Chapter 9 - Chapter 007

ELIJAH'S POV

"Naguguluhan na ako, Athena."

"Bakit naman?" tanong ng kapatid ko.

Nandito kaming dalawa sa rooftop ng bahay namin. Maganda talagang tambayan ito sa gabi. Ginawang garden kasi ito ni mommy. Pwede ka mag-chill lang, mag-emote habang nakatingin sa mga bituin.

Naglatag kami ng kapatid ko ng malaking picnic blanket. Nakahiga ako habang ang kapatid ko naman ay nakaupo habang abala sa laptop niya. Nagsusulat siguro ng kanyang nobela.

"Pwede bang magkagusto ka sa isang tao kahit bago pa lang kayo magkakilala?" tanong ko. Nakaunan ako sa mga braso ko. Nakatanaw sa langit.

"I guess so. Kaya nga may tinatawag na love at first sight, hindi ba?"

"Hindi ba attraction lang iyon? Paano ka naman mai-inlove sa isang tao kung hindi mo naman siya gaano kakilala?"

Narinig ko ang pagbuntong-hininga ng aking kapatid. "May iba't ibang klase ng pag-ibig, kuya. May physical, may spiritual, emotional, at may intellectual. At kung ano-ano pang klase ng pag-ibig. Saka karamihan naman sa mga pag-ibig dito sa mundo, sa physical nag-uumpisa."

"Saka, there is nothing wrong with loving the right person too fast. Ang mali, ay ang magbabagal-bagal ka. That is when you will have regrets," dagdag niya.

"Kung sabagay," sabi ko. Ang dami talagang alam nitong kapatid ko. Palibhasa forte niya talaga ang romance aspect.

"Saka iba kasi ang pakiramdam kapag na-love at first sight ka. Feeling mo connected kayo sa isa't isa. May comfort. May warmth. Relaxed ka kapag nakikita mo siya. Gumagaan ang pakiramdam mo. Parang feeling mo kilala mo na siya o dapat ay makilala mo siya."

Bigla kong naalala si Gabriel. Oo, noong una, bwisit na bwisit ako sa kanya. Pero lately, iba na kasi ang pinapakita niya sa akin. Kung noong una, ayaw ko siyang makita, ngayon, gusto ko na siyang nakakasama. Gusto ko nasa malapit siya. I feel that comfort and warmth.

"Si Gabriel ba?"

Napabangon ako sa biglang tanong ni Athena. "Sira! Hindi!"

Pinanlakihan niya ako ng mata. "Sa akin ka pa ba magtatago, kuya? Ako ang pinakamatalik mong kaibigan, hindi ba? Kaya ka nga nagtatanong sa akin ng ganyan."

"Pero mali kasi. Mali itong nararamdaman ko, Athena. Pareho kaming lalaki," sabi ko. Niyakap ko ang mga binti ko at itinungo ang ulo ko.

"You fall in love with the person, kuya. Not with the gender," sabi niya. Isinara niya ang laptop niya. Napatingin ako sa kanya. Seryoso siyang nakatingin sa akin. "Love has no limits. Only people set them. So don't you dare deprive youself of that love, okay? Hindi mali ang magmahal ng kapwa mo."

Tagos sa puso ang sinasabi ng kapatid ko. Sa usapan namin ngayon, parang siya ang mas matanda sa aming dalawa. Siya itong nagbibigay ng words of wisdom. Siya itong may payo. Siya ang nagpapagaan ng pakiramdam ko ngayon.

"How about mom and dad?"

"Tell them," parang wala lang na sagot niya. "Only when you're ready. At saka, hello? Kilala mo si mom and dad. Mas open-minded pa ang mga iyon kaysa sa mga nagyayaya sa pyramiding scam. Sigurado akong matatanggap ka nila."

Hinawakan niya ang dalawa kong kamay.

"Coming out doesn't mean na nagbago ka. You're still the same. Hindi porke umamin ka sila, hindi na ikaw ang anak na inalagaan at pinalaki nila. Coming out would help them to know you better," sabi niya. "Trust me."

Nginitian ko siya. Tama naman siya. Ako pa rin ito. Wala namang nagbago sa akin. Ako pa rin si Eros Elijah Santos, ang panganay na anak nila Artemis at Apollo James Santos. Ang nakakatandang kapatid ni Athena Jane Santos.

At ngayon, umiibig kay Gabriel De Castro.

