JULES MARTIREZ
Nagising na lamang ako nang dahil sa sakit ng ulo na aking nararamdaman. Dahil ba ito sa pag-inom ko kagabi? Argh! Sana mawala na agad ang sakit para ma-enjoy ko naman ang araw na ito. Ang alam ko ngayon ay pupunta daw kami ng Vigan.
Nagulat naman ako nang bigla akong tinawanan ni Pat pagkakita niya sa akin hanggang sa hindi na talaga niya ako tinigilan. Tinatawanan n'ya ako dahil lasing na lasing daw ako kagabi at mukha raw akong ewan. Malabo talaga sa ala-ala ko ang mga nangyari kaya hindi ako makarelate sa pagtawa niya.
"Utas talaga ako sa'yo, girl! Pati utot ni Mikky kinainisan mo!" sabi niya habang patuloy ang pagtawa. "Grabe ka!"
Nakakahiya nga siguro ang pinaggagawa ko kagabi. Hay! Bakit ko ba naisip magpakalasing?
Oo nga pala, Mikky's planning to break up with me. Bakit ba ako nalulungkot e 'yon din naman ang plano ko nung una pa lang 'di ba?
Gusto ko ng matapos kami, but I suddenly realized that I still super f*cking duper love him after that incident with the whales. Naisip ko na hindi ko nga pala kaya nang wala siya.
Naiipit na tuloy ako sa desisyon na will "I let him break up with me soon or I will be the one to do that sooner."
Hay ewan. Gulo mo, Jules!
Aalamin ko na lang muna kung bakit n'ya gustong makipagbreak sa'kin bago matapos ang lahat. Sure ako na may dahilan siya, valid reason, kung bakit niya naisip 'yon.
Kinuha ko na ang camera na regalo sa'kin ni Mikky noong 2nd anniversary namin at simula noon ay lagi na namin itong kasama sa mga lakad namin. Alam kasi ni Mikky na mahilig akong magpicture-picture ng mga tanawin e kaya pinag-ipunan niya talaga 'to para sa'kin. Grabe na talaga ang sentimental value nito sa'kin at hindi ko ata alam ang gagawin ko kapag ito ang nawala sa akin.
"Ready ka na, lasinggera?" tanong sa'kin ni Pat.
Tumango naman ako at nilagay sa bag ko ang camera.
Hay hindi naman talaga ako lasinggera, problemado lang talaga.
Pagkalabas namin ng kwarto ay inaantay na pala kami ng mga lalaki. Mukhang mga problemado rin. Seryoso ang mukha ni Cy na nakatingin kay Pat. Si Mikky naman tulala lang na nakatingin sa sahig. Si Niko hawak ang ulo niya. Si Kuya Zian lang mukhang medyo normal sa kanila.
"Anong nangyari sa inyo?" tanong ni Pat sa kanila.
"Hay! Itong si Niko may hang-over. Sobrang sakit ng ulo," sagot ni Kuya Zian.
"Ang bad influence mo kasing ate ka!" pangungutya naman sa akin si Pat.
Nakonsensya naman ako bigla. Napilitan lang siyang sumama dito tapos ganoon pa ang nangyari. "Tara, Niko! Bili kita ng soup," alok ko sa kaniya. Agad naman siyang lumapit sa'kin habang hawak-hawak pa rin ang ulo niya. Nagsunuran din naman sina Mikky sa'min para sumabay na mag-umagahan.
Una kaming nakahanap ni Niko ng table dahil kami rin ang unang nakabili. "Sobrang sakit ba ng ulo mo?" tanong ko sa kanya pagkaupo namin.
"Hindi naman, ate," sagot niya.
Tumango naman ako. "Pasensya na at naisama kita dito. Alam ko na ayaw mo--"
"Ayos lang, ate. Naeenjoy ko naman e. Masaya rin kasama sina Kuya Mikky."
Napatahimik naman ako ng saglit at inisip na naman ang narinig ko mula kay Mikky noong isang araw.
"Ate," tawag ni Niko sa atensyon ko, "kung ano mang narinig mo noong isang araw, 'wag mo na sanang damdamin," asbi niya habang patuloy ang pagkain doon sa soup.
Napakunot naman ako. "Anong ibig mong sabihin?"
"Nakinig ko rin sina Kuya Mikky na nag-uusap noong isang araw, may problema ata. Hindi ko alam kung ano pero narinig ko rin na binabalak niyang makipaghiwalay sa'yo," saad niya saka huminga ng malalim, "pero parang sa ikinikilos niya naman ay hindi niya kayang gawin iyon."
"Bibi!" bati ni Mikky sa akin nang makarating na din siya sa table. "Binili kitang noodles," masayang sabi niya. "Hindi ba masakit ulo mo?"
