Chapter 11: Miracle
NARAMDAMAN ni Richard na tila lumulutang siya dahil sa lambot ng kanyang tinatapakan. Napakaputi ng paligid at napakaliwanag. Kasalukuyan siyang nasa gitna ng isang pila ng mga taong tulad niya'y, nakaputi rin ng kasuotan. Wala siyang ideya kung anong lugar ito at kung bakit siya narito.
Sa unahan ng pila ay may isang malaking gate. Nagtataka siya kung ano ba'ng mayroon. Hanggang sa mapansin niyang papalapit na siya nang papalapit sa isang matandang lalaking nakaputi na nakaupo sa unahan ng isang lamesa. May binubuklat din itong makapal na libro sa hawat lalampas dito.
Doon ay may biglaan siyang naalala.
"Nasa langit na ba ako?" tanong niya sa sarili. Siya na ang nasa pinakauna nang mga sandaling iyon.
"Wala pa." Biglang sumagot ang nakaputing lalaki. Ngumiti rin ito sa kanya. Dahilan upang bigla si Richard kabahan.
"Pangalan?" tanong nito kay Richard.
"R-Richard po... Richard Gutierrez," medyo nauutal na tugon ng binata.
Seryoso namang binuklat ng matandang lalaki ang makapal na libro nitong hawak. Listahan pala iyon ng mga pangalan. Tila hinahanap ang pangalang sinabi ng binata. Nakailang buklat pa nga ito. Seryoso ring kinilatis si Richard. Tila ba may problema.
Napalunok ng laway si Richard.
"Iba ang pangalan mong nakasulat sa listahan. Ikaw ay si William, ang prinsipe ng kahariang Armenia." Iyon ang sinabi ng matanda na ikinabigla naman ng binata.
"Mawalang-galang na po, baka nagkamali po kayo?"
Tiningnan ni Richard ang listahan ng mga pangalan, ngunit wala roon ang kanyang pangalan. Doon ay tiningnan niya ang pangalan daw niya na sinabi ng matanda.
"Wi...lliam Zeller..." Natigilan si Richard nang makitang may litrato ang bawat pangalan sa libro. Kinusot muna niya ang mga mata niya. Kamukhang-kamukha niya ang nasa litrato.
"Ka...kambal ko ba ito? O...o... baka ka-look-a-like ko lang?" Nasambit ng binata.
"Hindi nagkakamali ang aklat anak." Wika iyon ng matanda at ngumiti rin ito pagkatapos.
"At isa pa anak... Hindi pa ito ang oras mo," dagdag pa nito at pinatunog nito ang dalawang daliri sa hangin.
"May naghihintay pa sa iyo..."
Sa isang kisap-mata'y naglaho si Richard sa kinatatayuan nito. Hindi na siya nagkaroon ng tsansa na makapagtanong. Hindi na rin niya naitanong kung patay na ba siya. Basta, naramdaman na lang niya na tila nahuhulog.
* * * * *
NATIGILAN at nabigla ang mga nasa loob ng ambulansya nang biglang bumalik ang heartbeat ni Richard. Idineklara na itong walang-buhay ngunit heto't may pulso nang muli ito.
"I-i...sa itong himala!" Naibulalas na lamang ng doktor. Mabilis nitong inasikaso muli ang pasyente. Napakaimposible ng mga nangyaring iyon para rito.
Nagulat naman sina Cherry sa nangyari. Ang nanay nito'y napakapit nang mahigpit sa kamay ni Richard. Si Ruby naman, lihim itong nagpasalamat sa mga diwata. Ang naisip nito'y, dininig na ang mga hiling nito.
Pagkadating sa ospital, mabilis na ipinasok sa operating room ang pasyenteng si Richard. Iyon ay upang maialis kaagad ang mga tumamang bala sa katawan nito.
Noon lang din unang beses na nakapasok sa loob ng ospital si Ruby. Marami siyang nais na tanong. Ngunit dahil hindi si Richard ang kanyang katabi, hindi niya ito magawa. Isa pa, tila nahihiya siya sa kapatid at ina ng binata. Tila noon lamang uli siya nakaramdam ng ganoong klase ng pakiramdam.
Agad pumunta ang tatlo sa maliit na chapel ng ospital. Lumuhod at nagdasal sila para sa kaligtasan ni Richard.
"Magiging mabuting ina na ako. Hindi ko na sila pababayaan..." dasal ng nanay nila.
