JULES MARTIREZ
Nagmadali akong bumalik sa aking k'warto. Hindi ako makapaniwala na nasabi ko iyon sa kan'ya. Hindi ko na rin naintay kung ano ang sagot niya. Basta ang alam ko lang ay gusto ko nang makaalis dito.
Pagkarating ko sa k'warto, pinasok ko na lahat ng gamit sa maleta ko. Hindi ko na ito natiklop ng maayos dahil sa aking pagmamadali. Hindi ko na rin alam ang ginagawa ko. Ano na nga bang nangyayari sa'yo, Jules?
Nagulat ako nang biglang bumukas ang pintuan. Bumungad sa akin si Pat na mukhang nagtataka sa aking ginagawa.
"Saan ka pupunta?" buong pagtatakang tanong niya.
Hindi na ako sumagot pa at pinagpatuloy na lang ang aking ginagawa.
"Jules!" malakas na saad niya. "Are you out of your mind?" Lumapit siya sa akin at lumuhod sa harapan ko. Pinipigilan niya ang mga kamay ko. Nilalabas niya ang mga damit na naipasok ko na sa maleta. Naglalaban na ang mga kamay namin. Hinahawi ko ang mga kamay niya habang siya naman ay hinahampas ito.
"F*ck, Jules! Why are you like this?" Marahan niyang itinulak ang balikat ko at napatigil naman ako sa aking ginagawa. Hinarap ko siya at nakita ko ang pagkainis sa kaniyang mukha. Hindi ko na napigilan pa ang pagtulo ng aking mga luha. Hirap na hirap na akong intindihin ang sarili ko. Ang gulo-gulo na ng utak ko. Hindi ko na talaga alam ang gagawin.
"I broke up with Mikky," humihikbing sabi ko. "I'm f*cked up, Pat. Hindi ko na alam ang ginagawa ko. Gusto ko na munang mapag-isa."
"Jules, kumalma ka muna. Hindi ka nga makakapag-isip ng tama kung gan'yan ka." Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko at tumingin siya ng diretso sa aking mga mata. "Come here." Niyakap niya ako at pinakawalan ko na nang tuluyan ang mga luhang matagal ko nang pinipigilan. Nakakapagod palang magkungwaring matatag. Nakakapagod nang umiintindi. Nakakapagod na ang lahat ng bagay.
"Let's get some fresh air," mahinahong sabi niya at inalalayan niya akong tumayo. Inayos niya ang mga gamit kong nakakalat sa sahig at sabay kaming lumabas ng k'warto.
Nasaan kaya si Mikky ngayon? Ayos lang kaya siya?
Gusto kong humingi ng tawad at aminin sa kaniya lahat ng mga binalak ko noon. Gusto ko nang maging honest sa kaniya. Gusto kong magkaintindihan na kami. Kung saka-sakaling hindi na niya ako tanggapin pagkatapos niyang marinig ang lahat ng iyon, ayos lang. Ang mahalaga'y nakapag-usap man lang kami ng maayos kahit sa huling pagkakataon.
Napansin kong dinala ako ni Pat sa isang pool dito sa resort. Kakaunti lang ang mga taong nandirito at ang sarap pa ng simoy ng hangin. Umupo ako sa isang bench at ganoon din naman ang ginawa ni Pat.
Pinalipas muna namin ang araw nang magkasama. Nagkwentuhan kami at tinanong ko kung nagkakamabutihan na ba ulit sila ni Cy. Sinagot naman ito ni Pat nang nakangiti. Hindi pa raw masyado pero baka mag-ayos na rin sila 'pag nagtagal. Nagpaliwanag na naman daw si Cy nang maayos at pinag-usapan din nila ang mga nangyari. Siguro'y kailangan na rin naming gawin iyon ni Mikky.
Madilim na at hindi na namin napansin ang oras dahil sa dami ng k'wentong ibinahagi namin sa isa't isa. Ang gaan sa pakiramdam na makalimutan ng panandalian ang mga problema ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay dapat kong takbuhan ang mga ito. Kailangan ko rin itong harapin para sa katahimikan ng puso at isipan ko, para tunay ko nang mapalaya ang aking sarili sa pangangamba.
"Pat, gusto ko nang kausapin si Mikky," nakangiting saad ko sa kaniya.
Tumango siya at kinuha ang phone niya. Napansin ko naman na biglang nanlaki ang kaniyang mga mata nang may mabasa siya rito.
"Bakit?" tanong ko sa kaniya.
"Nawawala raw si Mikky."
Napatayo agad ako nang marinig ko iyon.
Nakita ko naman sina Kuya Zian, Cy, at Niko na paparating. Halata ko rin ang pag-aalala sa kanilang mga mukha.
"Nalibot na namin ang beach area pero wala siya roon," sabi agad ni Kuya Zian sa akin. "Kanina pang tanghali namin siya hindi napapansin kaya nag-alala na kami noong dumilim na."
