ELIJAH'S POV
"Ano iyan?"
Napalingon ako sa kapatid ko na nakapasok na pala sa kwarto ko.
Tinatanggal ko kasi ang bandage sa braso ko. Pinakatago-tago ko pa naman iyon sa mga magulang ko. Buti na lang long sleeves ang uniform namin.
"Sinong may gawa niyan? Nakipag-away ka ba?" tanong ni Athena. I can sense na nag-aalala naman siya para sa akin pero siya naman ang dahilan ng lahat ng ito, eh.
Pero wala ako sa mood magalit ngayon.
Umupo siya sa kama ko. Sa tabi ko.
"Hindi," sagot ko. "Kailan ba ako nakipag-away? Alam mong hindi ko gawain iyon, Athena."
"Eh bakit ka nga may ganyan?"
Malalim akong napabuntong-hininga. "It's your fault," sagot ko sa mahinahong boses.
"Bakit kasalanan ko? Parang kasalanan ko?" humawak pa siya sa dibdib niya na tulad ng babae sa pelikula.
"Huwag mo akong artehan diyan. Hindi ka si Bea Alonzo."
"Bakit nga kasi?" pagpupumilit niya.
"Si Gabriel," sagot ko.
"Ahh..." walang kabuhay-buhay na reaction niya.
"Anong ahhh? Wala ka man lang kalatoy-latoy mag-react diyan? Eh hindi ba kasalanan mo kung bakit na-link ako sa taong iyon?"
"Na-meet mo na pala siya hindi mo man lang sinabi sa akin. So ano? Kayo na? Like for real?"
Tinapik ko siya sa noo. "Gaga! Hindi ako makikipagrelasyon doon. Tigil-tigilan mo na iyang pag-iilusyon mo. Kaya kung ako sayo, burahin mo na iyang nobela mo."
"Ayoko nga. Ang dami-daming sumusubaybay sa story ninyo ni Gabriel, eh."
"Mandiri ka nga sa sarili mo! Sarili mong kuya ginagawan mo ng ganyan!" asik ko. "Lumabas ka na nga."
Tumayo siya. "Balitaan mo na lang ako kapag kayo na," pang-aasar niya pa.
Binato ko pa siya ng unan pero mabilis siyang nakalabas at naisara ang pintuan.
Napaka-walanghiya talaga nitong kapatid ko. Mang-iistorbo para lang mang-asar.
-
"Paakyat na ako. Pa-reserve ako ng seat," ang chat ko sa group chat namin nila Matthew.
"Meron na pare," ang reply ni Mico.
Nagmadali ako sa paglalakad papunta ng auditorium. Katabi lang iyon ng football field.
Nang papasok na ako, nakagitgitan ko pa ang isang lalaki.
"Sorr--," ang sabi ko pero natigilan ako nang malaman kung sino iyon. "Will?"
"Elijah!" sabi nito. Sumilay na naman ang napakaganda nitong ngiti. Nakakabuo ng araw naman.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong ko sa kanya.
"Orientation."
"Orientation ng Engineering students ngayon ah? Akala ko ba Fine Arts ka?"
"Oo nga," sabi niya. "Pero invited kasi kami."
"Ahh," ang nasabi ko na lang. "Tara na?"
Tumango siya. "Ang swerte ko naman," sabi niya.
"Huh?" tanong ko.
"Wala."
Okay. Weird mo, ah? Pero okay lang. Mukhang mabait ka naman, eh. Nang makarating kami sa convention hall, naghiwalay na kami. Hindi ko na alam kung saan siya nagpunta. Ako naman ay hinanap ang puwesto ng mga kaibigan ko.
Madali ko naman silang nakita dahil kumakaway-kaway si Matthew sa akin.
"Bakit ang tagal mo?" tanong ni Matthew.
"Hindi kasi ako sumabay kay daddy," sabi ko at itinuro ang braso ko.
"Ahh kung sabagay," sabi na lang niya. Alam na rin naman nila ang nangyari sa akin kahapon. At alam nilang mapapagalitan ako kapag nalaman ng mga magulang ko ang tungkol dito.
Mabuti na lamang at walang tao sa paligid noon. At mukhang walang nakakuha ng litrato. Kasi kung meron, for sure, posted na agad iyon sa student community page.
Nagsimula na nga ang orientation. Nag-explain ng rules and regulations. Ipinakilala ang mga heads at officers ng school. Nagpakilala rin ang members ng Engineering student council ng nakaraang taon at nagpasalamat sila sa nagdaang taon.
Sinabi rin ang mga naka-planong activities ng school lalo na ng Engineering council.
"At syempre, ang pinakahinihintay ng lahat! Ang Mister and Miss Rutherford!" ang sigaw ng babaeng emcee gamit ang kanyang mikropono. Nagkahiyawan naman at nagkapalakpakan ang mga estudyante.
Sana all excited. Hindi talaga ako mahilig sa events na ganito. Mas gusto ko pang manatili sa bahay at maglaro. Napipilitan lang ako minsang sumali dahil nagbibigay ang mga professor ng extra credits. Sino bang grade conscious ang ayaw ng extra credits?
"May mga napupusuan na ba kayong pambato ng ating department?" masiglang tanong ng emcee.