"Iligtas n'yo lang po si Richard... Ipinapangako ko na magiging buo muli ang aming pamilya."
Katabi ng nanay ang anak na si Cherry. Nakapikit ito habang umaagos ang luha sa gilid ng pisngi nito.
"Iligtas n'yo po si kuya... Ngayon ko lang po siya muling makakasama... Sana po ay 'wag n'yong munang ipagkait siya amin... Please po..."
"Aalagaan ko po siya..."
Ginaya lang ni Ruby ang ginawa nila. Hindi niya kasi alam kung ano ang ginagawa nila. Tumingin lang siya nang diretso sa unahan, sa altar.
Napatitig siya sa krus at sa taong nakapako dito. Doon ay may bigla siyang naalala.
"Siya ang Panginoon. Kung taimtim kang magdadasal sa kanya ay may tyansa na matupad iyon." Bigla niyang naalala ang sinabi ni Richard sa kanya nang minsan silang pumunta ng simbahan.
Doon ay dahan-dahan siyang pumikit. Pinagdaop din niya ang kanyang mga palad.
"Hindi ko alam kung totoo ba kayo... Pero sabi niya ay magtiwala raw ako..." Dasal ni Ruby sa kanyang isip.
"Sana po'y pagalingin n'yo si Richard. Hindi ako mabuting prinsesa... Inaamin ko. Noong una ay kung ano-anong masasakit na bagay ang sinabi ko sa kanya..."
"Binalak ko rin siyang gamitin."
"Paibigin para makaganti..."
May munting luhang lumabas sa gilid ng mga mata ng dalaga.
"Ngunit... Nagkamali po ako. Hindi ko akalain na mapapasaya niya ako. Akala ko noon pag mayaman at makapangyarihan ka ay ayos na. Akala ko magagawa ko lahat ang aking gusto dahil isa akong prinsesa... Pero nagkamali ako. Hindi ko batid... na sa simpleng pamumuhay ay magagawa kong maging masaya..."
"Kaya nga ako pinarusahan, dahil iresponsable ako. Sarili ko lang ang aking iniisip..."
"Dahil sa parusang ito, nalaman kong napakasama ko pala. Gusto kong makabalik ng Florania pero tatanggapin ko kung hindi na. Ayos lang sa akin kung habambuhay na ako rito sa mundo nila... kung ang kapalit naman noon ay ang kaligtasan ng lalaking bumago sa akin..."
"Sa... lalaking iniibig ko." Napahikbi na ang dalaga hanggang sa naramdaman niyang may yumakap na mga bisig sa kanya. Si Cherry iyon.
"A-Ate, ayos ka lang ba?" tanong nito. Umiiyak na kasi si Ruby.
"Magiging maayos din si kuya..." Binigyan ni Cherry ng isang maaliwalas na ngiti si Ruby. Dahil doon ay napapunas ng luha ang dalaga.
"Nga pala. I'm Cherry... Ikaw ate? Ano'ng pangalan mo?"
Dahil kasi sa mga nangyari ay hindi na rin nila nagawang makapag-usap nang ayos. Magkakilanlan.
"R-Ruby!" sagot ng dalaga.
"Nice name ate. 'Wag kang mag-alala. Alam ko na malulusutan ito ni kuya!" Kampanteng pahayag ni Cherry. Mas pinili nitong ipakitang magiging maayos ang lahat sa kabila ng mga nangyari sa kanila.
Matapos nilang magdasal ay kaagad silang pumunta na sila sa labas ng operating room. Hinintay nila lumabas ang doktor.
Napatayo nga silang tatlo nang bumukas ang pinto makalipas ang ilang oras. Lumabas na ang doktor na kasalukuyang nag-tatanggal ng mask sa bibig.
"D-doc... Kumusta po ang lagay ng anak ko?" bungad ng nanay nina Richard.
"Kayo po ba ang magulang ng pasyente?"
"Opo, ako nga po."
"Ligtas na po siya."
Nakahinga nang maluwag sina Cherry nang marinig iyon.
"Napakaswerte ng anak ninyo. Hindi pala direktang tinamaan ng bala ang kanyang puso..."
"Maayos naming nagawa ang operasyon. Stable na ang kondisyon niya Misis." Nakangiting dinagdag pa ng doktor.
Napangiti sa labis na kasiyahan ang mag-ina. Nabunot ang tinik sa dibdib nila nang marinig nila iyon.
