Chapter 16 - 15

JULES MARTIREZ

(Four years later)

"Nakapili ka na ba ng isusuot mo?" tanong sa akin ni Pat habang siya ay patuloy sa paghirang ng mga gown na naka-hanger sa rack. Wari ko'y hindi pa rin siya nakakapili ng kaniyang isusuot.

"Hindi nga e. Ikaw ba?" tugon ko habang tinitignan ang mga damit na hinihirang niya.

"Hindi pa rin. Wala talaga akong bet dito. Lipat nga tayo doon," saad niya sabay lipat ng p'westo. Agad naman siyang sinalubong ng sales lady at nakita kong nakipag-usap siya rito habang minumwestra ang itsura ng gown na nais niya.

Sumunod ako sa kaniya at hinintay na matapos ang pagpapaliwanag niya doon sa sales lady.

"Oh ano? Meron daw bang ganon?" tanong ko sa kaniya.

"Baka meron daw sa stock room. Hintayin muna natin." Umupo siya sa pinakamalapit na bench at tumabi rin naman ako sa kaniya.

Huminga ako nang malalim. Hindi ko talaga lubusang maisip itong pinaghahandaan namin. Hindi ko pa rin talaga ito nagsisink-in sa utak ko. "Dapat ba talaga tayong pumunta?" tanong ko kay Pat na para bang malalim din ang iniisip.

Tumango siya at ngumiti sa akin. "Oo naman, Jules. Iisipin nila na bitter tayo kapag hindi tayo pumunta."

Ngumiti na lang ako at tumango. Tama siya.

Tumayo ako at nagpaalam muna sa kaniya. Kailangan ko na ring maghanap ng maisusuot ko at ayaw ko nang magsayang ng oras.

Binalikan ko ang mga rack na pinasadahan ni Pat kanina, baka sakaling may magustuhan ako. Pastel yellow ang tema ng kasal kaya pabor din naman sa'kin dahil paborito kong kulay iyon.

Nahagip ng aking mga mata ang isang gown na suot ng isang manequin. Tugma rin ito sa tema kaya nagtanong ako sa sales lady kung may stock pa ba niyon. Laking-tuwa ko naman nang sabihin niyang meron pa. Sinukat ko ito at saktong-sakto naman ito sa aking katawan.

"Kukunin ko na po ito," saad ko sa sales lady na nag-asikaso sa akin.

Binalikan ko muna si Pat para kumustahin kung nakapili na ba siya. Laking-gulat ko naman nang bigla siyang lumabas ng dressing room at nakita ang gown na suot niya. Sleeveless ito at kabog na kabog naman talaga. Fit na fit din ito sa kaniyang katawan. Sa madaling salita, bagay na bagay ito sa kan'ya.

"Papapasukin ka ba sa simbahan niyan?" gulat na tanong ko sa kaniya.

"Ano ka ba? Beach wedding 'yon a?" tugon niya habang naglalakad-lakad na feeling model sa harapan ko.

"Pero kahit na, kasal pa rin 'yon."

"Hay, basta girl!" Umirap siya at pumasok na ulit sa dressing room. "Ito na ang bibilhin ko!" sigaw niya habang nagpapalit sa loob.

Hinintay ko siyang makapagpalit at nang matapos siya ay naglakad na kami papunta sa counter. "Nakapili ka na ng sa'yo?" tanong niya.

"Oo, nandoon na sa counter," nakangiting tugon ko.

"Dapat kabog din 'yon a. Ayaw kong magmukhang tayong kawawa sa kasal na iyon," mataray na sabi niya. "Magsisisi naman talaga siya e!"

Napatawa na lang ako ngunit nakakaramdam pa rin ako ng lungkot sa aking kalooban. Siguro nga kailangan na lang naming tanggapin ang mga nangyari at magpatuloy sa buhay, kahit na mahirap.

Madilim na nang ako ay nakauwi. Naabutan ko naman na sinusukatan ng mananahi si Niko sa may sala ng bahay.

