Chapter 13: Couple Rings
'DI rin nagtagal ay nakahanap si Richard ng trabaho. Ngunit hindi bilang isang basurero. Sinubukan niyang mag-apply sa isang fastfood chain at pinalad siya na matanggap dito.
Samantala, si Ruby naman ay naging tindera sa isang bakery na malapit lang din sa kanila.
"Miss kulang ang sukli mo sa akin!" wika ng isang ginang na bumili ng tinapay.
"P-Pasensya na po, magkano po ba dapat?" nahihiyang tugon ni Ruby.
Napataas ng kilay ang ginang.
"Ay? Ano bang klase kang tindera? 'Di ka ba marunong magbilang?" pataray na wika nito.
"Walang utak!"
Napayuko na lang si Ruby dahil sa hiya. Nitong mga huling araw ay palagi siyang nasasabihan ng masasakit na salita ng mga bumibili. Ngayon lang niya iyon naranasan kaya't naging malungkutin at seryoso siya dahil dito. Dinaramdam niya ang mga naririnig niya.
Bobo. Walang-utak. Tanga!
Ayaw niya namang ipaalam kay Richard ang mga iyon dahil ayaw niyang mag-alala ito. Naisip niya na gano'n pala siguro ang pakiramdam ng mga taong pinagsalitaan niya ng mga masasakit. Nilait. Lahat ng iyon ay nararanasan niya sa mundo ng tao. Napakasakit pala at nakakababa ng sarili. Pakiramdam ni Ruby ay napaka-wala niyang kwenta dahil doon.
Isang hapon, maaga umuwi si Richard mula sa trabaho. Kasalukuyang wala si Cherry dahil isinama ito ng kanilang nanay sa pinagtatrabahuhan nito. Akala ng binata ay siya lamang ang tao sa loob hanggang sa isang paghikbi ang kanyang narinig.
"R-Ruby?"
Napatingin si Richard sa sulok. Nakita niya si Ruby na umiiyak. Mabilis niyang ibinaba ang gamit at nilapitan ang dalaga. Nakaramdam siya ng pag-aalala.
"A-ano'ng nangyari?"
Mabilis na pinunas ni Ruby ang luha nito at umiling. Namumula pa ang mata nito.
"W-wala. Huwag mo akong intindihin!"
Pero natigilan si Ruby nang bigla siyang niyakap ni Richard. Napahikbi tuloy siya dahil doon.
"Magsabi ka. Makikinig ako sa iyo..." seryosong sinabi ni Richard.
"W-Wala bang laman ang utak ko?" nahihiyang tanong ni Ruby.
"I-iyon kasi ang madalas sabihin no'ng mga bumili sa akin..."
Nabigla si Richard sa narinig. Dahan-dahan niyang tinitigan sa mata si Ruby. Pinunas niya ang luha ng dalaga gamit ang kanyang kamay.
"Hindi iyon totoo... Hindi ka nila kilala..."
"K-kami nina nanay. Ni Cherry... Si Jana! Alam naming 'di iyon totoo..."
Nginitian ni Richard si Ruby.
"Prinsesa ka 'di ba? Alam ko na may mga bagay na magaling ka. Nagkataon lang kasi na dito sa mundong 'di mo batid ka napunta. 'Wag ka nang umiyak..." ani Richard.
Ngunit lalong napaiyak si Ruby sa mga narinig. Niyakap niya si Richard.
"Nandito lang ako Ruby... Para sa 'yo..." dagdag pa ng binata at 'di mapigilan ni Ruby ang mapangiti.
"Labis ang pasasalamat ko na nakilala kita... Richard."
"Gano'n din ako Ruby," tugon ng binata. Pagkatapos noon ay ginawaran niya ng halik sa noo ang dalaga.
"Mahal kita... Ruby..." mahinang usal ni Richard. Namula ang dalaga nang marinig iyon.
"M-mahal din kita... Richard..." sagot naman ni Ruby at isang mainit na halik sa labi ang ibinigay niya sa binata.
