MIKAEL SARMIENTO
"Mikky." Pinagmasdan ko ang kaniyang maamong mukha. Napakasaya ko na kasama ko siya ngayon. Hindi ko na alam kung paano siya lalapitan kaya laking tuwa ko nang ako na ang pinalapit niya sa kaniya. "Do you like her?"
Para akong binuhusan ng malamig na yelo nang dahil sa tanong niya. Sa tingin niya ba ay ganoon na lamang iyon, na kaya ko siyang ipagpalit na lang basta-basta?
"Hindi ko siya gusto," sagot ko sa kaniya. Tumango siya at nagpatuloy sa paglangoy.
Ikaw, gusto mo pa ba ako? Mahal mo pa ba ako?
Flashback: Jules and Mikky's 6th Anniversary
"Susundan ko siya," pamamaalam ko sa kapatid ko habang nagmamadaling lumabas ng bahay. "Kailangan niya ako ngayon."
Inaamin kong nagkamali ako. Nakalimutan ko ang araw kung saan nag-umpisa ang lahat. Hindi ko siya masisisi kung magagalit siya sa'kin.
Naabutan ko pa siyang sumakay ng jeep at bumaba rin ako kung saan siya bumaba. Napansin ko na papunta siya sa bahay nina Pat.
Nauna siyang pumasok sa loob ng bahay at sumunod din naman ako.
"Manang, si Jules po?"
"Oh Mikky, nandito ka rin?" nagtatakang tanong niya sa akin. "Nandoon na siya sa taas kasama si Pat."
Tumango ako at agad na umakyat sa taas.
Sorry, Jules. Sorry talaga.
Babawi ako.
Pagkadating ko sa tapat ng k'warto ni Pat, narinig ko silang nag-uusap dahil naka-awang ang pintuan.
"So anong balak mo?" Narinig kong sabi ni Pat "Makikipagbreak ka sa kanya? Girl, isipin mo rin ang image mo! Anong iisipin ng mga kamag-anak ni Mikky, pinagsawaan mo lang siya? God! You knew them for six f*cking years! Nakakahiya ka. Gagaya ka pa kay Cy. I still hate all of his damn reasons!"
Anong pinag-uusapan nila?
Si Jules, makikipaghiwalay sa akin?
"Kaya nga hindi ako ang makikipag-break," sagot ni Jules sa kaniya.
Ayaw ko nang marinig kung ano pa ang sunod niyang sasabihin pero hindi ko malaman sa aking sarili kung bakit ko piniling manatili.
"I am going to make him break-up with me."
Nanlambot ang aking mga tuhod sa aking narinig ngunit pinilit ko pa ring tumayo para lumayo mula sa pintuan.
Sa totoo lamang ay gusto kong pumasok sa loob at pigilan si Jules sa balak niya. Pero ano pa ba ang magagawa ko kung 'yon ang gusto niya? Kung iyon na ang nasa isipan niya?
Pagod na siya at ayaw ko nang mapagod siya.
"Manang," tawag ko sa kasambahay nina Pat pagkababa ko ng hagdanan, "'wag n'yo na pong sabihin sa kanila na dumaan ako rito." Pinilit kong ngumiti sa kaniya ngunit paglabas ko ng bahay ay hindi ko na napigilan ang pagtulo ng aking mga luha.
Mahal na mahal ko siya pero hindi ko na ata naparamdam sa kan'ya.
Kasalanan ko rin ito.
Ngunit huli na ba talaga ang lahat para bumawi?
End of flashback
"Mikky?" Ikinaway niya ang kaniyang palad sa tapat ng aking mukha. "Ayos ka lang?"
Hindi na ako sumagot pa at niyakap na lamang siya.
Ang sarap sa pakiramdam nito. Yakap-yakap ko siya habang nadadala kami ng kalmadong alon ng dagat.
Ramdam ko ang lamig ng tubig ngunit ramdam ko rin ang init ng kaniyang katawan.
Saglit kong nilubayan ang mahigpit kong yakap kaya nagtagpo ang aming mga mukha. Sinubukan kong pagtagpuin ang aming mga mata ngunit nahalata ko ang pag-iwas niya.
"May gusto ka bang sabihin
Ba't di mapakali
Ni hindi makatingin"
"Tanda mo pa ba?" tanong ko sa kan'ya. "Noong unang beses na malasing ka?" Tumawa ako ng mahina nang makitang ngumiti siya nang bahagya. "Pinapa-alis mo ako noon at sinabi mo sa'kin na humanap na ako ng mas maganda sa'yo."
