JULES MARTIREZ
Pinagmasdan ko si Wena na naglakad papalayo nang nakiusap ako kay Mikky na gusto ko itong makausap. Buti naman at nakaramdam siya. Dahan-dahan naman akong tumabi kay Mikky na nakaupo pa rin sa damuhan.
Sa likod namin ay may malaking puno kung saan siya nakasandal. Ang paligid naman namin ay punong-puno ng pulang mga rosas. Napakaromantic ng lugar na ito para sa dalawang taong maaaring maghiwalay.
Walang umiimik sa aming dalawa nang ilang segundo. Hindi ko alam kung papano magsisimula. Hindi ko rin alam kung papakinggan niya pa ba ako.
"Alam mo ba may nakausap akong kaibigan," basag niya sa katahimikan. 'Yong si Enro ata ang tinutukoy niya, "ang dami kong natutunan sa kan'ya."
Pinaramdam ko sa kan'ya na nakikinig ako, na natutuwa akong kinakausap niya ako ngayon.
"Ang dami niyang pinagsisihan sa buhay niya at ayaw niya akong matulad sa kaniya." Humarap na siya sa'kin pagkasabi n'ya n'on. "Kaya mag-usap naman tayo Jules bago natin pagsisihan ang lahat ng ito sa hinaharap."
Napa-awang ang bibig ko sa sinabi niya. Nakalimutan ko kung gaano ka-mature si Mikky sa ganitong mga bagay, nakalimutan ko kung paano nga ba kami nagtagal. Bigla ko tuloy naramdaman na hindi lang siya ang may pagkukulang sa relasyong ito, kundi ako rin. Hindi ako nagsasalita kapag may gusto akong linawin, kinikimkim ko lang ito sa aking sarili at hahayaan na lang ang mga bagay-bagay. Mali ito, maling-mali.
"Gusto kong sabihin sa'yo ang lahat, Mikky," saad ko sa kaniya. Hindi ko alam kung tatanggapin niya pa ako kapag narinig niya ang mga sasabihin ko. Sigurado akong maaaring sumama ang loob niya sa'kin pero mas ayos na iyon kaysa sa ganitong hindi kami magkaintindihan. "Mikky, may mga plano akong binalak na hindi naman dapat. I--"
"Alam ko ang tungkol doon, Jules," putol niya sa aking pagsasalita. Nabigla naman ako at hindi makapaniwala sa kaniyang sinabi. Alam niya ang lahat?
Kinuwento niya sa akin ang nangyari at hindi ko matanggap ang mga narinig ko. Alam niya nga ang lahat, simula pa noong unang-una ngunit pinili niya pa ring manatili sa tabi ko.
"Sa totoo lamang, noong nalaman ko iyon, plinano ko na makipaghiwalay sa'yo dahil iyon ang gusto mo at ayaw ko nga nang nahihirapan ka," pagpapaliwanag niya habang ako ay hindi pa rin makapaniwala sa aking mga naririnig, "pero Jules, hindi ko talaga kaya e. Kaya inintay ko na lang na ikaw ang gumawa, at ito na nga."
Hindi ko na alam ang sasabihin ko. Iniisip ko na bawat salitang bibitawan ko ay wala ng k'wenta dahil mali talaga ako. Nasaktan ko siya ngunit pinili niya pa ring manatili sa tabi ko. Bakit hindi ko man lang naramdaman iyon? Siguro dahil sarili ko lang ang iniintindi ko.
"Mikky." Gusto kong magpaliwanag ngunit wala na akong lakas. Ang lahat ng tama noon sa akin ay mali na sa akin ngayon. Hindi dapat iyon pumasok sa isip ko, hindi dapat ako nagpadalos-dalos.
"Naiintindihan ko naman ang lahat," saad niya, "nagkulang talaga ako, Jules. Simula pa noong una." Pinilit niyang ngumiti at hinawakan niya ang kamay ko. "Kaya thank you for staying sa loob ng anim na taon."
Flashback: High School
"Jules." Iyan na naman siya sa pagbanggit ng pangalan ko. Bawat letra at buka ng bibig niya ay ramdam na ramdam ko talaga. Nabaliw na nga ata ako sa lalaking ito ngunit hindi naman kami parehas ng nararamdaman. Ngunit bakit niya ako dinala rito? Bakit gusto niyang makipag-usap sa akin?