"Siya, mag-ayos ka na. May pasalubong ako sa'yo..." Agad na binuksan ni Richard ang kanyang bag at kinuha mula roon ang biniling french fries.
Awtomatikong napangiti si Ruby. Mabilis nitong kinuha iyon at dumukot ng fries at maganang kinain iyon.
"Paborito ko ito!"
Napangiti si Richard. Ang totoo'y lahat ng nagiging pasalubong niyang pagkain ay paborito ng dalaga.
"May pasalubong din ako sa'yo," wika bigla ni Ruby at may kinuhang supot na may lamang tinapay sa ibabaw ng mesa.
"Heto o, tatlong pan-de-co-co... Sabi ni Jana, 'pag tatlo raw ay aylab... Yu!"
Hindi napigilan ni Richard na mapangiti sa sinabi ng dalaga.
"I love you iyon..." dagdag niya. Pagkatapos ay masaya nilang kinain ang kanilang pasalubong sa isa't isa.
Biglang may pumasok na topic sa isip ni Richard habang sila ay kumakain.
"Matanong ko lang, do'n ba sa bakery ay may mga lalaking lumalapit sa'yo?"
Hindi maipagkakailang may itsura ang prinsesa. Kaya naman biglang naisip ng binata na itanong iyon.
"Marami!" mabilis na sagot ng prinsesa at napatigil naman sa pagnguya si Richard.
"Lagi ngang hinihingi ang numero ko. Nam-ber, ngunit 'di ko naman 'yon alam," dagdag pa ni Ruby at natawa nang kaunti so Richard.
"Baka naman ipagpalit mo ako?" Biglang nagbiro ang binata.
"Hindi iyon mangyayari!" Mabilis na sagot ni Ruby na napalakas pa ng boses.
"Kaming mga prinsesa'y tapat kung magmahal. Kaya 'di ko magagawang ika'y ipagpalit sa kahit sinong lalaki!"
Pumalakpak ang puso ni Richard nang marinig iyon.
"Baka ikaw? Siguro sumasama ka sa kung kani-kaninong babae?" Biglang ibinato ng dalaga kay Richard ang usapan.
"Siguro'y sumasama ka na naman dun sa Camille na tinukoy mo sa akin noon?"
Naging imbestigador na ang dating ni Ruby. Marami pa itong itinanong.
"Oi, hindi kaya," depensa ni Richard. "May kasintahan na 'yon..."
Ang totoo'y minsan nang nakita ni Richard si Camille. Minsan sa pinagtatrabahuhan niya. Ipinakilala sa kanya ng dalaga ang boyfriend nang kumustahin niya ito. Ngunit imbis na makaramdam siya ng selos ay napangiti na lamang siya. Sa kadahilanang naglaho na ang nararamdaman niya para rito.
"Naku Richard! Malaman ko lamang na may sinasamahan ka na ibang babae..."
"Pupugutan kita ng ulo!" Seryosong sinabi iyon ni Ruby sa kanyang harapan. Nakaramdam si Richard ng kilabot at hindi maiwasang mapalunok ng laway dahil doon.
* * * * *
TAMANG-TAMA, ani Richard isang araw ng sabado. Pareho silang walang trabaho ng araw na iyon. Bago pa man nga dumating ang araw na iyon ay pinlano na niyang i-date si Ruby.
"Nay, Cherry, alis na kami ni Ruby." Paalam ni Richard.
"Ayieh!" wika naman ni Cherry na halatang kinikilig sa dalawa.
"'Wag kayong magpapa-gabi. Baka manakawan tayo..." Natawa naman si Richard sa sinabi ng kanyang nanay. Ni kahit maiwanang bukas ang kanilang bahay ay siguradong walang mananakaw.
NAGSIMBA muna sina Ruby at Richard bago pumunta sa mall. Napapangiti na lamamg si Richard dahil sa kasamang dalaga. Napakaganda nito sa suot na white dress. Isa pa, nakahawak sa kanyang kamay ang dalaga.
