon? Ganon ba akong nalibang para di mapansing napakalayo ng nilakad ko? Napailing ako.
"Ma'am Mireya, panay ang ngiti at iling ninyo dyan? Mukhang tama si Manang Iseng ng kwento sa akin ah? Napakasaya niyo nitong mga nakaraang araw." Nakangiting puna sa akin ni kuya Gab na hindi ko napansing tinitignan pala ako. Natawa lang ako sa sinabi niya at marahang tumango.
"Mabuti nga po at nakilala ko siya. Palagay ko ay crush ko siya. Base kasi sa mga napanood at nabasa ko ay ganito ang pakiramdam noon. Posible pala talagang makaramdam ka ng ganito kahit sa taong noon mo pa lang nakita?" Masayang kwento ko na tinanguan niya.
"Napaka-tapat mo talaga ma'am. Madali ang paaminin ka." Tumatawang sagot niya na nagpatawa rin sa akin. Sanay kasi akong ipinapahayag ang nararamdaman ko dahil ganon akong pinalaki ng mga magulang ko na hanggang ngayon ay dala ko pa rin. Dahil din sa sakit ko, yun ang turo sa akin. Na sabihin ang lahat ng nararamdaman ko.
"Pero totoo iyon. Posible ngang magkagusto ka sa taong noon mo palang nakita o nakilala--"
"Hindi ko siya gusto kuya, crush lang." Nakanguso kong sabi na pinutol ang sasabihin niya. Tumawa lang siya.
"Hindi kasi matuturuan ang puso Ma'am Mireya. Iba iba tayo ng paraan sa pagmamahal. Iba iba ang paniniwala, iba iba ang paraan ng pagpapakita at pagpaparamdam. Hindi mo pwedeng ikumpara sa iba." Malalim na sabi niya.
"Kung ganon po ay totoong pwedeng mangyari ang love at first sight tulad sa pelikula? Kung ganon na love at first sight ako kay Breaker?" Gulat na tanong ko.
Tumawa siya ng malakas. "Akala ko ba ay crush mo lang?" Pangaasar niya. Ngumiwi ako. "Pero oo, ang pagmamahal parang bulok na dahon sa puno. Bigla nalang nalalaglag at mapupunta sa isang pwesto."
Napaisip ako. "E diba po ang dahon unti unting nabubulok? E pano po nakumpara sa love at first sight yon e hindi pa nga po sila nagkita? Paanong madedevelop?" Takang tanong ko. Naguguluhan ako.
Sabi niya, Ang pagmamahal ay parang bulok na dahon, bigla nalang nahuhulog at napupunta sa kung saang pwesto.
Pero ang dahon, may ilang araw o linggo bago mabulok sa puno. Nadedevelope. Ganon din ba sa pagmamahal? Pero paano? Nadedevelop ang feelings mo sa taong di mo naman alam na makikilala mo? Hays.
"Bakit kasi napunta sa develop develop na yan? Basta ang pagmamahal para ngang bulok na dahon. Biglang malalaglag. Ibig sabihin, biglang darating. At sa pwestong pupuntahan, ikaw yon. Bigla mo nalang siyang mararamdaman." Tumango tango ako. Ganon pala. Ngayon ay naintindihan ko na ang ibig niyang sabihin.
Tuloy sa pagandar ang kotse ng may makita akong isang pamilyar na tao.
Si Breaker ba iyon?
Pero anong ginagawa niya rito sa gilid ng kalsada?
"Kuya, pwede pakihinto? May titignan lang ako. Magtetext ako sayo, pakihintay po." Sabi ko at walang tanong tanong naman niyang binuksan ang lock bago ako tinanguan.
Agad akong lumabas at inaninag kung siya ang nakita ko at hindi ako nagkamali. Kinuha ko ang phone ko sa shoulder bag na dala at nagtext kay kuya Gab na umuwi na at iwan ako rito.
Binalik ko sa bag ang phone bago lumapit sa pwesto niya. Nakasandal siya sa katawan ng puno na malapit sa kalsada at nakapikit.
Ang gwapo niya.
Pero mukha siyang bagong iyak. Mapula ang ilong niya at halatang mugto ang mga mata. Anong nangyari?
Tumingin ako sa paligid bago tumikhim. Dumilat siya at kumunot ang noo ng makita akong nakatingin sa kanya.
"What are you doing here?" Ako.
"What are you doing here?" Siya.
Sabay naming sabi. Napapahiya akong mahinang tumawa at kinamot ang pisngi.
"U-uhh dumadaan kasi ako tapos nakita kitang nakaupo riyan. Natatandaan mo pa ba ako?" May pagaalinlangang sabi ko. Umiwas ako ng tingin ng titigan niya ako na para bang inaalala kung sino ako.
Kung ganon ay di nga niya natatandaan.
Nalungkot ako sa isiping iyon.
"Ofcourse. Nani." Nakangiti niyang sagot. Naalala niya ako. Napangiti ako.
"Are you okay?" Tanong ko ng makumpirmang mugto ang mga mata niya. Sigurado akong umiyak siya. Kita ko rin ang lungkot sa mga mata niya at hindi niya iyon maitatago sa akin dahil nararamdaman ko rin.
Anong nangyari?