"Thank you, sis," sabi ko. Niyakap ko si Athena.

"Walang anuman," sabi niya. "O siya, tara na. May pasok pa tayo bukas."

--

"Mukhang maganda mood ng lolo mo ngayon," narinig kong sabi ni Matthew pagkaupong-pagkaupo ko pa lang.

Nagkumpulan naman sila sa paligid ko.

"Kumusta, pare? May nangyari na ba?" pag-uusisa ni Mico.

"Gago!" asik ko. "Sinisira niyong tatlo ang araw ko, ha? Umayos nga kayo."

"Ano bang nangyari?" tanong ni Keith. "Kumusta na si Gab?"

Mabuti pa itong si Keith, hindi lang mukhang mabait, matino talaga. Minsan, sumasabay sa kalokohan ng dalawa pero siya ang pinaka-behave sa tatlong kolokoy na ito.

"Napilay siya saka nasugatan sa game nila kahapon. Hinatid ko lang hanggang sa lobby ng condo niya," sagot ko.

"Iyon lang? Walang ibang nangyari?" pangungulit ni Mico.

"Walang ganito?" tanong ni Matthew na pinagdikit ang mga daliri na parang dalawang taong naghahalikan.

"Wala," mabilis kong sagot. Kahit na meron naman talaga. Saka sa cheeks lang iyon. "Umuwi na rin ako kaagad. Kahit i-review niyo pa ang CCTV nila. Hanggang lobby lang ako."

"Boring," sabay na sabi ni Mico at Matthew at umayos ng pagkakaupo.

"Paano mo pala nalaman ang nangyari kahapon?" ang text message ko kay Keith.

"Magkakilala kami ni Julian. Magkapitbahay kasi kami. Nakita ko sa facebook story niya," ang reply ni Keith.

Ahh.. it makes sense. Hindi na ako nagsalita. Kanya-kanyang focus na kami sa klase.

"Hindi muna ako sasabay," sabi ko sa kanila. Papalabas na kami ng classroom namin para pumunta sa canteen.

"Saan ka punta?" tanong ni Mico.

"Basta," sabi ko. Kukulitin ako ng mga ito kapag nalaman nilang sa Medical Building ako pupunta.

"Samahan kita," sabi ni Keith. "May kailangan din ako kunin."

Mabilis kaming umalis para hindi na makaangal ang dalawa.

"Totoo ba?" tanong ko.

"Hindi," mabilis niyang sagot. "Alam ko naman kung saan ka pupunta. Don't worry, hindi ako sasama. May pupuntahan talaga ako."

"Ganoon ba? Salamat ah? Kita na lang tayo maya," sabi ko. Humiwalay na rin siya sa akin nang makalabas kami sa Engineering building.

Naglakad na ako papunta sa Medical building. Wala akong cellphone number ni Gabriel o kaya ng mga kaibigan niya kaya hindi ko ma-check kung ano na ang lagay ni Gabriel ngayon. Wala naman siyang social media accounts.

Ayaw ko namang bigla na lang mag-message sa mga kaibigan ni Gabriel. Hindi naman kami close.

Pero gusto ko talagang makita si Gabriel. Gusto ko siyang makausap ngayon.

"Elijah?"

"Will! Kumusta ka?" tanong ko sa lalaking nakasalubong ko.

"I'm good. Saan ka ngayon? Lunch tayo? Treat ko," sabi niya. Ang galante nitong lalaking ito, ah? Hindi kami close pero kung makapagsabi na manlilibre siya, wagas.

"May pupuntahan ako ngayon, eh," sabi ko.

"Saan? Samahan kita."

"Kami na ang bahala, pare," sabi ni Julian na biglang sumulpot sa tabi namin. Inakbayan niya pa si Will.

Parang feeling ko ay nabahala si Will pero mabilis niya iyong itinago. "Ahh... sila ba pupuntahan mo? Sige, mauna na ako, Elijah!"

"S-Sige," ang nasabi ko na lang habang tinatanaw ang papalayong si Will.

"Musta ka, lover boy?" tanong ni Michael. Inakbayan niya ako.

Medyo na-akward-an ako pero hindi ako makaangal. Mas matangkad sila sa akin at di hamak na mas malaki ang katawan. Kayang-kaya nila ako bugbugin anytime.

"Okay naman," sagot ko. "Si Gab pala?"

