Chapter 10 - Chapter 9

Chapter 9: Kaunti na Lang

DALAWANG araw ring nilagnat si Richard. Dalawang araw rin siyang inalagaan at pinakain ni Ruby. Kaso, dumami yata ang utang niya dahil sa pagkain nila sa loob ng dalawang araw. Hindi kasi siya nakapag-basura. Tapos, wala rin siyang naitabing panggastos.

"Sigurado ka bang magaling ka na?" seryosong tanong ni Ruby kay Richard. Hinipo pa niya ang noo ng binata na kasalukuyang nag-aayos ng higaan.

"Magaling na ako mahal na prinsesa! Sa ganda ba naman ng nag-aalaga sa akin, kahit sino yata ay gagaling agad," bola naman ni Richard. Pinamulahan tuloy kaagad si Ruby at hindi na naiwasang mapangiti.

"D-dapat lang! Isang prinsesa ba naman ang humalik sa 'yo!" Nakapamaywang pa si Ruby at lakas-loob niya 'yong sinabi.

Bigla namang kumabog ang dibdib ni Richard. Parang bumalik sa alaala niya ang halikan nilang dalawa. Saglit pa siyang napatingin sa mamula-mula na labi ng dalaga.

"Hindi..." Napailing na lang ang binata sa mga pinag-ii-isip niya. Nginitian na lang niya si Ruby at nagpatay-malisya.

"Nga pala, magbabasura ako ngayon. Ikaw na uli ang bahala sa bahay ha." Ramdam naman ng binata na magaling na siya. Alam din niyang kailangan na niyang magkapera. Kaya na naman daw ng katawan niya.

"Gusto kong sumama!" biglang sabi ni Ruby.

Nabigla naman si Richard. Ang alam niya kasi, ayaw na ng dalaga na lumapit sa tambakan ng basura.

"S-sigurado ka?" tanong ng binata.

"Oo! Babantayan kita. Mamaya, makipagkita ka na naman sa pangit na babaeng iyon. Baka magkasakit ka uli," seryoso namang sagot ni Ruby. Natatawang hindi naman ang binata. Alam niyang si Camille ang tinutukoy ng dalaga.

"Baka magdumi ang paa mo? Baka mamaho ka?" wika uli ng binata. Tinabihan naman siya ni Ruby sa pagkakaupo sa higaan.

"Ayos lang! Basta, mabantayan kita." Napailing na lang si Richard. Seryoso talaga ang dalaga.

"Sige na nga. Sandali, liligo muna ako para mawala ang init ng katawan ko," nakangiti na lang sabi ni Richard habang naglalakad papunta sa loob ng maliit nilang banyo. Inamoy-amoy pa niya ang suot niya at napailing na lang siya.

"Hoy! Bilisan mo! Maliligo rin ako," pahabol naman ni Ruby. Sinilip naman siya mula sa banyo ni Richard at napailing ito. Paano, nakapasok ang kamay ng dalaga sa loob ng suot nitong tshirt at may kinakamot sa parteng dibdib.

*****

"OH! Dito ka lang sa pwestong ito. Hawakan mo itong tubig natin," paalala ni Richard kay Ruby nang nasa tambakan na sila ng basura. Noon kasi, nilayasan siya nito pero kampante naman siya ngayon na hindi na iyon mauulit.

"Oo! Hindi ako aalis dito!" sagot naman ni Ruby. Nakasuot siya ng kupas na jacket at jogging pants ng isang university. May suot na cap ng kandidato at may hawak na plastic bottle ng softdrinks na 1.5 na may lamang tubig.

Nginitian ni Richard ang dalaga. "Sige, magtatrabaho na ako mahal na prinsesa."

"Sandali!" Pigil ni Ruby. Napalingon naman si Richard at nanlaki ang mata niya nang salubungin siya ng dalaga. Nagdikit ang labi nila. Mabilis lang 'yon.

"B-bakit mo ginawa 'yon?" takang tanong ni Richard. Hindi makapaniwala.