"Sana manalo ang department natin this year," ang sabi ni Mico.
"Sino ba ang nanalo last year?" ang tanong ko.
"Eh di ang jowa mo from Medical department," sagot nilang tatlo.
"Wow, ah. Gigil kayo?" sabi ko.
So si Gabriel pala ang nanalong Mister University last year. Sus. For sure, dinaan niya lang iyon sa kapogian niya at kakisigan. Maghubad lang siya ng pang-itaas niya, tiyak maraming maglalaway sa kanya.
Teka! Ano na naman bang iniisip mo Elijah? Maghunos-dili ka nga.
"Pero bago iyan, gusto naming ipakilala sa inyo ang mga nanalo last year," ang sabi ng babaeng emcee.
"Ang second runner ups... Katherine Salvador ng Fine Arts at Frederick Enriquez ng Engineering!"
Naghiyawan at nagsigawan ang mga kapwa ko estudyante. Rumampa sa stage ang dalawa na akala mo modelo. Hindi maitago ng school uniform ang ganda ng kanilang pangangatawan.
"First runner ups. Margaret Sanders ng Business at Karl Wilfred Santiago ng Fine Arts!"
Si Will? Kaya ba siya nandito? So nandito rin si Gabriel? Rarampa rin ba siya?
Naramdaman ko na naman ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Bakit parang nae-excite akong makita si Gab? Bakit ganito ang nararamdaman ko?
Magkakilala pala si Will at Gabriel? Well, nagkasama nga sila sa isang pageant. For sure, magkakilala nga sila. At nagkakausap na rin.
Hindi ko na napansin ang pagrampa ni Will. Nang lumingon ako sa stage, wala na siya.
"At ang Mister and Miss Rutherford 2020!" malakas na hiyaw ng emcee. Nakabibinging hiyawan at tilian na naman. "Or should I say, ang Mister Rutherford 2020... Gabriel Lucas De Castro!"
Nagtilian ang mga kababaihan ng lumitaw si Gabriel sa entablado at inaliw kami sa kanyang pagrampa. Parang isang sikat na modelo si Gabriel ngayon. Napakatikas. Hapit na hapit sa kanyang mamasel na katawan ang suot na school uniform. Kahit ang kanyang itim na pantalon ay hapit rin sa kanyang mahahabang binti.
Nakadagdag sa appeal ni Gabriel ang kanyang suot na salamin.
Tila ba ay nabingi na ako sa hiyawan ng tao sa paligid. Wala na akong marinig kung hindi ang pagwawala ng puso ko sa aking dibdib habang nakatitig ako sa napaka-gwapong lalaking naglalakad sa stage ngayon.
"Hoy! Natulala ka na!" sabi ni Matthew. Nakangisi siya. "Itatanggi mo pa?"
Tangina. Sana nga totoo na lang e.
What? Hiniling ko nga ba iyon? Nagkakagusto na ba ako sa lalaking iyon? Hindi pwede ito. Hindi pwede.
"Sayang, no? Nangibang-bansa na si Ella," narinig kong sabi ni Keith na katabi ko sa kabilang side. Napapagitnaan kasi nila ako ni Matthew. Katabi naman ni Keith si Mico.
"Sino naman iyon?" na-curious kong tanong. Para na rin hindi ko isipin si Gabriel.
"Ang Miss Rutherford last year. Ang alam ko nga, kaibigan din ni Gab iyon," ang sagot ni Keith.
Kaya pala walang kasama ngayon si Gabriel. Nasa ibang bansa na pala ang partner niya. Parang nakaramdam ako ng konting kirot sa salitang partner.
Nakakapanghinayang tuloy at hindi ko nasaksihan ang pageant last year.
"So, anong masasabi mo at mukhang ang dami mo pa ring fans," nangingiting tanong ng emcee kay Gabriel.
Pakiramdam ko ay naningkit ang mga mata ko. Ramdam na ramdam ko ang pagkainteresado niya kay Gabriel.
"Selos na selos," bulong ni Matthew.
"Tse. Hindi no! Bakit ako magseselos?" depensa ko.
"Nagpapasalamat ako sa mainit niyo pa ring pagtanggap sa akin, at sa aking mga kasama. Sana ay suportahan ninyo pa rin ang mga activities ng university tulad ng ginawa ninyong pagsuporta noong isang taon. Maraming-maraming salamat," sabi ni Gabriel. Ngumiti siya.
For the first time, nakita ko siyang ngumiti. Hindi ko man masyadong makita iyon, iba ang naging dulot niyon sa buong sistema ko. Para akong nililipad.
Tumingin siya sa pwesto namin at nagtama ang aming mga mata.
"Puno ang langit ng bituin
At kay lamig pa ng hangin
Sa'yong tingin akoy nababaliw giliw"
"Anong ginagawa mo?" nakasimangot na tanong ko kay Matthew. Bigla ba naman kasing kumanta.
"Napakatamis! Sana all nagmamahal," nakangising sagot niya.
"Alam ko kanina ka pa, eh. Namumuro ka na!" asik ko. Napakakulit nitong taong ito. Makakatikim na ito sa akin. Kanina pa nang-aasar, eh.