"Bakit?" nahihiyang tugon ko sabay tingin sa mga bulaklak sa aking gilid. Amoy na amoy ko ang halimuyak ng mga ito. May iilan pang paru-paro ang naliligaw sa gawi ko at dumadapo sa mga bulaklak na katabi ko. Hindi ko alam kung bakit parang nararamdaman ko rin sila sa loob ng tiyan ko. Dahil ba ito sa sobrang kilig? Hindi ko na talaga kakayanin na tumagal pa rito. Sasabog na ang puso ko sa lakas ng pagtibok nito.
"Jules," ulit niya, "tumingin ka sa'kin please." Nagulat ako sa sinabi niya kaya napatingin talaga ako sa kaniya. Sakto namang nagtama ang aming mga mata. Nakita ko na parang mayroon siyang gustong sabihin, na parang habang buhay niyang pagsisihan kapag hindi niya ito nasabi sa akin ngayon.
"May problema ba?" tanong ko habang pinipigilan ang panghihina ng mga tuhod ko na unting-unting pinalalambot ng nakakatunaw na tingin niya.
"Gusto mo pa rin ba ako?" diretsahang tanong niya.
Napatigil naman ako at hindi nakasagot sa kan'ya. Nagtataka naman kasi ako kung bakit niya tinatanong sa akin iyon ngayon. Gusto niya ba akong i-reject nang dalawang beses? Sobra naman ata siya.
Sasagot na sana ako ngunit inunahan niya na ako.
"Kasi ako, gusto na kita."
Na-estatwa ako sa aking kinatatayuan. Inaantay kong may lumabas na kamera at sabihing prank lamang ito ngunit dumaan ang ilang segundo na walang kamerang lumalabas. Tanging ako at si Mikky lang ang nandito. Kami lang talagang dalawa.
Mas bumilis ang tibok ng puso ko. Napahawak na ako rito at hindi ko alam ang itutugon ko sa kaniya. Pinagpapawisan na ako nang malamig at hindi na ako makatingin ng diretso sa kaniyang mga mata.
"Ayos lang," nakangiting sagot niya sabay yuko, "hindi mo kailangang sumagot. Gusto ko lang malaman mo." Tumalikod na siya at nagsimulang maglakad papalayo.
Hindi ko naman napigilan ang sarili ko na tawagin siya. "Mikky!"
Lumingon naman siya agad at humarap sa akin.
"Hindi ko alam kung anong nagpabago sa isip mo," nahihiyang saad ko habang nakatingin sa mga damong nakadikit sa sapatos ko, "pero gusto kong malaman mo na walang araw na lumipas na hindi kita ginusto." Tumunghay ako at nakita ko ang ekspresyon sa kaniyang mukha. Hindi ito sobrang saya pero hindi rin naman malungkot. Tama lang para maramdaman ko na gusto niya nga ako at totoo ang kaniyang sinabi kanina.
Unti-unti akong lumapit sa kaniya at nagkamot ng ulo sa harapan niya. "Tayo na ba?" walang alinlangang tanong ko sa kan'ya.
Napatawa siya at hinawakan ang aking kamay. "Oo."
End of flashback
"Wala na ba talaga tayo?" naluluhang tanong niya sa akin habang ako'y hindi na rin makatingin nang diretso sa kaniya dahil sa mga luhang nag-uunahang pumatak mula sa aking mga mata.
"Mikky, I am sorry." Nahihirapan na akong magsalita at huminga dahil sa patuloy kong pag-iyak. Gusto kong bawiin ang sinabi ko sa kaniya, ang pakikipaghiwalay ko sa kaniya ngunit hindi ko magawa. Naramdaman ko na hindi na ako nararapat para sa kaniya, na hindi na ako nararapat para sa pagmamahal niya.
"No, no, don't be sorry." Pinunasan niya ang mga luha ko at hinalkan niya ako sa noo. "Ayaw kong makita kang nagkakaganito."
Niyakap ko siya na para bang ito na ang huli.
"Sabihin mo lang Jules kung gusto mo pa akong manatili, dahil mananatili talaga ako," saad niya, "pero kung gusto mo na talagang maging malaya, hindi rin kita pipigilan."
Gusto kong manatili ka pero sobra na ang nadulot kong sakit sa'yo.
Gusto kong pagalingin ang mga sugat na dinulot ko ngunit nasugatan din ako.
Gusto kong maging masaya ka sa piling ko ngunit araw-araw ko ring maaalala kung paano ka nalungkot at nawalan ng buhay sa piling ko.
Hindi ako kumalas sa pagkakayakap ko sa kaniya. Niyakap ko si Mikky nang napakahigpit. Niyakap ko siya sa huling pagkakataon.
And this day marks the end of our six-year relationship.