JULES MARTIREZ
Masama man ang loob ko nang umuwi ako kahapon, ngunit ito na naman ako, papunta kayna Mikky. Isu-surprise ko siya dahil nga anniversary na namin ngayon, October 14. Minsan lang umabot ang couples ng six years. So, sa tingin ko dapat talaga naming ipagdiwang ang okasyong ito.
Kakuntsaba ko naman si Myles pati sina tito at tita. May dala akong cake, cookies at mga prutas na paborito niya. Ang hassle pero ayos lang, para kay Mikky naman ang lahat ng ito e. Mas ma-effort pa nga siya dati. Dati.
Dali-dali akong pamasok sa loob ng bahay nila. Nakasalubong ko naman agad si Mikky. Isang malawak na ngiti naman ang ibinigay ko sa kanya.
"Oh mahal? Nandito ka ulit?" bungad niya sa'kin. "Ang dami mong dala a?"
Nagulat naman si Myles sa sinabi ng kuya niya at napakamot ito ng ulo. "Anniversary niyo ngayon, tanga," bulong niya dito.
Nanlaki ang mga mata niya at dali-daling inabot ang mga dala ko. "Sorry mahal! Happy anniversary!" kinakabahang wika niya. "Sh*t," bulong niya nang makalampas ako sa kan'ya para pumunta ng kusina.
Ang tuwa at galak na nararamdaman ko kanina ay nawala na lang bigla. Hindi na rin ako makangiti kahit ano pang pilit ko. Isa talaga ito sa mga araw na inaabagan ko. Akala ko may surprise din siya, pero mukhang ibang surprise ang sumalubong sa akin.
Surprise! Hindi ko naalala na anniversary natin ngayon.
Ang sakit naman nito. Every year kaming nagcecelebrate, nakalimutan niya pa. Hindi na nga kami nag-momonthsaray para wala na siyang masyadong isipin, pero ayos pa ba na mismong anniversary namin ang makalimutan niya?
"Kain ka na," alok sa'kin ni Mikky hawak ang isang slice ng cake na nasa platito.
Inabot ko naman ito. "Uuwi na ako after kumain," malamig na turan ko sa kaniya bago sumubo ng cake.
"Bakit naman?" tanong niya.
Anong bakit, Mikky? Napaka-manhid mo talaga.
"May gagawin pa talaga ako eh. Saglit lang talaga ako dito," sagot ko habang itinatago ang pangangatog ng boses ko.
Bigla niya akong niyakap. "I love you," sabi niya. "Sorry. Babawi ako."
Niyakap ko na lang din siya dahil hindi na ako makapagsalita.
Babawi.
Babawi na lang siguro talaga lagi.
•••
Inantay ko lang matapos silang kumain tapos ay namaalam na ako. Hindi man lang ako pinigilan ni Mikky. Hindi man lang siya nag-explain kung bakit niya nakalimutan ang anniversary namin. Hindi man lang siya nag-effort.
Mangiyak-ngiyak akong sumakay sa jeep at tuloy-tuloy din naman ang pagpunas ko ng mga luha ko. Ang hirap magpigil ng pag-iyak. Ang sakit sa ulo.
Huminga ako ng malalim, kinuha ang cellphone ko at tinitigan ang wallpaper ko, kami ni Mikky.
Bakit naramdaman ko lahat ng pagod at sakit?
Bakit puro na lang malulungkot na ala-ala ang naiisip ko?
Bakit pakiramdam ko'y buo na ang loob ko?
Ayaw ko na.
NOTES
Malayo na narating natin. Napakasaya ng buhay nang kasama ka. Hindi ko malilimutan ang mga pinagdaanan natin, ang pagmamahal ko sa'yo, at ang mga pangarap natin. Ikaw na talaga ang nakita kong makakasama ko sa habang buhay. Ngunit, ramdam mo ba ang pagbabago? Nilalayo ka na sa'kin. Pakiramdam ko ay ang layo ko na sa iyo. Hindi ko alam kung ako lang ba ang nakararamdam o ito talaga ang nais mo. Sa mga salita mo'y iyong sinasabi na ako'y 'di mo nais na mawala, ngunit sa gawa mo'y ramdam ko na ang pagsasawa. Kahit sabihin mo na masakit, mas masakit siguro kung mas patatagalin pa natin. Alam kong sa puntong ito ay naiisip mo na rin kung tayo pa ba talaga sa isa't isa. Hindi pa nga siguro panahon para sa atin, ngunit 'di ko pinagsisisihan na pinilit kitang maging akin, sa kabila ng pagpigil ng ating mga magulang noon, sa pagpigil ng tadhana. Ngayon ay nais ko munang maging masaya ka. Masaya sa sarili mo at sa iyong pamilya. Ayokong masaya ka lamang sa piling ko dahil nakakalimutan mo ang mga problema. Gusto ko ay masaya ka talaga, iyong totoong masaya. Ako din, gusto ko munang mapag-isa. Iisipin ko rin muna ang aking sarili at ang aking pamilya. Sapat na siguro ang anim na taon para maparamdam ko sa'yo na totoo ang aking naramdaman, na mahal na mahal kita. Pasensya ka na kung ito'y akin nang tinatapos. Ayoko ng masaktan pa at maulit ang aking mga kinakatakot. Ayoko na ring maging dagdag sa iyong mga nararamdaman. Malaya ka na. Gusto kong maramdaman mo ang tunay na malaya, ang tunay na masaya. Alam kong naranasan ko ito sa iyo pero bakit kaya ngayon ay parang nakakulong ako sa mga baka sakali? Iniisip ko na hindi ka na masaya sa aking piling, na nagiging pabigat na ako kaya mas pinipili mo na hindi na lang ako kausapin. Alam kong may mga problema ka, at alam mong nandito lang naman ako nais umintindi sa'yo. Ngunit iniisip ko na napapagod ka na ring magpaintindi at umintindi kaya ito na nga at pinapalaya na kita. Huwag mong kalilimutang alagaan ang iyong sarili at ang iyong pamilya. Nais kong magpahinga muna tayo sa pagod at sakit para mabawasan naman ang bigat ng ating dibdib. Kung balang araw ay makasalubong kita at masaya ka na sa iba, mas magiging masaya ako para sa iyo dahil sa wakas ay natupad ang panalangin ko na makasama mo talaga ang para sa iyo na siyang magbibigay sa'yo ng saya at kagalakan sa kabila ng lahat ng problema. Pero kung makasalubong kita at naisin mong maging masaya kasama ako, sana'y hindi pa huli ang lahat para sa ating dalawa.
