Chereads / POWER OF DESIRE 2 / Chapter 4 - KABANATA 3 "EVERLASTING"

Chapter 4 - KABANATA 3 "EVERLASTING"

KINABUKASAN ay maaga silang umalis ni James para mag-almusal. At mamili narin ng supplies na kakailanganin nila sa loob ng dalawang linggo na pananatili nila sa Baguio.

"Sure ka willing kang magluto? Kasi wala namang problema kung kakain tayo sa labas, ayokong mapagod ka," si James habang naglilista siya ng mga bibilhin nilang fresh goods sa grocery.

Pang-isang linggong supply ng mga sariwang pagkain ang bibilhin nila sa grocery habang pang dalawang linggo naman para sa dry goods.

"Ano ka ba, dati ko naman ginagawa ang ganito hindi ba? Kahit noong nasa resthouse pa tayo sa San Benjamin?" aniyang tinawanan ang asawa saka sandaling sinulyapan.

Nagbikit lang ng balikat si James saka nagbuka ng bibig para magsalita pero naunahan niya ito kaya hindi na naituloy pa ng kaniyang asawa ang ibig nitong sabihin.

"Nagpuyat ka ba kagabi?" tanong ni Aria sa asawa.

Nagsalubong ang mga kilay ni James. "Kagabi? Eh hindi ba?" makahulugan nitong sabi sa tono na nagpapaalala.

Mabilis na pinamulahan si Aria sa sinabing iyon ni James matapos niyang makuha ang ibig nitong sabihin. "Tumigil ka," aniyang hindi napigilan ang matawa ng impit. "alam mo kung ano ang ibig kong sabihin James. Pagkatapos nung ano," aniyang tumawa ulit saka pinilit na itinuloy ang sinasabi. "bumangon ka naman ang nagtrabaho ano?" sita niya sa kabiyak.

Noon tumawa ng mahina si James saka siya nilapitan at mahigpit na niyakap. "Oo na, tulog na tulog ka nga pero hindi parin ako makapagsisinungaling sa'yo. Soul mate nga tayo," sabi ni James na hinalikan siya sa ulo.

Naiiling na itinuloy ni Aria ang ginagawa. "Masyado kang workaholic. Ipapahinga mo nalang nilalaan mo pa sa trabaho. Hindi naman lahat ng bagay naibibigay at nabibili ng pera,James. Kaya sana alagaan mo ang sarili mo para makasama kita ng matagal, pati narin itong anak natin," sa huling sinabi ay wala sa loob na hinaplos ni Aria ang maliit na tiyan.

Totoo naman kasi iyon.

Masyadong masipag si James.

Oo at hindi ito nagkukulang ng oras para sa kanya. Pero kahit hindi ito magsalita alam niya na napapagod rin ito ng husto.

Noon siya muling niyakap ng kaniyang asawa. "Sorry na, promise hindi ko na uulitin. Hindi lang talaga maiiwasan kung minsan sa sobrang dami ng trabaho," paliwanag nito saka kumilos at tumalungko sa harapan niya.

"Gusto kitang bigyan ng magandang buhay, pati narin ang anak natin at maging ang magiging mga apo natin, kaya ako nagsusumikap," si James na sinapo ang kaniyang mukha.

Humaplos sa puso ni Aria ang sinabing iyon ng kaniyang asawa kaya siya matamis na napangiti. "Alam ko, kahit hindi mo sabihin alam kong iyon ang dahilan mo. Hindi ba at ikaw narin ang nagsabi na soulmate tayo? Pero James, ang gusto ko lang alagaan mo rin ang sarili mo. Para matagal kitang makasama, iyon lang naman. Iwasan mo ang pagpupuyat at sana kapag nasa bahay kana iwan mo sa opisina ang lahat ng trabaho, ganoon lang sana," paliwanag ni Aria.

Noon kumilos si James saka siya mainit na hinalikan sa mga labi. "I love you," ang tanging nasabi nito matapos pakawalan ang kaniyang mga labi.

"I love you too, tatapusin ko lang ito. Tapos alis na tayo," aniya nang makitang kumilos si James para pumasok ng banyo.

Tumango lang ang asawa niya sa sinabi niyang iyon.

SA isang coffee shop sila kumain ng almusal ng kaniyang asawa. Pasado alas-otso palang naman kaya naisip nilang baka wala pang bukas na grocery. Pero nang magtanong sila sa mga guard na duty sa kapihan na iyon ay may itinuro ito sa kanila na supermarket na mas maaga kung magbukas kaya doon sila nagpunta ng ni James.

Sa labas ng supermarket nakita nila ang nakahilerang tindahan ng mga bulaklak na sa pagkakatanda ni Aria ay madalas niyang makita sa altar ng mga tahanan at kung minsan, simbahan.

