Chapter 16 - Chapter 15

Chapter 15: Si Prinsipe William

ARMENIA! Isa rin ito sa mga naggagandahang kaharian bukod sa Florania. Pitong bundok din lang ang layo nito sa isa't isa. Sa Armenia rin nakatira ang mga magigiting at malalakas na mandirigma. At ang isa pang dahilan kung bakit nakilala ang kaharia'y dahil sa ang hari nilang si Conrad ay kaibigan ang Reyna ng mga diwata na si Leonora. Nakapagdagdag kapangyarihan ito sa buong kaharian. Dahil do'n ay 'di sila magawang lusubin ng kalabang kaharian. Ito ay ang Alabania, ang kahariang gusto silang talunin at sakupin.

Pero magka-gano'n man ay 'di tumigil ang kanilang kalaban. Matalino nilang pinagplanuhan ang lahat, dahil do'n ay nagawa nilang papasukin ang isa nilang kawal na si Elias. Nagpanggap itong mensahero, may isang sulat siyang iniabot kay Haring Conrad na pinalabas nilang nagmula sa Cardonia, isa sa kaibigang kaharian ng Armenia.

"Pa'no mo masasabing malakas ang 'yong hukbo kung ang mga diwata'y kapanig mo? Ito'y payong kaibigan, mula sa Hari ng Cardonia..." Malalim mag-isip si Haring Conrad kaya agad niyang pinuntahan si Reyna Leonora upang ipatanggal ang proteksyon nitong inilagay sa Armenia.

"Pero Haring Conrad, sinisiguro ng proteksyong inilagay ko ang siguridad ng iyong mga nasasakupan," paliwanag ni Reyna Leonora.

"Ipagpaumanhin n'yo Mahal na Reyna, subalit nakilala ang Armenia sa pagkakaroon ng malalakas at magigiting na kawal. Kung patuloy kaming aasa sa proteksyon na inilagay mo, ano na lang ang iisipin ng ibang kaharian? Na umaasa lamang kami sa kapangyariha't lakas ng mga diwata?" mariing paliwanag ni Haring Conrad.

"Sapat na sa 'kin na tayo'y magkaibigan pero pagdating sa pamumuno... gusto ko na hayaan mo ako. Gusto ko na ako ang lumutas sa suliranin ng kaharian. Para sa'n pa ang pagiging Hari ko?"

Napahanga ng kanyang mga binitawang salita si Reyna Leonora, "Iyan ang dahilan kung bakit tayo naging magkaibigan!"

"Pero, may dalawang bagay lang akong nais hilingin," ani Haring Conrad.

"Kung sakali mang mapatay ako sa digmaang magaganap. Nais ko na hayaan mo akong mamatay."

Sinang-ayunan ito ng Reyna ng mga Diwata, "At ano ang ikalawa mong hiling?"

Napatingin sandali ang Hari sa malaking litrato ng kanyang yumaong Ama, "Gusto kong siguruhin mo ang kaligtasan ng papalit sa aking trono..."

"Ang kapatid mo bang si Prinsipe Arnold ang iyong tinutukoy?" tanong ni Reyna Leonora.

Bahagyang napangiti ang Hari dito, "Iba ang tinutukoy ko..."

"Nakausap ko na ang aking nakababatang kapatid... at wala sa isip niya ang maging Hari ng Armenia. 'Di pa naman daw ako gano'n katanda at kung may papalit sa 'kin... Ang anak niya raw na si William ang kanyang gusto."

"Kung gano'n, gusto mong siguruhin ko ang kaligtasan ng batang si William?" tanong ni Reyna Leonora.

"Oo, gusto kong siya ang pumalit sa 'kin bilang Hari..." At 'yon ang kanilang napagkasunduan.

Matapos nilang mag-usap ay agad tinungo ni Haring Conrad ang kanyang kapatid. Sinabi niya rito ang napag-usapan nila ni Reyna Leonora. Pinag-usapan na rin nila ang tungkol sa napipintong pagsalakay ng mga taga-Alabania dahil batid nila na anumang oras ay makakarating sa mga 'yon ang pagtanggal ng proteksyon ng mga diwata sa kanilang kaharian.

"Gusto kong maging alerto ang ating hukbo. Batid ko na anumang sandali'y maaari tayong salakayin ng ating mga kalaban," ani Haring Conrad sa kapatid.

