Chapter 18: Dilaw na Rosas
MEDYO nasasanay na rin si Richard sa pagpapalakad at pamumuno sa Kaharian ng Armenia. Halos isang buwan na rin siyang namamalagi rito. Dala na rin ng dati niyang buhay kaya nakasanayan na niyang makisalamuha sa mga mamamayan dito. Ang makausap at marinig ang kanilang mga saloobin ay ang madalas gawin niya bilang hari.
Kahit na namimiss niya ang dating buhay at ang kanyang pamilya... ay kailangan pa rin niyang maging masaya. Tuloy lang ang buhay. Sa ngayon, pinaghahandaan na niya ang pagpunta sa Florania para makita ang isa pang tao na kanyang nami-miss. Naisip niya tuloy kung ano kaya ang magiging reaksyon nito kapag sila'y nagkita? Magugulat kaya si Ruby? Hindi maniniwala? Magiging masaya!?
Laking-tuwa rin ni Richard nang mabalitaan niyang wala pa rin pala itong nagiging kasintahan magmula nang makabalik ito sa Florania. Wala pa itong napipili upang mapangasawa. Dahil do'n, mas minabuti niyang paghandaan ang pagpunta sa prinsesa. Nakarating na rin ang mensahe niya kay Haring Alberto kaya maaari na siyang pumunta roon anumang oras at panahon.
"Mahal na hari, nakahanda na po ang lahat ng inyong kakailanganin para sa paglalakbay," wika ng ministro ng Armenia pagkatapos nitong magbigay-galang sa hari.
"Ang lahat po ng mga kusinero na inyong tinuruan ay handa na rin po. Gano'n din po ang mga sangkap ay naikarga na sa mga karwahe. Handang-handa na rin po ang mga kawal na sasama sa inyo..."
Ngayong araw na ang pag-alis ni haring William papuntang Florania. Pinaghandaan niya talaga ang pagpunta niya roon at sisiguraduhin niyang magiging masaya ang prinsesa sa mga gagawin niyang pakulo.
"Maghanda ka na rin, ministro. Gusto ko na sumama ka sa amin," pahayag ni Richard sa kanyang ministro na halos kaedad lang din niya. Mas pinili niya ito para hindi siya ma-pressure. Siya ang anak ng dating ministro at kahit na kaedad niya ito ay masasabi niyang matalino't magaling ito. May mga solusyon itong naiisip na napakagaling at mga payo na aakalai'y na matanda ang nagsasabi. Medyo mahiyain nga lang ito dahil isa pa lamang baguhan.
"S-Sigurado... Sigurado po ba kayo, mahal na hari?" paniniguro ng ministro. Mukhang hindi ito makapaniwala. Biglaan kasi ang pagsasabi ng hari. Maging ang sorpresa sa prinsesa ng Florania ay hindi pa nasasabi ng hari.
"Oo! Sige na, hihintayin kita sa karwahe sa baba," wika ni Richard at pagkatapos ay nagmamadaling tinungo ng ministro ang sariling silid. Ito ay para ihanda ang mga dadalhin. Kung tutuusi'y para na rin itong kaibigan ng hari. Hindi kasi nagkukwento madalas ang hari sa reyna ng mga diwata. Siguro ay dahil sa edad ng reyna. Mas komportable ang hari sa kanyang batang ministro. Doon ay naalala niya bigla na may ipapakilala nga pala si Reyna Leonora. Ang anak raw nito na isa ring diwata. Magkakasundo raw sila.
Nakahanda na ang puting karwaheng sasakyan ng hari ng Armenia. Dalawang puting kabayo ang magpapatakbo rito at parehong matitikas at malalakas ito. Halatang beterano rin ang kawal na magpapatakbo rito. Parang napaisip tuloy si Richard na mas mabilis sana kung sasakay ng eroplano. Kaso, wala na siya sa dating mundo kaya wala siyang pagpipilian.
"Paalam muna," sabi ni Richard sa palasyo.
"Wait! Richard, wait!" Sasakay na sana ang hari nang biglang may tumawag rito. Nang lingunin niya ito ay tumambad sa kanya ang ministro niya na nakaupo sa damuhan katapat ang isang babaeng nakasuot ng magandang kasuotan. Tila nagkabungguan ang dalawa.