"K-kumusta na raw po ang kalagayan ni Richard?" Biglang naitanong ni Ruby. Hindi kasi niya naintindihan ang sinabi ng doktor.
"Ligtas na si Richard iha..." sagot ng nanay nina Cherry.
Napakalaki ng inginiti ni Ruby. Napakasaya ng mga mata niya nang marinig iyon.
"Ta...Talaga po? Makakauwi na po ba tayo?" Napakapit pa siya sa kamay ng ina ni Richard at nagtata-talon sa tuwa.
Medyo nagulat sila sa ikinilos ni Ruby. Pati na rin sa itinanong ng dalaga.
"I-Iha, hindi pa. Oobserbahan siya rito sa ospital." Sagot kay Ruby.
"Ah... Ospital po pala ang tawag dito?" Iniikot ni Ruby ang tingin niya sa paligid.
"Ngayon lang ako nakakita ng ganitong disenyo... Os-pi-tal. Ospital!"
Medyo nawirduhan si Cherry sa ikinilos ni Ruby. Pero napangiti ito nang 'di inaasahan.
"Nakakatuwa ka ate. Kaya ka siguro nagustuhan ni kuya..." Pinamulahan naman si Ruby sa sinabing iyon ni Cherry.
Matapos iyon, naiwan muna si Ruby sa ospital para bantayan si Richard. Umalis muna sina Cherry at ang ina nito para pumunta sa prisinto at para maghanap na rin ng perang ipambabayad sa ospital.
* * * * *
ISANG puting kisame ang bumungad sa mga mata ni Richard nang imulat niya ang kanyang mga mata. May naramdaman siyang masakit sa kanyang katawan kaya 'di niya magawang makabangon.
"Nasaan ba ako?" Ito ang kanyang tanong sa sarili hanggang sa makapakinig siya ng kaluskos sa tabi niya. Pinilit niyang lingunin iyon.
Isang matanda ang kanyang nakita. Inaayos nito ang mga prutas sa lamesa. Ang ipinagtataka niya, tila kanyang nakita na ito. Doon nga'y tila kidlat na tumama sa kanyang isip ang isang alaala.
"P-paanong..." Naalala niya ang matanda. Ito ay iyong kanyang tinulungan noong isang araw. Napaisip tuloy siya kung paano ito napunta rito.
Naalala rin niya ang mga nangyari sa kanya at alam na rin niya kung nasaan siya.
Napalingon ang matanda sa kanya.
"Gising ka na pala..."
"Nasa ospital ka iho." Ngumiti pa ito sa kanya.
"Teka lamang iho, ako'y pupunta muna sa banyo," biglang paalam ng matanda. Nang isara nito ang pinto ng CR ay siya namang pagbukas ng pinto ng silid na kinalalagyan niya.
Pumasok si Cherry, ang kanyang nanay at si Ruby.
"Mama! Gising na si Kuya!" Napatakbo si Cherry sa tabi ni Richard.
Napangiti si Richard. Naalala niyang nabaril siya nang ilang beses. At nakaligtas siya. Bigla niya tuloy naisip sina Hanz.
"A-ano ng...nga palang nangyari sa hayop na si Hanz!?" Tanong ni Richard at sumeryoso ang nanay niya at si Cherry.
Nilapitan siya ng kanyang ina. Ngunit imbis na tignan ito ni Richard ay umiwas siya. Naalala niya ang pag-iwan nito sa kanya.
"Nakakulong na sila..."
"Nang makalabas mula sa ospital si Hanz ay dinala na rin ito sa presinto," malamyang tugon ng nanay niya nang makitang umiwas siya. Napatingin din ito kay Cherry.
"Cherry..."
"Pwede bang makausap ko muna ang kuya mo?" sabi nito sa anak.
"Yes 'ma..." tugon ni Cherry.
"Ate, tara muna sa labas..." sabi pa nito kay Ruby.
Naiwan sa loob ang nanay ni Richard kasama ang anak nito. Natahimik ang loob ng kwarto. Ayaw ng binatang magsalita dahil wala siyang nais sabihin.
"Anak..." Hinawakan ng nanay ni Richard ang kamay ng anak.
"Sa-sabihin mo kung ano ang dapat kong gawin para mapatawad mo ako..."
Lumampas lamang sa kabilang tainga ni Richard ang mga salitang iyon. Nakatingin lamang siya sa kawalan.
"Kung kinakailangang lumayo ako sa inyong magkapatid ay gagawin k...ko." Humikbi ang nanay ni Richard. Nangilid ang luha nito.