"Mamaya pa raw siya makakapasok," sagot ni Julian. "Kumain ka na ba? Sabay ka na sa amin."

Tiningnan ko si Julian. Mukha naman siyang mabait. Hindi rin matapang magsalita. Hindi katulad ni Michael na barakong-barako. Sa tindig at pananalita.

"Sige," napilitan kong sagot.

Niyaya nila ako sa canteen ng Medical building. Hindi katulad sa amin na medyo maingay at magulo, tahimik dito sa canteen nila. Mukhang malinis ang lugar. Pati ang mga tao. Kung sabagay, mga future medical practitioners ang mga ito.

"Anong gusto mong kainin?" tanong ni Julian. "Bukod kay Gab."

Natigilan ako. Napalunok din ako ng laway sa tanong niya.

"Biro lang," natatawang sabi niya.

"Alam mo na sa akin, tol," sabi ni Michael.

Pumila na kami ni Julian habang si Michael ay naghanap ng pupwestuhan namin.

"Siguro, isang liempo, rice at mixed vegetables na lang sa akin," sabi ko habang nakatanaw sa menu sa itaas.

"Okay," sabi ni Julian.

Napapalagay naman ang loob ko sa kanya. Siguro nga ay mabait talaga siya.

"Paano pala kayo naging magkaibigan ni Gabriel?" usisa ko.

"Medyo mahabang istorya, eh," natatawang sagot niya. "Actually, ayaw niya talagang makipagkaibigan sa amin noon. Loner iyan, eh. Kaso walang nagawa sa pagpupumilit namin ni Michael."

"May trust issues ba si Gabriel?" Naalala ko kasi noon na sinabi niya sa akin na ayaw niyang may lumalapit sa kanya.

"Hindi naman sa ganoon. Parang nag-build siya ng bakod sa sarili niya to protect himself."

Protect himself saan? Gusto ko pa sanang magtanong pero um-order na si Julian. At parang hindi naman yata tamang masyado akong manghimasok.

Kung may gusto akong malaman kay Gabriel, dapat sa kanya ko mismo iyon tanungin.

"Tara na," sabi ni Julian. Hawak na niya ang tray ng pagkain naming dalawa. "Pakidala na lang ng isa pang tray. Salamat."

Bitbit ang tray ng pagkain, hinanap namin si Michael. Pero hindi na siya nag-iisa. Kasama na niya si Gabriel.

Tuloy-tuloy lang si Julian papalapit sa kanila. Samantalang ako ay kinakabahan. Feeling ko nga manginginig na ang mga braso at kamay ko. Baka maitapon ko pa itong pagkain ni Michael.

Tumayo si Michael na parang napansin na nahihirapan ako. Kinuha niya ang tray mula sa akin at saka bumalik sa pwesto niya. Ako naman ay dahan-dahang naupo sa tabi ni Gabriel.

Dug. Dug. Dug.

Ang lakas ng pagtibok ng puso ko. Bakit kinakabahan ako ngayon? Kanina ay excited akong makita siya? Bakit parang naduduwag ako ngayon?

"Anong gina-" sabi ni Gabriel.

"Musta na a--" sabi ko. Magkasabay kaming nagsalita kaya sabay rin kaming natigilan.

"Sige. Mauna ka na," sabi ko.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong niya.

"Kukumustahin sana kita kung okay ka na," sagot ko.

Tiningnan niya ang binti niya kaya napatingin rin ako rito. Marahan niya iyong ipinadyak. "Mabuti na ang pakiramdam ko. Salamat." Nginitian niya ako.

Pakiramdam ko ay mas lalo akong nahuhulog para sa kanya dahil sa ngiting iyon.

"Kumain ka na?" tanong ko.

"Hindi pa."

"I-order kita?"

"Hindi na. Hatian mo na lang ako."

Napatungo ako. Tangina naman. Bakit ganito? Pakiramdam ko tuloy ay totoo.

At sana nga ay totoo.

Tumikhim ang dalawang lalaki sa harapan namin.

"Get a room, guys!" reklamo ni Julian.

"Parang wala kayong kasama rito, ah? Ang bastos ninyo!" segunda ni Michael.

Tiningnan ko si Gabriel. Ang lapad ng kanyang ngiti. Parang totoong-totoo.

Bakit? Bakit mo ako hinahayaang mahulog nang tuluyan sayo?