Paalam.
Isinulat ko na ang dapat kong sabihin sa kanya. Lahat ng naramdaman ko sa buong anim na taon ng pagsasama namin. Ang sakit ng matatapos lang ito ng ganito pero buo na ang loob ko at ayaw ko na talaga.
Ni-copy paste ko na ang sulat para isend ito kay Mikky pero tila nagdalawang-isip pa rin ako na gawin ito.
Ayaw kong saktan siya, pero ang sakit na.
Ayoko ring isipin na hindi ko na siya mahal. Mahal na mahal ko siya pero pakiramdam ko kasi ay nalulunod na lamang ako sa panghihinayang, panghihinayang sa anim na taon naming pagsasama.
Nangangamba rin ako sa magiging reaksyon ng iba sa gagawin ko. Hindi nila ako maiintindihan. Naisip ko rin naman na baka nadadala lang ako ng emosyon ko ngayon.
Ano na, Jules?
Sayang naman 6 years na e.
I hate Cy for breaking up with Pat through text.
Walang puso, walang pakiramdam.
How could someone broke up with their loved one so easily?
Duwag. Hindi committed.
Shit.
Naglahok-lahok na lahat ng bagay sa utak ko. Ayaw kong makipaghiwalay, pero buo na talaga ang desisyon ko na ayaw ko na.
Paano si Myles? Magagalit kaya siya sa'kin 'pag nakipagbreak ako sa kuya niya? Mamimiss ko sina tito at tita, ayokong maging awkward na lang kami kapag nagkasalubong kami sa daan dahil ako ang nakipagbreak.
Ang gulo-gulo na ng utak ko!
Teka, kung si Mikky ang makikipagbreak sa'kin, hindi siguro magiging ganoong kahirap? Hindi magagalit ang mga kaibigan namin, p'wede pa rin akong makipag-usap kayna tito, tita, at kay Myles, ang most importantly, hindi ako ang magmumukhang masama.
Ang selfish ko, pero para rin sa kanya 'to.
Mas masasaktan lang kami kung mas papatagalin ko pa ito.
•••
Pinuntahan ko si Pat sa bahay niya para sabihin sa kan'ya ang balak ko. I want to hear her side at kung ano ba ang magiging reaksyon niya.
Katakot-takot naman ang panenermon ang inabot ko nang sabihin kong lahat sa kaniya ang nasa isip ko.
Magkahawak ang aking dalawang kamay at kinukutkot ang aking mga kuko habang patuloy naman ang panenermon sa'kin ni Pat. Mukhang pati siya ay hindi makapaniwala sa aking sinabi.
"Makikipaghiwalay ka kay Mikky dahil lang nararamdaman mo na wala ng spark, na hindi na niya naaabot ang standards mo? High school ka ba, Jules?" pasigaw na sabi niya.
"I've been so inlove with him. I was so happy. You know how it feels to be inlove pero parang ngayon kasi pinipilit ko na lang," sabi ko sa kanya. "It is better to end this sooner kaysa patagalin pa. Mas lalo lang siyang masasaktan."
"So anong balak mo?" tanong niya. "Makikipagbreak ka sa kanya? Girl, isipin mo rin ang image mo! Anong iisipin ng mga kamag-anak ni Mikky, pinagsawaan mo lang siya?" sermon niya. "God! You knew them for six f*cking years! Nakakahiya ka. Gagaya ka pa kay Cy. I still hate all of his damn reasons!"
"Kaya nga hindi ako ang makikipag-break," seryosong sabi ko.
Natahimik kaming parehas, hinihintay niya ang sunod na sasabihin ko.
"I am going to make him break-up with me."
Napanganga siya. Napalunok naman ako. Tama ba? Tama pa ba itong binabalak ko?
"I hate you, Jules," tugon niya nang siya'y mahismasan. "I do not agree with that decision pero kung saan ka sasaya, doon ako."