"Wala rin siya sa k'warto," dagdag naman ni Niko.
"Hindi naman siya makakalayo rito. Maghiwa-hiwalay tayo," kalmadong saad ni Cy. "Mahahanap natin 'yon."
"Good idea," tugon ni Kuya Zian. "Nagreport na rin naman ako sa resort. He's going to be alright."
Nagsimula na kaming maghiwa-hiwalay para hanapin si Mikky. Nasaan na kaya siya? Ano na kayang tumatakbo sa isipan niya ngayon? Wala naman sana siyang gawin na makakasakit sa kaniya dahil habang buhay kong sisisihin ang sarili ko kung saka-sakaling may mangyaring masama sa kan'ya.
Nanginginig ang mga daliri ko habang nagswi-swipe sa gallery ko. Naghahanap ako ng picture ni Mikky para mas madaling magtanong sa mga makakasalubong ko.
Lumipas ang ilang minuto, marami na akong taong napagtanungan at lahat sila'y walang ideya tungkol kay Mikky. Saan naman kayang lupalop nagpunta iyon?
"Miss," bati ko sa babaeng nakasalubong ko, umaasang siya na ang huling tatanungin ko at magtuturo kung nasaan si Mikky, "nakita mo ba siya?" tanong ko sa kaniya sabay pakita ng picture.
"Ay si kuyang pogi!" Nagliwanag ang madalim na paligid nang marinig ko ang sinabi niya. "Mukhang problemado si kuya kaya kinakausap siya ngayon ng kaibigan ko. Mukha ngang napasarap sila sa k'wentuhan e," sabi niya sabay tingin sa kaniyang orasan.
Lumingon-lingon naman ako sa paligid at hinahanap kung nasaan si Mikky.
Napansin niya ata ito kaya itinuro niya na kung nasaan ang taong hinahanap ko. "'Wag kang mag-alala. Nandoon lang sila sa garden," mahinahong saad niya. "Upo ka muna." Nilahad niya ang upuan sa tabi niya at umupo naman ako rito.
"Jowa mo ate?" biglang tanong niya sa'kin.
Nagulat naman ako at napatango na lang bilang tugon sa kaniya.
"Ohhh, kala ko naman nagbreak kayo," sabi niya sabay subo ng fries sa harapan niya. "Parang pinagsakluban ng langit at lupa si kuya e."
Napatingin naman ako sa lalaking papalapit sa amin. Hindi ko mabasa ang kaniyang ekspresiyon, mukha siyang napakaseryosong tao pero napansin kong nagliwanag ang kaniyang mukha nang makita niya ang babae sa harapan ko.
"Tapos na meeting n'yo?" tanong ng babaeng kausap ko kanina sa lalaking kakarating lang.
Tumango naman ito at napatingin sa akin.
"Ay ate, ito nga pala si Enro, ako naman si Affy. Ikaw, anong pangalan mo?"
"Jules," maikling tugon ko. "Nasaan na si Mikky?"
"Ah, nasa garden pa rin. Gusto niya raw munang mapag-isa e," sagot nung si Enro.
"Ah, salamat," nahihiya namang sagot ko.
"Puntahan mo na sis," singit naman nung si Affy.
Nahihiya pa akong tumayo ngunit nagkaroon din naman ako ng lakas para gawin ang nararapat.
"Salamat sa inyo," sabi ko sa kanila bago ako tuluyang umalis.
"No problem!" masayang sagot ni Affy.
Ngumiti ako sa kanila at nagtungo na ako sa garden. Hinanap ko agad si Mikky at nakita ko siyang nakaupo sa damuhan at nakatingin sa mga ulap.
Halata ko ang lungkot sa kaniyang mga mata at sigurado akong kasalanan ko kung bakit siya nagkakagan'yan ngayon kaya nararapat lamang talaga na ayusin ko ang gulong ito.
Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya habang nag-iipon ako ng lakas ng loob.
Malapit na ako sa kaniya ngunit napatigil ako sa paghakbang dahil may nauna na sa akin sa paglapit sa kaniya.
"Wena," narinig kong bati niya rito.
"Why are you alone again?" tugon nito.
Hindi na sumagot pa si Mikky nang biglang tumabi sa kaniya si Wena.
"Is this about Jules again? Lagi ka na lang niyang pinapalungkot huh?"
Napatulala ako at nagdalawang-isip na sa paglapit nang dahil sa aking narinig. Lungkot na nga lang ba ang naidudulot namin sa isa't isa? Wala na bang pag-asa na mapalitan ulit ito ng saya?
Mas makakatulong ba kay Mikky kung mag-uusap kami ngayon o mas ayos nga na tuluyan na akong maglaho sa buhay niya?
"Let's have a dr---"
"Mikky, let's talk," putol ko sa pagsasalita ni Wena. "Please."
Naniniwala akong mas makakatulong kay Mikky kung mag-uusap kami ngayon bago pa man ako tuluyang maglaho sa buhay niya.