"Sana'y wag mo na 'tong palipasin
At subukang lutasin
Sa mga isinabi mo na
Iba ang nararapat sa akin
Na tunay kong mamahalin"
"Pero wala ng mas gaganda pa sa'yo." Hinigpitan ko ulit ang hawak ko sa kan'ya. "Wala na akong hahanapin pa, Jules."
"Ohhhhh
'Wag na 'wag mong sasabihin
Na hindi mo nadama itong
Pag-ibig kong handang ibigay kahit pa kalayaan mo"
Kailangan kong maipakita sa kaniya na mahal na mahal ko pa rin siya. Kailangan kong bumawi sa lahat ng mga pagkukulang ko. Kailangan kong patunayan ang sarili ko.
At kung hindi ko man mabago ang isip niya, ako na mismo ang lalayo. Ako na mismo ang makikipaghiwalay dahil 'yon nga ang plano niya.
"Jules--"
"Jules, Mikky!" Napabitaw ako sa pagkakayakap ko sa kaniya dahil sa tawag na iyon. "Bumili kami ng pizza! Let's eat!"
"Sige kuya!" sagot niya rito. "May sasabihin ka ba?" baling niya naman sa akin.
Umiling ako at ngumiti. "Wala, tara na munang kumain."
Ngunit paano ko nga ba maipapakita sa kaniya? Paano ko ipaparamdam na mahal ko siya? Paano ko papatunayan ang sarili ko kung siya na mismo ang lumalayo?
"Mikky," tawag niya sa akin bago pa man kami maka-ahon, "nagseselos ka ba kay Kuya Zian?"
Napatigil ako sa paglalakad at ngumiti sa kaniya. "May dahilan ba?"
Umiling siya at tumuloy na kami sa paglalakad. "Nagselos ka ba kay Wena?" tanong ko naman sa kaniya.
Napalingon siya sa'kin at sumimangot. "May dahilan ba?"
Napangisi ako at sumagot, "wala, syempre. Kaya magdamit ka na." Inabot ko sa kaniya 'yong dress niya.
Umiling siya at dinampot ito. "Babalik na lang ako sa k'warto para magbihis. Ayaw kong lamigin."
"Samahan kita?" tanong ko sa kaniya.
"'Wag na." Umirap siya at nagulat naman ako. "Samahan mo 'yang si Wena."
Hay, classic Jules. "Ito na nga, sasama na sa'yo," nakangiting sabi ko.
Palihim kong tinatakluban ang kaniyang katawan hanggang sa makarating kami sa k'warto niya.
Hinayaan ko siyang pumasok sa loob at naghintay naman ako sa labas. Nang matapos na siyang magbihis, tahimik lang kaming naglakas pabalik sa beach.
Walang nagsasalita, walang nagtatanong at sa wari ko'y wala rin gustong sumagot.
Kung saka-sakaling mag-usap kami, maiintindihan pa ba namin ang isa't isa? Babalik pa rin ba ang lahat sa dati? Magiging maayos ba ulit ang lahat?
"Jules," bigla na lang akong nakapagsalita. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na sabihin ang kaniyang pangalan.
Lumingon siya sa'kin at tinignan ang aking mga mata.
"Thank you for loving me." Ngumiti siya at tinapik ang aking balikat. "Kung may problema man, please tell me."
Napahinga siya ng malalim at tumingin sa malayo. "Mikky, I am sorry."
Napa-awang ang bibig ko at hinawakan ang magkabilang balikat niya. "Bakit?" nagdadalawang-isip na tanong ko sa kaniya. Natatakot na ako sa kaniyang isasagot. Baka kasi siya na mismo ang makipaghiwalay sa akin, baka hindi na niya ako hintayin, baka pagod na kasi talaga siya.
"For my attitude earlier." Yumuko siya ngunit tumingin na siya sa akin. "Hindi dapat ganoon ang ginawa ko. Masyado akong nadala ng emosyon ko."
"Ayos lang," nakangiting sagot ko sa kaniya.
"Ayos lang sa akin na magkaroon ka ng mga babaeng kaibigan. Hindi ko naman talaga dapat sila pinagseselosan."
Napangiti na lang ako at niyakap siya. "Ayos lang sa'kin lahat ng ginagawa mo. Wala ka namang maling ginawa. Wag ka nang magsorry." Dahil nga rito ay nararamdaman ko ang pagmamahal mo.
Kaya nga ako naguguluhan ngayon. Kung ramdam ko pa ang pagmamahal niya, bakit gusto niya akong makipaghiwalay sa kaniya?
"Mikky," mahinang saad niya. "I'm setting you free."