"Paano sasakit ulo niyan e lasinggera na 'yan. Wala ng talab ang alak d'yan," singit naman ni Pat na tumabi kay Niko.
Inirapan ko lang siya at kinuha ang binibigay na noodles ni Mikky. Napaisip din naman ako sa sinabi ni Niko. Ano naman kayang problema ni Mikky at bakit niya naiisip na makipaghiwalay sa akin kung hindi naman talaga niya gusto?
"Lalim na naman ng iniisip natin, Jules ah?" nagising naman ako sa pagsspace-out ko dahil kay Kuya Zian na tumabi naman sa kabilang side ko.
Kita ko naman na napatingin din si Mikky sa kan'ya. "Kainin mo na 'yang noodles, bibi, habang mainit pa," sabi niya at tinulak ang cup noodles papalapit sa akin.
"Ang cute mo kagabi, Jules. Ang cute mo pala lalo kapag nalalasing," sabi naman sa'kin ni kuya habang nakangiti.
Hindi naman ako makaimik dahil agad namang sisingit si Mikky. "Favorite mo 'yan mahal. Go, humigop ka na."
"Sino bang magkausap? Si kuya at si Jules o si Jules at si Mikky o si Mikky at si kuya?" sabat naman nitong si Pat. Napatahimik tuloy 'yong dalawa.
Humigop na lang ako sa noodles ko at agad namang ngumiti si Mikky sa akin.
"Nasaan na si Cy?" tanong ni Kuya Zian para hindi maging awkward ang atmosphere.
"Babalik daw muna sa kwarto niya," sagot ni Pat.
"Bakit daw?" tanong naman ni Mikky.
"May kinukuha lang daw," sagot naman uli ni Pat.
"Yeeee, bakit sa'yo pa talaga nagpaalam ha?" pang-aasar naman ni Kuya Zian sa kapatid niya.
Hindi na lang ito pinansin ni Pat at biglang umupo sa tabi niya si Cy. Galawan talaga nitong lalaking 'to. "Ayan na pala si lover boy eh," nakangising sabi ko kay Pat.
Hay, akala mo ha. Babawian kita, sis.
Pagkatapos naming mag-umagahan ay sumakay na kami sa van para makapunta na ng Vigan. Sa daan pa lang ay namamangha na ako sa nakikita ko kaya nagpipicture na ako ng mga tanawin.
May mga nadaan pa kaming wind mills na talaga namang nakakuha ng atensyon ko. Ang lalaki ng mga ito at hindi ko akalain na ang dating nakikita ko lang sa picture ay napuntahan ko na.
Pagdating naman namin sa Vigan, nagpicture taking na agad kaming magkakaibigan. Kita ko na nabago naman ang mga aura ng mga kasama ko. Nakakangiti na sila. Ang laki rin talaga ng impact ng view sa mood ng mga tao. Ang saya lang sa pakiramdam nang makita rin sila na masaya.
Patuloy naman ako sa pagkuha ng litrato gamit ng camera ko nang biglang napukaw ni Mikky ang atensyon ko, bumibili siya ng mga keychains. Pinicturan ko naman agad siya. Ang ganda ng ngiti niya. Naisip ko tuloy kung ako pa rin ba ang dahilan ng mga ngiti na 'yon? Sana.
Napalingon naman siya sa'kin at lumapit. "Picturan kita, bibi!" sabi niya. Wala naman ako sa mood para magpapicture kaya umiling na lang ako.
"Bili na!" pilit niya sa'kin.
"Tayo na lang dalawa," sabi ko saka itinaas ang kamerang hawak ko.
"Maganda rin na may solo picture ka!" pagpupumiliy niya. "Ang ganda ang view oh!"
Ayoko ng mag-isa, Mikky. Gusto kong kasama ka. I'm sorry. Hindi ko na nga ata deserve na maging girlfriend mo dahil pinag-isipan kita ng masama. Sobrang dismayado talaga ako sa sarili ko ngayon.
Sinimulan na nga ni Mikky ang pag-agaw sa camera ko pero ayaw ko talaga itong ibigay. Kinakain na naman ako ng emosyon ko. Nakangiti naman siya dahil akala niya'y nakikipaglokohan ako sa kaniya. Hanggang sa nabitawan ko na ito ng tuluyan at bumagsak ito sa sahig.
Gulat na gulat naman si Mikky sa nangyari. "I AM SORRY, MAHAL. I'm sorry," paulit-ulit na sabi niya habang pinupulot ang mga nagkalasang parte ng camera ko sa semento.
Agad namang tumulo ang mga luha ko, hindi lang dahil sa pagkasira ng camera kundi dahil na rin sa pagkasira ng relasyon namin.