"Ano'ng dahilan ng iyong pagngiti at pagtitig sa akin Richard?" tanong ni Ruby, sabay kurot sa tagiliran ng binata
"Huh... Wala, ang ganda mo kasi..." sabi ni Richard.
Hindi napigilang mapangiti ni Ruby. Pinamulahan ito.
"Hindi ko na mabilang kung ilang ulit mo na iyang nasabi sa akin."
"Isa pa, natural sa isang prinsesa ang maging maganda!" Nahaluan bigla ni Ruby ng pagyayabang ang sinabi nito.
"Tara na manood ng sine," wika ni Richard. Marahan niyang hinila si Ruby patungo sa bilihan ng ticket.
"Si...ne? Ano 'yon?" tanong ng dalaga.
"Basta... Sumama ka. Masaya do'n, mahal na prinsesa ng Florania." Isang munting pagyuko ang ginawa ni Richard sa harapan ng dalaga habang hawak ang isang kamay nito. Kahit may nakakita sa kanya ay hindi siya nahiyang gawin iyon dahilan para matulala si Ruby at mas lalong pinamulahan.
TODO-YAPOS agad si Ruby kay Richard sa pagpasok nila sa loob ng sinehan. Bakit daw may malaking litrato sa dingding? Isa pa, ang dilim daw.
"H-hindi kaya may mga masamang espirito sa lugar na ito?"
"R-richard... Na...tatakot ako..." Halos humigpit din sa pagkakayakap si Ruby sa binata.
"T-teka... Hindi ako makahinga," sabi ng binata na may kaunting pagtawa.
"Maganda rito... Matutuwa ka..." Umupo na rin sila nang makakita sila ng pupwestuhan.
Isang pelikula na tungkol sa isang nawalang isda ang palabas. "Finding Nemo, Again!" Natulala na nga lang si Ruby nang magsimula na ang palabas. Naglaho ang takot nito at napalitan ng kakaibang pagkamangha ang mga mata. Kahit ibang lengguwahe ang salita ay tila naintindihan nito ang kwento.
"Ang ganda pala dito!" bulalas ni Ruby na parang isang bata. Napapangiti na lang si Richard nang marinig iyon.
Paglabas nga nila sa loob ng sinehan ay halos mabingi si Richard sa kwento ni Ruby tungkol sa napanood. Marami rin itong mga tanong sa binata tungkol sa palabas.
"Saan naman tayo pupunta?" tanong ni Ruby habang naglalakad sila sa gitna ng mall.
Nakaplano na ang lahat kay Richard.
"Sa World of Fun tayo," wika ng binata.
"Ano 'yon?" tanong ng dalaga. Ngunit hindi na iyon sinagot ni Richard. Bagkus ay pumasok sila sa loob ng isang tila palaruang may temang kulay dilaw.
Halos iikot ni Ruby ang mga mata nito sa loob. Naririnig din nito ang nakakatuwang mga tunog ng bawat makinang maaring paglaruan. Pagkatapos ay napangiti ito. Mahigpit na hinawakan ang kamay ni Richard.
"Salamat... Richard..." Napangiti si Richard nang marinig iyon.
Pagkabili ni Richard ng maraming token ay agad silang naglaro. Sinubukan nilang lahat. Kitang-kita niya ang labis na saya ng prinsesa. Isang sayang tila napakainosente. Isang sayang tila wala nang bukas.
"Ang galing ko! Nabaril ko 'yong nasa litrato!" Tuwang-tuwa agad si Ruby sa iisa nitong natamaan makalipas ang napakaraming subok.
Naubos na nang naubos ang kanilang token. Lahat puro game-over agad dahil kay Ruby na baguhan pa lamang sa mga laro rito. Pero wala naman iyong problema kay Richard.
"Laro tayo nitong Tekken," yakag ni Richard at umupo sila sa harapan ng arcade.
"Pa'no ba 'yan?" tanong ni Ruby na agad hinawakan ang controller at pinagpipindot ang buttons.