"B-bakit? Ayaw mo?" Medyo nahiya naman si Ruby, pero nakuha pa rin niyang magtaray.

"E-eh. H-hindi naman..." kinakabahang sagot ni Richard. Parang gusto niya uli pero pinigilan niya ang kanyang sarili. Pagkatapos noon ay nagmadali na siyang maghanap ng basurang maiibenta. Parang nabuhayan siya ng dugo. Nabigyan yata siya ng lakas dahil sa halik ng dalaga.

"MAY tubig pa ba tayo?" tanong ng pawisang si Richard sa dalaga. Ngumiti naman si Ruby at iniabot ang tubigan na may kalahati pa ang laman.

"Buti, hindi mo ininom lahat," biro naman ni Richard. Hindi naman siya pinansin ng dalaga. Nagulat na nga lang siya nang biglang punasan nito ang pawis niya sa mukha, leeg at pati sa likod.

"Turo ni Jana, punasan ko raw ikaw lagi kapag pinagpapawisan."

Napangiti na naman si Richard sa ginawa ng dalaga. Talagang inaalagaan pa rin siya nito. Ang s'werte raw niya. Kung dati, gusto na niyang palayasin si Ruby, ngayon ay hindi na. Nagbago na raw ito, at hindi rin niya inaasahan na magiging ganito.

"Tapos ka na ba sa ginagawa mo?" tanong ni Ruby. Kasalukuyan silang nakasilong sa likod ng isang sirang bahay.

Tinapos ni Richard ang pag-inom. "Tapos na. Marami na siguro ang nakuha ko."

"Nagugutom na ako..." sabi naman ni Ruby. Nakahawak pa siya sa sikmura.

"Pahinga lang ako nang konte. Tapos, ipagbibili na natin ang nakalkal ko. Tapos, magme-meryenda na tayo," nakangiti namang sabi ni Richard. Pasimple pa niyang pinagmasdan ang mamula-mulang pisngi ng dalaga.

*****

"ANONG tawag sa bahay na ito? Bahay na basura?" Ito ang unang tanong ni Ruby nang magpunta sila ni Richard sa Junk Shop. Dala-dala rin ng binata ang dalawang sako na puno ng mga ibebentang basura.

Pero bago pa man makasagot si Richard, isang bata naman na nasuot nang maluwang na jersey ang sumalubong sa kanila. Nakasuot ng cap at may mga metal na k'wintas na suot. Nakasapatos din ito ng trasher na rubber.

"Wow Miss! Nahiya naman ako sa sinabi mo!" Ito agad ang banat ng bata kay Ruby. Mga salitang pa-rap. May kasama rin itong pagkumpas at pagsenyas ng kamay na tanging rapper lang ang may alam.

"Hindi mo ba alam... Ang shop namin ang pinakasikat! Yowww!"

"Ang JOA! Ang Junkshop of Asia! Brik it dawn!"

Nakuha pa ng bata na mag-exhibition dance. Tumambling at nagdagasa. Napatayo naman agad ito na parang walang nangyari. Si Richard naman ay gusto nang sipain ang sira-ulong bata na um-epal sa kanila. Si Ruby naman ay naguguluhan at napataas ng kilay.

"Ikaw bata! Bakit ang dumi mong tingnan? Para kang basura." Walang pag-aalinlangan itong sinabi ni Ruby na ikinataas naman ng kilay ng bata.

"Yowww! Sobra ka na miss! Yu dunt now mi?" Banat na pa-rap pa rin ang sagot ng bata. Nag-hiphop dance sabay pagpag ng maluwag na jersey sa harapan ni Ruby.

"Aym Tikoy! Yowww! Kapatid ni kuya Dodong, na anak ni Mang Roger, na may-ari ng JOA! My Dad! Brik it dawn!" Isa pang matinding headspin sa magaspang na lupa ang ginawa ng bata. Pagkatapos ay nag-pose na parang nagyayabang.

Hindi naman maipinta ang itsura nina Richard at Ruby. Ang binata, gusto nang patulan ang bata. Ang dalaga naman, nag-iisil kung isa bang tao ang nasa harapan niya. Ang matindi, muling bumanat si Tikoy.

