Chapter 21 - Chapter 20

Chapter 20: Ang Pagkikita ng Prinsipe at Prinsesa

NATATANDAAN ni Richard ang hardin na iyon. Hindi siya maaring magkamali. Ito ang lugar kung saan ay una silang nagkita ni Ruby nang mga bata pa sila. Parang kahapon lamang kung titingnan. May kaunting pagbabago pero halos karamihan ay ganoon pa rin ang itsura.

Napaisip ang binata kung bakit ba siya dinala rito ng kaibigang si Rina. Hindi siya sigurado kung siya ba ay nasa nakaraan o wala. Halos gano'n na gano'n pa rin kasi ang itsura ng paligid.

"Kuya!" Napapitlag siya nang isang boses ng isang batang babae ang kanyang narinig. Mabilis nga niya iyong nilingon.

Nakangiti ang batang babaeng may suot na magarang kasuotan.

"Ikaw po si Prinsipe William?"

Ilang beses na kumurap ang binata. Namumukhaan niya ang nasa kanyang harapan. Minsan na niya itong nakita noon. Kilala niya ito. Ang prinsesa ng Florania nang bata pa ito.

"R-ruby?" Isip na isip ang binata sa mga nangyari. Napapatanong siya kung siya ba ay nasa nakaraan? Kahit tila hindi naman.

"Si Ruby ka nga? Tama?" Napahawak pa nang marahan ang binata sa balikat ng bata na natatawa sa kanya.

"Opo, ako nga po! Natatandaan mo pa po pala ako." Hinawakan ng batang babae ang kanyang kamay at bigla siyang inakay. Lumakad ito dahilan para mapasunod ang binata.

"S-saan tayo pupunta?" tanong ni Richard.

"Dadalhin ko po ikaw sa kanya," sagot ng bata. Nagtaka naman ang binata kung sino ang tinutukoy ng batang babae. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang isang pamilyar na kabog ang naramdaman ng binata. Lumakas ang tibok ng puso ni Richard.

"Kuya? May problema po ba?" biglang tanong ng bata. Napatigil kasi si Richard kaya napahinto sa paglakad ang bata.

Ang pakiramdam na iyon. Tulad din ito nang makita niya si Ruby sa isang hardin nang paglaruan siya ni Rina. Isa lang ang ibig-sabihin niyon... Maaaring...

"Nandito kaya siya?" tanong ni Richard sa sarili hanggang sa may isang boses na naman ang nagsalita mula sa kanilang likuran.

"Hoy, Ruby!" Napalingon sila para tingnan ang pinagmulan ng boses. Mula iyon sa isang batang lalaki na nakasuot ng isang pormadong damit na gaya ng sa isang maharlika.

"Kanina pa namin kayo hinahanap," sabi pa ng bata. Nagulat naman si Richard nang makita ang itsura ng batang iyon. Pamilyar din iyon. Hindi siya maaring magkamali...

"A-ako ba ang batang ito?" tanong ni Richard sa sarili. May kasama pa ang batang iyon. Hawak-hawak din nito ang kamay ng kasama. Unti-unti niyang binaybay ang pagtingin dito. Nakasuot iyon ng isang magandang kasuotan. Nangingislap iyon.

"R-ruby..." Iyon ang lumabas sa bibig ni Richard. Natulala siya at 'di maiwasang mangilid ang luha. Binitawan siya ng batang Ruby. Ganoon din ang batang Richard sa pagkakahawak sa dalagang Ruby.

Humakbang si Richard. Nilapitan niya ang babaeng nais niyang makita makalipas ang mahabang panahon. Nakatayo na siya sa harapan nito. Nagtinginan ang mga mata nila. Bumalon ang luha mula roon na pilit nilang pinipigilan. Hindi na ito isang panaginip? Hindi na ba ito gawa ng mahika?

"R-richard... La-lapas...tangan... k-ka..."

Binigyan kaagad ng binata ng isang mainit na yakap ang prinsesa. Ang kanyang prinsesa! Naramdaman muli nila ang isa't isa. Hinigpitan ng binata ang yakap na parang ayaw na niyang pakawalan pa ito. Masuyo niya itong binuhat gamit ang yakap at iniikot sa labis na saya.

Umihip ang hindi kalakasang hangin sa buong hardin. Sumasayaw ang mga dahon at bulaklak. Nagsihuni ang mga ibon at nagsiliparan ang mga paru-parong kaygaganda ng mga kulay.

Marahang ibinaba ng binata ang prinsesa at nangingiting inilapag ang mga paa nito sa lupa. Nagkatagpo ang kanilang mga mata. Marahang pinahid ni Richard ang luha sa gilid ng mga mata ni Ruby gamit ang kanyang kamay.

Pinagmasdan niya ang prinsesa. Nagkikislapan ang kagandahan at kaamuan nito sa kanyang paningin. Ang nangungusap na mga mata. Ang maliit at mapula nitong labi. Ang malambot at mahaba nitong buhok.

Hinawi ni Richard ang ilang hibla ng buhok ng dalaga na tumabon sa mukha nito. Sandali silang nagtitigan at pagkatapos ay dahan-dahang naglapit ang kanilang mga labi.

Napapikit ang dalawa nang maramdaman ang malambot na labi ng isa't isa. Dumaloy sa kalooban nila ang ilang milyong boltahe. Nangilid muli ang luha ni Ruby at ang pakiramdam nila'y lumulutang sila sa ere.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan. Biglang umulan ng napakaraming talulot ng dilaw na rosas sa buong hardin. Umiikot iyon sa kinatatayuan nila.

Marahang inimulat ng dalawa ang kanilang mga mata. Naghiwalay ang kanilang mga labi at kumuha ng hangin. Namumula ang mukha ni Ruby. Pagkatapos niyon ay inilagay ng dalaga ang dalawa niyang kamay sa batok ni Richard.