"Naks, magtutuxedo," biro ko agad sa kaniya.

Napatawa siya at humarap sa akin. "Tinatamad akong magsukat nang magsukat sa shop. Mas okay na itong pasadya," aniya.

"Oo, mayaman ka e," biro ko ulit sa kaniya. "Pupunta raw ba si Jewel?"

"Oo daw. Babyahe na siya ng Thursday para siguradong nandito na siya ng Saturday."

"Sana all," palokong tugon ko sa kaniya habang nakangisi.

Nagkakilala sina Niko at Jewel sa Pagudpud at ngayo'y four years na sila. Gwapo nga naman nitong si Niko at nakabingwit pa ng magandang dilag sa Ilocos. Samantalang ako, ginto na, naging bato pa. Hay, Jules. It's okay, it's okay.

Nakakalungkot din na hindi ko makakasama si Niko sa kasal dahil may sarili silang lakad ni Jewel kasabay ng araw na iyon, pero ayos lang, kasama ko naman si Pat.

Biglang nag-notif ang phone ko kaya tinignan ko ito.

099968*****

Pupunta ka ba sa Sabado?

Nagtaka naman agad kung kanino galing ito. Hindi naka-save sa phone ko kung sino ang sender kaya nagdalawang-isip ako kung magrereply ba ako.

Ngunit bigla ulit akong nakatanggap ng text mula dito.

099968*****

Si Mikky 'to.

My heart skipped a beat.

We didn't talk for the last four years after naming mag-break at ngayo'y nakatanggap ako ng napaka-random na text mula sa kaniya.

Ano naman kaya ang dapat kong ireply?

Hi, oo. ❌

Kumusta na? Oo naman. ❌

Maybe. ❌

Hindi ko pa alam. ❌

Oo, ikaw?

Nagdadalawang-isip pa ako kung isesend ko ito, pero dahil sa nangangatal ang kamay ko, napindot ko nang hindi sinasadya ang send. Bwiset naman talaga.

099968*****

Pupunta ka ba sa Sabado?

Si Mikky 'to.

Oo, ikaw?

Hinintay ko ang reply niya pero wala na akong natanggap. Hindi ko na lang ito hinintay at hinayaan na lang. Baka wrong send lang talaga ito at hindi ako ang dapat makareceive ng message na iyon.

Dumaan ang ilang araw at sumapit na ang Sabado. Pinuntahan ko si Pat sa bahay nila para sabay na kaming pupunta sa venue. Wala si Kuya Zian dahil sa Switzerland na siya nagtatrabaho. Sabi niya, mas marami raw kasi ang oportunidad sa poging architect na kagaya niya sa bansang iyon. Naniwala naman ako sa kaniya ngunit halata ko rin ang lungkot sa kaniyang mga mata noong umalis siya. Sayang, siya sana ang unang babatok kay Cy kung nandito siya.

Pagkarating ko sa k'warto ni Pat, nagbreakdown pa ang babaita kaya hindi agad kami nakaalis. Sinamahan ko na lang siya katulad ng pagsama niya sa akin noon. Naiintindihan ko kung bakit siya nagkakaganito.

"Okay lang naman kahit hindi tayo tumuloy, Pat," mahinahong sabi ko sa kan'ya.

"No," humihikbing tugon niya. "Sayang naman ang bili natin sa gown."

Kumuha ako ng tissue at pinunas ito sa luha niya. "P'wede naman natin itong isuot sa ibang pagkakataon."

Umiling lang siya habang nagpupunas ng luha niya. Hinayaan ko munang lumipas ang ilang minuto bago siya tuluyang tumahan.

Isang oras din ang lumipas bago siya tuluyang kumalma. Tumingin siya sa akin at ngumiti nang mapait. "Tara na," matamlay na sabi niya.

