Chapter 4 - Chapter 002

ELIJAH'S POV

The dilemma of being the new guy.

Walang kakilala. Walang makausap.

Not that I care though. Tahimik akong pumasok sa silid-aralan habang abala ang mga magiging kaklase ko magkwentuhan. Pumuwesto ako sa likuran, katabi ng bintana.

At dahil maaga pa, makapaglaro na lang muna. Kinuha ko ang cellphone ko at naglaro ng online game.

"Uy, naglalaro rin ako niyan!" tila ba ay excited na sabi ng isang lalaki. Inilapag niya ang bag niya sa katabing-upuan at naupo na rin.

Tiningnan ko lang siya.

"Ahh... sorry," sabi niya. "Matthew nga pala. Add mo ko, pare. Laro tayo."

"Elijah," ang sabi ko.

Kinuha niya rin ang cellphone niya at naglaro kami. Hindi ko na rin napansin ang pag-upo ng dalawang lalaki sa harapan namin.

"Ang daya mo, Matt! Hindi ka na naman nagyaya!" ang sabi ng lalaki na nasa harapan ko.

"Gago! Kasalanan ko bang wala pa kayo?" ang sabi ni Matt.

"Naku. Madaya ka pa rin," ang sabi naman ng isa pa na nasa harapan ni Matt.

"Uy. Keith nga pala," sabi ng lalaki sa harapan ko. Ngumiti pa siya. "Sali ako."

"Mico," ang pakilala ng lalaki sa tabi niya.

Ipinihit nilang dalawa ang upuan nila paharap sa amin ni Matt. Naglaro nga kami na para kaming may sariling mundo. Walang pakialam sa ingay ng mga kaklase sa paligid namin. Natigil lang kami nang pumasok na ang babaeng propesor namin.

"Good morning, class. I am Miss Julia Samaniego. Ang professor niyo sa Foreign Language," pagpapakilala nito. Bata pa ito. Parang matanda lang sa amin ng ilang taon. "I would like to know each of you. State your name. One by one. Starting from you," sabi pa niya at itinuro ang estudyante sa harapan.

Hay... heto na naman. First day of class kasi. Lagi na lang may introduction. Isa-isa ngang nagpakilala ang mga kaklase ko. Hindi ko rin naman magawang matandaan ang mga pangalan nila.

"John Keith Locsin."

"Mico De Guzman."

"Matthew Perez."

Tumayo ako. Bakit nga ba ako kinakabahan? Pangalan lang naman ang sasabihin.

Bahagyang umubo pa ako. "Eros Elijah Santos."

Natahimik ang paligid. Lahat ay nakatingin sa akin. Like why? Lalong dumagdag sa pagtataka ko ang sunod-sunod na bulungan ng mga kaklase ko.

"Quiet please!" sigaw ni Miss Samaniego. Tumahimik ang lahat. "Okay. You may take your sit, Mister Santos."

Nagtataka man, bumalik ako sa pagkakaupo.

"Anong meron? May kakaiba ba sa akin?" pabulong na tanong ko kay Matthew.

"Wala naman. Ikaw lang naman ang boyfriend ng most popular guy sa school na ito," sagot ni Matthew.

"WHAT!" hindi ko napigilang maibulalas. Mabilis kong natakpan ang bibig ko.

"Mister Santos!" nakasimangot na pagsaway ng propesor.

"I'm sorry, Maam," nahihiyang sabi ko.

Anong sinasabi ni Matthew? Hindi ko naman siya magawang tanungin kasi na-warningan na ako ng teacher namin.

Pero boyfriend? Seryoso ba siya? Bakit hindi ko alam na may boyfriend na ako? Single ako since birth! Girlfriend nga wala ako! Boyfriend pa?

-

"Hindi ba siya yung Eros?"

"Yung boyfriend ni Gab?"

"Seryoso? Baka ginayuma?"

"I know right? He's such a nerd."

Ilan lamang iyan sa bulung-bulungan ng mga tao sa building na iyon na naririnig ko habang naglalakad kami nila Matthew papunta sa cafeteria.

Ang bilis talaga kumalat ng tsismis. Parang may pakpak. Kalat na sa buong Engineering building ang pangalan ko at ang tsismis na ako raw ang boyfriend ng popular guy na iyon. Kung sino man siya.

"Huwag mo na lang pansinin," sabi ni Keith. Kanya-kanya kaming pwesto sa upuan nang makarating kami sa canteen.

"Mga inggit lang ang mga iyon," dagdag ni Mico.

"Tama," ang sabi pa ni Matthew na katabi ko. Inakbayan niya ako. "Biruin mo. Ni-reject niya lahat ng confessions ng mga babae rito sa school kahit gaano pa ito kaganda. Tapos heto ka ngayon, the imaginary boyfriend, lilitaw."

"Imaginary boyfriend?" takang-tanong ko. Inalis ko ang pagkakaakbay ni Matthew. "Pero teka, teka! Ano bang mga pinagsasasabi ninyo? Bagong salta nga lang ako rito sa Manila, eh. At single ako since birth! Wala akong girlfriend. At lalong wala akong boyfriend. I don't remember swinging that way."

"Seryoso?" tanong ni Keith. Tumango ako bilang pagsagot.

"Single since birth? Mamatay?" pangungulit ni Mico.

"Ewan ko sa inyo," sabi ko at tumayo. "Umorder na tayo ng pagkain natin. Nagugutom na ako. Saka may klase pa kayo ng 1 pm."

Kumilos na nga sila. Hindi na rin sila nangulit.

-

Irregular ang schedule ko dahil transferee nga ako. Hindi ko kaklase sila Matthew sa lahat ng subjects. Humiwalay na ako sa kanila pagkatapos naming kumain.