"P-Pasensya na Binibini..." Agad humingi ng paumanhin ang Ministro sa dalaga at inalalayan itong makatayo.
Nabigla naman si haring William. Pamilyar ang dalaga. Batid niyang nakita na niya ito.
"Ayos na ako. Salamat! Pero next time... tingin din sa daan minsan." Maging ang tono ng pananalita, at ang english. Alam ng hari na wala nito sa Armenia. Nahiya naman ang ministro at humingi ng paumanhin. Sumunod doon ay siya namang pagtunghay ng dalaga sa hari. Ngumiti iyon at kumaway.
"Ri... Rina?!" bulalas ni Richard. Makailang beses pa nga niyang pinagmasdan ang dalaga. Si Rina nga ito! Ang kanyang kaibigan sa mundo ng mga tao. Paano iyon nangyari? Hindi lubos maisip ng hari.
"How are you? King William?" sambit ni Rina.
"P-Paano ka napunta dito?" Ito naman ang tanong ni Richard.
"Mamaya ko na ikekwento... tara na sumakay," sabi naman ni Rina at ito pa ang naunang sumakay sa karwahe.
"Mas excited ka pa sa akin?" pabiro namang sagot ni Richard.
"Gusto ko nang makita si Ruby..." Sabi naman ni Rina na parang pinapasaringan ang binata.
"Sandali lang... Diyan ako sa tabi at dito ka sa gitna," wika ni Richard nang pumasok na rin ito sa loob.
"Pumasok ka na rin dito, Ministro... 'Wag ka nang mahiya dito sa babaeng katabi ko." Pumasok na rin ang ministro at tila nahiya itong tumabi kay Rina. Kasunod niyon ay pasimpleng umisod ang hari na parang mas pinagdirikit pa ang dalawa. Dahil tuloy doon ay nakatunog ang dalaga at sinamaan ng tingin ang kaibigan.
MAHIGIT isandaang kusinero, dalawang-daang kawal at napakaraming sangkap sa pagluluto ang kasama ni haring William sa pagpunta ng Florania. Hindi na nga siya makapaghintay na makitang muli ang prinsesa.
Habang nasa paglalakbay sila ay doon na inilahad ni Rina ang tunay nitong pagkatao. Siya ang anak ni Reyna Leonora. Ang prinsesa ng mga Diwata.
"Alam ko lahat ng tungkol sa iyo at kay prinsesa Ruby." Dagdag pa ng dalaga. Hindi na si Richard nabigla sa mga narinig. Dahil isang diwata ang kanyang kaibigan, wala na siyang dapat pang ikagulat pa.
"S'ya nga pala... Rina, si Ariel. Ang aking Ministro. Ka-edad lang natin siya at mukhang bagay kayo." Doon naman na naisipan ni Richard na maging si Kupido.
Nahiya si ministro habang kinurot naman siya ni Rina.
"Ministro, maganda ba ang aking kaibigan?" Natatawa pa si Richard nang itanong iyon.
"Sira! Huwag mong sagutin!" sabi naman ni Rina sa ministro na tila namula.
Sineryosohan ni Haring William ng tingin ang kanyang ministro at tumikhim.
"M-maganda po siya mahal na hari. Sa totoo po'y tila nabihag niya ang nananahimik kong puso."
Natigilan si Rina at napatawa naman nang pasimple si Richard.
"Err... Nakakaasar ka!" sumbat ni Rina kay Richard. Doon ay ikinumpas nito ang kanang kamay at tiningnan nang masama ang binata.
"Ako naman!"
Biglang naglaho ang binata sa kinatatayuan nito. Nasa isang malawak na siyang hardin na napapaligiran ng mga puno.
"N-nasaan ako?"
"R-rina! Ibalik mo ako sa karwahe!"
Nakarinig ang binata ng mahinang tawa sa kanyang utak.
"Friend, pinauna na kita d'yan sa Florania. Don't worry, babalik ka rin dito after 5 minutes," wika ng babaeng may kagagawan nito, si Rina.
Napailing ang binata. May time limit pala. Naisip niyang kulang ang limang minuto. Isa pa, ni hindi nga niya batid kung narito lang sa malapit ang babaeng gusto niyang makita.
"Rina... Ibalik mo na ako riyan! Kulang ang 5 minutes."