Wala nang sabi-sabi, sabay na kaming bumaba ng k'warto niya. Sumakay kami sa nakaparadang kotse niya sa harap at agad naman niya itong pinaandar. Sobrang bilis ng pagmamaneho ni Pat at wala akong nakikitang ekspresyon sa mukha niya. Ang alam ko lang ay gusto niya lang talagang makarating sa kasal ni Cy.

Alam kong napakahirap nito para sa kaniya pero pinili niya pa ring pumunta sa kasal ng taong pinakaminahal niya. Kahit ako nga ay mabigat din ang loob sa pagsama ko sa kaniya, ngunit hindi ko hahayaang pumunta ang best friend ko nang mag-isa.

Biglaan lang talaga ang pangyayari. Nalaman ko na lang isang araw na ikakasal na si Cy sa iba. Akala ko pa naman ay nagka-ayos sila ni Pat four years ago, pero mali ata ang akala ko. Mas pinairal ni Pat ang pride niya at tuluyan niya na ring pinakawalan si Cy. Pinakawalan niya ito sa pagkaka-akalang babalik pa rin ito sa kaniya ngunit lumipas ang panahon at napagod na rin ata si Cy sa kakasuyo sa kan'ya, hanggang sa tuluyan na itong napalayo sa amin.

Ang huling interaksyon namin sa kaniya ay noong nagpadala siya sa amin ng invitation para sa kaniyang kasal. Akala ko ang aming relasyon ay matatawag na "squad goals" ngunit hindi pala lahat ng nag-umpisa nang maganda ay matatapos din ng maganda. Kailangan na lang naming tanggapin na ito ang katotohanan ng buhay.

Pagkarating namin sa venue ay saktong nagsasayaw na ang bagong kasal sa gitna. Tapos na ang seremonyas at nagkakaroon na ng party para ipagdiwang ang kasalang naganap. Magarbo ang receptioin pati na rin ang suot ng mga bisita ngunit hindi rin naman napag-iiwanan ang suot naming dalawa ni Pat. May iilan ring mga bisita na naglalangoy na sa dagat, ang iba naman ay naglalaro sa buhanginan at nagbubuo ng kanilang mga sand castles. Nakaramdam ako ng kirot sa aking dibdib nang maalala ko na ito ang dream wedding nina Pat at Cy.

Nakita ko naman ang pagkagat ni Pat sa labi niya, tila nagpipigil na naman siya sa pag-iyak. Tinapik-tapik ko na lang ang kaniyang likod at inalalayan na makaupo sa bakanteng upuan sa likuran.

"Dito ka lang, ikukuha kita ng tubig." Sabi ko na nga ba at hindi magandang ideya ang pagpunta rito e. Masasaktan lang siya sa makikita niya rito, ngunit baka ito na nga ang araw para sa closure nilang dalawa. Siguro ay para na rin ito sa ikakabuti ng lahat kaya naisip ni Pat na tumuloy. Sana nga ay maging ayos na talaga siya.

Pagbalik ko ay may hawak na akong baso na puno ng tubig para kay Pat ngunit napahinto ako sa paglalakd nang marinig ko ang sinabi ng host na nasa harapan, "We need to hear a message from Ms. Jules Sarmiento."

Medyo natapon ang tubig mula sa basong hawak ko dahil sa aking pagkagulat. Tama ba ang pagkakarinig ko, Jules Sarmiento raw?

Nakatingin sa akin ang announcer kaya napaturo ako sa aking sarili habang nanlalaki ang aking mga mata.

Tumango siya at tila ba pinapapunta niya ako sa stage. Umiling naman ako at nagsalita mula sa kinatatayuan ko kahit na medyo malayo ako sa kaniya, "Hindi po ako si Jules Sarmiento. Jules Martirez po ako," paglilinaw ko. Narinig ko pa ang paghagikgik ng mga tao sa paligid ko.

Nagulat 'yong host at sa ekspresyon niya ay mukhang nakamali talaga siya. "I'm sorry, my bad," nakangiting saad niya. "Ms. Jules Martirez and Mr. Mikael Sarmiento rather, please come up to the stage."