"Gu...sto... k-ko... k-k...asing makabawi sa'yo... P-p...ati na rin sa kapatid mo..."
Napapikit na lang si Richard nang marinig iyon.
"Wala akong kwentang nanay..." dagdag pa ng kanyang ina at napaiyak na ito.
Isang alaala ang biglang naalala ni Richard. Isang alaala mula noong bata pa siya. Isang araw na nagkalagnat siya at inalagaan siya ng kanyang nanay.
"Mama... Bakit 'di po kayo pumasok sa trabaho?" tanong ni Richard.
Ngumiti ang kanyang nanay habang pinupunasan ng basang bimpo ang noo niya.
"S'yempre, aalagaan ka ni mama. Mas prayoridad kita anak..."
Napangiti si Richard dahil naramdaman niya ang pagmamahal ng kanyang ina.
"I love you mama..." Nakangiting sabi ng batang si Richard.
"Mama, mahal mo ba ako?"
Ngumiti ang kanyang nanay at binigyan ng munting halik sa noo ang anak.
"Syempre, love na love ka ni mama. Kaya nga lagi ko kayong sinisermonan ni Cherry."
Niyakap nito si Richard. Punong-puno iyon ng pagmamahal.
"Hinding-hindi ko kayo pababayaan..."
"Pangako anak..."
Napaiyak na si Richard habang inaalala iyon. Iyon ang araw na narinig niyang nangako ang kanyang nanay. Aminado siyang may poot siya sa dibdib para sa kanyang ina. Ngunit... Mahal na mahal niya ito. Alam niyang mapapatawad niya ang nanay niyang nagluwal sa kanya.
Lahat ng tao ay nagkakamali. Kung ang Diyos nga'y nagawang magpatawad... Para kay Richard, sino ba siya para hindi patawarin ang nagsisisi at umiiyak niyang ina sa kanyang tabi nang mga sandaling iyon.
"Sige 'nak. Hihintayin ko ang araw na mapapatawad mo ako..." Pinunas ng kanyang nanay ang luha nito. Hindi gaanong emosyonal ang kanyang nanay kaya napakabihira nitong umiyak. Kaya ang pagluha nito ay sumisimbolo ng sinseridad nito. Luhang nakalaan para sa mahal nito sa buhay.
Tumalikod na ito at naglakad upang lumabas. Ngunit tinawag ito ni Richard.
"N'ay..."
"S-Sana... Bumalik na tayo sa dati... 'Yong masayang pamilya..."
"Pamilyang tulad no'ng buhay pa si tatay. 'Yong kahit hirap tayo ay hindi tayo nag-iiwanan..."
"Pinapatawad ko na po k-kayo N...n'ay..." Napaluha nang kaunti si Richard. Napatigil naman ang kanyang nanay. Hindi ito humarap. Umiiyak ito.
Kahit sino'y may pagkakataong mapatawad. Lalo na kung mahal natin ito sa buhay. Sa dinami-raming nagiging kasalanan ng isang anak sa kanyang magulang. May mga bagay na 'di tayo napapansin. Iyon ay palagi pa rin silang nasa tabi natin kahit ano pa man ang mangyari at magawa natin.
MASAYANG pumasok si Cherry matapos makalabas ng kanilang nanay mula sa kwarto. Marami si Richard gustong ikwento sa kapatid. Labis niya itong na-miss. Ang pinakamamahal niyang kapatid.
Sandali rin siyang napasulyap kay Ruby. Kakaiba ito. Seryoso ito. Naisip ni Richard sa sarili na baka nahihiya ito.
"Oo nga pala..." Biglang may naalala si Richard.
"Pakikatok mo nga si Lola sa CR?"
"L-Lola?" Pagtataka ni Cherry at agad na pumunta sa CR. Kinatok nito ang pinto ngunit walang sumasagot. Nang buksan nga ito'y wala namang tao.
"Wala naman kuya?" sabi ni Cherry.
Biglang napaisip tuloy si Richard. Bahagya siyang nagulat. Hindi siya maaaring magkamali. Nakita niya lang ang matanda kanina na pumasok sa CR.
"P-pero..." Hindi na nagsalita pa si Richard. May kakaibang kaba siyang naramdaman. Napaisip tuloy siya na baka multo ang matandang nakita niya. Pero imposible raw dahil nakita niya na rin ito dati.
"T-Teka saan nagpunta si nanay?" Naitanong ni Richard.