"Si Dad Roger ang CEO, si Brow Dodong ang President... at ako si Tikoyyy!" Tumambling pa ito nang pa-back dive. Sa kayabangan ay pumalpak ito. Unang tumama ang likod sa lupa. Kaso, parang walang nangyari. Agad itong tumayo sa kabila ng kahihiyan. Ang totoo, sumakit ang likod nito.

"Ang HR ng aming kampany!" Nakapamaywang at nakataas-noo si Tikoy na binigkas iyon.

"Tikoy! Wer na yu?"

Balak pa sanang bumanat ni Tikoy kaso, may tumawag dito. Ang kuya niyang si Dodong. Bigla naman itong lumitaw mula sa kung saan. Katulad din ito ang suot ng nakababatang kapatid. Mala-rapper.

Binatukan ni Dodong si Tikoy. Kamot-ulo ang bata. "'Di ba, sabi ko, linisan mo ang kubeta? Letsugas ka!"

Nagtatakbo si Tikoy palayo. Napatawa naman si Richard. Si Ruby naman, seryoso pa rin.

"Ang seryoso mo," sabi ni Richard sa dalaga.

"Wala namang nakakatawa, tama?" pasuplada namang sagot ni Ruby. Hindi na umimik ang binata. Pumasok na sila sa loob ng junkshop para ipagbili ang dalang basura.

"Yowww! Richard G! Sinow ang hot chick na kasama mow? Brik it dawn!" Napailing na lang si Richard sa tanong ni Dodong. Talagang may pinagmanahan si Tikoy.

"Siya si Ruby," pagpapakilala naman ni Richard sa dalagang kasama. Mala-kidlat sa bilis namang inilahad ni Dodong ang kamay nito sa harapan ni Ruby.

"Hi! Aym Dodong. Ang president ng JOA!"

Napailing si Richard sa nangyari. Hindi na lang niya iyon pinansin at kinilo na lang ang dala niya. Si Ruby naman, nakipagkamay agad at napangiti. Parang nagkaintindihan sila.

"Hoy! Tarantadong Dodong! Mamaya, makita ka ng asawa mo!" Siya namang biglang paglitaw ng tatay ng dalawang rapper, si Mang Roger. Matabang lalaki at nakasuot naman ito nang matinong pambahay.

"Im sowri dad! Yow now, its a sayn of prensyip!" wika ni Dodong na pa-rap.

"Its okay son!" pormal na sagot ni Mang Roger.

"Break-it down!" Kaso, may pahabol ang matanda na muntik nang ikahagalpak ng tawa ni Richard. Pinigil lang niya. Like father, like son, sa isip-isip na lang niya. Magbibigayan pa sana ng word of wisdoms ang mag-ama, kaso, sinabi niya agad na kailangan na siyang bayaran.

*****

NGITING-NGITI si Richard paglabas. Dala niya ang resibo ng pinagbentahan nila. Ang JOA ang tanging junkshop na nagbibigay ng resibo, kaso, hindi nga lang rehistrado sa BIR.

"Bakit gano'n sila?" pagtataka ni Ruby. "Para silang mga manunula?"

"Hayaan mo na sila. Baka mabaliw ka lang 'pag ipinaliwanag ko," sagot na lang ni Richard. Ayaw na niyang pag-usapan ang mga uto-utong 'yon.

Nagpunta silang dalawa sa isang burger stand. Nagpaalam muna saglit si Richard na siya ay iihi muna. Makiki-CR. Habang nakatingin si Ruby sa mga dumaraan, isang babaeng matanda ang biglang lumapit sa dalaga.

"Iha... Maaari mo ba akong tulungang buhatin itong pinamili ko papunta sa paradaha ng tricycle?" Seryoso at nakangiting nakisuyo ang mahinang matandang babae sa dalaga.

Hindi ito pinansin ni Ruby. Muling nakiusap naman ang matanda kaya nainis na siya rito.