Naghulog si Richard ng dalawang token at napangiti. Tinuruan niya si Ruby kung paano iyon laruin at gaya ng inaasahan, natalo ang dalaga. Ni isang panalo rito ay wala.
"Ayaw ko na!" Padabog na tumayo si Ruby.
"Mandaraya ka!"
Napapangiti si Richard sa itsura ng dalaga. Kaya sa sunod na mga laro ay nagpatalo na siya nang nagpatalo. Dahilan para matuwa ang dalaga. Nakuha pa siya nitong asarin.
"Talo ka! Ang hina mo!" May kasama pa iyong tawa. Ngunit imbis na mapikon si Richard ay lalo pa siyang napangiti.
Bumili pa uli si Richard ng token dahil ayaw ni Ruby na magpaawat hanggang sa magsawa.
Bago sila umalis sa World of Fun ay ipinalit muna nila sa kahera ang hindi naman karamihang ticket na kanilang nakuha mula sa ibang laro. Maswerte sila kasi umabot ang bilang ng kanilang ticket sa isang maliit na keychain.
"Salamat po mam at sir," nakangiting wika ng kahera matapos iabot ang keychain. Hindi nga nitong maiwasang mapangiti sa dalawa. Ang cute daw na couple nina Richard at Ruby.
*****
HALATANG napagod si Ruby sa ginawa nila. Tila naubusan ito ng enerhiya.
"Gutom ka na?" tanong ni Richard.
"Oo! Gusto kong kumain!" sabi ng dalaga.
"Sa malaking bubuyog!" Sabay turo ng dalaga sa Jollibee. Ito rin ang fastfood chain kung saan nagtatrabaho si Richard.
Napangiti kaagad ang guard at crew ng lugar sa pagpasok nila rito.
"Ang ganda ng gf mo Richard..." bulong ng isang crew kay Richard.
Medyo maraming in-order si Richard. Ngunit ayos lang iyon dahil pareho silang gutom. Naging magana at masaya ang kanilang pagkain. Gaya ng inaasahan, napakasaya ni Ruby dahil gustong-gusto nito ang kinakain.
Bago nga sila lumabas ay nag-request pa si Ruby ng free toy mula sa Jollibee. Pinagtawanan tuloy sila sa loob dahil tila bata si Ruby nang makuha iyon.
Huli nilang pinuntahan ang isang jewelry store sa loob ng mall. Manghang-mangha si Ruby sa dami ng alahas sa loob. Isang glass stand ang nilapitan ni Richard at may itinuro sa nag-a-assist. Bumili siya ng isang hindi naman kamahalang couple ring.
Pinag-ipunan niya ang pares na iyon. Halos lagi nga itong pinupuntahan ni Richard.
"Para saan ang mga singsing na iyan?" Tanong ni Ruby. Kasalukuyan silang nakaupo sa gilid ng isang munting water fountain sa loob ng mall.
"Espesyal kasi ang araw na ito..."
"Ito ang ikalimang buwan na kasama kita..."
Ngumiti si Richard at isinuot ang isang singsing sa kanyang daliri. Hinawakan niya ang natirang singsing at tiningnan si Ruby.
"Ito ang petsa sa kalendaryo kung saan nagising ako mula sa isang panaginip... At sa pagmulat ng mata ko..."
"Nagkakilala na nga tayo..."
Isinuot ni Richard ang singsing sa daliri ni Ruby.
"Simbolo ito ng isang hindi pangkaraniwan nating kwento..."
"Nang mahulog ang puso ng basurero sa isang prinsesa..."
Ngumiti si Richard at niyakap ang dalaga. Ang singsing na simbolo ng kanilang pag-iibigan. Pagkatapos ay nangako silang hindi iyon aalisin.
Napakaganda ng araw na iyon. Umuwi sila na ramdam ang labis na saya at tuwa. Ang hindi nila alam, iyon na pala ang huling date nila sa mundo ng mga tao.