May garland style at mayroon ding bouquet.

"Oh, bakit?" nang mapuna niyang pinagmamasdan pala siya ni James habang nakangiti ay naitanong ni Aria.

Umiling ang asawa niya pero nakangiti parin. "Let's go?" tanong nito sa kaniya pagkatapos.

Tumango siya saka na sila magkasamang pumasok sa loob ng supermarket.

Hindi naman sila natagalan sa pamimili dahil nang mga oras na iyon ay wala pang masyadong tao at wala ring pili sa counter. Matapos nilang maisakay sa likuran ng dala nilang kotse ang mga pinamili nila ay nagpaalam sandali sa kaniya si James na may bibilhin lang.

Tumango lang siya saka naupo na sa passenger seat.

Saktong naikabit na niya ang kaniyang seatbelt nang bumalik si James dala ang isang pumpon ng pamilyar na bulaklak.

"Para sa iyo," ang asawa niyang ngiting-ngiti habang ang mga mata ay nangingislap sa labi na kaligayahan.

Taka niyang pinaglipat-lipat ang paningin kay James at sa mga bulaklak na nasa kamay nito. "Eh hindi ba sa altar inilalagay ang mga iyan?" aniya pa.

Amuse na pinagmasdan siya ng kaniyang asawa. Pagkatapos ay yumuko ito saka siya siniil ng isang napakatamis at napakaalab na halik sa kaniyang mga labi.

Mabilis ang naging epekto ng halik na iyon kay Aria kaya naman agad niya iyong tinugon sa kaparehong paraan.

"Mahal na mahal kita, salamat at kasama kita sa buhay ko ngayon, Love," si James nang pakawalan nito ang kaniyang mga labi.

Ngumiti lang si Aria kaya muling nagsalita si James.

"Everlasting ang tawag sa bulaklak na iyan, pero kilala rin siya as strawflower. Familiar ka naman diyan hindi ba?" tanong ni James na nakangiti.

Tumango si Aria. "Oo naman," aniyang amuse na tinitigan ang mga bulaklak.

"Nakita ko kasing tinitingnan mo kanina. Hindi ba maganda sila? Ang mainam pa hindi iyan agad nalalanta, at kapag natuyo parang papel, kahit hindi mo agad itapon okay lang. Kaya nga siguro pinangalanan silang everlasting," ani James na makahulugan siyang pinakatitigan saka masuyong hinaplos ang kaniyang pisngi.

Mabilis na napuno ng tuwa ang puso ni Aria dahil sa sinabing iyon ng kaniyang asawa. Alam niya kung ano ang ibig ipaunawa sa kaniya ni James. At alam rin niya kung ano ang ibig sabihin nito kaya siya binigyan ng ganitong bulaklak ng kabiyak.

"Ang pagmamahal ko sa'yo walang katapusan, walang hanggan. Parang ang mga bulaklak na hawak mo," ang pagpapatuloy ni James saka inabot ang kamay niya at masuyong hinalikan.

Noon nangilid ang mga luha sa mata ni Aria. Naalala niya ang unang bulaklak na ibinigay sa kaniya noon ni James, pina-preserve niya iyon at naka-display na ngayon sa kanilang kwarto sa resthouse sa San Benjamin.

Ang sabi ng nag-preserve ay maaari iyong magtagal ng tatlo hanggang limang taon.

Pero ngayon, kahit gaano man kasimple ang mga bulaklak na hawak niya. Hindi niya maunawaan kung bakit iba ang kaligayahang hatid ng mga iyon sa kaniyang puso.

Dahil ba sa sinabi ni James?

O dahil katulad ng pagmamahalan nila, kahit hindi niya ipa-preserve ang mga bulaklak na ito ay alam niyang magtatagal. At kahit matuyot na, alam niyang magmimistula lamang iyong mga papel, pero buo parin, may ganda parin.

"Halika na? Para makapamasyal pa ulit tayo mamaya?" makalipas ang sandali ay winika na ni James sa kaniya.

Tumango siya, saka sa pagkakataong iyon ay siya naman ang gumagap sa kamay ni James. Kinuha niya ang isang tangkay ng isa sa pumpon ng mga bulaklak na ibinigay nito sa kaniya saka iyon inilagay sa palad ng kaniyang mister.

"Ang pagmamahal ko sa iyo, katulad rin ng bulaklak na iyan, walang hanggan. Kaya dumating man ang araw na magkahiwalay tayo, tandaan mo na may sariling paraan ang puso ko kung paano ako makababalik sa iyo," ang madamdaming hayag ni Aria saka inabot at hinalikan ang gwapong pisngi ng asawa niya.