"Ano ba! Marami naman diyang iba. Bakit ako pa?" Napalakas ang sabi ni Ruby. Napahiya naman ang matanda, kaya binuhat na nito ang kanyang mga pinamili. Hirap na hirap itong naglakad. Mabuti na lang at may isang binata ang tumulong dito.

"Lola... Ako na po!" Mabilis na tinulungan ni Richard ang matanda.

"Naku... Salamat iho. Napakabuti mo." Napangiti ang matanda. Gano'n din si Richard. Inihatid ito ng binata sa sakayan. Ipinaalam na rin niya sa driver na alalayan si Lola.

Tahimik na bumalik si Richard kay Ruby. Nakita niya ang hindi pagtulong ng dalaga sa matanda kaya medyo naalis ang tuwa niya rito.

Masayang kinain ni Ruby ang burger na binili ng binata. Si Richard naman, tahimik pa rin.

"Bakit hindi ka nagsasalita?" tanong ni Ruby sa binata matapos humigop ng softdrinks.

"Wala lang..." munting tugon ng binata.

"Naiinis ako sa'yo. Bakit ang tamlay mo?" Hahawakan pa sana ni Ruby ang noo ni Richard para alamin kung may sakit ito, kaso, umiwas ang binata.

"Ayos lang ako..." sabi ni Richard at tumayo. Tapos na silang kumain ng burger.

"Ano ba'ng problema mo!?" Napatingin sa kanilang dalawa ang karamihan. May kalakasan kasi ang sinabing iyon ni Ruby.

"Tumigil ka nga... nakakahiya..." mahinang sabi ni Richard. Kaso, lalong nainis ang dalaga. Inirapan siya nito at sinabing uuwi na lang.

Napailing na lang si Richard. Hindi rin niya matitiis ang dalaga kaya. Pinigilan niya ito. Hinawakan niya agad ang kamay nito.

"Sorry..." sabi pa ni Richard.

Magsasalita pa sana si Ruby kaso, nanlaki ang mata nito nang bigla siyang halikan sa labi ng binata. Sa lugar kung saan maraming tao. Ilang segundo lang iyon. Pulang-pula tuloy ang dalaga.

"Tayo na sa basurahan! Magtrabaho na tayo!"

Napangiti si Richard sa sinabi ng dalaga. Mas napangiti pa siya nang maglakad sila na magkahawak-kamay.

KINAHAPUNAN, masaya silang umuwi. Malaki rin ang kinita nila. Nang makapaglinis at makapagpalit ay naisipan muna ni Richard na humiga.

"Napagod ako," sabi ni Ruby habang nagsusuklay ng buhok.

"Napagod sa pagtayo..." sabi naman ni Richard sa sarili. Naisipan niya ring pumikit. Kaso, napamulat siya nang may dumagan sa kanya.

Si Ruby. Pinatungan siya at nakangiti. Iimik pa sana si Richard kaso, tinuka agad ng dalaga ang labi niya. Isang mainit na halikan. Kumabog ang dibdib ng binata habang nilalasap ang matamis at masarap na labi ng dalaga. Hindi na niya naiwasang mag-init. Lalaki siya at hindi ito maiiwasan.

"Ang sarap..." Namumula ang pisngi ni Ruby nang bumitaw ang labi nito. Nasa ibabaw pa rin niya ito. Nagkatinginan sila at nagngitian.

"Napanood ko ito kay Jana. Sa maliit niyang gamit na may gumagalaw na litrato." Napailing nang konte si Richard sa narinig. Kung ano-ano raw yata ang tinuturo ni Bading sa dalaga.

"Isa pa Richard..." Muling tinuka ni Ruby ang labi ni Richard. Naglaban ang labi nila. Dalang-dala na sila, lalo na ang binata.

Napadakma si Richard sa malambot na p'wet ng dalaga at marahang hinimas iyon. Idiniin niya iyon na sinabayan ng dalaga ng pag-alon ng katawan. Kaso, biglang may kumatok dahilan para sabay silang mapatayo. Hingal na hingal pareho pero mabilis na inayos ang sarili.

"Kuya! Si Cherry 'to!"