"Ayaw ko nga! Gusto mo mandin na magkausap kami ng Ministro mo? So, this is it! Pasyal ka na lang muna d'yan, Friend... Babush!" Pagkatapos no'n ay wala nang narinig ang binata sa kanyang isipan.
Napalanghap siya ng hangin. Sariwa. Inilibot niya ang kanyang tingin. Napakaganda ng paligid. Tila paraiso. Pansin din niyang tila malayo ito sa kabahayan. Natatanaw rin niya ang palasyo sa isang malayong bahagi sa norte. Gusto niya sanang puntahan, kaso, hindi siya si Flash na kayang tumakbo nang mabilis. O si Superman na kayang lumipad.
"Isa pa rin akong normal na tao..." Nasabi niya.
Naisipan na lamang niyang maglakad-lakad. Napakaraming magagandang bulaklak sa hardin. Bigla niya tuloy naalala si Ruby. Ang mga sandaling nakasama niya ito. Ang date nila.
May tsansa nang muli niyang makita ang dalaga. Nasa Florania siya. Ito ang pinakamalapit na pagkakataon na magkita sila makalipas ang maraming mga araw at buwan. Nakaramdam siya ng kabog sa dibdib. Nanginig ang kanyang mga labi. Napasigaw siya. Umaasang maririnig ng babaeng kanyang sinisinta ang kanyang boses.
"Ruby! Ruby! Nasaan ka!?"
Nagliparan ang mga ibon sa hardin dahil sa kanyang sigaw. Tila nabaliw si Richard. Nakaramdam siya ng hiya. Napatago siya sa isang mayabong at mataas na halaman sa 'di kalayuan.
*****
SAMANTALA.
"Mahal na Prinsesa, sa'n po kayo pupunta? Hintayin n'yo po ako..." wika ng dama na kasama ni Ruby sa pamamasyal, pati tuloy ang mga kawal na kasama ay humahabol na rin. Bigla kasing may narinig si Ruby na tumawag sa kanya sa kabilang bahagi ng hardin at upang mapatunayan ay agad siyang tumakbo papunta ro'n.
"Narinig mo rin ba? Parang dito 'yon nanggaling," wika ni Ruby sa kanyang dama.
"Narinig ko rin p-po... mahal na Prinsesa. P-Pero dapat po tayong mag-ingat..." tugon naman ng humihingal niyang dama. Maging ang mga kawal niya ay gano'n din kaya pinagpahinga muna ng prinsesa ang mga ito.
"Maglalakad-lakad muna ako sa paligid," nakangiting wika ni Ruby. Parang hindi man lang siya napagod sa ginawa niyang pagtakbo at masaya pang naglibot sa hardin. Palihim din siyang nagmasid sa paligid, malakas kasi ang kutob niya na may iba pang tao rito bukod sa kanila.
Napakapit siya sa dibdib niya, sa tapat ng kanyang puso. Bigla niyang ipinagtaka ang paglakas at pagbilis ng tibok ng puso niya. Hindi ito takot o kaba. Kagaya ito nang minsang mapanaginipan niya si Richard.
"Imposibleng nandito siya..." bulong niya sa kanyang sarili.
"R-Ruby?!"
Hanggang sa isang pamilyar na boses ang tumawag mula sa kanyang likuran. Mas lalong bumilis ang tibok ng puso niya.
"Ang boses na ito... h-hindi ako maaaring magkamali..."
"Richard?!"
Pero sa paglingon niya ay isang piraso ng bulaklak ang tumambad sa kanyang harapan. Nakalapag ito sa damuhan at mukhang bagong pitas pa ito.
"R-Richard... N-Nasaan ka?" Mangiyak-ngiyak niyang sinabi pagkatapos niyang damputin ang bulaklak na kanyang nakita. Sigurado siya at hindi maaring magkamali. Si Richard ang narinig niya.
Isang dilaw na rosas, ito ang bulaklak na hawak-hawak niya habang hinahanap ang may dala nito. Malakas ang kutob niya na si Richard iyon, pero ang bulaklak niyang hawak... Bigla niyang naalala ang isang alaala ng kanyang pagkabata.
"Dilaw na rosas din ang ibinigay sa akin ng batang si Prinsipe William noon?"