"Hiling ko lang na 'wag ka nang sumali sa labanan. Ang gusto ko'y alagaan mo ang iyong mag-ina... lalo na si William!"

"Pero..." Hindi pa sana papayag si Prinsipe Arnold subalit...

"Ipinag-uutos ko ito bilang isang Hari! Para ito sa kinabukasan ng kaharian," paliwanag ng Hari.

Dumaan ang ilang araw, nanatiling nakabantay ang mga kawal ng kaharian. Inabot na sila ng dilim at mukhang 'di rin magiging maganda ang panahon.

"Mahal na Hari, maaari na po kayong magpahinga. Ihahatid ko na po kayo sa palasyo," wika ng isa sa mga heneral sa hari.

"Hindi! Hindi ko kayo pwedeng iwanan dito. Bilang hari, gusto ko na magkakasama tayong lumaban," tugon naman nito.

"Ano 'yon? Mga lumilipad na bola!" Biglang naalerto ang lahat sa nakita sa ere.

"Tumakbo kayo! Mga bala ng kanyon ang paparating," wika no'ng kawal na may teleskopyo. Sampung sunod-sunod na pagsabog agad ang naganap. Nasira agad ang depensa nila. Maraming kawal ang nasawi't pati ang tarangkahan ng kaharia'y nasira dahil sa atakeng iyon.

"Sugoddd!" bulalas ng isang kawal-Alabania at biglang nagsilabasan ang napakaraming kalaban. Nagpaulan ang mga ito ng mga sibat papunta sa mga Armenians. Ito ang naging hudyat ng madugong labanan. Nangibabaw kaagad ang lamang ng mga Alabanians dahil mukhang napagplanuhan nila ito't may mga maka-bago na rin silang mga armas.

Tumagal ng tatlong araw ang digmaan, at sa kasamaang-palad... natalo ang Armenia. Gusto nang kumilos ng mga Diwata pero ayaw sumira sa usapan ni Reyna Leonora sa kanyang kaibigang hari... Kasama na rin sa pagkatalo ng Armenia ang pagkakapatay sa digmaan ni Haring Conrad. Ito ang naging hudyat para lusubin ng kalaban ang palasyo.

"Hulihi't bihagin ang lahat ng mga taga-Armenia!" utos ng haring si Artemis sa kanyang mga kawal nang pasukin nila ang palasyo. Samantala, sa isang silid dito... naroon si Prinsipe Arnold, kasama ang kanyang mag-ina.

"Mukhang napasok na ng kalaban ang palasyo. 'Di na tayo ligtas dito," wika niya habang hawak sa kanang kamay ang isang espada.

"Hindi na nga kayo ligtas dito!" Nabigla sila sa paglitaw ni Reyna Leonora.

"May alam akong lugar na pwede nyong lipatan."

Nagbigay galang sila rito, "Kung maaari po sana mahal na reyna, ang mag-ina ko na lang ang ilayo ninyo. Nais kong ipagtanggol ang kahariang ito," wika pa ni Prinsipe Arnold.

Napangiti si Reyna Leonora, "Hindi pwede, kailangang gabayan mo si William..."

"Huwag kang mag-alala, nakatakda na rin na mababawi ninyo muli ang Kaharian at pagkalipas ng maraming taon... darating ang magiging hari ng Armenia," paliwanag ng Reyna ng mga diwata.

"Hayaan nyong dal'hin ko kayo sa isang lugar kung saa'y mamumuhay kayo nang totoo..." Pagkatapos noon ay bigla na lang silang naglaho.

"Na... Nasaan tayo?" pagtataka ni prinsipe Arnold dahil bigla silang napunta sa isang simpleng bahay at bago sa paningin nila ito.

"Ito ang mundo ng mga tao, kagaya rin ito ng mundo natin pero dito'y nasa realidad ang pamumuhay. 'Wag kayong mag-alala, lahat ng bagay na kailangan ninyong matutunan at malaman ay inilagay ko na sa inyong isipan. Lahat ng kailangan at mga dokumento'y nasa loob ng bahay. Ang salaping iniwan ko sa inyo'y kailangan ninyong payabungin. Isa kang pulis, prinsepe Arnold at nars naman ang iyong asawa. 'Yan ang magiging trabaho ninyo rito... 'Di pa sapat ang kaalamang inilagay ko sa inyo tungkol sa mga trabahong 'yan kaya mas mabuti kung ito'y mapag-aaralan ninyo," paliwanag ng reyna.