Tumingkayad ang prinsesa at siniil muli ang nakaamang na labi ng binata gamit ang kanyang mapulang labi. Marahang iginalaw ng dalaga ang kanyang paghalik. Hindi naman nagpatalo ang binata at sinabayan ang prinsesa. Napayakap ito lalo kay Ruby habang nakikipaglaban sa isang mainit na halik na ginagawa nila.

Mapusok. Masarap. Matamis. Tila ayaw na nilang tapusin ang sandaling iyon.

Halos maubusan ng hangin ang dalawa nang maghiwalay ang labi nilang basang-basa. Doon ay may naalala sila.

"A-ang mga bata?" nasambit ng dalawa. Nakalimutan nila na may bata sa paligid. Sinulyapan nila ang kanilang likuran. Ngunit wala na ang mga ito. Sila na lamang ang tao sa hardin.

"Umalis na po kami pagkakita pa lamang ninyo. Huwag na po kayong mag-alala sa amin..." Biglang narinig nila iyon mula sa kanilang isip. Nakahinga sila nang maluwag nang malaman iyon. Ngunit hindi sila sigurado kung nakita ba ng mga iyon ang kanilang ginawa.

Pinagmasdan muli ni Richard si Ruby. Namula bigla ang prinsesa at tila nahiya. Umiwas ito ng tingin habang magkaharap sila.

"M-may problema ba?" tanong ni Richard.

Biglang napayuko ang prinsesa at humikbi.

"Ik-kaw ba talaga iyan?" Marahan pang hinaplos ni Ruby ang pisngi ng binata.

"Ako ito... si Richard." Isang ngiti pa ang ibinigay ng binata matapos iyon.

"N-na-miss kita R-ruby..." Biglang niyakap ng binata ang prinsesa.

"A-akala ko talaga ay hindi na kita makikita pa..."

"P-pero heto ka na at kaharap ko na uli..." garalgal na sabi pa ni Richard habang yakap ang prinsesa.

Nangilid muli ang luha ni Ruby at yumakap din sa binata. Sinundan iyon ng isang masayang pagngiti.

"S-sana... Hindi na ito isang panaginip..." sagot ni Ruby.

"Maraming salamat Richard dahil nakilala kita... m-mahal na m-mahal kita..."

Bumitaw sa yakap ang dalawa at pinagmasdan muli ang isa't isa. Ngumiti ang binata at binigyan ng isang munting halik sa noo at buhok ang prinsesa.

"Mahal na mahal din kita... at hinding-hindi na tayo magkakalayo..."

"Prinsesa ko..."

ISA iyon sa pinakamasayang nangyari kay Richard. Ang muli nilang pagkikita ng prinsesa. Ang imposible ay posible pala. Kapag ang dalawang tao ang itinadhana... magtatagpo at magtatagpo sila kahit napakaliit ng tsansa.

"Pa'no ka nga pala nakapunta rito sa Florania?" tanong ng prinsesa habang magkatabi silang nakahiga sa damuhan ng hardin. Magkahawak ang kamay nila habang pinagmamasdan ang mga ulap sa langit.

"At ang iyong kasuotan? Tila isang kasuotan ng isang maharlika? Sa pagkakaalala ko'y walang ganiyang kasuotan sa mundo ninyo?"

Ngumiti si Richard.

"Kilala mo ba ang batang lalaki na kasama mo kanina?" tanong ng binata. Isang tanong ang kanyang isinagot.

"Kilala ko siya. Naaalala ko pa rin ang batang iyon."

"Si William, ang prinsipe ng Armenia. Hindi ko nga alam kung bakit iyon nagpakita... Tila pinaglalaruan tayo ng mga diwata."

"Aking inisip nga rin na baka panaginip lamang ang lahat... ngunit dinala niya ako sa iyo.

"Naalala ko rin. Iyong batang babae na kasama mo kanina... Ako iyon noong bata pa," sabi pa ni Ruby at ngumit nang bahagya.

Pakana iyong lahat ni Rina, naisip ni Richard at natawa pa ito nang bahagya.

"May iniisip ka ba bukod sa akin?" Biglang naitanong ni Ruby na nakatingin sa binata.

"Prinsesa... naaalala mo pa ba iyong sinabi ko sa iyon noong mga bata pa tayo?" tanong ng binata na biglang ikinaisip ni Ruby.

"Noong bata pa tayo?" Napabangon ang prinsesa. Umupo ito sa damuhan at tumingin sa binata.

"Ano ang nais mong ipahiwatig? Imposible yata ang sinasabi mo?"

Ngumiti muli si Richard at hinigpitan ang hawak sa kamay ng dalaga.

"Na sa muli kong pagbalik ay pakakasalan kita..."

Tila naguluhan si Ruby sa pinagsasabi ng binata.

"Wala akong maalala na may sinabi kang tulad niyan sa akin... at isa pa... sa mundo ninyo tayo unang nagkita..."

Bumangon si Richard at umupo rin sa damo. Seryoso itong tumayo at inalalayan ding tumayo ang prinsesa. Pagkatapos ay lumuhod ang binata sa harapan ng dalaga. Hawak nito ang kanang kamay ng prinsesa.

"Nais kong magpakilala sa iyo... prinsesa."

"Ako si Richard sa mundo ng mga tao... at ako rin ang prinsipe ng Armenia na si William."

Natigilan si Ruby sa narinig. Doon ay bumalik sa alaala niya ang batang William na sinabing papakasalan siya sa muli nilang pagkikita. Naguguluhan siya. Hindi siya maniwala na si William at Richard ay iisang tao lamang.