Kaya heto ako ngayon, mag-isa ulit. Hay, kaysarap ng tahimik na buhay.

Dahil ala-una pa lang at alas-tres pa ng hapon ang sunod kong klase, nag-decide akong maglibot sa campus at humanap ng matatambayan. Iyong malayo sa Engineering building.

Baka kasi makarinig na naman ako ng kung ano. Nakakainis talaga ang tsismis. Akala ko naman ay magkakaroon ako ng tahimik na buhay rito.

Akalain mo iyon? Dalawang taon na lang ga-graduate na ako, magkakaroon pa ng ganitong tsismis tungkol sa akin? Sino ba kasi iyang popular daw na lalaki na iyan?

Gwapo ba talaga iyan? Macho? Magaling sa maraming bagay?

Erase. Erase.

Ano ka ba naman, Elijah? Huwag mong sabihing interesado ka?

Pero nakaka-curious kasi.

Umiling-iling ako. Hindi ko na dapat siya isipin. Siya ang dahilan kung bakit magulo ang buhay ko ngayon. Halos masira na nga ang umaga ko dahil sa lalaki sa bus kanina tapos ngayon, ito namang tsismis na ito ang aabutan ko sa school. And take note, first day pa lang ng klase! Susmaryosep.

Naglakad-lakad ako hanggang sa makarating ako sa football field sa gitna ng campus. Wala masyadong tao roon maliban sa ilang grupo ng estudyante na nakatambay sa paligid. May mga ilang magkasintahan na naglalandian sa lilim ng mga puno.

Kainitan ng tanghali naman. Ilugar at isaoras ang pagharot. Nasa school, oh! at katirikan ng araw!

Napalingon ako sa bleachers. Mainit din doon maliban sa pinakatuktok. At mukhang walang tao. Umakyat ako. At doon ko na-realize na nagkamali ako.

Meron palang tao. At siya ang lalaki sa bus! Kung mamalasin ka nga naman. Hanep na araw ito.

Natutulog siya. Wala na ba siyang ibang alam gawin kung hindi ang matulog? At dahil nakaunan siya sa kanang braso niya, na-flex tuloy ang mamasel niyang braso. Napansin ko rin na nakabukas ang ilang butones sa ibabang parte ng puting polo niya. Lumantad tuloy ang abs niya.

Napalunok ako.

Tangina? Pinagpapantasyahan ko pa ang kapwa ko lalaki? Ano bang nangyayari sayo, Elijah?

"Pinagnanasaan mo ba ako?"

Bumalik ako sa ulirat ko nang marinig ko ang tanong niya. Ano raw? Pinagnanasaan ko siya? Ang kapal!

"Excuse me?" pagalit kong tanong.

"You heard me, right?" tanong niya sa mayabang na tono.

"Oo, narinig kita. Pero ang kapal ng mukha mo. Hindi kita pinagnanasaan, ano?"

"Then why are you here? At bakit ka nakatitig sa katawan ko?" Umupo siya at inayos ang polo niya.

"Bawal ba?" asik ko. "I mean, bawal ba pumunta rito? Pag-aari mo ito? Binili mo ba? Naghahanap lang ako ng mapupwestuhan. Ang init kasi. Hindi ko alam na may mayabang na lalaki pala rito."

Natawa siya. Tinapik-tapik niya ang sahig sa tabi niya. Napataas tuloy ang isang kilay ko.

"Here," sabi niya.

"Ayoko. Aalis na lang ako," sabi ko.

"Tulad nga ng sinabi mo, ang init oh," sabi niya. "I don't usually let other people near me. Pero mukhang hindi ka naman katulad nila."

Anong ibig niyang sabihin? Trust issues?

Inilibot ko ang tingin ko sa paligid. Mukhang wala naman ako mapupwestuhan. Ayoko namang pumuwesto doon malapit sa naglalandiang mag-jowa. At saka pagod na rin ako.

Wala na akong nagawa. Naupo na rin ako. But I still kept my distance. Ayoko ngang tabihan ang lalaking ito. Kinuha ko na lang ulit ang cellphone ko at naglaro.

"Hindi ka lang pala sa pisikal nerdy," sabi niya.

Napalingon ako sa kanya. Halos magtama ang ilong at labi namin sa sobrang lapit ng mga mukha naming dalawa.

Sobrang gwapo niya sa malapitan. Halata ang kakinisan ng kanyang balat. Mahahaba ang mga pilikmata. Matangos ang ilong. Makapal ang mapupula niyang labi. Ang ganda rin ng kanyang brown na mata. Amoy na amoy ko rin ang kanyang pabango. Nakakaakit.

Natauhan ako nang ma-realize ko ang ginagawa kong pagmamasid sa kanyang katangian.

"Lumayo ka nga!" pagalit kong sabi at itinulak siya palayo.

"Ang sungit mo naman."

"At sino kaya sa ating dalawa ang unang nagsungit?"

Natawa siya. "Sorry na."

Well, that sorry was unexpected. Hindi na ako umimik. Itinuon ko na lang ang atensyon ko sa nilalaro ko. Pero hindi ko inaasahan ang sumunod niyang ginawa. Humiga siya at ginawang unan ang hita ko.

"Anong ginagawa mo?" nakasimangot kong tanong.

"Nakahiga," sagot niya.

Aba. Pilosopo.

"Sige na. Saglit lang naman. Ang sakit na kasi ng braso ko," sabi niya. Nag-pout pa at nagpa-cute.

Napaka-gwapo. Lintek na iyan. Hindi ako makatanggi.

Hinayaan ko na lang siya. Pumikit na siya. Akala mo isang anghel kapag natutulog. Napakaamo. Napakapayapa.