"Tinanggal ko nga rin pala ang alaala ni William tungkol sa Armenia para lumaki siyang normal dito... at sa pagtungtong niya sa kanyang ika-dalawampu't isang kaarawan, ibigay ninyo ito sa kanya."

Iniabot nito ang isang gintong kwintas, "Sa oras na isuot niya ito'y makakabalik siya sa Armenia kasama na rin ang alaala niya rito," dagdag pa nito.

"At 'eto naman ang para sa prinsesa, isang singsing..."

"Nagdadalang-tao na ang iyong kabiyak at isa 'yang babae," pagbubunyag ng reyna.

"At bago ko pa makalimutan... tawagin ninyong Richard ang anak ninyong si William..."

Ipinaliwanag pa lahat ng reyna ang lahat at sinagot ang mga tanong ni prinsipe Arnold.

"Kung may masama man na mangyari sa inyo, 'wag kayong mawawalan ng pag-asa... Magdasal kayo sa Panginoon, siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat, higit pa sa 'ming mga diwata."

Sige, paalam na! Tandaan nyo, ito ang kapalaran nating lahat..." Tuluyan nang naglaho si Reyna Leonora sa kanilang harapan matapos iyon.

******

"WILLIAM?"

Naalala ni Richard na tinawag nga siya ng bantay ng langit sa ganoong pangalan. Iyon din ang pangalan niya sa libro ng tagabantay. Ikinwento lahat ng kanyang nanay ang lahat-lahat. Mga dugong-bughaw sila ng isang kaharian.

"Really? Isa akong Princess?" tanong bigla ni Cherry.

"Akala ko sa Europe at sa mga fairy tales lang may gano'n..."

"Lahat ng kwento ko'y totoong nangyari," wika ng nanay.

"Matagal n'yo na po palang alam," wika ni Richard.

"Bakit ngayon n'yo lang po sinabi? S...si Ruby? Ang kwento niya sa 'tin, alam n'yo na pala 'yon."

Seryoso silang tiningnan ng kanilang ina, "Hindi bumabali sa pangako ang lahat ng mga taga-Armenia!"

"Nangako kami ng ama n'yo na sasabihin namin ang totoo sa ika-21 mong kaarawan. Kaya kahit alam ko ang tungkol kay Ruby ay 'di ko sinabi... Mismong ang biglaan nating pagyaman, alam kong dahil ito kay reyna Leonora," paliwanag ng nanay nila.

Naroon ang panghihinayang ni Ruby na ngayon lang niya nalaman ang totoo. Doon na nga rin iniabot ng nanay niya sa kanya ang isang gintong kwintas.

"Sa oras na isuot mo 'yan ay mararating mo ang Armenia at ang alaala mo do'n ay babalik."

"Maiiwan kami ni Cherry rito, dahil hihintayin ko pa siyang mag-18... at do'n pa lang kami makakasunod sa Armenia. Ano ang desisyon mo anak?" wika pa ng nanay.

Nagbalik sa isip ni Richard ang mga araw na kasama niya si Ruby. Ngunit napakamakasarili raw niya kung iiwanan niya ang ina't kapatid niya.

"Kuya, 'wag ka nang magdalawang-isip!" wika ni Cherry.

"Sige ka, mamaya niyan... maunahan ka ng mga princes do'n kay ate Ruby."

"Sige na Richard, 'wag mo na kaming alalahanin... Matatagalan lang kami bago makasunod," wika naman ng nanay nila.

"Gagabayan ka ni Reyna Leonora pagdating mo roon..."

Napangiti si Richard at niyakap ang nanay niya at si Cherry.

"Mami-miss ko kayo... Mag-ingat kayo rito..." wika niya at pagkatapos ay isinuot na niya ang kwintas.

Makalipas ang isang taon, isang pagkakataon ang muling nabuhay. Ang pagkakataong muling magkita ang basurero at ang prinsesa. Nagliwanag ang katawan ni Richard at doon ay naglaho siya... Papunta sa lugar na maglalapit sa kanya at sa kanyang tinatanging prinsesa.