"May pupuntahan daw siya kuya..." sagot ni Cherry.
Umupo si Cherry sa tabi ni Richard. Pinalapit pa nito si Ruby.
"Kuya wala ka bang sasabihin kay Ate?" Tanong ng kapatid ni Richard na tila kinilig pa.
Napatawa na ewan si Richard. Pero napansin niyang walang kibo si Ruby. Parang ang seryoso. Hindi iyon ang Ruby na nakasanayan niya.
"Kuya... Lalabas muna ako..." Tumayo na si Cherry at lumabas. Bago iyon ay nginitian pa nito ang kapatid at nakuha iyon ni Richard.
Tila walang nangyari kay Cherry kung titingnan. Masayahin at magiliw kasi ito. Batid naman ni Richard na tinatago lang ng kanyang kapatid sa dibdib ang pinagdaanan nito. Pero gaya ng laging ginagawa ni Cherry. Tinatawanan lang nito ang problema at alam na alam ito ng binata.
Doon ay kay Ruby na siya napatingin.
"B'at ang tahimik mo?" tanong niya kay Ruby.
Nagulat si Richard nang hawakan ng dalaga ang kamay niya. Nanginginig ang labi nito. Hanggang sa biglang tumulo ang luha nito.
Napapitlag si Richard nang yakapin siya ni Ruby. Alalay lamang iyon dahil may sugat siya. Ngunit imbis na kabahan siya dahil dito at parang mas gumaan ang kanyang pakiramdam.
"P...pinag-alala mo a-akong l...lalaki ka. Akala ko iiwanan mo na ako..." sabi ni Ruby. Iyon di ang unang beses niyang nakitang umiyak ang dalaga. Isang totoong pagluha.
"M-M...abuti na lang at ligtas ka... Paano kung nawala ka, sino nang gugulo sa buhok ko?"
"S...sino nang magpapasyal sa akin sa parke?"
"A-ang magbibili sa akin... ng matamis na bulak? N...niyong malamig na pagkain?"
"Sino nang magbibili ng prutas? Sinong makakasama ko sa bahay mo?"
"Na...ngako ka pa na kakain tayo doon sa may malaking bubuyog..."
Natigilan si Richard. Biglang may kuryenteng dumaloy sa mga ugat niya nang marinig iyon.
"Ruby..."
Pakiramdam niya'y labis ang pag-aalala sa kanya ng dalaga.
"'W-Wag ka ng umiyak... Kaya nga buhay pa ako." Masuyong hinaplos ni Richard ang buhok ng dalaga.
"Kasi alam ko na hinihintay mo ako..."
Iniangat ni Ruby ang mukha nito. Nagkatinginan silang dalawa. Nakikita ni Richard ang pagluha ng dalaga.
Pinunasan ng binata ang luha ng dalaga gamit ang kanyang mga daliri. Napangiti siya habang pinagmamasdan ang mukha ni Ruby. Maganda ito, ngunit mas lalo itong gumanda sa kanyang mga mata nang tumagos sa kanya ang mga narinig mula rito. Hindi niya lubos maisip na iiyakan siya ng dalaga... Ng isang prinsesa.
Nagkatitigan kami. Mabuti na lang at naiigalaw ko ang isa kong kamay.
"Tahan na. Alam mo namang hindi ako sanay na umiiyak ka..."
"Nasanay akong maingay ka. Reklamador. Pulaera... At walang pakialam sa mga nasa paligid mo..." seryosong sinabi ni Richard.
"Akala ko dati'y wala kang pakialam sa akin pero mali yata ako..." Napangiti ang binata.
"Masaya ako... Kasi nandito ka."
"Kaya sana dumating ang araw na makabalik ka sa inyo, sa kahariang kinagisnan mo..."
"Pero habang narito ka pa... Akong bahala sa iyo. Aalagaan kita. Pangako ko sa iyo... Ruby."
Maingat muling niyakap ni Ruby si Richard. Umiiyak pa rin ito.
"A-ayaw ko nang bumalik sa Florania..."
"Dito lang ako sa tabi mo..."
"G-gusto kitang mak...asama palagi... Richard..."
Natigilan si Richard sa kanyang mga narinig. Pakiramdam niyang inililipad siya sa ere. Ang mga narinig niyang iyon, tila napakalaki ng epekto sa kanya. Hindi niya lubos maisip na sasabihin iyon sa kanya ng dalagang si Ruby.