Kami pa rin naman pero parang malayo na kami sa isa't isa, may mga sikreto na kami na hindi namin masabi, may sama ng loob, may hinanakit. Kami pa rin pero parang hindi na.
Nagpuntahan sa direksyon namin sina Pat at Kuya Zian. "What happened?" tanong ng best friend ko.
Nakita naman ni Kuya Zian ang sirang camera ko na hawak ni Mikky. "Don't cry. I'll buy you a new one," sabi naman ni kuya sa akin.
Napahinga naman ng malalim si Mikky. "Ako ang bibili, ako ang nakasira." Napatingin naman sa kan'ya si Kuya Zian ng dahil sa sinabi niya.
"No, it's fine. I wil--"
"Ako na bahala," putol niya sa pagsasalita nito saka naglakad papalayo. Nakita ko naman na sinalubong siya ni Cy at Niko.
"Are you okay?" tanong ni Pat.
Tumango naman ako at sinabi na ayos lang ang lahat. Ayokong ma-spoil ang araw nila nang dahil sa akin. Ayokong malungkot sila nang dahil lang sa problema ko.
I'm fine. I'm really am.
Lumipas ang araw at pabalik na ulit kami sa resort. Hindi kami nakapag-bond ni Mikky dahil nakokonsensiya siya sa nangyari at hindi siya makalapit sa'kin.
Samantalang sina Pat at Cy ay mukhang nagkakamabutihan na ulit.Nagtataray pa rin si Pat pero tina-try niya talaga na kausapin ng maayos si Cy. Patuloy din naman sa pagjo-joke si Cy at nakikita kong napapangiti naman si Pat kahit pinipigilan niya ito.
I could see through their eyes na mahal pa rin talaga nila ang isa't isa at hindi imposible na magkabalikan sila. Why not kung mahal pa naman talaga nila ang isa't isa? Bakit nila pipigilan 'di ba?
Bakit nga naman pipigilan ang nadarama?
Pagkabalik namin sa resort ay nagtungo kami sa isang resto-bar para mag dinner. Medyo madaming tao kasi 7th year anniversary na n'ong bar kaya may pa-event na nagaganap. Sana all umaabot ng 7th year.
Pagpasok sa loob ay nakipagsiksikan kami para lang makahanap ng table at ng mauupuan. Sabi kasi nila, kung pupunta ka raw ng Ilocos, dapat mo talagang ma-try ang bagnet dito dahil kakaiba raw ang timpla nito sa ibang bagnet na makikita mo sa lugar. Naniwala naman kami kaya ngayon ay kami'y nakikipagsapalaran.
May mga magkakaibang na kakatapos lang kumain kaya naman sinuwerte kaming nakahanap ng table. Pagkaupo ko ay nasulo ako sa iba't ibang kulay ng mga ilaw na nagsasayawan sa loob kasabay ng masasayang tao. Kita ko sa kanilang mga mukha na hindi alintana ang init sa kanilang pagsasaya. Sana pinanganak din ako na party goer para kahit may problema ako, p'wede ko yong i-release sa pamamagitan ng walwalan.
"Nasaan na ba ang mga couples natin dito?" biglang sabi ng isang lalaking naka-uniporme katulad ng mga nagseserve ng mga pagkain dito sa loob habang naglalakad papunta sa gitna ng dance floor. Pagkasabi niya naman n'on ay nagsigawan ang mga magjojowa. "I love your energy guys!" dagdag niya.
"I want all of the couples to join. May pa-game tayo. Bongga pa ang prize!" habol ng babaeng sumunod sa likuran niya.
"Ano ba ang prize natin, sis?" tanong ng lalaking host sa partner niya.
"Ay grabe 'to! Hindi mo kakayanin!" sabi niya habang nakahawak pa sa kaniyang bewang. "Isa lang namang bonggang-bonggang camera!"
Pagkasabi niya nun ay agad naman akong napatunghay at tinignan 'yong prize. Kamukhang-kamukha ng camera ko na bigay ni Mikky. "Nasaan si Mikky?" agad na tanong ko kay Cy.
"Hala lumabas eh!" nangangambang sagot niya dahil nahalata niya na gusto kong sumali.
"Last call para sa mga sasali!" sabi nung host habang nag-iikot-ikot sa loob. "Wala na bang sasali?"
Tumayo na ako at lumingon ulit para hanapin si Mikky.
Nasaan ka na ba Mikky? Please come! You don't have to feel sorry. Eto na o! Tinutulungan na tayo ng Poong Maykapal.
May biglang humawak sa kamay ko. "I'll do it."
Napanganga naman sina Cy at Pat.
"Pero kuya..."
"Ako na mag-eexplain kay Mikky mamaya," sabi ni Kuya Zian saka tumayo at sinamahan ako sa dance floor.